Kapag May Kanser ang Iyong Anak
“Para akong pinagsakluban ng langit at lupa. Namighati ako na para bang patay na ang aking anak na babae.”—Jaílton, nang matuklasang may kanser ang anak niya.
TALAGANG nakapanlulumo kapag nalaman mong may kanser ang iyong anak. Baka ikatakot mo pa nga ito. Gaano kadalas ba itong mangyari? Ayon sa International Union Against Cancer, bagaman ang “kanser sa mga bata ay maliit na porsiyento lang ng lahat ng uri ng kanser, taun-taon, mahigit 160,000 bata [sa buong mundo] ang natutuklasang may kanser at ito ang pangalawa, kasunod ng aksidente, na pinakakaraniwang sanhi ng kamatayan ng mga bata sa mauunlad na bansa.” Halimbawa, “tinatayang may 9,000 bagong kaso ng kanser sa mga bata taun-taon” sa Brazil, ang sabi ng National Institute of Cancer.
Ang kanser sa mga bata ay “isang matinding dagok at pahirap sa lahat ng miyembro ng pamilya,” ang sabi ng aklat na À margem do leito—A mãe e o câncer infantil (At the Bedside—The Mother and Child Cancer). Kadalasan, kapag natuklasang may kanser ang isang bata, kailangan siyang sumailalim sa operasyon, pati na sa chemotherapy o radiation o baka sa dalawang ito pa nga, at mararanasan niya ang di-magagandang side effect ng mga ito. Nagdudulot naman ito ng trauma sa mga magulang, pati na ng takot, lungkot, paninisi sa sarili, at galit. Hindi rin nila ito matanggap. Paano ito haharapin ng mga magulang?
Siyempre pa, malaki ang maitutulong ng nagmamalasakit na mga propesyonal sa medisina para maaliw ang mga magulang. “Makapagbibigay sila ng nakapagpapatibay na impormasyon, at maipaliliwanag nila ang posibleng mga side effect. Puwedeng makabawas sa trauma ang impormasyong ito,” ang sabi ng isang doktor mula sa New York na nakatulong sa maraming pasyenteng may kanser. Makapagbibigay rin ng kaaliwan ang mga magulang ng mga batang nagkakanser. Kaya naman ininterbyu ng Gumising! ang lima sa mga ito na nakatira sa Brazil.
● Jaílton at Néia “Dalawang taon at kalahati ang aming anak na babae nang malaman naming mayroon siyang acute lymphoblastic leukemia.”
Gaano katagal siya ginamot?
“Nag-chemotherapy siya sa loob ng dalawa’t kalahating taon.”
Anong mga side effect ang naranasan niya?
“Lagi siyang nagsusuka at nalagas ang buhok niya. Nangitim ang kaniyang mga ngipin. At tatlong beses siyang nagkapulmonya.”
Ano ang nadama ninyo?
“Nung una, nataranta kami. Pero nang makita naming bumuti ang kalusugan niya, lumakas ang loob namin na gagaling siya. Halos siyam na taóng gulang na siya ngayon.”
Ano ang nakatulong sa inyo na harapin ang nakapanlulumong sitwasyong ito?
“Tiyak na ito ay ang tiwala namin sa Diyos na Jehova, na ‘umaliw sa amin sa lahat ng aming kapighatian,’ gaya ng sinasabi ng Bibliya sa 2 Corinto 1:3, 4. Malaking suporta rin ang ibinigay ng aming mga kapatid na Kristiyano. Nagpadala sila ng nakapagpapatibay na mga liham, tinawagan nila kami, nanalangin silang kasama namin at ipinanalangin nila kami, at tinulungan pa nila kami sa mga gastusin. Noong kailangang ilipat ng ospital sa ibang state ang aming anak, pinatuloy kami ng mga Saksi roon at naghalinhinan sila sa paghahatid sa amin sa ospital. Kulang ang mga salita para pasalamatan ang lahat ng tumulong sa amin.”
● Luiz at Fabiana “Noong 1992, nalaman namin na ang aming anak ay may kakaiba at agresibong kanser sa obaryo. Onse anyos lang siya noon.”
Ano ang unang reaksiyon ninyo?
“Hindi namin matanggap na may kanser ang aming anak.”
Paano siya ginamot?
“Sumailalim siya sa operasyon at chemotherapy, kaya nasaid ang lakas namin at hirap na hirap ang aming kalooban. Dalawang beses siyang nagkapulmonya, at muntik pa nga siyang mamatay noong pangalawa. Bumagsak din ang bilang ng kaniyang platelet kaya nagdurugo ang kaniyang balat at ilong. Pero nakatulong sa kaniya ang mga gamot.”
Gaano katagal siya ginamot?
“Inabot nang mga anim na buwan mula noong unang biopsy hanggang sa huling sesyon ng chemotherapy.”
Ano ang nadama ng anak ninyo nang matuklasan ang sakit niya at nang ginagamot na siya?
“Nung una, wala siyang alam sa sakit niya. Sinabi ng doktor na mayroon siyang ‘maliit na bola sa kaniyang tiyan na kailangang tanggalin.’ Nang maglaon, naintindihan niya na malubha ang lagay niya. ‘Daddy, may kanser ba ako?’ ang tanong niya. Hindi ko alam kung paano siya sasagutin.”
