Ang Kaniyang Bayan ay Tinitipon at Sinasangkapan ni Jehova Para sa Paggawa
Sa nalakarang mga siglo, ang apostasya ay lumaganap sa buong lupa. Ang maraming denominasyon ng relihiyon ay mayroong mga ilang turo buhat sa Bibliya nguni’t malimit na ang sinusunod nila’y mga tradisyon ng tao at ang maraming kaugaliang pagano. Napapatabi kadalasan ang paghihintay nila sa pagbabalik ni Kristo.—Ihambing ang Mateo 13:24-30, 37-43.
Gayunman, sinabi ni Jesus na tayo’y laging magbantay para abangan ang kaniyang pagbabalik! Ang isang grupong gumagawa nito ay naroon sa Allegheny, Pennsylvania, E.U.A. Nang mga unang taon ng 1870’s si Charles Taze Russell at ang ilan sa kaniyang mga kaibigan ay nagsimulang gumawa ng isang puspusang pag-aaral ng Bibliya tungkol sa pagbabalik ni Kristo. Sila’y nagsaliksik din naman sa Bibliya ng katotohanan tungkol sa maraming iba pang saligang mga turo. Ito ang pasimula ng modernong mga aktibidades ng mga Saksi ni Jehova.—Mateo 24:42.
Naunawaan ng grupong ito na ang doktrina ng Trinidad ay wala sa Bibliya at si Jehova lamang ang pinakamakapangyarihang Diyos at Maylikha; at si Jesu-Kristo ang Kaniyang unang paglalang at bugtong na Anak; at ang banal na espiritu ay hindi isang persona kundi ang di-nakikitang aktibong puwersa ng Diyos. Napatunayan ng grupong ito na ang kaluluwa ay hindi imortal kundi may kamatayan, na ang pag-asa para sa mga patay ay pagkabuhay-muli, at na ang parusa sa di-nagsisising mga balakyot ay hindi walang-hanggang pagpapahirap kundi pagkalipol.
Ang pagbibigay ni Jesus ng kaniyang buhay bilang pantubos sa tao ay napatunayan na isang saligang turo ng Bibliya. Una, 144,000 mga lalaki at mga babae, na pinili mula noong unang siglo hanggang sa panahon natin, ang tutubusin buhat sa lupa upang maging kasamang tagapagmana ni Kristo sa makalangit na Kaharian. Pagkatapos sa pamamagitan ng haing pantubos ni Jesus bilyun-bilyong mga tao, na ang karamihan ay bubuhaying-muli, ang magtatamo ng kasakdalan at may pag-asang magkamit ng buhay na walang-hanggan sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian.
Nakita rin ni Russell at ng kaniyang mga kasama na ang pagkanaririto ni Kristo ay di-makikita, ito’y sa espiritu. Ang mga Panahong Gentil, na kung kailan hindi ginagampanan sa pamamagitan ng anumang pamahalaan sa lupa ang soberanya ng Diyos, ay magwawakas noong 1914. Pagkatapos ay matatatag sa langit ang Kaharian ng Diyos. Ito rin ang mga itinuturo ng mga Saksi ni Jehova ngayon.
Ang mga katotohanang ito ay malaganap na ipinamahagi ni Russell at ng kaniyang mga kasama sa pamamagitan ng mga pahayag at limbag na mga babasahín. Noong Hulyo 1879 sinimulang ilathala ni Russell ang Zion’s Watch Tower (ngayo’y tinatawag na The Watchtower). Kaniyang ipinaalám na ang mga gawaing pangangaral ng mga Bible Students ay dapat tustusan ng kusang-loob lamang na mga abuloy at hindi gagawa ng anumang kolekta. At, ang mensahe ay dapat ipamahagi ng mga sumasampalatayang boluntaryo na di-binabayaran. Si Russell mismo ay nag-abuloy buhat sa salaping kinita niya sa negosyo magpahanggang noon.
