MAGULO ANG MUNDO
4 | Ingatan ang Pag-asa Mo
BAKIT DAPAT ITONG PAG-ISIPAN?
Kapag nag-aalala tayo sa mga problema sa mundo, puwedeng maapektuhan nito ang kalusugan natin at emosyon. Sa ganoong kalagayan, marami ang nawawalan na ng pag-asa. Ano ang ginagawa nila?
Ayaw na ng ilan na isipin ang kinabukasan.
Para matakasan naman ng iba ang problema nila, dinadaan nila ito sa alak o droga.
Pakiramdam ng ilan, mas mabuti pang magpakamatay. Iniisip nila, “Bakit pa kailangang mabuhay?”
Ang Dapat Mong Malaman
Baka pansamantala lang ang ilang problema mo at baka bumuti naman ang kalagayan.
Kung hindi man magbago ang sitwasyon mo, may magagawa ka pa rin para maharap iyon.
Nangangako ang Bibliya ng tunay na pag-asa—isang permanenteng solusyon sa lahat ng problema ng tao.
Ang Puwede Mong Gawin Ngayon
Ang sabi ng Bibliya: “Huwag kayong mag-alala tungkol sa susunod na araw, dahil ang kasunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga álalahanín. Sapat na ang mga problema sa bawat araw.”—Mateo 6:34.
Kung sobra kang mag-aalala tungkol sa susunod na mga araw, baka mapabayaan mo ang mga dapat mong gawin ngayon.
Kung mag-aalala ka sa masasamang bagay na posibleng mangyari, lalo ka lang mai-stress at mawawalan ng pag-asa.
Nagbibigay ng Tunay na Pag-asa ang Bibliya
Nanalangin sa Diyos ang isang lingkod niya noon: “Ang salita mo ay lampara sa aking paa, at liwanag sa aking landas.” (Awit 119:105) Ganiyang-ganiyan nga ang Bibliya, ang Salita ng Diyos. Tingnan natin kung bakit.
Kapag madilim, makakatulong ang ilaw para malaman kung saan tayo hahakbang. Ang Bibliya din ay makakatulong sa atin na makagawa ng mga tamang desisyon dahil sa magagandang payo na makikita dito.
Makakatulong ang ilaw para makita mo ang dadaanan mo kahit nasa malayo ka pa. Ganiyan din ang Bibliya. Ipinapakita nito ang magagandang mangyayari sa hinaharap.