Kabanata 11
Apostasya—Nahadlangan ang Daan Tungo sa Diyos
1, 2. (a) Bakit mahalaga ang unang 400 taon sa kasaysayan ng Sangkakristiyanuhan? (b) Anong katotohanan hinggil sa pagpili ang ipinahayag ni Jesus?
BAKIT napakahalaga ang unang 400 taon sa kasaysayan ng Sangkakristiyanuhan? Sa dahilan din na mahalaga ang unang mga taon sa buhay ng isang bata—sapagkat ito ang mga taon ng paghubog na naglalatag ng pundasyon sa hinaharap na pagkatao ng isa. Ano ang isinisiwalat ng unang mga dantaon ng Sangkakristiyanuhan?
2 Bago natin ito sagutin, sariwain natin ang isang katotohanan na ipinahayag ni Jesu-Kristo: “Magsipasok kayo sa makipot na pintuan; sapagkat maluwang at malapad ang daan tungo sa kapahamakan, at marami ang nagsisipasok doon; datapwat makipot ang pintuan at makitid ang daan tungo sa buhay, at kakaunti ang nakakasumpong niyaon.” Malapad ang daan ng kaalwanan; makitid ang para sa matuwid na mga simulain.—Mateo 7:13, 14.
3. Anong dalawang landas ang umiral sa pasimula ng Kristiyanismo?
3 Sa pasimula ng Kristiyanismo, dalawa ang daan na napaharap sa mga yumakap sa di-tanyag na pananampalatayang yaon—manghawakan sa walang-pakikipagkompromisong turo at simulain ni Kristo at ng Kasulatan o magpatangay sa maluwag at maalwang landas ng pakikipagtawaran sa daigdig. Isinisiwalat ng unang 400 taon ng kasaysayan kung alin ang pinili ng nakararami.
Ang Tukso ng Pilosopiya
4. Ayon sa mananalaysay na si Durant, papaano naapektuhan ng paganong Roma ang sinaunang iglesiya?
4 Nagpaliwanag ang mananalaysay na si Will Durant: “Ginaya ng Simbahan ang ilang relihiyosong kaugalian at anyo na palasak sa [paganong] Roma bago kay Kristo—ang balabal at iba pang gayak ng mga saserdoteng pagano, paggamit ng kamangyan at agwa bendita sa paglilinis, mga kandila at ang ilaw na laging nakasindi sa harap ng altar, pagsamba sa mga santo, ang arkitektura ng basilika, ang batas ng Roma bilang saligan ng batas kanonikal, ang titulong Pontifex Maximus para sa Supremong Papa, at, noong ikaapat na siglo, ang wikang Latin . . . Hindi nagtagal at ang mga obispo, sa halip na mga Romanong mahistrado, ang naging tagapagpalakad at tagapamahala sa mga lungsod; ang mga primado, o arsobispo, ay naging alalay, o kaya’y kahalili, ng mga gobernador sa lalawigan; at ang sangguniang panlalawigan ay pinalitan ng kapulungan ng mga obispo. Ang Simbahang Romano ay sumunod sa mga hakbang ng estadong Romano.”—The Story of Civilization: Part III—Caesar and Christ.
5. Papaano ihahambing sa mga sinaunang kasulatang Kristiyano ang pakikipagkompromiso sa paganong daigdig ng Roma?
5 Ang pakikipagkompromisong ito ay salungat-na-salungat sa mga turo ni Kristo at ng mga apostol. (Tingnan ang kahon, pahina 262.) Nagpayo si apostol Pedro: “Mga minamahal, . . . pinupukaw ko ang inyong unawa sa pamamagitan ng paalaala, na tandaan ang mga salitang unang binigkas ng banal na mga propeta at ang utos ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga apostol. Kaya, mga minamahal, yamang batid na ninyo noong una pa, ay mag-ingat kayo na huwag mailigaw na kasama nila sa kamalian ng mga lumalabag sa batas at mahulog sa sariling katatagan.” Si Pablo ay buong-linaw na nagpayo: “Huwag kayong makikipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran at kalikuan? O anong pakikibahagi mayroon ang liwanag sa kadiliman? . . . ‘“Kaya magsilabas kayo sa kanila, at ihiwalay ninyo ang inyong sarili,” sabi ni Jehova, “at huwag na kayong magsihipo ng bagay na marumi”’; ‘“at kayo’y aking tatanggapin.”’”—2 Pedro 3:1, 2, 17; 2 Corinto 6:14-17; Apocalipsis 18:2-5.
6, 7. (a) Papaano naimpluwensiyahan ng pilosopiyang Griyego ang sinaunang mga “ama” ng iglesiya? (b) Sa aling mga turo lalong nabakas ang impluwensiyang Griyego? (c) Anong babala tungkol sa pilosopiya ang ibinigay ni Pablo?
6 Sa kabila ng maliwanag na paalaalang ito, isinuot ng mga apostatang Kristiyano ang mga kagayakan ng paganong relihiyon ng Roma noong ikalawang siglo. Tinalikdan nila ang kanilang dalisay na maka-Biblikong pinagmulan at nagbihis ng paganong Romanong kasuotan at mga titulo na tigmak-na-tigmak sa pilosopiyang Griyego. Sa The Crucible of Christianity ipinaliliwanag ni Propesor Wolfson ng Harvard University na noong ikalawang siglo ang Kristiyanismo ay pinasok ng “mga gentil na sinanay sa pilosopiya.” Humanga sila sa karunungang Griyego at inakalang magkahawig ang pilosopiyang Griyego at ang turo ng Kasulatan. Sinasabi pa ni Wolfson: “Sa maraming paraan ay ipinapahayag nila ang palagay na ang pilosopiya ay pantanging kaloob ng Diyos sa mga Griyego sa pamamagitan ng pangangatuwiran ng tao kung papaanong ang Kasulatan ay kaloob sa mga Judio sa pamamagitan ng tuwirang kapahayagan.” Nagpapatuloy pa siya: “Sa sistematikong paraan ay sinikap ng mga Ama ng Simbahan . . . na ipakita kung papaanong, sa likod ng payak na pananalita ng Kasulatan, ay nakatago ang mga turo ng mga pilosopo na ipinapahayag sa malalabong teknikal na termino na inimbento sa Akademya, Liceo, at Portiko [mga sentro ng pilosopikong pagtatalo].”
