Dugo
Kahulugan: Isang tunay na kamanghamanghang likido na nananalaytay sa mga ugat ng katawan ng mga tao at karamihan ng mga hayop, na naglalaan ng sustansiya at oksihena, nag-aalis ng mga dumi ng katawan, at gumaganap ng pangunahing papel sa pagsasanggalang sa katawan laban sa impeksiyon. Napakatalik ng kaugnayan ng dugo sa pananatiling buháy kung kaya’t sinasabi ng Bibliya na “ang kaluluwa [buhay] ng laman ay nasa dugo.” (Lev. 17:11) Bilang Bukal ng buhay, si Jehova ay naglaan ng tiyak na mga tagubilin hinggil sa wastong paggamit sa dugo.
Ang mga Kristiyano ay inuutusan na ‘magsiilag . . . sa dugo’
Gawa 15:28, 29: “Sapagka’t minagaling ng banal na espiritu at namin [ang lupong tagapamahala ng kongregasyong Kristiyano] na huwag na kayong atangan ng lalong mabigat na pasanin, maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan, na kayo’y magsiilag sa mga bagay na inihain sa mga diyus-diyosan at sa dugo at sa mga binigti [o, pinatay nang hindi pinatutulo ang kanilang dugo] at sa pakikiapid. Kung maingat ninyong iiwasan ang mga bagay na ito ay ikabubuti ninyo. Mabuting kalusugan sa inyo!” (Doon ang pagkain ng dugo ay itinumbas sa pagsamba sa diyus-diyosan at sa pakikiapid, mga bagay na hindi natin nanaising lahukan.)
Puwedeng kanin ang laman ng hayop, nguni’t hindi ang dugo
Gen. 9:3, 4: “Bawa’t umuusad na hayop na nabubuhay ay magsisilbing pagkain ninyo. Gaya ng mga sariwang pananim, lahat ay ibinibigay ko sa inyo. Nguni’t ang lamang may kaluluwa [buhay]—na siya nitong dugo—ay huwag ninyong kakanin.”
Dapat patuluin ang dugo ng alinmang hayop na kinakain. Hindi maaaring kainin ang isa na binigti o namatay sa bitag o kaya’y nasumpungan nang patay. (Gawa 15:19, 20; ihambing ang Levitico 17:13-16.) Kasuwato nito, hindi dapat kanin ang alinmang pagkain na nilahukan ng buong dugo o kahit ng sangkap mula sa dugo.
Ang tanging paggamit sa dugo na sinasang-ayunan ng Diyos ay ang sa paghahain
Lev. 17:11, 12: “Ang kaluluwa [buhay] ng laman ay nasa dugo, at aking ibinigay sa inyo sa ibabaw ng dambana upang itubos sa inyong mga kaluluwa, sapagka’t ang dugo’y siyang tumutubos dahil sa kaluluwa [buhay] nito. Kaya’t aking sinabi sa mga anak ni Israel: ‘Sinoman sa inyo ay huwag kakain ng dugo, ni ang mga taga-ibang bayan na nakikipamayan sa inyo ay huwag kakain ng dugo.’ ” (Lahat ng mga haing hayop sa ilalim ng Batas Mosaiko ay lumarawan sa iisang hain ni Jesu-Kristo.)
Heb. 9:11-14, 22: “Nang dumating si Kristo bilang mataas na saserdote . . . siya’y pumasok, hindi sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing at ng mga bulong baka, kundi sa pamamagitan ng kaniyang sariling dugo, na minsan magpakailanman sa dakong banal at kinamtan ang walang-hanggang katubusan para sa atin. Sapagka’t kung ang dugo ng mga kambing at ng mga baka at ang abo ng dumalagang baka na iniwisik sa mga nadungisan ay nagpapaging-banal sa ikalilinis ng laman, gaano pa kaya ang dugo ni Kristo, na sa pamamagitan ng espiritung walang-hanggan ay inihandog ang kaniyang sarili na walang dungis sa Diyos, ay maglilinis ng ating budhi mula sa patay na mga gawa upang tayo’y makapag-ukol ng banal na paglilingkod sa buháy na Diyos? . . . Maliban na sa pagkabuhos ng dugo ay walang kapatawaran.”
Efe. 1:7: “Sa pamamagitan niya [si Jesu-Kristo] tayo’y may katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, oo, ang kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang di-na-sana nararapat na kagandahang-loob.”
