Kabanata 5
Paghahayag ng Pagbabalik ng Panginoon (1870-1914)
“Ang sumusunod na kasaysayan ay inilahad hindi lamang dahil sa ako’y pinakiusapang magbigay ng isang paggunita tungkol sa pag-akay ng Diyos sa daan ng liwanag, kundi lalo na sa dahilang ako’y naniniwala na ang katotohanan ay dapat na tuwirang sabihin, na dapat maalis ang mga maling pagkaunawa at nakasisirang mga pahayag, at na dapat maunawaan ng ating mga mambabasa kung papaanong hanggang sa ngayon ang Panginoon ay patuloy na tumutulong at pumapatnubay.”a
KASUNOD ng mga pangungusap na ito ay nagpatuloy si Charles Taze Russell na balangkasin ang mga pangyayari na umakay sa kaniyang paglilimbag ng Millennial Dawn (nang maglaon ay tinawag na Studies in the Scriptures) at Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence (ngayo’y kilala bilang Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova). Ang kasaysayang ito ay may natatanging kahulugan para sa mga Saksi ni Jehova. Bakit? Sapagkat ang kanilang kasalukuyang pagkaunawa ng katotohanan ng Bibliya at ang kanilang mga gawain ay maaaring taluntuning pabalik hanggang noong mga 1870 at sa naging gawain ni C. T. Russell at ng kaniyang mga kasama, at mula roon tungo sa Bibliya at sa sinaunang Kristiyanismo.
Sino si Charles Taze Russell? Ang kasaysayan ba ng kaniyang mga ginawa ay katibayan ng tulong at patnubay ng Panginoon?
Pagsasaliksik sa Katotohanan
Si C. T. Russell ay ipinanganak sa Estados Unidos, sa Allegheny (ngayo’y bahagi ng Pittsburgh), Pennsylvania, noong Pebrero 16, 1852. Siya ay pangalawang anak ni Joseph L. at Ann Eliza (Birney) Russell, kapuwa mga Presbitero mula sa lahi ng magkahalong Eskosyano at Irlandes. Namatay ang ina ni Charles nang siya’y siyam na taon lamang, subalit mula sa murang edad, si Charles ay naimpluwensiyahan kapuwa ng kaniyang relihiyosong mga magulang. Gaya ng pagkasabi ng isang nakasama ni C. T. Russell noong bandang huli, “hinutok nila ang maliit na sanga; at ito’y lumaki sa daan ng Panginoon.” Bagaman pinalaki bilang isang Presbitero, nang maglaon ay nakisama si Charles sa Congregational Church sapagkat mas naibigan niya ang mga paniniwala nito.
Si Charles sa kaniyang kabataan ay kinakitaan ng pagiging isang mahusay na negosyante. Sa edad na 11 lamang, siya’y naging kasosyo na ng kaniyang ama sa isang maunlad na tindahan ng mga damit na panlalaki. Pinaunlad pa ni Charles ang negosyo, hanggang sa siya na ang namamahala sa ilan sa kanilang mga tindahan. Bagaman naging matagumpay siya sa negosyo, nabagabag naman siya sa espirituwal. Bakit nagkaganito?
Taimtim na pinaniniwalaan ng mga magulang ni Charles ang mga doktrina ng mga iglesya ng Sangkakristiyanuhan at siya’y tinuruang paniwalaan din ang mga ito. Sa kaniyang kabataan ay itinuro kay Charles na ang Diyos ay pag-ibig, gayunman, nilalang nito ang tao bilang likas na walang-kamatayan at siya’y naglaan ng isang maapoy na dako na doo’y walang-hanggang pahihirapan ang lahat maliban sa mga itinalagang makaligtas. Tumutol ang tapat na puso ng tin-edyer na si Charles sa ganitong idea. Ang pangangatuwiran niya: “Ang isang Diyos na gumamit ng kaniyang kapangyarihan upang lumalang ng mga tao gayong sa simula pa’y alam na niya at nakatalagang pahirapan sila nang walang-hanggan, ay hindi matalino, ni makatarungan, ni maibigin. Ang kaniyang pamantayan ay magiging mas mababa kaysa sa maraming mga tao.”
Subalit ang batang si Russell ay hindi ateista; hindi lamang niya matanggap ang karaniwang pinaniniwalaang mga turo ng mga iglesya. Nagpaliwanag siya: “Unti-unti kong nakita na bagaman ang bawat doktrina ay naglalaman ng ilang bahagi ng katotohanan, ang mga ito, sa kabuuan, ay nakaliligaw at salungat sa Salita ng Diyos.” Tunay, sa mga doktrina ng mga iglesya, ang mga “bahagi ng katotohanan” ay ibinaon sa ilalim ng nakalilitong paganong mga turo na nakasalingit sa nahaluang Kristiyanismo sa panahon ng maraming siglong pag-iral ng apostasya. Sa pagtalikod mula sa mga doktrina ng iglesya at sa paghahanap ng katotohanan, sinuri ni Russell ang ilang pangunahing relihiyon sa Silangan, ngunit hindi siya nasiyahan dito.