7 Ito ang nagbukas ng daan upang makasingit ang pilosopiya at terminolohiyang Griyego sa mga turo ng Sangkakristiyanuhan, lalo na sa doktrina ng Trinidad at paniwala sa kaluluwang hindi namamatay. Gaya ng sinabi ni Wolfson: “Sinaliksik ng mga Ama [ng simbahan] ang bunton ng makapilosopikong terminolohiya para sa dalawang angkop na terminong teknikal, ang isa’y upang maging katawagan sa tiyak na pagkakaiba ng bawat miyembro ng Trinidad bilang indibiduwal at ang isa nama’y bilang katawagan sa saligang pagkakaisa ng mga ito.” Sa kabila nito, napilitan silang umamin na “ang ideya ng tatluhang Diyos ay isang hiwaga na hindi malulutas ng katuwiran ng tao.” Kabaligtaran nito, buong linaw na kinilala ni Pablo ang panganib ng gayong pagkakahawa at ‘pagpilipit sa mabuting balita’ nang sumulat siya sa mga Kristiyano sa Galacia at sa Colosas: “Mag-ingat kayo: baka sa inyo’y may bumihag sa pamamagitan ng pilosopiya [Griyego, phi·lo·so·phiʹas] at walang kabuluhang pandaraya ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa panimulang aral ng sanlibutan at hindi ayon kay Kristo.”—Galacia 1:7-9; Colosas 2:8; 1 Corinto 1:22, 23.
Niwalang-Saysay ang Pagkabuhay-na-Muli
8. Sa anong palaisipan nakipagpunyagi ang tao, at papaano sinikap ng karamihan ng relihiyon na lutasin ito?
8 Gaya ng nakita natin sa aklat na ito, ang tao ay patuloy na nakikipagpunyagi sa palaisipan ng kaniyang maikli at limitadong pag-iral na humahantong sa kamatayan. Sinabi nga ng may-akdang Aleman na si Gerhard Herm sa kaniyang aklat na The Celts—The People Who Came Out of the Darkness: “Ang relihiyon ay isa ring paraan ng paghahanda sa tao na tanggapin ang kamatayan, sa pamamagitan ng pangako ng mas magandang buhay sa kabila ng libingan, ng muling-pagsilang, o ng dalawang ito.” Halos lahat ng relihiyon ay naniniwala na ang kaluluwa ng tao ay hindi namamatay at na ito ay sumasa kabilang buhay o lumilipat sa ibang nilalang.
9. Ano ang naging konklusyon ng Kastilang iskolar na si Miguel de Unamuno hinggil sa paniwala ni Jesus sa pagkabuhay-na-muli?
9 Halos lahat ng relihiyon sa Sangkakristiyanuhan ay naniniwala rin dito. Tungkol kay Jesus ay sumulat si Miguel de Unamuno, tanyag na Kastilang iskolar ng ika-20 siglo: “Naniwala siya sa pagkabuhay na muli ng katawan [gaya kay Lazaro (tingnan ang pahina 249-52)], ayon sa kaugaliang Judio, hindi sa kawalang-kamatayan ng kaluluwa, ayon sa paraang Platoniko [Griyego]. . . . Ang patotoo ay makikita sa alinmang tapat na aklat ng pagpapakahulugan.” Nagtapos siya: “Ang kawalang-kamatayan ng kaluluwa . . . ay isang paganong pilosopikal na dogma.” (La Agonía Del Cristianismo [Ang Paghihingalo ng Kristiyanismo]) Ang “paganong pilosopikal na dogma[ng]” ito ay nakasingit sa turo ng Sangkakristiyanuhan, bagaman maliwanag na wala ito sa isip ni Kristo.—Mateo 10:28; Juan 5:28, 29; 11:23, 24.
10. Ano ang resulta ng paniwala sa kaluluwang di-namamatay?
10 Ang tusong impluwensiya ng pilosopiyang Griyego ay mahalagang salik sa apostasya na lumitaw pagkamatay ng mga apostol. Ang turong Griyego na kaluluwang di-namamatay ay nagharap ng pangangailangan ng sarisaring hantungan para sa kaluluwa—ang langit, apoy ng impiyerno, purgatoryo, paraiso, Limbo.a Sa pamamagitan ng mga turong ito, hindi nahirapan ang mga klero na masupil ang kanilang mga kawan at takutin sa Kabilang-buhay at manghuthot ng mga kaloob at abuloy mula sa mga ito. Umaakay ito sa isa pang tanong: Papaano lumitaw ang hiwalay na makasaserdoteng klero ng Sangkakristiyanuhan?—Juan 8:44; 1 Timoteo 4:1, 2.
Kung Papaano Nabuo ang Uring Klero
11, 12. (a) Ano pa ang isang tanda ng namumuong apostasya? (b) Ano ang papel ng mga apostol at matatanda sa Jerusalem?
11 Ang isa pang tanda ng apostasya ay ang pagbaling mula sa pangkalahatang ministeryo ng lahat ng Kristiyano, gaya ng itinuro ni Jesus at ng mga apostol, tungo sa pantanging pagkasaserdote at herarkiya na binuo ng Sangkakristiyanuhan. (Mateo 5:14-16; Roma 10:13-15; 1 Pedro 3:15) Noong unang siglo, pagkamatay ni Jesus, ang mga apostol at ilang may espirituwal na kakayahang matatandang Kristiyano sa Jerusalem ang nagsilbing mga tagapayo at tagapanguna sa kongregasyong Kristiyano. Walang sinoman ang itinanghal na nakatataas sa iba.—Galacia 2:9.
12 Noong 49 C.E., nagtipon sila sa Jerusalem upang lutasin ang mga suliranin na aapekto sa lahat ng Kristiyano. Sinasabi ng Bibliya na pagkatapos ng pangmadlang talakayan ay “minagaling ng mga apostol at matatanda [pre·sbyʹte·roi] pati na ng buong kongregasyon na suguin ang mga piling lalaki tungo sa Antioquia kasama nina Pablo at Bernabe, . . . at sa pamamagitan ng kamay ay sumulat sila: ‘Ang mga apostol at matatanda, mga kapatid, sa mga kapatid na nasa Antioquia at Sirya at Cilicia mula sa mga bansa: Binabati namin kayo!’” Maliwanag na ang mga apostol at matatanda ay naglingkod bilang administratibong tagapamahalang ahensiya para sa lumalaganap na mga kongregasyong Kristiyano.—Gawa 15:22, 23.
