Kabanata 1
Bakit Ko Dapat ‘Igalang ang Aking Ama at ang Aking Ina’?
“IGALANG mo ang iyong ama at ang iyong ina.” Sa maraming mga kabataan ang mga salitang ito ay waring mula pa noong Panahon ng Kadiliman.
Ang batang si Veda ay nagpahayag ng kaniyang paghihimagsik sa kaniyang ama sa pamamagitan ng pakikipag-date sa isang lalaking nag-aabuso sa droga at alkohol. Buong paghahamon na siya’y pumupunta rin sa mga sayawan hanggang mag-umaga. “Nadama kong labis ang kaniyang pagkaistrikto,” ang paliwanag ni Veda. “Ako’y 18 taóng gulang na, at sa palagay ko’y alam ko na ang lahat. Nadama kong ang aking ama ay malupit at basta ayaw niyang ako’y magkaroon ng kasiyahan, kaya ako’y lumayas at ginawa ko ang anumang maibigan ko.”
Maraming mga kabataan ang marahil ay hindi sasang-ayon sa ginawa ni Veda. Subalit, kung ang kanilang mga magulang ay mag-uutos na linisin ang kanilang silid, gawin ang kanilang liksiyon, o umuwi sa isang itinakdang oras, marami ang magngingitngit sa galit o, mas malubha pa nga, ay tahasang lalaban sa kanilang mga magulang! Kung papaano minamalas ng isang kabataan ang kaniyang mga magulang, gayunman, maaaring sa wakas ay mangahulugan ito hindi lamang ng pagkakaiba ng alitan at kapayapaan sa tahanan kundi rin naman ng kaniya mismong sariling buhay. Sa dahilang ang utos na ‘ibigin ang iyong mga magulang’ ay nagmula sa Diyos, at idinugtong niya ang sumusunod na pangganyak na dahilan upang sundin ang utos na ito: “Upang yumaon kang mabuti at ikaw ay mabuhay na malaon sa lupa.” (Efeso 6:2, 3) Mahalaga ang natatayâ. Kung gayon, atin muling tingnan kung ano talaga ang kahulugan ng paggalang sa iyong ama at sa iyong ina.
Kung Ano ang Kahulugan ng ‘Paggalang’ sa Kanila
Ang “paggalang” ay nagsasangkot ng pagkilala sa karapatan ng pagkaautoridad. Halimbawa, ang mga Kristiyano ay pinag-utusan na “magkaroon ng paggalang sa hari.” (1 Pedro 2:17) Samantalang hindi tayo laging sumasang-ayon sa isang pambansang pinuno, ang kaniyang posisyon o tungkulin ay kinakailangan pa ring igalang. Sa gayunding paraan, binigyan ng Diyos ang mga magulang ng tiyakang autoridad sa pamilya. Ito’y nangangahulugang dapat mong kilalanin ang kanilang bigay-Diyos na karapatang mamahala para sa iyo. Totoo, ang ibang mga magulang ay maaaring hindi gaanong mahigpit na tulad ng sa iyo. Ang iyong mga magulang, gayunman, ang may tungkuling magdisisyon kung ano ang pinakamabuti para sa iyo—at ang iba’t ibang pamilya ay maaaring may iba’t ibang mga pamantayan.
Totoo rin naman na kahit na ang pinakamabuting mga magulang ay maaaring paminsan-minsan ay maging di-makatuwiran—may kinikilingan pa nga. Ngunit sa Kawikaan 7:1, 2 ang isang matalinong magulang ay nagsabi: “Anak ko, . . . ingatan mo ang aking mga utos at mabuhay ka.” Gayundin, ang mga alituntunin, o “mga kautusan” ng iyong mga magulang, ay karaniwan nang para sa iyong kabutihan at isang pagpapahayag ng kanilang tunay na pag-ibig at pagmamalasakit.