Pagtatatag-muli ng Pananampalataya
Gayunman, ang maliit na sanga ay hinutok ng may-takot sa Diyos na mga magulang; iyon ay nakahilig “sa daan ng Panginoon.” Samantalang hinahanap pa niya ang katotohanan, isang gabi noong 1869, may naganap na pangyayari na nagpatatag-muli ng aandap-andap na pananampalataya ni Charles. Habang naglalakad malapit sa tindahan ng mga Russell sa Federal Street, nakarinig siya ng pag-aawitang relihiyoso na nagmumula sa isang bulwagan sa silong. Mula sa kaniyang sariling pananalita, ganito ang naganap:
“Sa wari’y di-sinasadya, pumasok ako sa isang maalikabok, madilim na bulwagan, na nabalitaan kong pinagdarausan ng mga kulto, upang tingnan kung ang iilang nagkakatipong ito ay mayroong mas makatuwirang maibibigay kaysa mga doktrina ng malalaking iglesya. Doon, sa kauna-unahang pagkakataon, narinig ko ang ilang mga bagay tungkol sa mga pinaniniwalaan ng Second Adventists [Advent Christian Church], mula sa tagapangaral na si G. Jonas Wendell . . . Kaya nga, kumikilala ako ng utang na loob sa mga Adventista gayundin sa iba pang mga denominasyon. Bagaman ang kaniyang paliwanag sa Kasulatan ay hindi gaanong maliwanag, . . . iyon ay sapat na, upang sa patnubay ng Diyos, maitatag-muli ang aking aandap-andap na pananampalataya sa maka-Diyos na pagkasi sa Bibliya, at maipakita na ang mga ulat ng mga apostol at mga propeta ay matibay na nagkakaugnayan. Ang aking narinig ay umakay na balikan ko ang aking Bibliya upang buong-sigasig at pag-iingat na pag-aralan higit kailanman, at walang-hanggan kong pasasalamatan ang Panginoon sa pag-akay na iyon; bagaman walang naitulong sa akin ang Adventismo sa anumang partikular na katotohanan, iyon ay may malaking naitulong sa akin upang limutin ang mga kamalian, at sa gayo’y naihanda ako para sa Katotohanan.”
Ang pagtitipong iyon ang nagpanumbalik sa determinasyon ng batang si Russell upang saliksikin ang katotohanan ng Kasulatan. Binalikan niya ang kaniyang Bibliya nang may higit na pananabik kaysa noon. Di-nagtagal ay naniwala si Russell na malapit na ang panahon para sa mga naglingkod sa Panginoon na maunawaang mabuti ang Kaniyang layunin. Kaya, noong 1870, bunga ng nag-aalab na sigasig, siya at ang ilang mga kakilala sa Pittsburgh at sa kalapit na lugar ng Allegheny ay nagtipon at bumuo ng isang klase para sa pag-aaral ng Bibliya. Sang-ayon sa nakasama ni Russell noong bandang huli, sa ganitong paraan pinangasiwaan ang maliit na klase sa Bibliya: “Isa ang magtatanong. Pag-uusapan nila iyon. Titingnan nila ang lahat ng mga tekstong kaugnay sa punto at pagkatapos, pagka sila’y nasisiyahan na sa pagkakaugnay-ugnay ng mga teksto, ihahayag nila sa wakas ang kanilang napagkaisahan at itatala iyon.” Gaya ng ipinaalám ni Russell sa bandang huli, ang mga taon “mula 1870 hanggang 1875 ay isang panahon ng patuloy na pag-unlad ng biyaya at kaalaman at pag-ibig ng Diyos at ng kaniyang Salita.”
Habang sinasaliksik nila ang Kasulatan, maraming bagay ang lumiwanag sa mga taimtim na mananaliksik-ng-katotohanang ito. Nakita nila ang maka-Kasulatang katotohanan may kinalaman sa kamatayan ng kaluluwa ng tao at na ang pagkawalang-kamatayan ay isang kaloob na makakamit ng mga kasama ni Kristong tagapagmana sa kaniyang makalangit na Kaharian. (Ezek. 18:20; Roma 2:6, 7) Nagsimulang maunawaan nila ang turo tungkol sa haing pantubos ni Jesu-Kristo at sa magandang pagkakataon na ang kaloob na ito ay inilaan sa mga tao. (Mat. 20:28) Tinanggap nila na bagaman si Jesus ay unang pumarito sa lupa bilang isang tao sa laman, sa kaniyang pagbabalik siya’y paririto nang di-nakikita bilang isang espiritung persona. (Juan 14:19) Napag-aralan pa rin nila na ang layunin ng pagbabalik ni Jesus ay, hindi upang puksain ang lahat, kundi upang pagpalain ang mga masunuring pamilya sa lupa. (Gal. 3:8) Sumulat si Russell: “Kami’y totoong nalulungkot sa kamalian ng Second Adventists, na umaasa kay Kristo sa laman, at nagtuturo na ang daigdig at lahat ng naroroon maliban sa Second Adventists ay susunugin.”