13. (a) Papaano pinangasiwaan ang bawat sinaunang kongregasyong Kristiyano? (b) Ano ang mga kahilingan para sa matatanda sa kongregasyon?
13 Palibhasa ang lupong tagapamahalang yaon sa Jerusalem ang sinaunang kaayusan ng pangangasiwa sa lahat ng Kristiyano, anong sistema ng pamamatnugot ang itinatag sa bawat kongregasyon, sa lokal na antas? Ipinakikita ng liham ni Pablo kay Timoteo na ang mga kongregasyon ay may mga tagapangasiwa (Griyego, e·piʹsko·pos, pinagmulan ng salitang “episkopal”) na mga matatanda sa espiritu (pre·sbyʹte·roi), mga lalaki na dahil sa paggawi at espirituwalidad ay naging kuwalipikadong magturo sa kanilang mga kapuwa Kristiyano. (1 Timoteo 3:1-7; 5:17) Noong unang siglo, ang mga lalaking ito ay hindi bumuo ng isang hiwalay na uring klero. Wala silang pantanging kasuotan. Ang kanilang espirituwalidad ang nagtangi sa kanila. Sa katunayan, bawat kongregasyon ay may isang lupon ng matatanda (mga tagapangasiwa), hindi isang monarkiyal na pamamahala ng iisang tao.—Gawa 20:17; Filipos 1:1.
14. (a) Papaanong nahalinhan ng mga obispo ng Sangkakristiyanuhan ang mga tagapangasiwang Kristiyano? (b) Sino ang nagsikap na maging pangunahin sa mga obispo?
14 Nang magtagal, ang salitang e·piʹsko·posb (tagapangasiwa, patnugot) ay naging “obispo,” isang pari na namamahala sa ibang klero sa kaniyang diyosesis. Gaya ng paliwanag ng Kastilang Jesuita na si Bernardino Llorca: “Noong una, walang gaanong pinag-iba ang obispo at ang presbitero, at ang pagdiriin ay nasa kahulugan lamang ng mga salita: ang obispo ay katumbas ng patnugot; ang presbitero ay katumbas ng matanda. . . . Ngunit unti-unti nagkaroon ng pagkakaiba nang tawaging obispo ang mas mahahalagang tagapatnugot, na may sukdulang makasaserdoteng kapamahalaan at ng kakayahan na magpatong ng mga kamay at mag-atas ng mga pari.” (Historia dela Iglesia Católica [Kasaysayan ng Iglesiya Katolika]) Sa katunayan, ang mga obispo ay kumikilos na sa paraang monarkiyal, lalo na sa pasimula ng ikaapat na siglo. Itinatag ang herarkiya, o nagpupunong lupon ng mga klero, at nang maglaon ang obispo ng Roma na kahalili di-umano ni Pedro ay kinilala bilang supremong obispo at papa.
15. Anong agwat ang umiral sa pagitan ng sinaunang pangasiwaang Kristiyano at ng Sangkakristiyanuhan?
15 Sa ngayon ang tungkulin ng obispo sa iba’t-ibang iglesiya ng Sangkakristiyanuhan ay isa na may prestihiyo at kapangyarihan, karaniwan na’y may malaking suweldo, at matalik na kasalamuha ng matataas na uring tagapamahala sa bawat bansa. Subalit malayung-malayo ang palalo at matayog na katayuang ito sa payak na kaayusan ni Kristo at ng matatanda, o tagapangasiwa, sa sinaunang kongregasyong Kristiyano. At hindi ba napakalayo rin ang agwat ni Pedro at ng di-umano’y mga kahalili niya, na nagsipamahala sa napakarangyang kapaligiran ng Batikano?—Lucas 9:58; 1 Pedro 5:1-3.
Kapangyarihan at Prestihiyo ng Papa
16, 17. (a) Papaano natin nalaman na ang sinaunang kongregasyon sa Roma ay hindi nasakop ng isang obispo o papa? (b) Papaano umunlad ang paggamit sa titulong “papa”?
16 Kabilang sa mga kongregasyon na pinangasiwaan ng mga apostol at matatanda sa Jerusalem ay yaong nasa Roma, na dinatnan marahil ng Kristiyanong katotohanan pagkaraan ng Pentekostes 33 C.E. (Gawa 2:10) Gaya ng ibang kongregasyong Kristiyano noon, dito ay may mga matanda, na naglingkod bilang lupon ng mga tagapangasiwa na wala ni isang nakatataas sa lahat. Tiyak na sa mga tagapangasiwa sa kongregasyon sa Roma noon ay wala isa man ang itinuring na obispo o papa, yamang hindi pa nabubuo ang monarkiyal na episkopado sa Roma. Mahirap tiyakin kung kailan nagsimula ang monarkiyal, o iisang-tao, na episkopado. Ayon sa ebidensiya ito’y unang nabuo noong ikalawang siglo.—Roma 16:3-16; Filipos 1:1.
17 Ang titulong “papa” (mula sa Griyegong paʹpas, ama) ay hindi ginamit noong unang dalawang siglo. Nagpaliwanag ang dating Jesuitang si Michael Walsh: “Noong ikatlong siglo unang tinawag na ‘Papa’ ang Obispo ng Roma, at ang titulo ay iginawad kay Papa Callisto . . . Noong katapusan ng ikalimang siglo ang ‘Papa’ ay walang ibang naging kahulugan kundi Obispo ng Roma. Subalit noong ikalabing-isang siglo iginiit ng Papa na ang titulo ay sa kaniya lamang kumakapit.”—An Illustrated History of the Popes.
18. (a) Sino ang isa sa mga unang obispo sa Roma na nagsamantala sa autoridad? (b) Saan nakasalig ang pag-aangkin ng papa sa pagiging-kataastaasan? (c) Ano ang wastong unawa sa Mateo 16:18, 19?