Si John, halimbawa, ay paulit-ulit na pinagsasabihan ng kaniyang nanay na palagi niyang gagamitin ang tawiran sa itaas ng anim-na-linyang highway malapit sa kanilang bahay. Isang araw, dalawang batang babae sa kanilang paaralan ang humamon sa kaniya na tumawid sa shortcut, sa daanan mismo ng sasakyan. Hindi pinapansin ang kanilang panunukso ng “duwag!” si John ay dumaan sa tawiran ng tao. Sa kalagitnaan ng daan, nakarinig si John ng malakas na ingit ng mga gulong ng sasakyan. Tumingin siya sa ibaba, at gayon na lamang ang kaniyang panghihilakbot nang kitang-kita niyang mabundol ng isang kotse ang dalawang batang babae at tumilapon! Ipagpalagay nang ang pagsunod sa mga magulang ay bihira namang mangahulugan ng buhay at kamatayan. Gayunman, ang pagtalima ay kalimitan nang kapaki-pakinabang para sa iyo.
Ang ‘paggalang sa mga magulang’ ay nangangahulugan din ng pagtanggap sa pagtutuwid, hindi nagmamaktol o nagdarabog kung iyon ay iginagawad. Mga mangmang lamang ang “humahamak sa saway ng kaniyang ama,” ang sabi ng Kawikaan 15:5.
Sa katapusan, ang pagpapakita ng paggalang ay nangangahulugan ng higit pa kaysa pagbibigay lamang ng pormal na pagpipitagan o sapilitang pagsunod. Ang orihinal na Griegong pandiwang “igalang” sa Bibliya ay may saligang pangangahulugang ituring ang isa nang may pagpapahalaga. Ang mga magulang kung gayon ay kailangang malasin bilang mahalaga, kagalang-galang at mahal sa iyo. Ito’y nagsasangkot sa pagkakaroon ng mainit, mapagpasalamat na damdamin para sa kanila. Gayunman, ang ilang mga kabataan ay taglay ang lahat maliban sa ganitong damdamin para sa kanilang mga magulang.
Problemang mga Magulang—Karapatdapat ba sa Paggalang?
Isang kabataang nagngangalang Gina ang sumulat: “Ang aking tatay ay labis kung uminom ng alak, at hindi ako makatulog dahil ang aking mga magulang ay nagtatalo at palaging nagsisigawan. Nahihiga ako sa kama at umiiyak na lamang. Hindi ko masabi ang aking nadarama tungkol doon sapagkat maaaring saktan ako ni Inay. Sinasabi ng Bibliya na ‘igalang mo ang iyong ama,’ ngunit hindi ko magawa.”
Ang mga magulang na mainitin-ang-ulo o imoral, lasenggo, o nagtataltalan sa isa’t isa—sila ba’y karapatdapat sa paggalang? Oo, sapagkat ang Bibliya ay humahatol sa “tumutuya” sa sinumang magulang. (Kawikaan 30:17) Ang Kawikaan 23:22 ay nagpapaalaala pa rin sa atin na ang iyong mga magulang ang dahilan ng “pagkaluwal sa iyo.” Ito lamang ay dahilan na para igalang sila. Si Gregory, na minsan ay napakawalang-galang, ay nagsasabi ngayon: “Nagpapasalamat ako kay Jehovang Diyos at hindi ako ipinalaglag o itinapon sa basurahan ng [aking nanay] noong ako’y sanggol pa lamang. Siya’y isang nag-iisang magulang, at anim kaming lahat. Alam kong napakahirap niyaon para sa kaniya.”
Bagaman sila’y hindi sakdal, ang iyong mga magulang ay may maraming mga sakripisyong ginawa para sa iyo. “Sa isang pagkakataon ang natitira na lamang sa amin para kainin ay isang lata ng mais at ilang mga giniling na mais din,” pagpapatuloy ni Gregory. “Iniluto iyon ni Inay para sa amin, ngunit hindi siya kumain. Natulog akong busog, pero nagtataka ako kung bakit hindi kumain si Inay. Ngayong ako’y may sarili nang pamilya, saka ko lamang naunawaan na siya pala’y nagsasakripisyo para sa amin.” (Ang isang pagsasaliksik ay tumatantiyang ang halaga ng pagpapalaki ng isang anak hanggang sa edad na 18 ay $66,400.)