Ang mga katotohanan mula sa Kasulatan na naging malinaw sa maliit na klaseng ito sa Bibliyang ay talagang isang paglayô sa paganong doktrina na sumalingit sa Kristiyanismo noong panahon ng maraming siglong pag-iral ng apostasya. Subalit si Russell ba at ang kaniyang palaisip-sa-espirituwal na mga kasama ay nagtamo ng mga katotohanang ito mula sa Bibliya sa kanilang sarili lamang?
Tulong Mula sa Iba
Hayagang binanggit ni Russell ang tulong na kaniyang tinanggap mula sa iba sa pag-aaral ng Bibliya. Hindi lamang siya tumanaw ng utang na loob sa Second Adventist na si Jonas Wendell kundi buong-pagmamahal na binanggit din niya ang tungkol sa dalawa pang tao na tumulong sa kaniya sa pag-aaral ng Bibliya. Ganito ang sabi ni Russell tungkol sa dalawa: “Ang pag-aaral ng Salita ng Diyos kasama ng minamahal na mga kapatid na ito ay umakay, baitang-baitang, sa mas luntiang pastulan.” Ang isa, si George W. Stetson, ay isang masipag na estudyante ng Bibliya at pastor ng Advent Christian Church sa Edinboro, Pennsylvania.
Ang isa naman, si George Storrs, ay tagapaglathala ng magasing Bible Examiner, sa Brooklyn, New York. Si Storrs, na ipinanganak noong Disyembre 13, 1796, ay unang napasiglang magsuri ng sinasabi ng Bibliya tungkol sa kalagayan ng patay bunga ng pagbabasa ng isang bagay na inilathala (bagaman noon ay walang pangalan ng may-akda) ng isang maingat na estudyante ng Bibliya, si Henry Grew, ng Philadelphia, Pennsylvania. Si Storrs ay naging masigasig na tagapagtaguyod ng tinatawag noon na kondisyonal na pagkawalang-kamatayan—ang turo na ang kaluluwa ay namamatay at na ang pagkawalang-kamatayan ay isang kaloob na maaaring matamo ng tapat na mga Kristiyano. Nangatuwiran din siya na yamang ang mga balakyot ay namamatay, hindi totoo ang walang-hanggang pagpaparusa. Si Storrs ay naglakbay sa iba’t ibang lugar, habang nagbibigay ng mga panayam tungkol sa paksang ang balakyot ay namamatay. Ang isa sa kaniyang lathalaing akda ay ang Six Sermons, na nang bandang huli ay 200,000 sipi ang naipamahagi. Walang alinlangan, ang matibay na salig-sa-Bibliyang palagay ni Storrs tungkol sa pagkanamamatay ng kaluluwa gayundin ang katubusan at pagsasauli (pagbabalik ng naiwala dahil sa kasalanan ni Adan; Gawa 3:21) ay may matibay, positibong impluwensiya sa batang si Charles T. Russell.
Gayunpaman, isa pang lalaki na may malaking epekto sa buhay ni Russell ang naging dahilan din upang ang kaniyang katapatan sa katotohanan ng Kasulatan ay masubok.
Ang mga Hula Tungkol sa Panahon at ang Pagkanaririto ng Panginoon
Isang umaga ng Enero 1876, ang 23-taóng-gulang na si Russell ay tumanggap ng isang sipi ng relihiyosong pahayagan na tinawag na Herald of the Morning. Mula sa larawan sa pabalat, nakilala niyang ito’y mula sa Adventismo. Ang patnugot, si Nelson H. Barbour, ng Rochester, New York, ay naniwalang ang pagbabalik ni Kristo ay hindi upang puksain ang mga pamilya sa lupa kundi upang pagpalain sila at na ang kaniyang pagbabalik ay hindi sa laman kundi sa espiritu. Aba, ito pala’y kasuwato ng pinaniniwalaan noon pa ni Russell at ng kaniyang mga kasama sa Allegheny!b Bagaman kataka-taka, pinaniwalaan ni Barbour mula sa Biblikong mga hula tungkol sa panahon na ang Kristo ay naririto na (nang di-nakikita) at na ang gawaing pag-aani “sa trigo” (tunay na mga Kristiyano na bumubuo sa uring pang-Kaharian) ay nakatakda na.—Mat., kab. 13.
