Kabanata 9
Ano Bang Uri ng Lugar ang Impiyerno?
1. Ano ang itinuro ng mga relihiyon tungkol sa impiyerno?
MILYUN-MILYON ang tinuruan ng kanilang relihiyon na di-umano ang impiyerno ay dakong pahirapan ng tao. Ayon sa Encyclopædia Britannica, “Itinuturo ng Iglesiya Katolika Romana na ang impiyerno . . . ay lalagi magpakailanman; walang katapusan ang paghihirap doon.” Ang turong ito, patuloy pa ng encyclopedia, “ang pinanghahawakan pa rin ng maraming konserbatibong grupong Protestante.” Itinuturo din ng mga Hindu, Budhista at Muhamadano na ang impiyerno ay dakong pahirapan. Hindi katakataka na ang mga naturuan ng ganito ay madalas magsabi na kung talagang ganoon kasamâ ang impiyerno hindi na nila gustong pag-usapan ito.
2. Ano ang palagay ng Diyos sa pagsunog sa mga bata sa apoy?
2 Nagbabangon ito ng tanong: Nilalang ba ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat ang dakong pahirapan na ito? Buweno, ano ba ang pangmalas ng Diyos nang ang mga Israelita, na gumaya sa halimbawa ng kalapit na mga bansa, ay nagpasimulang sumunog sa kanilang mga anak sa apoy? Ipinaliwanag niya ito sa kaniyang Salita: “Itinayo nila ang matataas na dako ng Topeth, na nasa libis ng mga anak ni Hinnom, upang sunugin ang kanilang mga anak na lalaki at babae sa apoy, bagay na hindi ko iniutos ni nasok man sa aking puso.”—Jeremias 7:31.
3. Bakit hindi makatuwiran, at hindi maka-kasulatan, na isiping pahihirapan ng Diyos ang mga tao?
3 Isipin ito. Kung ang ideya ng pagsunog sa mga tao ay hindi man lamang pumasok sa puso ng Diyos, makatuwiran kaya na siya ay lumikha ng isang maapoy na impiyerno para sa mga hindi naglilingkod sa kaniya? Sinasabi ng Bibliya, “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Pahihirapan kaya ng isang Diyos ng pag-ibig ang mga tao magpakailanman? Gagawin kaya ninyo ito? Ang kaalaman hinggil sa pag-ibig ng Diyos ay dapat mag-udyok sa atin na bumaling sa kaniyang salita upang alamin kung ano ang impiyerno. Sino ang nagtutungo doon, at gaano katagal?
ANG SHEOL AT ANG HADES
4. (a) Anong mga salitang Hebreo at Griyego ang isinasaling “impiyerno”? (b) Papaano isinasalin ang Sheol sa King James Version?
4 Sinasabi ng Webster’s Dictionary na ang salitang Ingles na “hell” ay katumbas ng salitang Hebreo na Sheol at ng salitang Griyego na Hades. Sa mga Bibliyang Aleman Hoelle ang salitang ginagamit sa halip na “hell”; sa Portuges ang salitang ginagamit ay inferno, sa Kastila ay infierno, at sa Pranses ay Enfer. Isinalin ng mga tagapagsaling Ingles ng Authorized Version o King James Version ang Sheol na 31 beses bilang “impiyerno,” 31 beses bilang “libingan,” at 3 beses bilang “hukay.” Isinalin ng Katolikong Douay Version ang Sheol na 64 na beses bilang “impiyerno.” Sa Kristiyanong Griyegong Kasulatan (karaniwan nang tinutukoy na “Bagong Tipan”), isinalin ng King James Version ang Hades bilang “impiyerno” sa bawa’t 10 beses na ito ay lumilitaw.—Mateo 11:23; 16:18; Lucas 10:15; 16:23; Gawa 2:27, 31; Apocalipsis 1:18; 6:8; 20:13, 14.