18 Isa sa mga unang obispo sa Roma na nagsamantala sa autoridad ay si Papa Leo I (papa, 440-461 C.E.). Idinagdag pa ni Michael Walsh: “Inangkin ni Leo ang paganong titulo na Pontifex Maximus, na ngayon ay ginagamit pa rin ng mga papa at tinaglay ng mga Romanong Emperador hanggang sa katapusan ng ikaapat na siglo.” Ibinatay ni Leo I ang kaniyang kilos sa Katolikong pagpapakahulugan sa mga salita ni Jesus sa Mateo 16:18, 19. (Tingnan ang kahon, pahina 268.) Kaniyang “ipinahayag na yamang si San Pedro ang nangunguna sa mga Apostol, ang simbahan ni San Pedro ay dapat mangibabaw sa ibang simbahan.” (Man’s Religions) Sa hakbang na ito ay niliwanag ni Leo I na hawak niya ang espirituwal na kapangyarihan mula sa Roma sa Kanluran bagaman nasa emperador ang makalupang kapangyarihan sa Constantinople sa Silangan. Ang kapangyarihang ito ay higit pang ipinamalas nang si Carlomagno ay putungan ni Papa Leo III bilang emperador ng Banal na Imperyo ng Roma noong 800 C.E.
19, 20. (a) Papaano minamalas ang papa sa makabagong panahon? (b) Ano ang ilan sa opisyal na titulo ng papa? (c) Anong kaibahan ang makikita sa paggawi ng mga papa at ni Pedro?
19 Mula noong 1929 ang papa sa Roma ay itinuring ng sekular na mga pamahalaan bilang tagapamahala ng isang hiwalay na soberanong estado, ang Lungsod ng Batikano. Kaya ang Iglesiya Katolika Romana lamang, at wala nang ibang relihiyosong organisasyon, ang may mga diplomatikong sugo, mga nuncio, sa mga pamahalaan ng daigdig. (Juan 18:36) Ang papa ay pinararangalan ng napakaraming titulo, na ang ilan ay Bikaryo (Kinatawan) ni Kristo, Kahalili ng Prinsipe ng mga Apostol, Supremong Ama ng Pansansinukob na Iglesiya, Patriyarka ng Kanluran, Primado ng Italya, Soberano ng Lungsod ng Batikano. Pinapasan siya nang may karangyaan at seremonya. Pinararangalan siya na gaya ng isang ulo ng Estado. Sa kabaligtaran, pansinin ang iginawi ni Pedro, di-umano’y unang papa at obispo ng Roma, nang ang Romanong senturyon na si Cornelio ay yumuko sa paanan niya upang magbigay-galang: “Itinaas siya ni Pedro, na nagsabing: ‘Tumayo ka; ako’y tao ring gaya mo.’”—Gawa 10:25, 26; Mateo 23:8-12.
20 Kaya ang tanong ay, Papaano nagkamit ng gayong kapangyarihan at prestihiyo ang apostatang simbahan noong mga unang siglo? Papaanong napalitan ng kapalaluan at karangyaan ng Sangkakristiyanuhan ang pagiging-payak at pagpapakumbaba ni Kristo at ng unang mga Kristiyano?
Pundasyon ng Sangkakristiyanuhan
21, 22. Anong malaking pagbabago ang di-umano ay naganap sa buhay ni Constantino, at papaano niya ito sinamantala?
21 Ang yugto ng pagbabago ng kasisibol na relihiyong ito sa Imperyong Romano ay 313 C.E., ang petsa ng di-umano’y pagkakumberte ni Emperador Constantino sa “Kristiyanismo.” Papaano naganap ito? Noong 306 C.E., hinalinhan ni Constantino ang kaniyang ama at nang maglaon ay naging kapuwa tagapamahala ni Licinio sa Imperyong Romano. Naimpluwensiyahan siya ng debosyon ng kaniyang ina sa Kristiyanismo at sa paniwala niya sa banal na proteksiyon. Bago humarap sa isang pakikidigma sa Tulay ng Milvian malapit sa Roma noong 312 C.E., ay inutusan daw siya sa panaginip na ipinta ang “Kristiyanong” sagisag—ang mga letrang Griyego na khi at rho, unang dalawang titik ng pangalan ni Kristo sa Griyego—sa kalasag ng kaniyang mga kawal.c Sa tulong ng ganitong ‘banal na talisman,’ ay tinalo ng puwersa ni Constantino ang kaaway niyang si Maxencio.
22 Matapos magwagi, inangkin ni Constantino na siya’y naging mananampalataya, bagaman hindi siya nabautismuhan kundi noong malapit nang mamatay pagkaraan pa ng 24 na taon. Nakamit niya ang suporta ng mga nag-aangking Kristiyano dahil sa “kaniyang sagisag na [mga letrang Griyego na] Chi-Rho [ ] . . . Gayunman, ang Chi-Rho ay ginagamit na noon bilang isang pang-angkop [paghuhugpong ng mga letra] kapuwa sa pagano at Kristiyanong konteksto.”—The Crucible of Christianity, pinamatnugutan ni Arnold Toynbee.
23. (a) Ayon sa isang komentarista, kailan nagsimula ang Sangkakristiyanuhan? (b) Bakit natin masasabi na hindi si Kristo ang nagtatag sa Sangkakristiyanuhan?
23 Dito nailatag ang pundasyon ng Sangkakristiyanuhan. Sinabi ng Ingles na tagapagbalitang si Malcolm Muggeridge sa kaniyang aklat na The End of Christendom: “Ang Sangkakristiyanuhan ay nagsimula kay Emperador Constantino.” Gayunman, ganito ang naging puna niya: “Masasabi natin na, hindi pa man lumilitaw, ang Sangkakristiyanuhan ay winakasan mismo ni Kristo nang sabihin niya na ang kaniyang kaharian ay hindi sa sanlibutang ito—isa sa pinakamalawak at pinakamahalaga sa mga pangungusap niya.” At isa na lubusang niwawalang-bahala ng mga pinuno ng relihiyon at politika sa Sangkakristiyanuhan.—Juan 18:36.
24. Sa “pagkakumberte” ni Constantino, anong pagbabago ang naganap sa simbahan?
24 Sa tulong ni Constantino, ang relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay naging opisyal na relihiyon ng Estado. Sinabi ni Elaine Pagels, propesor ng relihiyon: “Ang mga obispong Kristiyano, na noong una’y dinakip, pinahirapan, at pinatay, ay tumanggap ngayon ng kaalwanan sa buwis, mga kaloob mula sa kabang-yaman ng emperador, prestihiyo, at ng impluwensiya sa hukuman; nakamit ng simbahan ang kayamanan, kapangyarihan, at katanyagan.” Naging kaibigan sila ng emperador, kaibigan ng daigdig Romano.—Santiago 4:4.