Noon ay iniwasan ni Russell ang Biblikong mga hula tungkol sa panahon. Subalit, ngayon, siya’y nag-isip: “Maaari kaya na ang mga hula tungkol sa panahon na aking hinamak, dahilan sa maling paggamit dito ng mga Adventista, ay talagang inilaan upang ipahiwatig kung kailan ang di-nakikitang pagkanaririto ng Panginoon upang itatag ang kaniyang Kaharian?” Dahil sa di-mapatid na pagkauhaw sa maka-Kasulatang katotohanan, kailangang malaman ni Russell ang higit pa. Kaya siya’y nagsaayos na makipagkita kay Barbour sa Philadelphia. Ang pagkikitang ito ay nagpatibay sa kanilang pagkakasundo sa ilang turo sa Bibliya at naglaan ng pagkakataon para sa kanila upang magpalitan ng mga kuru-kuro. “Nang una kaming magkita,” sinabi ni Russell pagkaraan, “siya’y maraming natutuhan mula sa akin tungkol sa kabuuan ng pagsasauli batay sa kasapatan ng pantubos na ibinigay para sa lahat, kung papaano rin naman na marami akong natutuhan sa kaniya tungkol sa panahon.” Nagtagumpay si Barbour sa pagkumbinsi kay Russell na ang di-nakikitang pagkanaririto ng Kristo ay nagsimula noong 1874.c
“Pinagpasiyahan ang Isang Masiglang Kampanya sa Katotohanan”
Si C. T. Russell ay isang lalaking may matibay na pananalig. Dahilan sa paniniwalang nagsisimula na ang di-nakikitang pagkanaririto ni Kristo, siya’y nagpasiyang ipahayag iyon sa iba. Sinabi niya nang maglaon: “Ang pagkaalam ng katotohanang tayo’y nasa panahon na ng pag-aani ang nagbigay sa akin ng sigla upang palaganapin ang Katotohanan nang higit kailanman. Kung gayon, agad kong pinagpasiyahan ang isang masiglang kampanya sa Katotohanan.” Ngayon ay desidido si Russell na bawasan ang kaniyang panahon sa negosyo upang magampanan niya ang pangangaral.
Upang mahadlangan ang maling mga palagay may kinalaman sa pagbabalik ng Panginoon, isinulat ni Russell ang pulyetong The Object and Manner of Our Lord’s Return. Iyon ay napalathala noong 1877. Nang taon ding iyan sina Barbour at Russell ay magkasamang naglathala ng Three Worlds, and the Harvest of This World. Ang 196-na-pahinang aklat ay tumalakay sa mga paksa ng pagsasauli at Biblikong mga hula tungkol sa panahon. Bagaman ang bawat paksa ay natalakay na noon ng iba, sa palagay ni Russell ang aklat na ito ay “ang kauna-unahan na nagsanib sa idea ng pagsasauli at sa makahulang-panahon.” Iniharap niyaon ang palagay na ang di-nakikitang pagkanaririto ni Jesu-Kristo ay naganap noong taglagas ng 1874.
Habang si Russell ay naglalakbay at nangangaral, naging maliwanag sa kaniya na higit pa ang kailangan upang mapanatiling buháy at nadidiligan ang binhi ng katotohanan na kaniyang inihahasik. Ang sagot? “Isang buwanang babasahin,” ang sabi ni Russell. Kaya sila ni Barbour ay nagpasiyang simulang muli ang paglalathala ng Herald, na napahinto dahil sa mga kinanselang suskrisyon at nasaid na pondo. Ibinigay ni Russell ang sariling salapi upang mailathala-muli ang magasin, anupat siya ay naging isa sa mga kasamang patnugot nito.
Sa ilang panahon ang lahat ay naging maayos—hanggang noong 1878.
Humiwalay si Russell kay Barbour
Sa isyu ng Agosto 1878 ng Herald of the Morning, lumabas ang isang artikulo ni Barbour na nagpapabulaan sa kapalit na halaga ng kamatayan ni Kristo. Si Russell, na halos 30 taon ang kabataan kaysa kay Barbour, ay naniniwala na ito ay tahasang pagtatakwil sa pinakabuod ng turo ukol sa pantubos. Kaya karaka-raka sa sumunod na isyu (Setyembre 1878), sa artikulong pinamagatang “The Atonement,” ipinagtanggol ni Russell ang pantubos at sinalungat ang mga pahayag ni Barbour. Nagpatuloy ang pagtatalo sa mga pahina ng magasin sa sumunod na mga buwan. Sa wakas, nagpasiya si Russell na humiwalay kay G. Barbour at itinigil ang pinansiyal na pagsuporta sa Herald.