5. Anong tanong ang ibinabangon tungkol sa Sheol at Hades?
5 Ang tanong ay ito: Ano bang uri ng lugar ang Sheol, o Hades? Ang pagsasalin ng King James Version sa iisang salitang Hebreo na Sheol sa tatlong magkakaibang paraan ay nagpapakita na ang impiyerno, libingan at hukay ay may iisang kahulugan. At kung ang impiyerno ay tumutukoy sa karaniwang libingan ng sangkatauhan, hindi rin ito maaaring tumukoy sa isang lugar ng maapoy na pagpapahirap. Kaya nga, ang Sheol ba at Hades ay nangangahulugan ng libingan, o ito ba ay lugar ng pagpapahirap?
6. (a) Papaano ipinakikita ng Bibliya na pareho ang kahulugan ng Sheol at Hades? (b) Ano ang ipinakikita ng pagiging nasa Hades ni Jesus?
6 Bago sagutin ang tanong, liwanagin natin na ang salitang Hebreo na Sheol at ang salitang Griyego na Hades ay pareho ang kahulugan. Makikita ito sa pagbasa ng Awit 16:10 sa Hebreong Kasulatan at ng Gawa 2:31 sa Kristiyanong Griyegong Kasulatan, mga teksto na makikita ninyo sa susunod na pahina. Pansinin na sa pagsipi sa Awit 16:10 na doo’y lumilitaw ang Sheol, ginagamit ng Gawa 2:31 ang Hades. Pansinin din na si Jesu-Kristo ay nasa Hades, o impiyerno. Maniniwala ba tayo na pinahirapan ng Diyos si Kristo sa isang maapoy na impiyerno? Siyempre, hindi! Si Jesus ay nasa kaniyang libingan lamang.
7, 8. Papaanong ang ulat tungkol kay Jacob at sa anak niyang si Jose, at gayundin kay Job, ay patotoo na ang Sheol ay hindi dakong pahirapan?
7 Nang tinatangisan ni Jacob ang pinakamamahal niyang anak na si Jose, na sa akala niya’y namatay, ay sinabi niya ang ganito: “Bababa akong nananangis sa aking anak sa Sheol!” (Genesis 37:35) Gayumpaman, dito’y isinasalin ng King James Version ang Sheol bilang “libingan,” at ang Douay Version naman bilang “impiyerno.” Huminto sandali at mag-isip. Naniwala ba si Jacob na ang anak niyang si Jose ay nagtungo sa isang lugar ng pagpapahirap upang manatili doon magpakailanman, at gusto ba niyang pumunta roon para makita siya? O, sa halip, hindi kaya naniwala si Jacob na ang kaniyang anak ay patay at nasa libingan at na gusto na rin ni Jacob na mamatay?
8 Oo, ang mabubuting tao ay nagtutungo sa impiyerno ng Bibliya. Halimbawa, ang mabuting taong si Job, na malaki na ang ipinaghirap, ay nanalangin sa Diyos: “O nawa’y ikubli mo ako sa Sheol, [libingan, King James Version; impiyerno, Douay Version] . . . at takdaan mo ako ng panahon at alalahanin mo ako!” (Job 14:13) Ngayon isipin ito: Kung ang Sheol ay dako ng apoy at paghihirap, nanaisin pa kaya ni Job na pumaroon at maghintay hanggang siya’y maalaala ng Diyos? Maliwanag, gusto na ni Job na mamatay at magtungo sa libingan para matapos na ang kaniyang paghihirap.
9. (a) Ano ang kalagayan niyaong mga nasa Sheol? (b) Kaya ano ang Sheol at ang Hades?
