TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA
Kapag Dismayado Ka sa Iyong Pag-aasawa
ANG HAMON
Parang magkasundo naman kayong mag-asawa—oo, bago kayo ikasal. Pero ngayon, nadidismaya ka na sa kaniya at pakiramdam mo, para kayong mag-cell mate sa halip na mag-soul mate.
May magagawa ka para maging masaya ang inyong pagsasama. Pero tingnan muna natin kung bakit ka nadidismaya.
ANG DAHILAN
Nakikita na ang realidad ng buhay. Ang araw-araw na gawain sa bahay, pagpapalaki ng mga anak, at pakikitungo sa kapamilya ng iyong asawa ay posibleng makasira sa maligayang pagsasama. Ang mga di-inaasahang problema, gaya ng pagiging gipit sa pera o pag-aalaga sa isang kapamilya na may sakit, ay posible ring makasira sa pagsasama ng mag-asawa.
Parang hindi na maaayos ang pagkakaiba sa ugali. Kapag magkasintahan pa lang, bale-wala sa lalaki’t babae ang pagkakaiba nila sa ugali. Pero kapag kasal na, nakikita na nilang magkaibang-magkaiba pala sila sa paraan ng pakikipag-usap, paghawak ng pera, paglutas ng problema, at iba pa. Kung dati ay napapalampas nila ang mga iyon kahit naiinis sila, baka hindi na ngayon.
Wala nang konsiderasyon sa damdamin ng isa’t isa. Sa paglipas ng panahon, naiipon ang masasakit na salita o kilos at ang di-nalulutas na mga problema ng mag-asawa. Dahil dito, hindi na nila sinasabi sa isa’t isa kung ano ang nadarama nila o, mas malala pa, napapalapít sila sa iba.
Di-makatotohanang mga inaasahan. Ang ilan ay nag-aasawa sa pag-aakalang natagpuan na nila ang taong nakalaan para sa kanila. Bagaman may pagkaromantiko ang ideyang iyan, maaari itong pagmulan ng malaking problema. Kapag nagkaproblema, ang iniisip nilang “perfect match” ay naglalaho, anupat pareho silang nakadaramang nagkamali sila.
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Magpokus sa magagandang katangian ng iyong asawa. Subukan ito: Isulat ang tatlong magagandang katangian ng iyong asawa, marahil sa likod ng isang maliit na litrato ng inyong kasal o sa iyong gadyet. Lagi mo itong tingnan para maalaala mo kung bakit mo pinakasalan ang iyong asawa. Kapag nagpokus ka sa magaganda niyang katangian, magiging masaya ang pagsasama ninyo at mapagpapasensiyahan mo siya.—Simulain sa Bibliya: Roma 14:19.
Mag-date. Bago kayo ikasal, malamang na naglalaan kayo ng panahon para mag-date. Masaya ito at exciting, at talagang iniiskedyul ninyo ito. Bakit hindi ninyo ulit gawin iyon? Magplano para makasama ninyo ang isa’t isa, na para kayong nagde-date. Sa paggawa nito, lalo kayong mápapalapít sa isa’t isa at mahaharap ninyo ang di-inaasahang mga problema.—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 5:18.
Sabihin ang nadarama. Kung nasaktan ka man sa sinabi o ikinilos ng iyong asawa, mapalalampas mo ba iyon? Kung hindi, huwag mong daanin sa di-pagkibo. Sa mahinahong paraan, sabihin mo agad ito sa kaniya, sa araw ding iyon hangga’t maaari.—Simulain sa Bibliya: Efeso 4:26.
Kung nasaktan ka man sa sinabi o ikinilos ng iyong asawa, mapalalampas mo ba iyon?
Alamin ang pagkakaiba ng iyong damdamin at ng intensiyon ng iyong asawa. Malamang na hindi naman ninyo intensiyong saktan ang isa’t isa. Tiyakin mo ito sa iyong asawa sa pamamagitan ng taimtim na paghingi ng tawad. Pagkatapos, pag-usapan ninyo ang puwede ninyong gawin para hindi ninyo masaktan ang damdamin ng isa’t isa. Sundin ang payo ng Bibliya: “Maging mabait kayo sa isa’t isa, mahabagin na may paggiliw, lubusang nagpapatawaran sa isa’t isa.”—Efeso 4:32.
Maging makatotohanan sa mga inaasahan. Sinasabi ng Bibliya na ang mga nag-aasawa ay “magkakaroon ng kapighatian.” (1 Corinto 7:28) Kapag dumaranas ka ng gayong kapighatian, huwag mo agad isiping nagkamali ka sa iyong pag-aasawa. Sa halip, pagtulungan ninyong lutasin ang problema at “patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa.”—Colosas 3:13.