Si Constantino, ang Erehiya, at ang Pagka-Ortodokso
25. (a) Noong panahon ni Constantino anong teolohikal na pagtatalo ang naganap? (b) Bago ang ikaapat na siglo, ano ang unawa sa kaugnayan ni Kristo at ng kaniyang Ama?
25 Bakit makahulugan ang “pagkakumberte” ni Constantino? Sapagkat bilang emperador naging maimpluwensiya siya sa simbahang “Kristiyano” na nababahagi sa doktrina, at gusto niyang pagkaisahan ang imperyo. Noo’y mainit ang pagtatalo ng mga obispong nagsasalita ng Griyego at Latin dahil “sa relasyon ng ‘Verbo’ o ‘Anak’ ng ‘Diyos’ na nagkatawang-tao kay Jesus, at ng ‘Diyos’ mismo, na tinatawag na ‘Ama’—palibhasa ang pangalan niya, Yahweh, ay nalimutan na ng marami.” (The Columbia History of the World) Pinaboran ng iba ang maka-Kasulatang paniwala na si Kristo, ang Loʹgos, ay nilikha at sakop kung gayon ng Ama. (Mateo 24:36; Juan 14:28; 1 Corinto 15:25-28) Ang isa sa kanila ay si Arius, pari sa Aleksandriya, Ehipto. Sa katunayan, sinasabi ni R. P. C. Hanson, propesor ng dibinidad: “Bago sumiklab ang Alitang Aryano [noong ikaapat na siglo] walang teologo sa Simbahan ng Silangan o Kanluran ang kahit papaano’y hindi kumilala sa Anak bilang sakop ng Ama.”—The Search for the Christian Doctrine of God.
26. Sa pasimula ng ikaapat na siglo, ano ang situwasyon may kinalaman sa turo ng Trinidad?
26 Ang paniwala sa pagiging-sakop ni Kristo ay itinuring ng iba na erehiya at bumaling sila sa pagsamba kay Jesus bilang “Diyos na Nagkatawang-tao.” Subalit sinasabi ni Propesor Hanson na ang yugtong pinag-uusapan (ang ikaapat na siglo) “ay hindi ang tungkol sa pagtatanggol ng napagkasunduan at napagpasiyahang [Trinitaryong] ortodoksiya laban sa mga pagsalakay ng lantarang erehiya [Aryanismo]. Wala pang umiiral na ortodoksong doktrina sa paksang pinag-uusapan.” Nagpapatuloy siya: “Bawat panig ay naniwala na pabor sa kanila ang autoridad ng Kasulatan. Sa bawat isa ang iba ay di-ortodokso, di-tradisyonal at di maka-Kasulatan.” Ang relihiyon ay lubusang nabahagi ng teolohikal na suliraning ito.—Juan 20:17.
27. (a) Ano ang ginawa ni Constantino upang lutasin ang pagtatalo sa kalikasan ni Jesus? (b) Anong bahagi ng simbahan ang kinatawanan ng Konsilyo sa Nice? (c) Nilutas ba ng Kredo ng Nice ang alitan sa nabubuong doktrina ng Trinidad?
27 Hinangad ni Constantino na pagkaisahin ang kaniyang mga sakop, at noong 325 C.E. ay ipinatawag niya ang isang konsilyo ng mga obispo sa Nice, sa Silangan, sa ibayo ng Bosporus mula sa bagong lungsod ng Constantinople na doo’y Griyego ang wika. Di-umano, mga 250 hanggang 318 obispo ang dumalo, o ikatlong bahagi ng kabuoan, at karamihan ay mula sa dako na Griyego ang wika. Maging si Papa Silvestre I ay wala roon.d Pagkatapos ng mainit na pagtatalo, mula sa di-timbang na konsilyong yaon ay lumabas ang Kredo ng Nice na lubhang pabor sa kaisipang Trinitaryo. Ngunit hindi ito lumutas sa pagtatalo sa doktrina. Hindi nito niliwanag ang papel ng banal na espiritu ng Diyos sa Trinidad. Ang mainitang pagtatalo ay tumagal ng maraming dekada, at nangailangan ng karagdagang mga konsilyo, autoridad ng sarisaring emperador at ng pagtatapon upang magkaroon ng pagkakasundo. Nagtagumpay ang teolohiya at natalo ang mga nanghawakan sa Kasulatan.—Roma 3:3, 4.
28. (a) Ano ang ilan sa naging resulta ng doktrina ng Trinidad? (b) Bakit walang saligan sa Bibliya ang pagsamba kay Maria bilang “Ina ng Diyos”?
28 Pagkaraan ng maraming dantaon, isa sa mga bunga ng turo ng Trinidad ay ang paglubog ng iisang tunay na Diyos na si Jehova sa latian ng teolohiyang Kristong-Diyos ng Sangkakristiyanuhan.e Kung si Jesus nga ang Diyos na Nagkatawang-tao, maliwanag na ang susunod na resulta ng teolohiyang ito ay na ang ina ni Jesus, si Maria, ay magiging “Ina ng Diyos.” Pagkaraan ng maraming taon, umakay ito sa iba’t-ibang anyo ng pagsamba kay Maria, bagaman wala ni isang kasulatan ang bumabanggit sa pagkakaroon ni Maria ng mahahalagang papel liban sa pagiging abang bayolohikal na ina ni Jesus.f (Lucas 1:26-38, 46-56) Pagkaraan ng maraming dantaon ang turong Ina-ng-Diyos ay pinagyaman at ginayakan ng Iglesiya Katolika Romana, kaya ang pagsamba ng maraming Katoliko kay Maria ay mas marubdob kaysa pagsamba nila sa Diyos.