Papaano inunawa ng mga nag-aangking Kristiyano noong unang mga siglo C.E. ang mga utos ng Bibliya hinggil sa dugo?
Si Tertullian (c. 160-230 C.E.): “Mahiya kayo sa mga Kristiyano dahil sa inyong kakatwang mga paraan. Hindi man lamang namin inilalahok ang dugo ng mga hayop sa aming pagkain, sapagka’t ito’y pangkaraniwang pagkain lamang. . . . Sa paglilitis ng mga Kristiyano kayo [mga paganong Romano] ay nag-aalok sa kanila ng mga longganisang may dugo. Sabihin pa, naniniwala kayo na ang mismong itinutukso ninyo sa kanila upang sila’y lumihis sa tamang landas ay isang bagay na para sa kanila’y katampalasanan. Bakit nga, kung kailan pa ninyo natiyak na sila’y nasusuklam sa dugo ng isang hayop, saka pa ninyo aasahan na sila’y mahayok sa dugo ng tao?”—Tertullian, Apologetical Works, and Minucius Felix, Octavius (Nueba York, 1950), isinalin ni Emily Daly, p. 33.
Minucius Felix (ikatlong siglo C.E.): “Gayon na lamang ang pag-iwas namin sa dugo ng tao, kung kaya’t hindi namin inihahain maging ang dugo ng mga pagkaing hayop sa aming hapag-kainan.”—The Ante-Nicene Fathers (Grand Rapids, Mich.; 1956), pinamatnugutan ni A. Roberts at J. Donaldson, Tomo IV, p. 192.
Mga Pagsasalin ng Dugo
Ang pagbabawal ba ng Bibliya ay naglalakip sa dugo ng tao?
Oo, at ganito ang pagka-unawa ng sinaunang mga Kristiyano. Ang Gawa 15:29 ay nagsasabi na “magsiilag . . . sa dugo.” Hindi nito sinasabi na iwasan lamang ang dugo ng hayop. (Ihambing ang Levitico 17:10, na nagbabawal sa pagkain ng “anomang dugo.”) Si Tertullian (na sumulat bilang pagsasanggalang sa paniniwala ng sinaunang mga Kristiyano) ay nagsabi: “Ang pagbabawal sa ‘dugo’ ay uunawain natin na (isang pagbabawal) lalung-lalo nang kumakapit sa dugo ng tao.”—The Ante-Nicene Fathers, Tomo IV, p. 86.
Ang pagsasalin ba’y talagang katumbas ng pagkain ng dugo?
Sa ospital, kapag ang pasyente’y hindi makakain sa pamamagitan ng kaniyang bibig, siya ay pinakakain sa pamamagitan ng kaniyang ugat. Kaya, ang isa bang tao na kailanma’y hindi pa nakapagsusubo ng dugo sa kaniyang bibig subali’t tumatanggap ng dugo sa pamamagitan ng pagsasalin ay talagang sumusunod sa utos na “magsiilag sa . . . dugo”? (Gawa 15:29) Bilang paghahambing, kuning halimbawa ang isang tao na pinayuhan ng doktor na umiwas sa alkohol. Magiging masunurin kaya siya kung hihinto siya ng pag-inom ng alkohol pero tuwiran naman niya itong itinuturok sa kaniyang mga ugat?
May mga kahalili bang paraan ng panggagamot para sa isang pasyente na tumatanggi sa dugo?
Madalas, ang simpleng saline solution, Ringer’s solution at dextran ay maaaring gamitin bilang plasma volume expander, at ang mga ito ay makukuha sa halos lahat ng makabagong ospital. Sa katunayan, ang mga panganib na kaakibat ng pagsasalin ng dugo ay naiiwasan sa paggamit ng mga sangkap na ito. Sinasabi ng Canadian Anaesthetists’ Society Journal (Enero 1975, p. 12): “Ang mga panganib ng pagsasalin ng dugo ay siyang bentaha ng mga panghalili sa plasma: pag-iwas sa impeksiyon na sanhi ng bakterya at virus, mga di-kanaisnais na reaksiyon sa pagsasalin at ang suliranin na likha ng di-pagkakatugma sa tipo ng dugo [Rh sensitization].” Ang mga Saksi ni Jehova ay walang relihiyosong pagtutol sa paggamit ng walang-dugong plasma expander.
