Kapitulo 30
Sinagot ang mga Nagpaparatang sa Kaniya
NANG si Jesus ay paratangan ng mga lider ng relihiyong Judio na kaniya raw sinisira ang Sabbath, siya’y sumagot: “Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon at ako’y patuloy na gumagawa.”
Sa kabila ng sinabing iyan ng mga Fariseo, ang ginawa ni Jesus ay hindi yaong gawain na ibinabawal ng kautusan ng Sabbath. Ang kaniyang pangangaral at pagpapagaling ay atas na galing sa Diyos, at sa pagtulad sa halimbawa ng Diyos, siya’y patuloy na gumagawa niyaon araw-araw. Subalit, dahilan sa kaniyang isinagot ay lalong nagalit ang mga Judio at sinikap nila na patayin siya. Bakit?
Sapagkat ngayon sila’y hindi lamang naniniwala na nilalabag ni Jesus ang Sabbath kundi ang kaniyang sinabi na siya’y Anak ng Diyos ay itinuturing nilang isang pamumusong. Gayunman, si Jesus ay di-natatakot at patuloy na sinagot sila may kinalaman sa kaniyang kaugnayan sa Diyos. “Ang Ama ay umiibig sa Anak,” aniya, “at ipinakikita sa kaniya ang lahat ng bagay na kaniyang ginagawa.”
“Kung papaano binubuhay ng Ama ang mga patay,” ang patuloy pa ni Jesus, “gayundin na binubuhay ng Anak yaong mga ibig niyang buhayin.” Oo, binubuhay na ng Anak ang mga patay ayon sa espirituwal na paraan! “Siyang dumidinig ng aking salita at sumasampalataya sa kaniya na nagsugo sa akin,” ang sabi ni Jesus, “ay lumipat na mula sa kamatayan tungo sa buhay.” Oo, sinabi pa niya: “Ang oras ay dumarating, at ngayon na, na ang mga patay ay didinig ng tinig ng Anak ng Diyos at yaong mga nakinig ay mabubuhay.”
Bagaman wala pang rekord na literal na binuhay ni Jesus ang sinuman buhat sa mga patay, kaniyang sinabi sa mga nagpaparatang sa kaniya na ang gayong literal na pagkabuhay-muli ng mga patay ay mangyayari. “Huwag ninyong ipanggilalas ito,” sabi niya, “sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat ng mga nasa libingang alaala ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas.”
Hanggang sa panahong iyon, marahil ay hindi pa inihahayag ni Jesus sa madla ang kaniyang mahalagang papel na ginagampanan sa layunin ng Diyos sa gayong pambihira at tiyakang paraan. Ngunit ang mga nagpaparatang kay Jesus ay mayroon pang higit na mga saksi tungkol sa mga bagay na ito. “Kayo’y nagsugo ng mga lalaki kay Juan,” ang ipinaalaala sa kanila ni Jesus, “at siya’y nagpatotoo sa katotohanan.”
Dalawang taon lamang bago noon, sa mga lider na ito ng relihiyong Judio ay ibinalita ni Juan Bautista ang tungkol sa Isa na darating na kasunod niya. Upang ipaalaala sa kanila ang kanilang dating mataas na pagkakilala sa ngayo’y nakabilanggong si Juan, sinabi ni Jesus: “Kayo nang sandaling panahon ay nalulugod na makigalak na lubha sa kaniyang liwanag.” Ito’y ipinagunita ni Jesus sa kanila sa pag-asang matulungan sila, oo, mailigtas sila. Gayunman ay hindi siya dumidepende sa patotoo ni Juan.
“Ang mga gawa mismo na ginagawa ko [kasali na ang himala na katatapos lamang niyang gawin] ay nagpapatotoo tungkol sa akin na ang Ama ang nagsugo sa akin.” Subalit bukod diyan, sinabi pa ni Jesus: “Ang Ama na nagsugo sa akin ang mismong nagpapatotoo tungkol sa akin.” Ang Diyos ay nagpatotoo tungkol kay Jesus, halimbawa, sa kaniyang bautismo, na ang sabi: “Ito ang aking Anak, na minamahal.”
Talaga nga, ang mga nagpaparatang kay Jesus ay walang dahilan na tanggihan siya. Ang mismong Kasulatan na sinasabi nilang kanilang sinasaliksik ay nagpapatotoo tungkol sa kaniya! “Kung kayo’y naniniwala kay Moises ay maniniwala kayo sa akin,” ang sabi pa ni Jesus nang bandang huli, “sapagkat ang isang iyan ay sumulat tungkol sa akin. Ngunit kung kayo’y hindi naniniwala sa mga isinulat ng isang iyan, papaano kayo maniniwala sa aking mga salita?” Juan 5:17-47; 1:19-27; Mateo 3:17.
▪ Bakit ang gawain ni Jesus ay hindi paglabag sa Sabbath?
▪ Papaano tinalakay ni Jesus ang kaniyang mahalagang bahagi sa layunin ng Diyos?
▪ Upang patunayan na siya’y Anak ng Diyos, kaninong patotoo ang binanggit ni Jesus?