Mga Hidwaan sa Sangkakristiyanuhan
29. Anong pagsulong ang ibinabala ni Pablo?
29 Isa pang bunga ng apostasya ay ang paghihidwaan at pagkakawatakwatak. Inihula ni apostol Pablo: “Talastas ko na sa aking pag-alis ay magsisipasok ang mga ganid na lobo sa gitna ninyo at makikitungo nang may-kalupitan sa kawan, at mula sa inyo ay lilitaw ang mga taong magsasalita nang may-kalikuan upang makaakit ng mga alagad para sa kanila.” Buong-linaw din siyang nagpayo sa mga taga-Corinto: “Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo na kayo’y magsalita nang may pagkakasuwato, at huwag kayong magkaroon ng mga hidwaan, bagkus ay magkasundo kayo sa iisang pag-iisip at sa iisang pasiya.” Sa kabila ng tagubilin ni Pablo, ay agad nag-ugat ang apostasya at pagkakabahabahagi.—Gawa 20:29, 30; 1 Corinto 1:10.
30. Anong situwasyon ang maagang lumitaw sa Iglesiya Katolika?
30 Ilang dekada lamang pagkamatay ng mga apostol, lumitaw na ang pagkakabahabahagi sa gitna ng mga Kristiyano. Sinasabi ni Will Durant: “Si Celso [ikalawang-siglong kaaway ng Kristiyanismo] mismo ay patuyang nagkomento na ang mga Kristiyano ay ‘nahati sa napakaraming pangkat, at bawat indibiduwal ay naghangad magtayo ng sariling grupo.’ Noong 187 [C.E.] dalawampung uri ng Kristiyanismo ang naitala ni Ireneo; noong 384 [C.E.] ay walumpu ang nabilang ni Epifanio.”—The Story of Civilization: Part III—Caesar and Christ.
31. Papaano nagkaroon ng malaking hidwaan sa Iglesiya Katolika?
31 Pinaboran ni Constantino ang Silangan, ang bahaging Griyego ng imperyo, nang ipatayo niya ang malawak at bagong kabisera sa dakong sa ngayon ay Turkiya. Tinawag niya itong Constantinople (makabagong Istanbul). Kaya pagkaraan ng maraming dantaon ang Iglesiya Katolika ay nabahagi at nahati ng wika at ng heograpiya—ang Latinong Roma sa Kanluran laban sa Griyegong Constantinople sa Silangan.
32, 33. (a) Ano pa ang sanhi ng hidwaan sa Sangkakristiyanuhan? (b) Ano ang sinasabi ng Bibliya sa paggamit ng mga larawan sa pagsamba?
32 Ang Sangkakristiyanuhan ay patuloy na niligalig ng mga pagtatalo sa mga aspeto ng binubuo-pang-turo ng Trinidad. Isa pang konsilyo ang ginanap noong 451 C.E. sa Calcedonya upang liwanagin ang “mga kalikasan” ni Kristo. Bagaman tinanggap ng Kanluran ang kredo na pinalabas ng konsilyo, tumutol ang mga iglesiya sa Silangan, at humantong ito sa pagkatatag ng Simbahang Coptiko sa Ehipto at Abisinya at ng mga iglesiyang “Jacobita” sa Sirya at Armenya. Ang pagkakaisa ng Iglesiya Katolika ay patuloy na pinagbantaan ng hidwaan sa masalimuot na mga suliraning teolohikal, lalo na sa doktrina ng Trinidad.
33 Isa pang sanhi ng hidwaan ay ang pagsamba sa mga imahen. Noong ikawalong siglo, ang mga obispo sa Silangan ay naghimagsik laban sa idolatriyang ito at sinimulan ang yugtong ikonoklastiko, o pagsira ng mga imahen. Nang maglaon ay nanumbalik sila sa paggamit ng mga larawan.—Exodo 20:4-6; Isaias 44:14-18.
34. Ano ang umakay sa malaking pagkakabahabahagi sa Iglesiya Katolika? (b) Ano ang huling bunga ng pagkakabahaging ito?
34 Dumating ang isa pang malaking pagsubok nang idagdag ng simbahan sa Kanluran ang salitang Latin na filioque (“at mula sa Anak”) sa Kredo ng Nice upang ipahiwatig na ang Banal na Espiritu ay kapuwa nagmula sa Ama at sa Anak. Lumikha ng pagtatalo ang ikaanim na siglong pagbabagong ito nang “ang isang kapulungan [ng mga obispo] sa Constantinople noong 876 ay kumondena sa papa dahil sa kaniyang pamomolitika at hindi pagtutuwid sa erehiya ng sugnay na filioque. Ang hakbang na ito ay bahagi ng lubusang pagtanggi ng Silangan sa pag-aangkin ng papa sa pansansinukob na hurisdiksiyon sa Simbahan.” (Man’s Religions) Noong 1054, itiniwalag ng kinatawan ng papa ang patriyarka ng Constantinople, na gumanti naman ng pagsumpa sa papa. Nang maglaon ang pagkakasirang ito ay humantong sa pagkatatag ng mga Simbahang Ortodokso sa Silangan—ang Griyego, Ruso, ang sa Romaniya, Polandiya, Bulgarya, Serbiya, at iba pang mga indipendiyenteng iglesiya.
35. Sino ang mga Waldense, at paano naiba ang kanilang paniwala sa Iglesiya Katolika?
35 Isa pang kilusan ang nagsimulang lumigalig sa simbahan. Noong ika-12 siglo, si Peter Waldo, ng Lyons, Pransya, ay “umupa ng mga iskolar para isalin ang Bibliya sa langue d’oc [wikang pangrehiyon] ng timog Pransya. Masugid niyang pinag-aralan ang salin at nagpasiya na ang mga Kristiyano ay dapat mamuhay na gaya ng mga apostol—walang sariling ari-arian.” (The Age of Faith, ni Will Durant) Sinimulan niya ang isang kilusan ng mga mangangaral na nakilala bilang mga Waldense. Itinakwil ng mga ito ang pagpaparing Katoliko, mga indulhensiya, purgatoryo, transubstansasiyon, at iba pang tradisyonal na kaugalian at paniwalang Katoliko. Nakarating sila sa ibang bansa. Noong 1229 sinikap silang sugpuin ng Konsilyo ng Tolosa nang ipagbawal nito ang pag-aari ng mga aklat ng Kasulatan. Mga aklat lamang ng liturhiya ang ipinahintulot at ito’y sa patay na wikang Latin lamang. Ngunit darating pa ang ibayong relihiyosong hidwaan at pag-uusig.
Pag-uusig sa mga Albigense
36, 37. Sino ang mga Albigense, at ano ang pinaniwalaan nila? (b) Papaano inusig ang mga Albigense?