Ang mga Bible Students ay nagtipon sa mga klase, gaya ng tawag sa mga kongregasyon noon. Sila’y nagtitipon noon ng hanggang tatlong beses isang linggo, para makinig ng mga pahayag, mag-aral ng Kasulatan, at para sa mga pulong sa pagpapatotoo. Sila’y regular na naghahalal ng responsableng mga lalaki bilang matatanda na mamamanihala sa espirituwal na mga aktibidades ng bawa’t klase.
Noong 1884 ang Zion’s Watch Tower Tract Society ay itinatag bilang isang di-nagtutubong korporasyon sa Pennsylvania. Ang pangulo ng korporasyon ay ihahalal taun-taon. Ito’y nagsilbing isang legal na kasangkapan, hindi depende sa buhay ng sinumang indibiduwal, upang gampanan ang gawaing pagtuturo ng Bibliya. Si Charles T. Russell ay inihalal na presidente, at ang kaniyang tanggapan ang itinuring na punong-tanggapan.
Puspusang sinikap na mapalawak ang gawain hanggang sa mga ibang bansa. Ito’y nakarating sa Canada at Inglatera noong mga unang taon ng 1880’s. Noong 1891 si Russell ay naglakbay sa Europa at sa Gitnang Silangan upang alamin kung ano ang magagawa sa pagpapalaganap doon ng katotohanan. Noong maagang mga taon ng 1900’s, ang Samahan ay nagtatag ng mga tanggapang sangay sa Britaniya, Alemanya, at Australia.
Noong 1909 ang punong-tanggapan ng Watch Tower Society ay inilipat sa Brooklyn, New York, para mapalawak sa buong daigdig ang gawaing pangangaral. Kinailangan na bumuo ng isang kasamang korporasyon sa ilalim ng batas ng New York State, na ngayon ay nakikilala bilang ang Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc. Noong 1914 ang International Bible Students Association ay binuo sa London, Inglatera, upang mapasulong ang mga aktibidades ng mga Bible Students sa buong British Commonwealth. Sa kasalukuyan mga 70 legal na mga korporasyon at asosasyon sa maraming bansa sa buong daigdig ang tumutupad ng mga layunin ng Watch Tower Society. Lahat ay ukol sa pagkakawanggawa, yamang sinusuportahan ng kusang-loob na mga abuloy at boluntaryong mga manggagawa.
Noong 1916 si Charles Taze Russell ay namatay, at si Joseph Franklin Rutherford ang humalili sa kaniya bilang presidente ng Watch Tower Society. Sa mga huling taon ng Digmaang Pandaigdig I, ang mga Bible Students ay mahigpit na sinubok ng pag-uusig, na ang sukdulan ay ang maling pagbibilanggo sa walong kapatid na nasa responsableng mga katungkulan sa punong-tanggapan ng Society sa Amerika. Ang gawain ng mga Bible Students ay wari ngang nanganganib noon. Subali’t, noong 1919 ang mga kapatid na ito ay pinalaya at pinawalang-sala, at nagsimula ngayon ang isang lalong higit na pagpapalawak ng pangangaral.
Sa pamamagitan ng punong-tanggapan ng Society ang nagkakaisang lupon ng pinahirang Kristiyanong mga Bible Students ay nagpatuloy ng paglalaan ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon para sa lahat ng kaugnay ng organisasyon. Kung paanong ang kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano noong unang siglo ang bumubuo ng “tapat at maingat na alipin” na binanggit ni Jesus, gayundin na ang pinahirang grupo ng nag-alay na mga Bible Students, na nagsasagawa ng gawaing pang-Kaharian, ang bumubuo ng uring “tapat at maingat na alipin” sa panahon natin. Sa pagparito ni Jesus upang siyasatin ang kongregasyon, nadatnan niya na ang uring ito ay nagbibigay ng pagkain para sa magkakasambahay; kaya ito ay kaniyang inilagay upang mangasiwa sa buong ari-arian niya.—Mateo 24:45-47; Lucas 12:42.
Hindi nagtagal pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, malinaw na naunawaan na ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo Jesus ay natatag na sa langit noong 1914. Kaya’t ngayon ay lubusang matutupad na ang mga sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayo’y darating ang wakas.” Si Joseph F. Rutherford ang nagkusa upang ang balitang ito ng Kaharian ay makarating sa lalong maraming mga tao.—Mateo 24:14.