9 Sa lahat ng dako na ang Sheol ay lumilitaw sa Bibliya, kailanma’y hindi ito iniuugnay sa buhay, paggawa o pagpapahirap. Sa halip ito’y madalas iugnay sa kamatayan at pagkawalang-ginagawa. Halimbawa, alalahanin ang Eclesiastes 9:10, na nagsasabi: “Anomang masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong kapangyarihan; sapagka’t walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man, sa Sheol [libingan, King James Version; impiyerno, Douay Version], ang dakong iyong patutunguhan.” Kaya nagiging maliwanag ang sagot. Ang Sheol at Hades ay hindi tumutukoy sa dako ng pagpapahirap kundi sa karaniwang libingan ng sangkatauhan. (Awit 139:8) Kapuwa ang mabubuti at masasama ay nagtutungo sa impiyerno ng Bibliya.
PAGLABAS MULA SA IMPIYERNO
10, 11. Bakit sinabi ni Jonas, nang nasa tiyan ng isda, na siya’y nasa impiyerno?
10 Makakalabas ba ang mga tao mula sa impiyerno? Isaalang-alang ang halimbawa ni Jonas. Nang ipalulon ng Diyos si Jonas sa malaking isda upang maligtas sa pagkalunod, nanalangin si Jonas mula sa tiyan ng isda: “Sa aking pagdadalamhati ay tumawag ako kay Jehova, at ako’y kaniyang sinagot. Mula sa tiyan ng Sheol [impiyerno, King James Version at Douay Version (2:3)] ay humingi ako ng saklolo. Dininig mo ang aking tinig.”—Jonas 2:2.
11 Ano ang gustong sabihin ni Jonas sa “mula sa tiyan ng impiyerno”? Buweno, ang tiyan ng isda ay tiyak na hindi dako ng maapoy na pahirap. Nguni’t naging libingan sana ito ni Jonas. Sa katunayan, sinabi ni Jesu-Kristo tungkol sa sarili: “Kung papaanong si Jonas ay nasa tiyan ng malaking isda sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi, kaya ang Anak ng tao ay mapapasa pusod ng lupa ng tatlong araw at tatlong gabi.”—Mateo 12:40.
12. (a) Ano ang patotoo na yaong mga nasa impiyerno ay makakalabas? (b) Ano ang karagdagang patotoo na ang “impiyerno” ay nangangahulugan ng “libingan”?
12 Si Jesus ay patay sa kaniyang libingan sa loob ng tatlong araw. Nguni’t nag-uulat ang Bibliya: “Ang kaluluwa niya’y hindi pinabayaan sa impiyerno . . . Ang Jesus na ito ay binuhay-muli ng Diyos.” (Gawa 2:31, 32, King James Version) Katulad din nito, sa patnubay ng Diyos, si Jonas ay inilabas sa impiyerno, alalaong baga’y, mula sa kaniya sanang naging libingan. Naganap ito nang siya ay isuka ng isda sa tuyong lupa. Oo, ang mga tao ay makakalabas sa impiyerno! Sa katunayan, may nakagagalak-pusong pangako na ang impiyerno (Hades) ay aalisan ng lahat ng patay na naroroon. Makikita ito sa pagbasa ng Apocalipsis 20:13: “Ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya; at ibinigay ng kamatayan at impiyerno [Hades] ang mga patay na nasa kanila: at sila’y hinatulan bawa’t isa ayon sa kanikanilang mga gawa.”—King James Version.
ANG GEHENNA AT ANG DAGAT-DAGATANG APOY
13. Anong salitang Griyego na 12 ulit binabanggit sa Bibliya ang isinasaling “impiyerno” sa King James Version?
13 Gayunma’y baka may tumutol at magsabi: ‘Binabanggit naman ng Bibliya ang apoy ng impiyerno at dagat-dagatang apoy. Hindi ba patotoo ito na may gayon ngang dako ng pagpapahirap?’ Totoo, ang ibang salin ng Bibliya, gaya ng King James Version, ay bumabanggit ng “apoy ng impiyerno” at ng “pagbubulid sa impiyerno, na doon ang apoy ay hindi namamatay.” (Mateo 5:22; Marcos 9:45) Lahat-lahat ay may 12 talata sa Kristiyanong Griyegong Kasulatan na doo’y ginagamit ng King James Version ang “impiyerno” upang isalin ang salitang Griyego na Gehenna. Ang Gehenna ba’y talagang dako ng maapoy na pagpapahirap, samantalang ang Hades kapag isinasaling “impiyerno” ay nangangahulugan lamang ng libingan?