Gayunman, inisip ni C. T. Russell na ang basta paghiwalay lamang mula sa Herald ay hindi sapat; ang turo ukol sa pantubos ay dapat ipagtanggol at ang pagkanaririto ni Kristo ay dapat ipahayag. Kaya, noong Hulyo 1879, sinimulang ilathala ni Russell ang Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence.d Si Russell ang patnugot at tagapaglathala, kasama ang lima pa na nakatala bilang mga manunulat sa mga pitak nito. Sa unang isyu ay 6,000 sipi ang nailimbag. Nang sumapit ang 1914 ang nalilimbag sa bawat isyu ay naging mga 50,000 sipi.
“Hindi sa Ito’y Bago, Hindi sa Aming Sarili, Kundi Bilang sa Panginoon”
Ginamit ni C. T. Russell ang Watch Tower at iba pang mga publikasyon upang ipagtanggol ang mga katotohanan sa Bibliya at upang pabulaanan ang mga turo ng huwad na mga relihiyon at mga pilosopya ng tao na salungat sa Bibliya. Gayunpaman, hindi niya inangkin na natuklasan niya ang bagong mga katotohanan.
Mula sa pagtatapos ng ika-18 siglo, isinisiwalat na ng maraming ministro at mga iskolar ng Bibliya ang maling mga turo ukol sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa at ang walang-hanggang pagpaparusa sa mga balakyot. Ang pagbubunyag na ito ay lubusang napaulat sa aklat na Bible Vs. Tradition, ni Aaron Ellis, unang inilathala sa Inglatera at pagkaraan ay sa Estados Unidos ni George Storrs noong 1853. Subalit noong panahong iyon ay walang nakahigit kay C. T. Russell at sa kaniyang mga kasama sa pagsisiwalat ng katotohanang ito.
Kumusta naman ang iba pang mga turo sa Bibliya na tinalakay sa Watch Tower at sa iba pang mga publikasyon? Inangkin bang lahat ni Russell ang kapurihan sa pagsisiwalat ng mahalagang hiyas na ito ng katotohanan? Nagpaliwanag si Russell: “Nakita namin na sa nakaraang mga siglo ay pinaghati-hatian ng iba’t ibang mga sekta at mga pangkat ang mga turo ng Bibliya, na hinaluan ang mga iyon ng ilang mga haka-haka at kamalian ng mga tao . . . Nakita namin na ang mahalagang turo ukol sa pag-aaring ganap sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi ng mga gawa ay maliwanag na ipinahayag ni Luther at kamakailan lamang ng maraming Kristiyano; na ang maka-Diyos na katarungan at kapangyarihan at karunungan ay naiingatan bagaman hindi gaanong nauunawaan ng mga Presbitero; na pinahahalagahan at pinupuring maigi ng mga Methodista ang pag-ibig at pagkahabag ng Diyos; na tangan ng mga Adventista ang mahalagang turo ng pagbabalik ng Panginoon; na ang mga Baptist bukod sa iba pang mga bagay ay may wastong pagkaunawa sa turo ukol sa simbolikong bautismo, bagaman nakaligtaan nila ang aktuwal na bautismo; na ang ilang Universalista ay malaon nang nanghahawakan sa ilang kaunawaan tungkol sa ‘pagsasauli’ bagaman walang katiyakan. Kaya, halos lahat ng mga denominasyon ay kinakitaan ng patotoo na talagang naghahanap ng katotohanan ang kanilang mga tagapagtatag: subalit maliwanag na ang pangunahing Kaaway ay kumalaban sa kanila at di-tumpak na hinati ang Salita ng Diyos na hindi niya lubusang mawasak.”
May kinalaman sa kronolohiya na madalas niyang inihaharap, sinabi ni Russell: “Kapag sinasabi naming ‘aming’ kronolohiya ang ibig lamang naming sabihin ay yaong isa na ginagamit namin, ang kronolohiya ng Bibliya, na pag-aari ng buong bayan ng Diyos na sumasang-ayon doon. Sa katunayan iyon ay ginamit na noon pa sa paraang halos kagaya ng pagkagamit namin, kung papaanong ang mga hula na aming ginagamit ay ginamit ng mga Adventista sa ibang layunin, at kung papaanong ang iba’t ibang doktrina na aming pinaniniwalaan na waring totoong naiiba at bago at walang-katulad ay ginamit sa anyo noong una pa: halimbawa—Paghirang, Kaloob na Biyaya, Pagsasauli, Pag-aaring-ganap, Pagpapabanal, Pagluwalhati, Pagkabuhay-muli.”
