Kapitulo 95
Mga Aral Tungkol sa Diborsiyo at sa Pag-ibig sa mga Bata
SI Jesus at ang kaniyang mga alagad ay patungo sa Jerusalem upang dumalo sa Paskuwa ng 33 C.E. Sila’y tumawid sa Ilog Jordan at dumaan sa rutang lampasan sa purok ng Perea. Si Jesus ay nasa Perea mga ilang linggo lamang ang nakalipas, subalit siya’y tinawagan na pumaroon sa Judea dahil sa may sakit ang kaniyang kaibigang si Lasaro. Nang siya’y naroon sa Perea noon, si Jesus ay nakausap ng mga Fariseo tungkol sa diborsiyo, at ngayon ay muli na namang ibinangon ang paksang iyan.
Ang mga Fariseo ay may iba’t ibang paniniwala tungkol sa diborsiyo. Sinabi ni Moises na ang isang babae ay maaaring hiwalayan dahilan sa “kaniyang hindi disenteng gawain.” Ang iba’y naniniwala na ito’y tumutukoy lamang sa karumihang-asal. Subalit para sa iba ang “hindi disenteng gawain” ay yaon lamang pagkaliliit na kamalian. Kaya, upang subukin si Jesus, ang mga Fariseo ay nagtanong: “Naaayon baga sa kautusan na sa bawat kadahilanan ay hiwalayan ng isang lalaki ang kaniyang asawa?” Sila’y naniniwala na anuman ang sabihin ni Jesus ay magsasangkot sa kaniya sa pakikipagtalo sa mga Fariseo na may naiibang paniwala.
Ang tanong na iyon ay hinarap ni Jesus nang buong husay, hindi siya dumulog sa anumang opinyon ng tao, kundi kaniyang binalikan ang panimulang pagkadisenyo ng pag-aasawa. “Hindi baga ninyo nabasa,” ang tanong niya, “na ang lumalang sa kanila buhat sa pasimula ang siyang gumawa sa kanila na lalaki at babae at ang sabi, ‘Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at mananatili sa kaniyang asawa at ang dalawa ay magiging isang laman’? Kaya nga hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya, ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”
Ang panimulang layunin ng Diyos, ayon sa ipinakikita ni Jesus, ay na kailangang manatiling nagsasama ang mag-asawa, na sila’y huwag magdidiborsiyo. Sa gayon, ang mga Fariseo ay tumugon, “bakit nga ipinag-utos ni Moises na magbigay ng kasulatan sa pagpapaalis at paghiwalay sa kaniya?”
“Dahil sa katigasan ng inyong puso ay ipinaubaya sa inyo ni Moises na inyong hiwalayan ang inyu-inyong asawa,” ang tugon ni Jesus, “datapuwat hindi ganiyan nang pasimula.” Oo, nang itatag ng Diyos ang tunay na pamantayan sa pag-aasawa sa halamanan ng Eden, hindi siya gumawa ng paglalaan para sa paghihiwalay.
Nagpatuloy si Jesus at sinabi sa mga Fariseo: “Sinasabi ko sa inyo na sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban nang dahil sa pakikiapid [Griego, por·neiʹa], at mag-asawa sa iba ay nagkakasala ng pangangalunya.” Sa ganito’y kaniyang ipinakikita na ang por·neiʹa, na malubhang imoralidad sa sekso, ang tanging dahilan na sinasang-ayunan ng Diyos para sa paghihiwalay.
Sa pagkatanto na ang pag-aasawa’y dapat na maging isang tumatagal na pagsasama na ito lamang ang maaaring maging dahilan ng paghihiwalay, ang mga alagad ay naudyukan na magsabi: “Kung ganiyan ang kalagayan ng lalaki sa kaniyang asawa, hindi nararapat mag-asawa.” Tiyak na ang sinumang nagbabalak mag-asawa ay dapat matamang pag-isipan na ang pag-aasawa’y isang permanenteng pagsasama!
Pagkatapos ay nagpatuloy na nagsalita si Jesus tungkol sa pagkawalang asawa. Kaniyang ipinaliwanag na ang mga ibang lalaki’y ipinanganak na mga bating, hindi maaaring mag-asawa dahilan sa kapansanan sa sekso. Ang iba’y ginawang bating ng mga tao, anupa’t ginawang inutil sa sekso. Sa wakas, sinusugpo ng iba ang hangaring mag-asawa at magtamasa ng ligaya ng seksuwal na pakikipagtalik upang sila’y higit na makapag-ukol ng panahon sa mga bagay na may kinalaman sa Kaharian ng langit. “Bayaan siyang makapagbibigay-dako [sa pagkawalang asawa] ay magbigay dako rito,” ang huling sabi ni Jesus.
Nang magkagayo’y dinala kay Jesus ang maliliit na bata. Subalit, pinagalitan ng mga alagad ang mga bata at pinagsabihang magsilayo, marahil upang mailayo si Jesus sa suliranin na maaari namang maiwasan. Subalit sinabi ni Jesus: “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata; sila’y huwag ninyong pagbawalan, sapagkat sa mga katulad nito nauukol ang kaharian ng Diyos. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sinumang hindi tumanggap sa kaharian ng Diyos tulad ng isang munting bata ay hindi papasok dito sa anumang paraan.”
Anong inam na mga aral ang ibinibigay rito ni Jesus! Upang tanggapin natin ang Kaharian ng Diyos, kailangang tularan natin ang kababaang-loob at pagkanatuturuan ng mga maliliit na bata. Subalit ang halimbawa ni Jesus ay nagpapakita rin kung gaano kahalaga, lalo na para sa mga magulang, na magbigay ng panahon sa kanilang mga anak. Ngayon ay ipinakikita ni Jesus ang kaniyang pag-ibig sa mga bata sa pagkalong niya at pagpapala sa kanila. Mateo 19:1-15; Deuteronomio 24:1; Lucas 16:18; Marcos 10:1-16; Lucas 18:15-17.
▪ Ano ang iba’t ibang paniwala ng mga Fariseo tungkol sa diborsiyo, at sa gayo’y papaano nila sinubok si Jesus?
▪ Papaano pinakitunguhan ni Jesus ang pagsisikap ng mga Fariseo na subukin siya, at ano ang kaniyang ibinigay na tanging kadahilanan sa paghihiwalay?
▪ Bakit sinabi ng mga alagad ni Jesus na hindi nararapat mag-asawa, at ano ang payo ni Jesus tungkol doon?
▪ Ano ang itinuturo ni Jesus sa atin sa kaniyang pakikitungo sa maliliit na bata?