14. Ano ang Gehenna, at ano ang ginawa doon?
14 Maliwanag na ang salitang Hebreo na Sheol at ang salitang Griyego na Hades ay kapuwa nangangahulugan ng libingan. Ano kung gayon ang kahulugan ng Gehenna? Sa Hebreong Kasulatan ang Gehenna ay “ang libis ng Hinnom.” Tandaan, Hinnom ang pangalan ng libis na nasa labas ng mga pader ng Jerusalem na doon inihandog ng mga Israelita ang kanilang mga anak sa apoy. Nang malaunan dinumhan ng mabuting Haring si Josias ang libis na ito upang huwag nang magamit pa sa gayong karimarimarim na gawain. (2 Hari 23:10) Ginawa niya itong isang malaking basurahan o tapunan ng dumi.
15. (a) Noong kaarawan ni Jesus, papaano ginamit ang Gehenna? (b) Ano ang kailanma’y hindi inihagis doon?
15 Kaya noong nasa lupa si Jesus ang Gehenna ay tambakan ng basura ng Jerusalem. Pinanatiling nagliliyab ang apoy doon sa pamamagitan ng paglalagay ng asupre upang sunugin ang basura. Ganito ang paliwanag ng Smith’s Dictionary of the Bible, Tomo 1: “Iyon ay naging karaniwang tambakan ng basura ng lunsod, na doo’y inihagis ang bangkay ng mga kriminal, at patay na mga hayop, at bawa’t uri ng dumi.” Gayunman, hindi inihahagis doon ang buháy na mga nilalang.
16. Ano ang katibayan na ang Gehenna ay ginamit bilang sagisag ng walang-hanggang pagkalipol?
16 Palibhasa’y pamilyar sa kanilang tambakan ng basura, kaya mauunawaan ng mga mamamayan ng Jerusalem kung ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya sa masasamang pinuno ng relihiyon: “Mga ahas, lahi ng ulupong, papaano kayo makakatakas sa kahatulan ng Gehenna?” (Mateo 23:33) Maliwanag na hindi gustong sabihin ni Jesus na ang mga pinunong iyon ng relihiyon ay pahihirapan. Nang sinusunog na buháy ng mga Israelita ang kanilang mga anak sa libis na ito, sinabi ng Diyos na ang gayong kasuklamsuklam na bagay ay hindi man lamang pumasok sa kaniyang puso! Kaya malinaw na ginagamit ni Jesus ang Gehenna bilang angkop na sagisag ng lubos at walang-hanggang pagkalipol. Gusto niyang sabihin ay na ang mga pinunong yaon ng relihiyon ay hindi karapatdapat sa pagkabuhay-muli. Naunawaan ng mga tagapakinig ni Jesus na ang mga nagtutungo sa Gehenna, gaya ng basura, ay malilipol magpakailanman.
