Pagmamasid sa Daigdig
Ayon sa ulat ng Arab Road Safety Organization na nasa Tunisia, mahigit 500,000 aksidente sa daan ang nagaganap sa mga bansang Arabe taun-taon, kung saan mahigit 36,000 ang namamatay.—REUTERS NEWS SERVICE, TUNISIA.
“Ayon sa isang surbey, ang mga tinedyer na Tsino ay sa Internet nakakakuha ng pinakamaraming impormasyon tungkol sa sex dahil hindi ito gaanong itinuturo sa eskuwelahan at sa tahanan.”—CHINA DAILY, CHINA.
Naninilip na Webcam
Inaresto kamakailan ng mga pulis sa Germany ang isang lalaki na inakusahang naninilip sa mga kuwarto ng maraming kabataang babae gamit ang sariling Webcam ng mga ito. Sinasabing nahulaan ng hacker ang simpleng password ng isang account sa Internet kaya na-access din niya ang impormasyon tungkol sa ilang kabataan. Diumano’y ginamit niya ang unang account para makapagpadala ng malware (malicious software), na kunwari ay screen saver, sa mga kaibigang babae ng biktima—kaya nakontrol niya ang computer ng mga kaibigan ng biktima at nagamit ang Webcam nila. Nang pasukin ng mga imbestigador ang apartment ng hacker, mayroon siyang tatlong milyong larawan at siya’y “nakakonekta sa computer ng 80 kabataang babae nang hindi nila alam,” ayon sa Aachener Zeitung.
Mga Bagong-Tuklas na Wika
Ang mga lingguwistang nagsusuri sa mga di-kilaláng wika na Aka at Miji—ginagamit sa estado ng Arunachal Pradesh na nasa hilagang-silangan ng India at katabi ng Bhutan at ng China—ay nakatuklas ng isa pang lokal na wika, ang Koro. “Ang wikang ito ay hindi dokumentado, hindi pa kilalá, at wala pa sa rekord,” ang sabi ng mananaliksik na si Gregory Anderson, direktor ng Living Tongues Institute for Endangered Languages. Hindi ito nadiskubre agad dahil mga 800 katao lang ang gumagamit nito sa isang lugar na hindi basta-basta napapasok. Noong 2009, 24 na wika ang natuklasan sa isang lugar sa China kung saan dati’y isa lang ang iniuulat na wika.
Mga Baboy-ramong Radioactive
“Mula noong 2007, tumaas nang apat na beses ang ibinabayad ng gobyerno [ng Germany] sa mga mangangasong walang kita dahil sa mga baboy-ramong radioactive,” ang ulat ng Spiegel Online. Maraming mangangaso ang nagbebenta ng karne ng baboy-ramo para kainin ng tao, pero ipinagbawal ng gobyerno ang pagbebenta ng karneng may mataas na level ng cesium-137, isang radioactive na elemento na kumalat dahil sa aksidente sa Chernobyl 25 taon na ang nakararaan. Madaling makontamina ang mga baboy-ramo dahil mahilig sila sa “mga kabute at truffle, na maraming naa-absorb na radioactivity,” ang sabi ng Spiegel. “Siyempre pa, lumalaki ang ibinabayad ng Germany, hindi dahil sa pagtaas ng level ng kontaminasyon kundi dahil sa mabilis na pagdami ng mga baboy-ramo.” Sinasabi ng mga eksperto na ang problema sa radyasyon ay malamang na tumagal pa nang 50 taon.