Kaya nga, ipinasiya ng Society na gawin ang sariling paglimbag at gamitin ang boluntaryong mga manggagawa na mga nag-alay na lalaki, upang patuloy na makagawa ng mga babasahín sa Bibliya sa pinakamababang halaga na maaari. Lahat ng mga Bible Students ay hinimok na palagiang makibahagi sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Sa mga ilang bansa ay ginamit ang radyo para sa mga pagpapahayag sa Bibliya.
Bago noong 1918 ang pagkaunawa ng mga Bible Students tungkol sa kanilang layunin sa pangangaral ay ang tipunin ang mga nalalabi pa niyaong mga pinili upang makasama ni Kristo Jesus sa langit at upang magbabala sa sanlibutan ng darating na paghuhukom ng Diyos. Hindi gaanong pinag-isipan ang pagtitipon sa mga taong makakaligtas sa katapusan ng kasalukuyang balakyot na sistema upang mabuhay sa lupa. Nguni’t mula noong 1918 at pasulong ay nagkaroon ng malaganap na pamamahayag ang paksang “Angaw-angaw na Ngayo’y Nabubuhay ang Maaaring Hindi na Mamatay!”
Noong 1923 sa pag-aaral ng talinghaga ni Jesus ng mga tupa at mga kambing sa Mateo 25:31-46 ay nakita na bago sumapit ang Armagedon ang nakahilig sa katuwiran na mga taong hindi nakahanay para sa makalangit na Kaharian ay magtatamo rin ng pagsang-ayon ng Diyos at makakaligtas sa Armagedon. Noong 1935 sa higit pang pag-aaral ay nakita na ang tulad-tupang mga taong ito ay siya ring malaking, walang-bilang na pulutong ng mga tao na tinutukoy sa Apocalipsis 7:9-17. Sila’y titipunin buhat sa lahat ng bansa at may pag-asang makaligtas sa Malaking Kapighatian at magtamo ng buhay na walang-hanggan sa lupa. Ang ganitong pagkaunawa ay lubhang nagpasigla sa gawaing pangangaral.—Juan 10:16.
Noong 1931 tinanggap ng mga Bible Students ang pangalang mga Saksi ni Jehova. Bago pa nito sila ay kilala sa tawag na mga Bible Students, International Bible Students, Millennial Dawnites, at mga tauhan ng Watch Tower. Sila’y binigyan pa ng palayaw na Russellites at Rutherfordites. Wala sa mga pangalang ito ang tamang nagpapakilala sa kanila. Samantalang ang pangalang Kristiyano, na tinaglay ng mga alagad ni Jesus ayon sa kalooban ng Diyos noong unang siglo ay tunay na angkop naman, ito ay ginagamit din ng maraming grupo na sumusunod sa mga maling turo. Upang sila’y makilala na naiiba sa milyun-milyong naturingang mga Kristiyano, kailangan na may pangalan na magpapakilalang naiiba ang mga tunay na tagasunod ni Kristo sa panahong ito.
Sa pag-aaral sa Kasulatan ay nagliwanag na kung paano tinawag ni Jehova na kaniyang mga Saksi ang kaniyang bayang Israel, ang kaniyang bayan din naman sa katapusan ng sistema ng mga bagay, na nakatalaga sa paghahayag ng kaniyang pangalan at layunin, ay matuwid na matatawag na mga Saksi ni Jehova. Sa pamamagitan ng pangalang ito ang tunay na mga Kristiyanong mananamba kay Jehova ay nakikilalang napapaiba sa lahat ng nag-aangking mga Kristiyano sa ngayon.—Awit 83:18; Isaias 43:10-12.
