PARA SA MGA KABATAAN
9 Pagkatao
ANG IBIG SABIHIN NITO
Ang pagkatao mo ay hindi lang ang pangalan at hitsura mo. Kasama rito ang iyong mga pamantayan, paniniwala, at karakter. Ang totoo, ang pagkatao mo ay ang kabuoan ng lahat ng katangian mo—sa loob at labas.
KUNG BAKIT ITO MAHALAGA
Kung matatag ang pagkatao mo, maninindigan ka sa mga paniniwala mo sa halip na magpakontrol sa mga kaibigan mo.
“Maraming tao ang gaya ng mga mannequin sa tindahan. Hindi sila ang pumipili ng suot nila, kundi iba.”—Adrian.
“Kahit mahirap, natuto akong manindigan sa kung ano ang tama. Nakikilala ko kung sino ang mga tunay kong kaibigan sa paraan ng pagkilos nila at kung paano ako kumikilos kapag kasama sila.”—Courtney.
SIMULAIN SA BIBLIYA: “Huwag na kayong magpahubog sa sistemang ito, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip.”—Roma 12:2.
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Pag-isipan ang iyong magagandang katangian, mga kahinaan, at paninindigan. Sa paggawa nito, masusuri mo kung anong uri ka ng tao ngayon at kung ano ang gusto mong maging sa hinaharap. Bilang pasimula, sagutin ang sumusunod na tanong:
Magagandang katangian: Ano ang mga talento at skill ko? Saan ako mahusay? (Halimbawa: Ako ba ay laging nasa oras? may pagpipigil sa sarili? masipag? bukas-palad?) Anong mabubuting bagay ang ginagawa ko?
TIP: Nahihirapan ka bang makita ang mga positibong katangian mo? Tanungin ang magulang mo o ang isang mapagkakatiwalaang kaibigan kung anong magagandang katangian ang nakikita niya sa iyo at bakit.
SIMULAIN SA BIBLIYA: “Suriin ng bawat isa ang sarili niyang mga pagkilos. Sa gayon, magsasaya siya dahil sa mga nagawa niya, at hindi dahil ikinumpara niya ang sarili niya sa ibang tao.”—Galacia 6:4.
Mga kahinaan: Ano ang mga dapat kong pasulungin? Kailan ako madaling matukso? Sa anong mga sitwasyon ako nangangailangan ng higit na pagpipigil sa sarili?
SIMULAIN SA BIBLIYA: “Kung sasabihin natin, ‘Wala tayong kasalanan,’ dinaraya natin ang sarili natin.”—1 Juan 1:8.
Paninindigan: Anong pamantayan ang sinusunod ko, at bakit? Naniniwala ba ako sa Diyos? Bakit ako kumbinsido na umiiral siya? Anong mga pagkilos ang itinuturing ko na di-makatarungan, at bakit? Ano ang paniniwala ko tungkol sa hinaharap?
SIMULAIN SA BIBLIYA: “Babantayan ka ng iyong kakayahang mag-isip, at iingatan ka ng kaunawaan.”—Kawikaan 2:11.