Unawain din, na hindi komo ang halimbawa ng isang magulang ay hindi pinakamabuti ay mangangahulugan nang lahat ng kaniyang sasabihin ay mali. Sa panahon ni Jesus, ang mga pinuno ng relihiyon ay naging masama. Gayunman, sinabi ni Jesus sa mga tao: “Lahat ng mga bagay na sa inyo’y kanilang ipag-uutos, gawin ninyo at ganapin, datapuwat huwag kayong magsigawa ng alinsunod sa kanilang mga gawa.” (Mateo 23:1-3, 25, 26) Hindi ba maaaring ikapit ang prinsipyong ito sa ilang mga magulang?
Pakikitungo sa Damdamin ng Paghihinanakit
Ano kung inaakala mong ang isang magulang ay malubhang umaabuso sa kaniyang autoridad?a Tumahimik ka na lamang. Walang mabuting magagawa ang pagrerebelde, ni ang pagkagalit, may pagkayamot na paggawi. (Eclesiastes 8:3, 4; ihambing ang Eclesiastes 10:4.) Isang 17-anyos na batang babae ang naghinanakit sa kaniyang mga magulang dahil sa sila’y abalang-abala sa kanilang sariling pagbabangayan at sa wari’y hindi nababahala sa kaniya. Ang paghihinanakit sa kanila ay bumaling pagkatapos sa mga prinsipyo ng Bibliya na sinubukang ituro sa kaniya ng kaniyang mga magulang. Dahil sa labis na pagkayamot, siya’y bumaling sa seksuwal na imoralidad at pag-abuso sa droga. “Nadama kong nagkulang ako sa aking mga magulang,” ang mapait niyang paliwanag. Ngunit sa kaniyang pagiging mayayamutin, ang sarili niya ang kaniyang sinaktan.
Nagbababala ang Bibliya: “Mag-ingat ka na huwag kang hikayatin ng matinding galit sa mapanikis na [pagkilos] . . . Ikaw ay magpakaingat na huwag kang bumaling sa nakasasakit.” (Job 36:18-21) Unawain na ang mga magulang ang may pananagutan sa harap ni Jehova kung tungkol sa kanilang asal at sasagot sa anumang malubhang kawalan ng katarungan.—Colosas 3:25.
Ang Kawikaan 19:11 ay nagsasabi: “Ang unawa ng isang tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit, at isang kagandahan ang paraanin niya ang pagsalansang.” Kung minsan makabubuting subukin na patawarin at limutin ang masakit na ikinilos ng isang magulang. Sa halip na tingnan ang kaniyang kamalian, ipako ang pansin sa kaniyang mabubuting katangian. Si Dody, halimbawa, ay may isang inang walang pakiramdam at isang lasenggong amain. Bigyang-pansin kung papaanong ang kaniyang pag-unawa sa kanilang mga kakulangan ay pumigil sa sama ng loob. Ang sabi niya: “Marahil ang dahilan kung bakit si Inay ay hindi nagpakita sa amin ng pagmamahal ay sapagkat, bilang isang pinagmalupitang bata, hindi siya kailanman naturuan nito. Ang aking amain ay nagpapakita ng interes sa aming mga gawain kung siya’y hindi lasing, ngunit iyon ay hindi madalas. Gayunman, ako at ang aking kapatid ay laging may tirahan at pagkain sa refrigerator.”
Mabuti na lamang at iilan lamang ang namamali o pabayáng mga magulang. Kalimitan nang ang iyong mga magulang ay interesado sa iyo at nagsisikap na magpakita ng isang mabuting halimbawa. Gayumpaman, naghihinanakit ka pa rin sa kanila paminsan-minsan. “Minsan nang ipinakikipag-usap ko ang isang problema kay Inay at hindi niya maunawaan ang aking punto,” ang pag-amin ng isang kabataang nagngangalang Roger, “ako’y nagagalit at nakapagsasalita ng masakit upang saktan lamang siya. Iyon ang aking paraan ng pagganti sa kaniya. Subalit nang ako’y papalayo na, masama ang aking pakiramdam, at alam kong siya man ay gayon din.”