17. Ano ang “dagat-dagatang apoy,” at ano ang patotoo nito?
17 Ano kung gayon ang “dagat-dagatang apoy” na binabanggit sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis? Ang kahulugan nito’y katulad niyaong sa Gehenna. Nangangahulugan ito hindi ng may-malay na pagpapahirap kundi ng walang-hanggang kamatayan, o pagkalipol. Pansinin kung papaanong sinasabi mismo ito ng Bibliya sa Apocalipsis 20:14: “At ang kamatayan at ang Hades [impiyerno, King James Version at Douay Version] ay ibinulid sa dagat-dagatang apoy. Nangangahulugan ito ng ikalawang kamatayan, ang dagat-dagatang apoy.” Oo, ang dagat-dagatang apoy ay nangangahulugan ng “ikalawang kamatayan,” ang kamatayan na mula doo’y wala nang pagkabuhay-muli. Maliwanag na ang “dagat-dagatang” ito ay simbolo, yamang ang kamatayan at impiyerno (Hades) ay inihahagis dito. Ang kamatayan at impiyerno ay hindi literal na masusunog. Subali’t ang mga ito ay maaalis o malilipol, at mangyayari nga ito.
18. Ano ang kahulugan ng pagpapahirap sa Diyablo magpakailanman sa “dagat-dagatang apoy”?
18 ‘Nguni’t sinasabi ng Bibliya na ang Diyablo ay pahihirapan magpakailanman sa dagat-dagatang apoy,’ sasabihin ng iba. (Apocalipsis 20:10) Ano ang ibig sabihin nito? Nang nasa lupa si Jesus madalas tukuyin ang mga tagapagbilanggo bilang “mga tagapagpahirap.” Sinabi minsan ni Jesus sa isa sa kaniyang mga talinghaga: “At nagalit ang kaniyang panginoon, at ibinigay siya sa mga tagapagpahirap, hanggang sa siya’y magbayad ng lahat ng utang.” (Mateo 18:34, King James Version) Yamang yaong mga inihahagis sa “dagat-dagatang apoy” ay nagtutungo sa “ikalawang kamatayan” na mula doo’y wala nang pagkabuhay-muli, masasabi na sila ay ibinibilanggo magpakailanman. Nananatili silang patay na waring nasa kapangyarihan magpakailanman ng mga tagapagbilanggo. Sabihin pa, ang mga balakyot ay hindi literal na pinahihirapan, sapagka’t gaya ng atin nang nakita, ang taong patay ay hindi na umiiral. Wala na siyang malay.
ANG TAONG MAYAMAN AT SI LAZARO
19. Papaano natin nalalaman na ang mga salita ni Jesus tungkol sa taong mayaman at tungkol kay Lazaro ay paglalarawan lamang?
19 Ano kung gayon ang nais ipangahulugan ni Jesus nang sabihin niya sa isa sa kaniyang mga talinghaga: “Namatay ang pulubi, at dinala ng mga anghel sa sinapupunan ni Abraham: namatay din ang taong mayaman, at inilibing; at mula sa impiyerno [Hades] ay tumingala siya, palibhasa’y naghihirap, at natanaw si Abraham sa malayo, at si Lazaro na nasa kaniyang sinapupunan”? (Lucas 16:19-31, King James Version) Gaya ng nakita na natin, yamang ang Hades ay tumutukoy sa libingan ng sangkatauhan, at hindi sa dako ng pagpapahirap, maliwanag na si Jesus ay nagsasalaysay dito ng isang talinghaga o kuwento. Bilang karagdagang patotoo na ito ay hindi literal na ulat kundi isang paglalarawan lamang, isaalang-alang ito: Ang impiyerno ba’y napakalapit sa langit upang ang mga naroroo’y nakakapag-usap at nagkakarinigan? Bukod dito, kung ang mayamang tao ay nasa literal na nag-aapoy na dagat, papaano maisusugo ni Abraham si Lazaro upang palamigin ang kaniyang dila sa pamamagitan lamang ng isang patak na tubig sa dulo ng kaniyang daliri? Ano nga ba ang inilalarawan ni Jesus?
20. Ano ang kahulugan ng ilustrasyon kung tungkol (a) sa taong mayaman? (b) kay Lazaro? (c) sa kamatayan ng dalawa? (d) sa paghihirap ng taong mayaman?