Ang totoo’y nadudulutan ang mga Saksi ni Jehova ng mas mahuhusay na paraan ng panggagamot dahilan sa di nila pagtanggap ng dugo. Ganito ang inamin ng isang duktor nang ito ay sumulat sa American Journal of Obstetrics and Gynecology (Hunyo 1, 1968, p. 395): “Walang alinlangan na kapag kayo [ang siruhano] ay umoopera nang walang pagsasalin ng dugo, lalong humuhusay ang inyong pagtitistis. Lalo kayong nagiging listo sa pag-ipit ng bawa’t nagdurugong ugat.”
Lahat ng uri ng operasyon ay maidadaos nang matagumpay kahit walang pagsasalin ng dugo. Kasama na rito ang operasyon na open-heart, pagputol ng mga kamay o paa, at ang lubusang pagtanggal ng mga sangkap na may kanser. Ganito ang sinabi ni Dr. Philip Roen nang siya ay sumulat sa New York State Journal of Medicine (Oktubre 15, 1972, p. 2527): “Hindi kami nag-atubili na gawin ang alinman at lahat ng hinihiling na pamamaraan sa pagtitistis sa harap ng pagbabawal sa pagsasalin ng dugo.” Si Dr. Denton Cooley, sa Texas Heart Institute, ay nagsabi: “Talagang namangha kami sa resulta [ng paggamit ng mga plasma expander na walang dugo] sa mga Saksi ni Jehova kung kaya’t sinimulan naming gamitin ang pamamaraang ito sa lahat ng aming pasyente sa puso.” (Ang Union ng San Diego, Disyembre 27, 1970, p. A-10) “Ang ‘walang-dugong’ mga open-heart na operasyon, na unang isinaayos para sa nasa-edad na mga miyembro ng sekta ng mga Saksi ni Jehova sapagka’t ipinagbabawal ng kanilang relihiyon ang pagsasalin ng dugo, ay buong-ligtas ngayong ginagamit sa delikadong mga operasyon sa mga sanggol at kabataan.”—Cardiovascular News, Pebrero 1984, p. 5.
Kung May Magsasabi—
‘Pinababayaan ninyong mamatay ang inyong anak pagka’t ayaw ninyong pasalin ng dugo. Masyado naman kayo’
Maaari kayong sumagot: ‘Pinapayagan namin silang salinan—kaya lang ay yaong mas ligtas na paraan. Tinatanggap namin ang paraan ng pagsasalin na hindi naghaharap ng panganib ng AIDS, hepatitis, at malarya. Hangad namin ang pinakamabuting panggagamot para sa aming mga anak, gaya ng natitiyak kong hangad ng sinomang maibiging magulang.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Kapag napakaraming dugo ang nawala, ang pinakamalubhang pangangailangan ay isauli ang dami ng likido. Siguro natatalos ninyo na 50 porsiyento ng ating dugo ay talagang tubig; ang iba’y binubuo ng mga pula at puting selula, at iba pa. Kapag napakaraming dugo ang nawala, ang katawan mismo ay nagpapalabas sa ating mga ugat ng maraming reserbang selula ng dugo at pinabibilis ang produksiyon ng mga bagong selula. Pero kailangan ang sapat na dami ng likido. Ang mga plasma volume expander na walang dugo ay puwedeng gamitin sa layuning ito, at ito ay tinatanggap namin.’ (2) ‘Ang mga plasma volume expander ay nagamit na sa libu-libong mga tao, at napakahusay ang mga resulta.’ (3) ‘Higit na mahalaga sa amin ay ang sinasabi mismo ng Bibliya sa Gawa 15:28, 29.’
O maaari ninyong sabihin: ‘Nauunawaan ko ang inyong punto-de-vista. Palagay ko’y parang nakikinikinita ninyo ang inyong anak sa situwasyong iyan. Bilang magulang gagawin natin ang lahat ng ating makakaya upang maipagsanggalang ang kapakanan ng ating anak, hindi ba? Kaya kung ang mga taong tulad ninyo at ako ay tatanggi sa isang paraan ng panggagamot para sa ating anak, tiyak na mayroon tayong makatuwirang dahilan para dito.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Sa palagay ninyo hindi kaya naiimpluwensiyahan ang ibang mga magulang ng kung ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos dito sa Gawa 15:28, 29?’ (2) ‘Kaya ang tanong ay, May sapat ba tayong pananampalataya upang gawin ang iniuutos ng Diyos?’
