Kapitulo 130
Sa Dagat ng Galilea
BUMALIK na ngayon sa Galilea ang mga apostol, gaya ng maaga rito’y itinagubilin sa kanila ni Jesus na gawin. Ngunit hindi nila tiyak kung ano ang dapat nilang gawin doon. Makalipas ang sandali, sinabi ni Pedro kina Tomas, Natanael, Santiago at sa kaniyang kapatid na si Juan, at sa dalawa pang mga apostol: “Mangingisda ako.”
“Kami rin naman ay sasama sa iyo,” ang tugon ng anim.
Sa buong magdamag, sila’y walang nahuling anuman. Gayunman, samantalang nagliliwanag, si Jesus ay tumayo sa tabing-dagat, ngunit hindi nakilala ng mga apostol na iyon ay si Jesus. Siya’y humiyaw: “Mga anak na kabataan, mayroon ba kayong anumang makakain?”
“Wala!” sagot nila buhat sa kabilang ibayo.
“Ihulog ninyo ang lambat sa dakong kanan ng bangka at makasusumpong kayo,” aniya. Inihulog nga nila, at hindi na nila mahila dahil sa karamihan ng mga isda.
“Ang Panginoon nga!” ang bulalas ni Juan.
Nang marinig ito, si Pedro ay nagbigkis ng kaniyang pang-ibabaw na kasuotan, sapagkat hinubad niya ang kaniyang damit, at tumalon sa dagat. Lumangoy siya pagkatapos nang mga siyamnapung metro hanggang sa dalampasigan. Ang ibang apostol naman ay sumunod sa kaniya sakay ng munting bangka, hinihila ang lambat na punô ng mga isda.
Nang sila’y magsilunsad sa lupa, may mga nagbabagang uling, at isda ang nakalagay sa ibabaw, at may tinapay. “Magdala kayo rito ng mga isdang inyong nahuli ngayon,” ang sabi ni Jesus. Umahon si Pedro at hinila ang lambat sa lupa. Ito’y may 153 malalaking isda!
“Halikayo, kumain na kayo ng almusal,” ang anyaya ni Jesus.
At sinuman sa kanila ay hindi nangahas na siya’y tanungin, “Sino ka?” sapagkat alam nilang lahat na iyon ay si Jesus. Ito ang kaniyang ikapitong pagpapakita matapos na siya’y buhaying-muli, at ang kaniyang ikatlong pagpapakita sa mga apostol bilang isang grupo. Siya ngayon ay nagsisilbi ng almusal, binibigyan ang bawat isa sa kanila ng ilang tinapay at isda.
Nang sila’y makakain, si Jesus, na malamang na nakatingin sa napakaraming nahuling isda, ay nagtanong kay Pedro: “Simon anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” Walang pagsalang ang ibig niyang sabihin ay, Mas mahal mo ba ang hanapbuhay na pangingisda kaysa gawain na aking inihanda para sa iyo na gawin?
“Nalalaman mo na kita’y minamahal,” ang tugon ni Pedro.
“Pakanin mo ang aking mga kordero,” ang tugon ni Jesus.
Muli, sa ikalawa, ang tanong niya: “Simon anak ni Juan, iniibig mo ba ako?”
“Oo, Panginoon, nalalaman mo na kita’y minamahal,” ang taimtim na sagot ni Pedro.
“Alagaan mo ang aking maliliit na mga tupa,” ang utos muli ni Jesus.
Pagkatapos, sa ikatlong pagkakataon, kaniyang itinanong: “Simon anak ni Juan, ako ba’y minamahal mo?”
Ngayon ay nalumbay na si Pedro. Marahil ay kaniyang naiisip na baka nag-aalinlangan si Jesus sa kaniyang katapatan. Tandaan, kamakailan lamang nang litisin si Jesus dahil sa kaniyang buhay, siya’y makaitlong ikinaila ni Pedro bilang hindi niya nakikilala. Kaya sinabi ni Pedro: “Panginoon, nalalaman mo ang lahat ng bagay; alam mo na kita’y minamahal.”
“Pakanin mo ang aking maliliit na mga tupa,” ang utos ni Jesus nang ikatlong pagkakataon.
Sa ganoo’y ginagamit ni Jesus si Pedro bilang isang kasangkapan niya upang maimpluwensiyahan ang iba na gawin ang gawain na ibig niyang gawin nila. Siya’y lilisan na sa lupa, at ibig niyang sila’y manguna sa paglilingkod sa mga titipunin sa kulungan ng mga tupa ng Diyos.
Gaya ni Jesus na iginapos at pinatay dahilan sa ginawa niya ang gawaing iniutos ng Diyos sa kaniya na gawin, kaya, ngayon ay isinisiwalat niya, si Pedro’y magdaranas din ng katulad na karanasan. “Nang ikaw ay batá-batâ pa,” sabi ni Jesus sa kaniya, “ikaw ay nahirating magbihis at lumakad kung saan mo ibig. Ngunit pagtanda mo ay iuunat mo ang iyong mga kamay at bibigkisan ka ng iba at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig.” Sa kabila ng kamatayan ng isang martir na naghihintay kay Pedro, sinabi ni Jesus sa kaniya: “Patuloy na sumunod ka sa akin.”
Sa paglingon niya, nakita ni Pedro si Juan at nagtanong: “Panginoon, ano ang gagawin ng taong ito?”
“Kung ibig kong siya’y manatili hanggang sa ako’y pumarito,” ang sagot ni Jesus, “ano nga ang pakialam mo? Ikaw ay patuloy na sumunod sa akin.” Ang mga salitang ito ni Jesus ay naunawaan ng marami sa mga alagad na ang ibig sabihi’y hindi na kailanman mamamatay si apostol Juan. Gayunman, gaya ng ipinaliwanag nang malaunan ni apostol Juan, hindi sinabi ni Jesus na siya’y hindi mamamatay, kundi sinabi lamang ni Jesus: “Kung ibig kong siya’y manatili hanggang ako’y pumarito, ano nga ang pakialam mo?”
Si Juan pagkaraan ay nagsabi rin ng ganitong mahalagang obserbasyon: “Ang totoo, marami pa ring mga bagay na ginawa si Jesus, na, kung ang mga ito’y isusulat nang buo, sa palagay ko, kahit sa daigdig mismo ay hindi magkakasiya ang mga balumbong isinulat.” Juan 21:1-25; Mateo 26:32; 28:7, 10.
▪ Ano ang nagpapakita na hindi natitiyak ng mga apostol kung ano ang dapat nilang gawin sa Galilea?
▪ Papaano nakilala si Jesus ng mga apostol sa Dagat ng Galilea?
▪ Ilang ulit nang nagpakita ngayon si Jesus magbuhat nang siya’y buhaying-muli?
▪ Papaano idiniin ni Jesus ang ibig niyang gawin ng mga apostol?
▪ Papaano ipinahiwatig ni Jesus ang paraan kung papaano mamamatay si Pedro?
▪ Anong sinabi ni Jesus tungkol kay Juan ang may maling pagkaunawa ang marami sa mga alagad?