Kapitulo 11
Inihanda ni Juan ang Daan
NAKARAAN na ang labimpitong taon mula nang si Jesus ay isang batang 12 taon na noon ay nagtatanong sa mga guro sa templo. Ngayon ay tagsibol ng taóng 29 C.E., at ang lahat, sa wari, ay nag-uusap tungkol sa pinsan ni Jesus na si Juan, na nangangaral sa buong lupain sa paligid ng Ilog Jordan.
Si Juan ay tunay na isang taong may mabuting katangian, kapuwa sa kaanyuan at sa pagsasalita. Ang kaniyang pananamit ay mula sa balahibo ng kamelyo, at may isang pamigkis na katad sa palibot ng kaniyang baywang. Ang kaniyang pagkain ay mga balang at pulut-pukyutan. At ang kaniyang mensahe? “Mangagsisi kayo, sapagkat malapit na ang kaharian ng langit.”
Ang mensaheng ito ay pumukaw sa kaniyang mga tagapakinig. Ang marami ay nakaunawa ng kanilang pangangailangang magsisi, na iyon ay ang baguhin ang kanilang saloobin at tanggihan ang kanilang dating di-kanais-nais na paraan ng pamumuhay. Kaya mula sa lahat ng teritoryo sa palibot ng Jordan, at kahit na sa Jerusalem, pumaroon ang napakaraming bilang ng mga tao kay Juan, at binautismuhan niya sila, at inilubog sila sa mga tubig ng Jordan. Bakit?
Binautismuhan ni Juan ang mga tao bilang sagisag, o pagpapakita, ng kanilang buong-pusong pagsisisi sa kanilang kasalanan laban sa tipang Batas ng Diyos. Kaya, nang ang ilang Fariseo at Saduceo ay pumaroon sa Jordan, pinagsabihan sila ni Juan. “Kayong lahi ng mga ulupong,” ang sabi niya. “Kayo nga’y magbunga ng karapat-dapat sa pagsisisi; at huwag kayong mag-isip na sabihin sa inyong sarili, ‘Si Abraham ang aming ama.’ Sapagkat sinasabi ko sa inyo na mangyayaring makapagbabangon ang Diyos ng mga anak kay Abraham sa mga batong ito. At ngayon pa’y nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punungkahoy; ang bawat punungkahoy nga na hindi nagbubungang mabuti ay pinuputol at inihahagis sa apoy.”
Dahilan sa pagiging popular ni Juan, sinugo ng mga Judio ang mga saserdote at mga Levita sa kaniya. Sila’y nagtanong: “Sino ka ba?”
“Hindi ako ang Kristo,” ang pag-amin ni Juan.
“Kung gayo’y ano nga?” ang tanong nila. “Ikaw ba’y si Elias?”
“Hindi ako,” ang sagot niya.
“Ikaw ba Ang Propeta?”
“Hindi!”
Sa gayo’y naging mapilit sila: “Sino ka ba? upang ibigay namin ang kasagutan sa mga nangagsugo sa amin. Ano ang sinasabi mo tungkol sa iyong sarili?”
Nagpaliwanag si Juan: “Ako ang tinig ng isang humihiyaw sa ilang, ‘Tuwirin ninyo ang daan ni Jehova,’ gaya ng sinabi ng propetang si Isaias.”
“Bakit nga nagbabautismo ka,” ibig nilang malaman, “kung hindi ikaw ang Kristo o si Elias o Ang Propeta?”
“Ako’y nagbabautismo sa tubig,” ang sagot niya. “Sa gitna ninyo’y may isang nakatayo na hindi ninyo nakikilala, ang isa na pumaparitong sumusunod sa akin.”
Inihanda ni Juan ang daan sa pamamagitan ng paglalagay sa puso ng mga tao sa isang tumpak na kalagayan na tanggapin ang Mesiyas, na magiging Hari. Tungkol sa Isang ito, sinabi ni Juan: “Ang dumarating sa hulihan ko ay lalong makapangyarihan kaysa akin, na hindi ako karapat-dapat magkalag ng panali ng kaniyang mga pangyapak.” Sa katunayan sinabi pa ni Juan: “Ang pumaparitong nasa hulihan ko ay magiging una sa akin, sapagkat siya’y una sa akin.”
Sa gayon, ang mensahe ni Juan na, “malapit na ang kaharian ng langit,” ay nagsisilbing isang babala sa mga tao na ang ministeryo ng hinirang na Hari ni Jehova, si Jesu-Kristo, ay malapit nang magsimula. Juan 1:6-8, 15-28; Mateo 3:1-12; Lucas 3:1-18; Gawa 19:4.
▪ Anong uri ng tao si Juan?
▪ Bakit nagbabautismo ng mga tao si Juan?
▪ Bakit makapagsasabi si Juan na malapit na ang Kaharian?