Noong 1942, sa panahon ng Digmaang Pandaigdig II, si Joseph F. Rutherford ay namatay, at si Nathan H. Knorr ang humalili sa kaniya bilang presidente ng Watch Tower Society. Ngayon ay naunawaan na ang mga hula’y malinaw na nagpapahiwatig na pagkatapos ng digmaan magkakaroon ng panahon ng bahagyang kapayapaan at kalayaan na anupa’t maisasagawa ang higit pang pagpapalawak ng pangangaral bago sumapit ang wakas ng sistemang ito. Noong Pebrero 1943 ang Watchtower Bible School of Gilead ay itinatag upang magsanay ng buong-panahong mga ministro para sa pagmimisyonero sa mga ibang bansa. Pagkatapos, nang taon din na iyon, isang pantanging programa ng pagsasanay sa ministeryo ang idinagdag sa lingguhang iskedyul ng mga pulong ng mga Saksi ni Jehova.
Noong 1950 ang Society ay nagsimula ng paglalabas ng mga bahagi ng New World Translation of the Holy Scriptures, isang modernong-Ingles na salin ng Bibliya buhat sa orihinal-wikang mga teksto. Ang wasto-ang-pagkasalin, madaling-unawaing Bibliyang ito, na ginawa sa maliit na gastos sa mga palimbagan ng Society, ay naging isang malaking tulong sa pangangaral. Sa kasalukuyan, mahigit na 40 milyong kopya ang nailathala na sa 11 wika.
Sa katapusan ng 1985, mahigit na tatlong milyong mga Saksi ni Jehova ang nakikibahagi sa pangangaral sa mahigit na 200 bansa at isla ng dagat. Para sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo, ang pulong na may pinakamaraming dumadalo kaysa anumang pulong sa kanilang 49,716 na mga kongregasyon noong 1985, lahat-lahat ay 7,792,109 katao ang dumalo.
Na talagang ginagamit ng Diyos ang mga Saksi ni Jehova ay makikita sa kanilang patuloy na pananatiling masigasig sa paglilingkod sa kaniya, sa kanilang pambuong daigdig na pagkakaisa, sa kanilang sigasig sa pagtataguyod ng pangalan ni Jehova at pangangaral ng kaniyang Kaharian, sa kanilang malinis na mga pamantayang-asal, sa kanilang pagtanggap sa buong Bibliya bilang di-nagkakamaling Salita ng Diyos, at sa kanilang kalayaan buhat sa pamahiin at espiritismo.
Ang sumusunod na mga seksiyon ay nagpapakita kung paano ka makikinabang sa pagsasauling ito ng tunay na pagsamba sa Diyos.
● Anong saligang mga turo ng Bibliya ang nagpapakilalang ang mga Bible Students ay naiiba sa mga denominasyon ng relihiyon?
● Anong mga pangyayari sa organisasyon ang naranasan ng mga Bible Students hangga noong 1918?
● Paano ngang masasabi na ang grupo ng mga pinahirang Bible Students ang bumubuo ng “tapat at maingat na alipin” na tinutukoy sa Mateo 24:45-47?
● Anong pagkaunawa sa layunin ng Diyos ang nagbigay ng malaking pampasigla sa pagpapalawak ng pangangaral?
● Anong layunin ang ginagampanan ng pangalang mga Saksi ni Jehova?
● Ano ang mga katibayan na talagang ginagamit ng Diyos ang mga Saksi ni Jehova?
[Mga larawan sa pahina 8]
Si C. T. Russell noong 1879
Labas noong Hulyo 1879
Maagang Grupo ng mga Bible Students, Pittsburgh, Pa.
[Mga larawan sa pahina 9]
Punong-tanggapan, 1889-1909, Pittsburgh, Pa.
Pangunahing mga tanggapan, 1909-1918, Brooklyn, N.Y.
Tirahan ng mga nasa punong-tanggapan mula 1909-1926, Brooklyn, N.Y.
[Mga larawan sa pahina 10]
Pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, Brooklyn, N.Y., E.U.A.
Itaas kaliwa: Office complex
Itaas kanan: Mga gusaling tirahan
Ibaba kaliwa: Factory complex
Ibaba kanan: Sentro ng pagkakarga
[Mga larawan sa pahina 11]
Pagsasahimpapawid sa radyo ni J. F. Rutherford
Unang palimbagang rotary ng Watchtower Society, pinaaandar ng mga boluntaryo
New World Translation ng Bibliya, ngayo’y lathala sa 11 wika