Kaya papaano nahiwatigan ni Russell ang papel na ginampanan niya at ng kaniyang mga kasama sa paglalathala ng katotohanan sa Kasulatan? Nagpaliwanag siya: “Ang aming gawain . . . ay ang tipunin ang malaon nang nakakalat na mga putul-putol na katotohanan at iharap ang mga ito sa bayan ng Panginoon—hindi sa ito’y bago, hindi sa aming sarili, kundi bilang sa Panginoon. . . . Hindi namin dapat angkinin ang anumang kapurihan kahit na sa pagkatuklas at pagsasayos man lamang ng mga hiyas ng katotohanan.” Sinabi pa niya: “Ang gawain na doo’y natutuwa ang Panginoon na gamitin ang aming munting talino ay hindi ang pagpapasimula kundi ang muling-pagbubuo, pagsasaayos, pagtutugma.”
Kaya si Russell ay totoong mababang-loob kung tungkol sa kaniyang mga nagawa. Gayunman, ang “nakakalat na putul-putol na katotohanan” na kaniyang tinipon at iniharap sa bayan ng Panginoon ay malaya sa nakasisirang-puri-sa-Diyos na mga paganong doktrina ng Trinidad at pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, na naging bahagi na ng mga iglesya ng Sangkakristiyanuhan bilang bunga ng malaking apostasya. Di-tulad ng iba noong panahong iyon, inihayag ni Russell at ng kaniyang mga kasama sa buong daigdig ang kahulugan ng pagbabalik ng Panginoon at ng banal na layunin at kung ano ang nasasangkot dito.
‘Pagpapatibayan sa Isa’t Isa sa Kabanal-banalang Pananampalataya’
Ang tapat-pusong mga tao ay agad tumugon sa nagpapalayang katotohanan na inihahayag ni C. T. Russell at ng kaniyang mga kasama kapuwa sa pamamagitan ng nakalimbag na babasahin at mga pahayag. Naisip ni Russell, noo’y wala pang 30 anyos ang edad, na dapat na ang mga mambabasa ng Watch Tower ay makilala ng mga kapananampalataya at magpatibayan sa isa’t isa. Ang mga Estudyante ng Bibliya sa Pittsburgh ay nagsasagawa nito sa pamamagitan ng regular na pagtitipong sama-sama, subalit papaano matutulungan ang mga mambabasa ng Watch Tower sa ibang mga lugar?
Ang sagot ay lumabas sa mga isyu ng Watch Tower ng Mayo at Hunyo 1880. Doon ay ipinatalastas ni Russell ang kaniyang plano na dalawin ang ilang bayan at lunsod sa Pennsylvania, New Jersey, Massachusetts, at New York. Sa anong layunin? “Ang ating mga mambabasa,” ang paliwanag ng patalastas, “ay totoong kalat-kalat, sa ilang lugar ay may 2 at 3, at hanggang 50. Sa maraming lugar ay lubusang hindi sila magkakakilala, at sa gayo’y nawawala ang pagdadamayan at kaaliwan na nilayon ng ating Ama na madama nila sa pamamagitan ng ‘Pagkakatipong sama-sama gaya ng nakaugalian ng iba.’ Nilayon Niya na tayo’y ‘Magpalakasan sa isa’t isa,’ at magpatibayan sa isa’t isa sa kabanal-banalang pananampalataya. Ang mungkahing mga pagpupulong na aming inaasahan, ay maaaring makatulong sa personal na pagkikilala.”—Heb. 10:24, 25.
Ang “mungkahing mga pagpupulong” ay ginanap sa paglalakbay ni Russell at napatunayang totoong matagumpay; ang mga mambabasa ng Watch Tower ay naging malapít sa isa’t isa. Ito at ang ibang mga pagdalaw sa “maliliit na grupo ng mga naghihintay” di-nagtagal ay nakabuo ng ilang mga klase, o iglesya (nang maglaon ay tinawag na mga kongregasyon), sa mga lugar na nabanggit sa unahan gayundin sa Ohio at Michigan. Ang mga klaseng ito ay hinimok na magsagawa ng regular na mga pagpupulong. Subalit anong uri ng mga pagpupulong?
Ang klase sa Pittsburgh ay nasanay na magpulong kahit man lamang dalawang beses sa isang linggo. Ang isang pulong ng klase sa Pittsburgh ay madalas na naglalakip ng isang pahayag para sa buong iglesya mula sa isang kuwalipikadong tagapagsalita, marahil sa isang inuupahang bulwagan. Ngunit sa iba pang mga pulong, na madalas ginagawa sa pribadong tahanan, ang mga nagsidalo ay inanyayahan na dalhin ang Bibliya, konkordansiya, papel, at lapis—at makilahok.
Ang mainit na pagsasamahang espirituwal na tinamasa sa mga regular na pagpupulong na iyon ay nakapagpapaginhawa anupat ibang-iba sa malamig, walang-pagtinging kapaligiran sa mga kulto ng maraming mga iglesya ng Sangkakristiyanuhan. Subalit hindi nagmula kay Russell at sa kaniyang mga kasama ang idea ng regular na pagpupulong. Ang nakagawiang pagpupulong na iyan, kahit sa mga pribadong tahanan, ay itinatag ng unang-siglong mga Kristiyano.—Roma 16:3, 5; Col. 4:15.
