Kapitulo 28
Tinanong Tungkol sa Pag-aayuno
HALOS isang taon na ang nakalipas buhat nang dumalo si Jesus sa Paskuwa ng 30 C.E. Ngayon, mga ilang buwan nang nakabilanggo si Juan Bautista. Bagaman ibig niya na maging mga tagasunod ni Kristo ang kaniyang mga alagad, hindi lahat ay naging gayon.
Ngayon ang ilan sa mga alagad na ito ng nakabilanggong si Juan ay lumapit kay Jesus at nagtanong: “Bakit nga ba kami at ang mga Fariseo ay nag-aayuno ngunit ang iyong mga alagad ay hindi nag-aayuno?” Ang mga Fariseo ay nag-aayuno makalawa isang linggo bilang isang ritwal ng kanilang relihiyon. At ang mga alagad ni Juan marahil ay sumusunod sa ganoon ding kaugalian. Baka sila’y nag-aayuno upang mamighati sa pagkabilanggo ni Juan at nagtataka sila kung bakit ang mga alagad ni Jesus ay hindi nakikisama sa kanila sa ganitong pamimighati.
Sumagot si Jesus at nagpaliwanag: “Ang mga kaibigan ng kasintahang lalaki ay walang dahilan na mamighati samantalang kasama nila ang kasintahang lalaki, di ba? Subalit darating ang mga araw na ang kasintahang lalaki ay kukunin sa kanila, at saka sila mag-aayuno.”
Natatandaan pa ng mga alagad ni Juan na si Juan mismo ang tumukoy kay Jesus bilang ang Nobyo. Kaya habang naroon si Jesus, hindi iniisip ni Juan na angkop ang mag-ayuno, at ganoon din ang kaisipan ng mga alagad ni Jesus. Nang magtagal, nang mamatay na si Jesus, ang kaniyang mga alagad ay namighati at nag-ayuno. Subalit nang siya’y buhaying-muli at umakyat na sa langit, wala nang dahilan na sila’y mamighati pa at mag-ayuno.
Pagkatapos ay ibinigay ni Jesus ang mga halimbawang ito: “Walang taong nagtatagpi ng matibay na kayo sa damit na luma; sa ibang paraan ang itinagpi ay binabatak ang tinagpian at lalong lumalala ang punit. Ni walang taong nagsisilid ng alak na bago sa mga balat na luma; sa ibang paraa’y papuputukin ng alak na bago ang mga balat, at mabububo, masisira ang mga balat. Kundi dapat isilid ang alak na bago sa mga bagong balat.” Ano ba ang kinalaman ng mga halimbawang ito kung tungkol sa pag-aayuno?
Tinulungan ni Jesus ang mga alagad ni Juan Bautista na makilalang hindi dapat asahan ninuman na ang kaniyang mga tagasunod ay susunod sa mga kinaugalian sa Judaismo, tulad halimbawa ng ritwal ng pag-aayuno. Hindi siya naparito upang tagpian at pahabain ang buhay ng dati nang lipas na mga sistema ng pagsamba na nakahanda nang alisin. Ang Kristiyanismo ay hindi kailangang iayon sa Judaismo noon at sa mga tradisyon ng mga tao. Hindi, hindi ito magsisilbing isang bagong damit na itinagpi sa isang luma o makakatulad ng bagong alak na isinilid sa balat na luma. Mateo 9:14-17; Marcos 2:18-22; Lucas 5:33-39; Juan 3:27-29.
▪ Sino ang mga nag-aayuno, at ano ang layunin?
▪ Bakit ang mga alagad ni Jesus ay hindi nag-ayuno habang siya’y kasama nila, at pagkatapos papaanong ang dahilan ng pag-aayuno ay di-magtatagal at mapaparam na?
▪ Anong mga halimbawa ang isinaysay ni Jesus, at ano ang kahulugan ng mga ito?