KUWENTO 6
Isang Mabuting Anak, at Isang Masama
TINGNAN mo ngayon sina Cain at Abel. Malalaki na sila. Si Cain ay naging magsasaka. Nagtatanim siya ng prutas at gulay. Si Abel ay naging pastol ng mga tupa.
Isang araw, sina Cain at Abel ay naghandog sa Diyos. Nagdala si Cain ng kaniyang pananim. At dinala ni Abel ang pinakamataba sa kaniyang mga tupa. Natuwa si Jehova kay Abel at sa kaniyang handog. Pero hindi siya natuwa kay Cain at sa handog nito. Alam mo ba kung bakit?
Hindi dahil sa ang handog ni Abel ay mas mabuti kaysa kay Cain. Kasi mabait si Abel. Mahal niya si Jehova at ang kapatid niya. Pero si Cain ay masama; hindi niya mahal ang kapatid niya.
Sinabi ng Diyos kay Cain na dapat siyang magbago. Pero galit-na-galit si Cain kasi mas mahal ng Diyos si Abel. Kaya nang dadalawa lang sila sa bukid, hinampas ni Cain si Abel nang ubod-lakas kaya’t ito’y namatay. Hindi ba napakasama nito?
Naaala-ala pa rin ng Diyos si Abel, kahit patay na ito. Hindi nalilimutan ni Jehova ang mabubuting taong gaya ni Abel. Darating ang araw na bubuhayin uli ni Jehova si Abel. Kaya si Abel ay hindi na uli mamamatay. Hindi ba napakainam na makilala ang mga taong gaya ni Abel?
Pero hindi natutuwa ang Diyos sa mga gaya ni Cain. Kaya nang patayin ni Cain ang kapatid niya, siya ay pinarusahan ng Diyos. Pinalayas siya sa kaniyang pamilya. Isinama ni Cain ang isa sa kaniyang mga kapatid na babae, at ito ay naging asawa niya.
Nang maglaon ang ibang mga anak na lalaki at babae nina Adan at Eba ay nag-asawa din at nagkaanak. Kaya hindi nagtagal at dumami ang tao sa lupa. Alamin natin kung sino ang ilan sa kanila.