“Nangangaral Ka Ba?”
Malakas ang kutob ni C. T. Russell at ng kaniyang mga kasama na sila’y nasa panahon ng pag-aani at na ang mga tao ay nangangailangang makarinig ng nakapagpapalayang katotohanan. Ngunit, kakaunti lamang sila. Pinupunan ng Watch Tower ang mahalagang pangangailangan, subalit may higit pa bang magagawa? Naisip ni Russell at ng kaniyang mga kamanggagawa na mayroon pa. Noong 1880 nagsimula silang maglathala ng Bible Students’ Tracts (pagkaraan ay tinawag na Old Theology Quarterly), at ang mga ito ay inilaan sa mga mambabasa ng Watch Tower upang ipamahagi nang walang bayad sa mga tao.
Oo, hinimok ang mga mambabasa ng Watch Tower na ibahagi sa iba ang mahalagang katotohanang natututuhan nila. “Nangangaral ka ba?” ang tanong na ibinangon sa pinagsamang isyu ng Watch Tower ng Hulyo at Agosto 1881. Gaano kahalaga sa kanila ang pangangaral? Ganito pa ang sabi sa artikulo: “Kami’y naniniwala na walang mapapabilang sa munting kawan kundi ang mga mángangarál. . . . Oo, tayo’y tinawag upang magdusang kasama niya at upang ipahayag ang mabuting balitang iyan ngayon, na sa takdang panahon tayo’y maaaring luwalhatiin at isagawa ang mga bagay na ipinangangaral ngayon. Hindi tayo tinawag, ni pinahiran upang tumanggap ng karangalan at mag-impok ng kayamanan, kundi upang ibigay ang lahat ng ating panahon at lakas, at upang ipangaral ang mabuting balita.”
Angkop lamang na ang mga naunang Estudyante ng Bibliya ay matinding nakadama na kailangang ipangaral ang mabuting balita. Sa katunayan, ang atas na mangaral ay iniatang sa unang-siglong mga Kristiyano; iyon ay isang pananagutan na nakaatang sa lahat ng mga tunay na Kristiyano hanggang sa panahong ito. (Mat. 24:14; 28:19, 20; Gawa 1:8) Subalit ano ang layunin ng pangangaral na isinagawa ni Russell at ng mga naunang mambabasa ng Watch Tower? Basta ba lamang makapamahagi ng mga literatura sa Bibliya o gisingin sa mga katotohanan ng Kasulatan ang mga palasimba?
“Dapat Mong . . . Iwanan Ito”
“Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko,” ang matagal nang babala ng Bibliya. Mula saan? Mula sa “Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot at ng mga nakasusuklam na bagay sa lupa.” (Apoc. 17:5; 18:4) Bakit lalabas sa Babilonya? “Sapagkat ang kaniyang mga kasalanan ay abot hanggang langit, at naalaala ng Diyos ang kaniyang mga gawang katampalasanan.” (Apoc. 18:5) Sino ang inang patutot na ito na mula sa kaniya’y dapat na humiwalay ang mga tao?
Ipinakilala ni Martin Luther at ng iba pang mga lider ng Repormasyon ang Iglesya Katolika at ang papado nito bilang ang Babilonyang Dakila. Kumusta naman ang mga iglesyang Protestante na lumitaw bunga ng Repormasyon? Ang totoo, maliban lamang sa pagtanggi nila sa pagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan ng papa, ang ilan ay wala namang ipinagkaiba sa Katolisismo sa kayarian ng simbahan, at taglay pa rin nila ang di-makakasulatang mga doktrina, gaya ng Trinidad, pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, at walang-hanggang pagpaparusa. Sa dahilang ito kung kaya ang ilang mga tagapangaral ay humimok sa mga tao na makawala hindi lamang sa Iglesya Katolika kundi rin naman sa pangunahing mga sistema ng mga simbahang Protestante.
Naunawaan din ni C. T. Russell at ng kaniyang mga kasama na ang ubod-samang patutot na ito ay hindi lamang ang Iglesya Katolika. Kaya nga, samantalang itinulad ng Watch Tower ng Nobyembre 1879 ang Babilonyang Dakila sa “Papado Bilang Isang SISTEMA,” dagdag pa ng artikulo: “Dapat tayong magpatuloy at isangkot, (hindi ang bawat miyembro, kundi ang mga sistema ng simbahan) ang ibang mga simbahan na kaisa sa mga Imperyo ng daigdig. Ang bawat iglesya na nag-aangking malinis na birhen na kasal kay Kristo, ngunit sa totoo’y kaisa at sinusuportahan ng sanlibutan (mabangis na hayop) ay dapat nating hatulan bilang isang iglesyang patutot ayon sa wika ng kasulatan.”