‘Hindi kayo naniniwala sa pagsasalin ng dugo’
Maaari kayong sumagot: ‘Ang mga pahayagan ay naglathala ng mga balita hinggil sa ilang situwasyon na kung saan inakala nila na ang mga Saksi ay mamamatay kung hindi sila tatanggap ng dugo. Ito ba ang nasa isip ninyo? . . . Bakit ba namin kinukuha ang ganitong paninindigan?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Sa laki ng inyong pagmamahal sa inyong asawa handa ba kayong isapanganib ang inyong buhay alang-alang sa kaniya? . . . Mayroon ding mga tao na nagsasapanganib ng kanilang buhay alang-alang sa bayan, at sila’y itinuturing na mga bayani, hindi ba? Subali’t mayroong isa na mas dakila kaysa sinomang tao o bagay dito sa lupa, at iyon ay ang Diyos. Isasapanganib ba ninyo ang inyong buhay dahil sa pagmamahal sa kaniya at dahil sa katapatan sa kaniyang pamamahala?’ (2) ‘Ang isyu na talagang pinag-uusapan dito ay ang katapatan sa Diyos. Salita ng Diyos ang nagsasabi sa atin na umiwas sa dugo. (Gawa 15:28, 29)’
O maaari ninyong sabihin: ‘Maraming pangkaraniwang bagay sa ngayon na iniiwasan ng mga Saksi ni Jehova—halimbawa’y, pagsisinungaling, pangangalunya, pagnanakaw, paninigarilyo, at gaya ng nabanggit ninyo, ang paggamit ng dugo. Bakit? Sapagka’t ang aming buhay ay inugitan ng Salita ng Diyos.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Alam ba ninyo na sinasabi ng Bibliya na dapat tayong “magsiilag sa dugo”? Gusto kong ipakita ito sa inyo. (Gawa 15:28, 29)’ (2) ‘Marahil ay naaalaala ninyo na sinabi ng Diyos sa ating unang mga magulang, sina Adan at Eba, na makakakain sila sa alinmang punong-kahoy sa Eden maliban sa isa. Subali’t sumuway sila, kumain ng ipinagbabawal na bungang-kahoy, at iniwala ang lahat. Napakamangmang! Totoo, sa ngayon ay walang puno na may ipinagbabawal na bungang-kahoy. Pero pagkaraan ng Baha noong kaarawan ni Noe muling iniharap ng Diyos ang isang pagbabawal para sa sangkatauhan. Dito’y napasangkot na ang dugo. (Gen. 9:3, 4)’ (3) ‘Kaya ang talagang kuwestiyon ay ito, May pananampalataya ba tayo sa Diyos? Kung susundin natin siya, nasa harapan natin ang pag-asa ng walang-hanggang buhay sa kasakdalan sa ilalim ng kaniyang Kaharian. Mamatay man tayo, tinitiyak niya sa atin ang isang pagkabuhay-muli.’
‘Papaano kung sabihin ng duktor, “Mamamatay kayo kung hindi kayo magpapasalin ng dugo”?’
Maaari kayong sumagot: ‘Kung talagang ganoong kalubha ang situwasyon, matitiyak ba ng duktor na ang pasyente ay hindi mamamatay kung siya’y sasalinan ng dugo?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: ‘Pero may isa na makapagbibigay ng buhay sa atin, at iyon ay ang Diyos. Hindi ba kayo sasang-ayon na, kapag talagang nakaharap na sa kamatayan, ang pagtalikod sa Diyos sa pamamagitan ng pagsuway sa kaniyang utos ay hindi isang matalinong pasiya? Ako’y talagang may pananampalataya sa Diyos. Ganoon din ba kayo? Ang Salita niya ay nangangako ng pagkabuhay-muli para sa bawa’t sumasampalataya sa kaniyang Anak. Naniniwala ba kayo dito? (Juan 11:25)’
O maaari ninyong sabihin: ‘Maaaring nangangahulugan ito na hindi talaga niya alam kung papaano haharapin ang situwasyon nang hindi gagamit ng dugo. Hangga’t maaari, sinisikap naming makausap niya ang isang duktor na mayroon nang karanasan, o kaya’y naghahanap na lamang kami ng ibang duktor.’