20 Sa talinghaga ang taong mayaman ay kumakatawan sa nagpapahalaga-sa-sariling mga pinuno ng relihiyon na tumanggi at pumatay kay Jesus. Inilarawan ni Lazaro ang karaniwang mga tao na tumanggap sa Anak ng Diyos. Ang kamatayan ng taong mayaman at ni Lazaro ay kumatawan sa pagbabago sa kanilang kalagayan. Naganap ang pagbabago nang pakanin ni Jesus sa espirituwal na paraan ang napabayaang tulad-Lazarong mga tao, kung kaya’t sila’y napasa-pabor ng Dakilang Abraham, ang Diyos na Jehova. Kasabay nito, “namatay” ang huwad na mga pinuno ng relihiyon may kinalaman sa pabor ng Diyos. Palibhasa’y itinakwil, dumanas sila ng kahirapan nang ibunyag ng mga tagasunod ni Kristo ang kanilang masasamang gawa. (Gawa 7:51-57) Kaya ang talinghagang ito ay hindi nagtuturo na may mga patay na taong pinahihirapan sa isang literal at maapoy na impiyerno.
MGA TURONG KINASIHAN NG DIYABLO
21. (a) Anong mga kasinungalingan ang pinalaganap ng Diyablo? (b) Bakit tayo makatitiyak na ang turo ng purgatoryo ay huwad?
21 Ang Diyablo ay nagsabi kay Eba: “Tiyak na hindi ka mamamatay.” (Genesis 3:4; Apocalipsis 12:9) Nguni’t namatay siya; walang bahagi niya ang nagpatuloy na nabubuhay. Ang pananatiling-buháy ng kaluluwa pagkaraan ng kamatayan ay isang kasinungalingan na pinasimulan ng Diyablo. At kasinungalingan din ng Diyablo na ang kaluluwa ng mga balakyot ay pinahihirapan sa impiyerno o purgatoryo. Yamang maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na ang mga patay ay walang malay, hindi maaaring magkatotoo ang mga turong ito. Sa katunayan, ang salitang “purgatoryo”, ni ang ideya nito, ay hindi masusumpungan sa Bibliya.
22. (a) Ano ang natutuhan natin sa kabanatang ito? (b) Ano ang epekto sa inyo ng kaalamang ito?
22 Nakita natin na ang impiyerno (Sheol, o Hades) ay dako ng pamamahinga at pag-asa para sa mga patay. Kapuwa mabubuti at masasamang tao ay nagtutungo roon, upang hintayin ang pagkabuhay-muli. Natutuhan din natin na ang Gehenna ay hindi nangangahulugan ng dako ng pagpapahirap, kundi ginagamit ito sa Bibliya bilang sagisag ng walang-hanggang pagkalipol. Sa ganoon ding paraan, “ang dagat-dagatang apoy” ay hindi literal na dako ng apoy, kundi sumasagisag sa “ikalawang kamatayan” na mula doo’y wala nang pagkabuhay-muli. Ang impiyerno ay hindi maaaring maging dako ng pahirap sapagka’t ang ganitong ideya ay hindi man lamang pumasok sa isip o puso ng Diyos. Karagdagan pa, salungat sa katarungan ang pagpapahirap sa isang tao magpakailanman dahil sa paggawa niya ng masama sa lupa sa loob lamang ng ilang taon. Napakabuting malaman ang katotohanan tungkol sa mga patay! Tunay na ito ay nagpapalaya sa isa mula sa takot at pamahiin.—Juan 8:32.
[Kahon sa pahina 83]
Ang Hebreong salitang “Sheol” at ang Griyegong salitang “Hades” ay iisa ang kahulugan
[Larawan sa pahina 84, 85]
Nang lulunin ng isang isda, bakit sinabi ni Jonas: ‘Mula sa tiyan ng impiyerno ay humingi ako ng saklolo’?
[Larawan sa pahina 86]
Ang Gehenna ay isang libis sa labas ng Jerusalem. Ginamit ito na sagisag ng walang-hanggang kamatayan