Ang walang-ingat na pagsasalita ay maaaring ‘makasugat’ at ‘makapagdulot ng kirot,’ ngunit hindi iyon makalulutas ng iyong mga problema. “Ang dila ng pantas ay kagalingan.” (Kawikaan 12:18; 15:1) “Bagaman mahirap, bumalik ako at humingi ng tawad,” ang paliwanag ni Roger. “Natatalakay ko na ngayon ang problema sa mahinahong paraan, at nalulutas namin iyon.”
‘Anuman ang Sabihin ni Itay ay Tama’
Kapuna-puna, ang ilang mga kabataan ay pinapagod ang kanilang sarili at ang kanilang mga magulang sa pagtanggi nila sa mga tagubulin ng magulang, pero sa bandang huli ay napatutunayan nilang tama pala ang kanilang mga magulang. Tingnan mo si Veda (ang nabanggit sa pasimula), bilang halimbawa. Sumama siya sa kaniyang nobyo sa kotse isang araw. Ang lalaki ay langung-lango sa marijuana at beer. Nawalan ng kontrol ang kotse at bumangga ito sa isang poste ng ilaw sa bilis na 100 kilometro por ora. Nakaligtas si Veda—na may malalim na hiwà sa kaniyang noo. Tumakas ang nobyo, at ni hindi na nagpakita sa ospital upang tulungan siya.
“Nang dumating ang aking mga magulang sa ospital,” ang pag-amin ni Veda, “sinabi ko sa kanila na lahat ng sinabi ni Itay ay tama at dapat ay nakinig ako noon pa. . . . Isang malaking pagkakamali ang nagawa ko, at muntik nang maging sanhi ng aking buhay.” Pagkalipas noon, malaki ang ipinagbago ni Veda sa kaniyang pakikitungo sa kaniyang mga magulang.
Marahil ay nangangailangan din ng ilang pagbabago sa iyo. Ang ‘paggalang sa mga magulang’ ay marahil lumang kausuhan na nga. Ngunit hindi lamang matalinong gawin iyon kundi rin naman iyon ang tamang bagay na dapat gawin sa mata ng Diyos. Ano, kung gayon, kung ibig mong magpakita ng paggalang sa iyong mga magulang ngunit nadarama mong hindi ka nauunawaan o marahil ay nakukulong ka ng mga pagbabawal? Ating suriin kung papaano ka mapasusulong sa ganitong mga situwasyon.
[Talababa]
a Hindi namin tinutukoy rito ang mga kaso ng pisikal o seksuwal na pag-aabuso na kung saan ang isang kabataan ay kailangang humanap ng propesyonal na tulong sa labas ng tahanan.
Mga Tanong para sa Talakayan
◻ Ano ang kahulugan ng paggalang sa mga magulang ng isa?
◻ Bakit ang mga magulang ay gumagawa ng maraming mga alituntunin? Makikinabang ka ba sa mga alituntuning iyon?
◻ Kailangan pa bang igalang ang iyong mga magulang kung ang kanilang pag-uugali ay kahiya-hiya? Bakit?
◻ Ano ang ilang mabungang paraan ng pakikitungo sa paghihinanakit na nadarama mo kung minsan sa iyong mga magulang? Ano ang ilang di-matalinong mga paraan?
[Blurb sa pahina 16]
“Nadama kong ang aking ama ay malupit at basta ayaw niyang ako’y magkaroon ng kasiyahan, kaya ako’y lumayas at ginawa ko ang anumang maibigan ko”
[Larawan sa pahina 12]
Papaano mo mamalasin ang mga alituntunin ng iyong mga magulang?
[Larawan sa pahina 14]
Dapat mo bang igalang ang mga magulang na may kahiya-hiyang pag-uugali?