36 Isa pang kilusan ang nagsimula noong ika-12 siglo sa timog Pransya—ang mga Albigense (kilala rin bilang Cathari), ayon sa pangalan ng bayan ng Albi, na doo’y maraming tagasunod. May uring-klero din sila na hindi nag-aasawa at na umasang sila’y babatiin nang may paggalang. Para sa kanila makasagisag ang mga salita ni Jesus tungkol sa tinapay noong huling hapunan, “Ito ang aking katawan.” (Mateo 26:26, NAB) Tinanggihan nila ang mga doktrina ng Trinidad, Pagsilang ng Birhen, apoy ng impiyerno, at purgatoryo. Kaya puspusan nilang kinuwestiyon ang mga turo ng Roma. Iniutos ni Papa Inocentes III na pag-usigin ang mga Albigense. “Kung kailangan,” aniya, “sugpuin sila sa pamamagitan ng tabak.”
37 Isang krusada ang inilunsad laban sa “mga heretiko,” at 20,000 lalaki, babae, at bata ang pinaslang ng mga Katoliko sa Béziers, Pransiya. Matapos ang labis-labis na pagbubo ng dugo, dumating ang kapayapaan noong 1229 nang matalo ang mga Albigense. Sa Konsilyo ng Narbonne ay “ipinagbawal sa mga karaniwang tao ang pag-aari ng alinmang bahagi ng Bibliya.” Maliwanag na ang ugat na suliranin ng Iglesiya Katolika ay ang pag-iral ng Bibliya sa karaniwang wika.
38. Ano ang Inkisisyon, at papaano ito pinakilos?
38 Ang susunod na hakbang ng simbahan ay ang Inkisisyon, isang hukuman na itinatag upang sumugpo sa erehiya. Noon ay naghahari ang espiritu ng di-pagpaparaya, at ang mga taong lubhang mapamahiin ay handang pumatay nang walang paglilitis sa mga “heretiko.” Ang situwasyon noong ika-13 siglo ay tumulong upang ang simbahan ay maging abusado. Gayunman, “ang mga heretikong hinatulan ng Simbahan ay ipinagkaloob sa ‘sekular na sangay’—ang mga lokal na autoridad—upang sunugin sa tulos.” (The Age of Faith) Sa pagpapaubaya ng aktuwal na pagpatay sa sekular na mga autoridad, ang simbahan ay naging malaya sa hayagang pagkakasala sa dugo. Sinimulan ng Inkisisyon ang isang yugto ng relihiyosong pag-uusig na nagbunga ng pagmamalabis, maling paratang mula sa mga ayaw magpakilala, pagpatay, pagnanakaw, pagpapahirap, at ng mabagal na kamatayan ng libulibong naglakas-loob na sumalungat sa simbahan. Sinugpo ang kalayaan sa relihiyon. May pag-asa ba para sa mga naghahanap sa tunay na Diyos? Sasagutin ito ng Kabanata 13.
39. Anong relihiyosong kilusan ang nagsimula noong ikapitong siglo at papaano?
39 Samantalang nagaganap ang lahat ng ito sa Sangkakristiyanuhan, isang nagsosolong Arabo sa Gitnang Silangan ang nanindigan laban sa relihiyosong pagwawalang-bahala at idolatriya ng kaniyang mga kababayan. Noong ikapitong siglo sinimulan niya ang isang relihiyosong kilusan na sa ngayon ay may halos isang bilyong sakop. Ang kilusang ito ay ang Islām. Ang susunod na kabanata ay tatalakay sa kasaysayan ng propetang-tagapagtatag nito at ipaliliwanag ang ilan sa kaniyang turo at ang kanilang pinagmulan.
[Mga talababa]
a Ang mga katagang “kaluluwang di namamatay,” “apoy ng impiyerno,” “purgatoryo,” at “Limbo” ay hindi mababasa sa orihinal na Hebreo at Griyego ng Bibliya. Subalit, 42 beses lumilitaw ang salitang Griyego para sa “pagkabuhay-na-muli” (a·naʹsta·sis).
b Ang literal na kahulugan ng salitang Griyego na e·piʹsko·pos ay ‘isa na nagbabantay.’ Sa Latin ito ay naging episcopus, at sa Matandang Ingles ito ay ginawang “biscop” at nang maglaon, sa Middle English, ito ay naging “bishop.”
c Ayon sa alamat, si Constantino ay nakakita sa pangitain ng isang krus na may mga salitang Latin na “In hoc signo vinces” (Manakop sa sagisag na ito). Ayon sa ibang mananalaysay, malamang na yao’y Griyego, “En toutoi nika” (Dito manakop). Dahil sa hindi tugma sa panahon, ang alamat ay kinukuwestiyon ng ilang iskolar.
d Sinasabi ng The Oxford Dictionary of Popes hinggil kay Silvestre I: “Bagaman naging papa siya sa halos dalawampu’t-dalawang taon ng paghahari ni Constantinong Dakila (306-37), isang yugto ng madulang mga pagbabago sa simbahan, maliit lamang ang naging papel niya sa mahahalagang pangyayari noon. . . . May mga obispong naging katapatang-loob ni Constantino, kasundo sa mga patakarang eklesiastikal; subalit [si Silvestre] ay hindi kabilang sa kanila.”
e Para sa detalyadong pagtalakay ng Trinidad, tingnan ang 32-pahinang brochure na Dapat Ba Kayong Maniwala sa Trinidad?, limbag ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., 1989.
f Si Maria, ina ni Jesus, ay binabanggit sa pangalan o bilang kaniyang ina, sa 24 na iba’t-ibang teksto sa apat na Ebanghelyo at minsan sa Mga Gawa. Hindi siya binabanggit ng alinman sa mga liham ng mga apostol.