Ano ang nadama ninyo nang makita ninyong nahihirapan ang inyong anak?
“Mahirap ipaliwanag ang kirot na nadama namin. Halimbawa, napakasakit panoorin ang anak mo habang tinutulungan niya ang nars na maghanap ng ugat para sa chemotherapy. Kapag hindi ko na kaya, pumupunta ako sa banyo para umiyak at manalangin. Isang gabi, nang gulung-gulo ang isip ko, hiniling ko kay Jehova na ako na lang ang mamatay sa halip na ang anak ko.”
Ano ang nakatulong sa inyo na harapin ang sitwasyong ito?
“Malaking tulong ang pampatibay ng mga kapatid na Kristiyano. Ang iba ay tumawag pa mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ipinakuha sa akin ng isang minamahal na brother ang aking Bibliya. Pagkatapos, binasa niya ang ilang talata mula sa aklat ng Mga Awit. Kailangang-kailangan naming mag-asawa na marinig ang mga tekstong iyon dahil pinagdaraanan namin noon ang isa sa pinakamahirap na yugto ng pagpapagamot ng aming anak.”
● Rosimeri “Apat na taon ang aking anak na babae nang matuklasang mayroon siyang leukemia.”
Ano ang unang reaksiyon mo?
“Hindi ako makapaniwala. Araw-gabi akong umiiyak at humihingi ng tulong sa Diyos. Hirap na hirap din ang kalooban ng isa ko pang anak na babae nang makita niya kung gaano kalubha ang sakit ng kaniyang kapatid. Pinatira ko pa nga siya sa bahay ng nanay ko.”
Anong mga side effect ang naranasan ng iyong anak?
“Naging anemik siya dahil sa araw-araw na pagpapa-chemotherapy, kaya binigyan siya ng mga doktor ng iron supplement at erythropoietin para tumaas ang bilang ng pulang selula ng kaniyang dugo. Binabantayan din namin ang kaniyang blood count. Lagi rin siyang nagkakaroon ng seizure.”
Gaano katagal siya ginamot?
“Dalawang taon at apat na buwan siyang sumailalim sa intensive chemotherapy. Nang panahong iyon, nalagas ang kaniyang buhok at tumaba siya. Mabuti na lang at masayahin siya. Pagkaraan nang mga anim na taon, sinabi ng mga doktor na wala na siyang palatandaan ng kanser.”
Ano ang nakatulong sa inyo na harapin ang napakahirap na sitwasyong ito?
“Madalas kaming manalangin ng anak ko, at pinag-usapan namin ang tapat na mga lingkod ng Diyos sa Bibliya na dumanas ng iba’t ibang pagsubok. Isinapuso rin namin ang sinabi ni Jesus sa Mateo 6:34 na huwag nating idagdag sa ating mga álalahanín sa ngayon ang kabalisahan para sa kinabukasan. Malaking tulong din ang mga kapuwa Kristiyano, kasama na ang Hospital Liaison Committee sa aming lugar, at ang mapagmalasakit na mga staff ng ospital, na laging napapaharap sa ganitong mga sitwasyon.”
May kakilala ka bang bata na may kanser, marahil ay kapamilya mo pa nga? Sana’y makatulong sa iyo ang sinabi ng mga ininterbyu para maunawaang normal lang ang iyong nadarama. Gaya ng sinasabi ng Bibliya, may “panahon ng pagtangis.” (Eclesiastes 3:4) Higit sa lahat, manalig ka na aaliwin ng tunay na Diyos, si Jehova, na tinatawag na “Dumirinig ng panalangin,” ang lahat ng taimtim na lumalapit sa kaniya.—Awit 65:2.
[Kahon sa pahina 13]
Mga Tekstong Nagbibigay ng Kaaliwan
“Huwag alalahanin ang bukas sapagkat bahala ang bukas na mag-alala sa kanyang sarili. Sapat na sa bawat araw ang sariling hirap nito.”—Mateo 6:34, Biblia ng Sambayanang Pilipino.
“Pagpalain nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa amin sa lahat ng aming kapighatian.”—2 Corinto 1:3, 4.
“Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”—Filipos 4:6, 7.
‘Ihagis ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.’—1 Pedro 5:7.
[Kahon/Larawan sa pahina 14]
Isang Maibiging Kaayusan
Sinisikap ng mga Hospital Liaison Committee (HLC) ng mga Saksi ni Jehova na magkaroon ng pagtutulungan sa pagitan ng mga ospital at pasyente. Kaya naman, tinutulungan ng mga HLC ang mga pasyenteng Saksi na makahanap ng mahuhusay na doktor na gagalang sa kanilang pagnanais na sumunod sa utos ng Bibliya na “umiwas . . . sa dugo.”—Gawa 15:20.
[Larawan sa pahina 13]
Sina Néia, Sthefany, at Jaílton
[Larawan sa pahina 13]
Sina Luiz, Aline, at Fabiana
[Larawan sa pahina 13]
Sina Aline at Rosimeri