[Kahon sa pahina 262]
Ang Unang mga Kristiyano at ang Paganong Roma
“Nang bumangon ang kilusang Kristiyano sa Imperyo ng Roma, hinamon nito ang mga nakumberteng pagano na baguhin din ang kanilang saloobin at paggawi. Sa pagtataka ng kanilang mga sambahayan, maraming pagano ang yumakap sa mensaheng Kristiyano bagaman ito ay salungat sa kinasanayan nilang pangmalas na ang pag-aasawa ay isa lamang sosyal at ekonomikong kaayusan, na ang mga ugnayang homoseksuwal ay likas na bahagi ng edukasyon ng mga lalaki, na ang pagpapatutot, kapuwa ng mga lalaki at babae, ay ordinaryo at legal, at na ang diborsiyo, aborsiyon, kontrasepsiyon, at ang paghahantad [sa kamatayan] ng mga inaayawang sanggol, ay mga bagay na praktikal at maalwan.”—Adam, Eve, and the Serpent, ni Elaine Pagels.
[Kahon sa pahina 266]
Kristiyanismo Laban sa Sangkakristiyanuhan
Si Porfirio, ikatlong-siglong pilosopo mula sa Tiro at mananalansang sa Kristiyanismo, ay nagtanong “kung baga mga tagasunod ni Jesus, at hindi si Jesus mismo, ang may pananagutan sa natatanging anyo ng relihiyong Kristiyano. Ipinakita ni Porfirio (at ni Julian [ikaapat na siglong emperador Romano at mananalansang sa Kristiyanismo]), salig sa Bagong Tipan, na hindi tinukoy ni Jesus ang sarili bilang Diyos at nangaral siya, hindi tungkol sa sarili, kundi tungkol sa iisang Diyos, ang Diyos ng lahat. Tinalikdan ng kaniyang mga tagasunod ang turong ito at nagharap ng bagong paraan ng pagsamba at pagpipitagan kay Jesus (hindi sa iisang Diyos). . . . Tinukoy [ni Porfirio] ang masalimuot na suliranin para sa palaisip na mga Kristiyano: ang pananampalatayang Kristiyano ba ay salig sa pangangaral ni Jesus o sa mga ideyang pinalsipika ng kaniyang mga alagad pagkaraan niyang mamatay?”—The Christians as the Romans Saw Them.
[Kahon sa pahina 268]
Si Pedro at ang Pagka-Papa
Sa Mateo 16:18, sinabi ni Jesus kay apostol Pedro: “Sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro [Griyego, Peʹtros], at sa batong [Griyego, peʹtra] ito ay itatayo ko ang aking iglesiya, at ang kamatayan ay hindi mananaig dito.” (RS) Salig dito, inaangkin ng Iglesiya Katolika na itinayo ni Jesus ang kaniyang iglesiya kay Pedro, na, ayon sa kanila, ay ang una sa walang-patid na hanay ng mga obispo ng Roma, na mga kahalili ni Pedro.
Sino ang bato na tinutukoy ni Jesus sa Mateo 16:18, si Pedro o si Jesus? Ipinakikita ng konteksto na ang puntong pinag-uusapan ay ang pagkakakilanlan ni Jesus bilang “ang Kristo, ang Anak ng nabubuhay na Diyos,” gaya mismo ng inamin ni Pedro. (Mateo 16:16, RS) Makatuwiran, kung gayon, na si Jesus mismo ang matatag na batong saligan ng simbahan, hindi si Pedro na sa dakong huli ay tatlong beses magkakaila kay Jesus.—Mateo 26:33-35, 69-75.
Papaano natin nalaman na si Kristo ang batong patibayan? Sa sariling patotoo ni Pedro, nang sabihin niya: “Magsilapit tayo sa kaniya na isang batong buhay, oo nga’t itinakwil ng tao, subalit hinirang ng Diyos, mahalaga . . . Sapagkat ito ang nilalaman ng Kasulatan: ‘Narito! Inilalagay ko sa Sion ang isang bato, hinirang, pangulong batong panulok, mahalaga; at ang sumasampalataya sa kaniya ay hindi kailanman mabibigo.’” Sinabi din ni Pablo: “Kayo’y itinayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at propeta, na si Kristo Jesus ang saligang batong panulok.”—1 Pedro 2:4-8; Efeso 2:20.
Walang ebidensiya sa Kasulatan o kasaysayan na si Pedro ay itinuring na nakatataas sa kaniyang mga kasama. Wala siyang binabanggit tungkol dito sa kaniyang sariling mga liham, at ang tatlong iba pang Ebanghelyo—maging yaong kay Marcos (na malamang na isinalaysay ni Pedro kay Marcos)—ay hindi bumabanggit sa sinabi ni Jesus kay Pedro.—Lucas 22:24-26; Gawa 15:6-22; Galacia 2:11-14.
Wala rin ni katiting na patotoo na si Pedro ay nakarating sa Roma. (1 Pedro 5:13) Nang dumalaw si Pablo sa Jerusalem, “sina Santiago at Cefas [Pedro] at Juan, na itinuturing na mga haligi,” ang tumangkilik sa kaniya. Kaya nang panahong yaon si Pedro ay isa sa tatlong haligi ng kongregasyon. Hindi siya isang “papa,” ni kinilala siyang gayon o bilang pangunahing “obispo” sa Jerusalem.—Galacia 2:7-9; Gawa 28:16, 30, 31.
[Larawan sa pahina 264]
Tatsulok ng Hiwaga ng Trinidad ng Sangkakristiyanuhan
[Mga larawan sa pahina 269]
Ang Batikano (nasa ibaba ang bandila) ay may mga sugong diplomatiko sa mga pamahalaan ng daigdig
[Mga larawan sa pahina 275]
Ang Konsilyo sa Nice ay naglatag ng saligan para sa doktrina ng Trinidad
[Mga larawan sa pahina 277]
Ang pagsamba kay Maria at sa sanggol, gitna, ay pag-ulit sa mas matandang pagsamba sa mga paganong diyosa—kaliwa, sina Isis at Horus ng Ehipto; kanan, ang Mater Matuta ng Roma
[Mga larawan sa pahina 278]
Mga simbahang Ortodokso sa Silangan—ang Sveti Nikolaj, Sofia, Bulgaria, at, ibaba, ang St. Vladimir’s, sa New Jersey, E.U.A.
[Larawan sa pahina 281]
Ang mga krusadang “Kristiyano” ay inorganisa hindi lamang upang palayain ang Jerusalem mula sa Islām kundi upang patayin din ang mga “heretiko” na gaya ng mga Waldense at Albigense
[Mga larawan sa pahina 283]
Si Tomás de Torquemada, Dominikanong monghe, punò ng malupit na Inkisisyong Kastila, na nagpahirap sa mga tao upang umamin