Kung gayon, hinimok ang mga mambabasa ng Watch Tower na gawin ang ano? Sumulat si Russell: “Kung ang iglesya na kinauugnayan mo, ay nakikiapid sa sanlibutan, dapat mong iwanan ito, kung nais mong mapanatiling maputi ang iyong kasuutan.” Noon ay hindi pa nauunawaan ni Russell at ng kaniyang mga kasama ang kabuuang lawak ng impluwensiya ng Babilonyang Dakila. Gayunpaman, hinimok ang mga mambabasa ng Watch Tower na humiwalay sa alinmang mga sistema ng iglesya na makasalanan at makasanlibutan.—Juan 18:36.
“Nabihag Agad ang Aking Puso ng Katotohanan Nito”
Ang paglalathala ng mga katotohanan ng Bibliya ay higit na umunlad noong 1886 nang ilabas ang unang tomo ng ipinangakong serye ng mga aklat na tinawag na Millennial Dawn, isinulat ni C. T. Russell. Ang Tomo I ay tinawag na The Divine Plan of the Ages. Ito’y naglalaman ng mga aralin sa 16 na paksa, gaya ng “The Existence of a Supreme Intelligent Creator Established,” “The Bible as a Divine Revelation Viewed in the Light of Reason,” “Our Lord’s Return—Its Object, the Restitution of All Things,” at “The Permission of Evil and Its Relation to God’s Plan.” Sa dakong huli, isinulat ni C. T. Russell ang lima pang aklat sa mga serye ng Millennial Dawn.e
Namatay si Russell bago niya nagawa ang balak na pagsulat ng ikapitong tomo ng serye, ngunit ang malawakang pamamahagi ng anim na tomo na natapos niya ay nagpakilos sa tapat-pusong mga tao. “Nakatanggap ako ng iyong aklat na MILLENNIAL DAWN noong nakaraang Taglagas,” ang isinulat ng isang babae noong 1889, “ang unang pagkakataon na nalaman kong may ganitong aklat pala. Natanggap ko ito isang Sabado ng gabi, agad na binasa ito at hindi ko na binitiwan, kung hindi rin lang kinakailangan, hanggang sa matapos. Nabihag agad ang aking puso ng katotohanan nito; karaka-raka akong nagbitiw sa Iglesya Presbiteryano kung saan malaon na rin akong kakapa-kapa sa dilim upang makita ang katotohanan, ngunit hindi ko nasumpungan.”
Noong mga panahong iyon ay kinakailangan ang tunay na lakas ng loob upang makabitiw sa sariling iglesya. Ipinakita iyon ng isang babae sa Manitoba, Canada, na nagkaroon ng Millennial Dawn noong 1897. Sa simula, sinubukan niyang manatili sa kaniyang iglesya at magturo sa lokal na Sunday schools. Dumating ang araw, noong 1903, na ipinasiya niyang lisanin ang iglesya. Siya’y tumayo at sinabi sa lahat ng naroroon kung bakit naisip niya na dapat na siyang humiwalay sa iglesya. Ang pinakamalapit na kapitbahay (na kinikilala ng mga tao sa maliit na komunidad noong panahong iyon) ay sumubok na himukin siyang bumalik sa iglesya. Subalit siya’y nanindigang matatag, kahit na wala namang kongregasyon ng mga Estudyante ng Bibliya na malapit sa kanila. Nang maglaon ay ganito ang pagkalarawan ng kaniyang anak na lalaki sa kalagayan niya: “Walang lingkod sa pag-aaral [matanda] na masasandalan. Walang pagpupulong. Isang nagsisising puso. Isang gamít na gamít nang Bibliya. Mga oras ng mahahabang panalangin.”
Ano ba mayroon ang Millennial Dawn, ang Watch Tower, at ang iba pang mga publikasyon ng Samahan na bumihag sa mga puso ng mga tao at nag-udyok sa kanila sa gayong mga positibong pagkilos? Si C. T. Russell ay may paraan ng pagpapaliwanag sa mga turo ng Bibliya na kakaiba sa maraming manunulat ng kaniyang kaarawan. Naniniwala siya na ang Bibliya ay ang di-nagkakamaling Salita ng Diyos at na ang mga turo nito ay dapat na nagkakasuwato. Kung gayon, kapag ang isang bahagi ng Bibliya ay mahirap unawain, iniisip niya na dapat itong liwanagin at bigyang-kahulugan ng ibang bahagi ng kinasihang Salita. Hindi niya sinubok na alalayan ang kaniyang ibinigay na paliwanag ng salaysay ng mga teologo ng kaniyang kaarawan o ng mga palagay ng tinatawag na mga ama ng sinaunang iglesya. Gaya ng isinulat niya sa Tomo I ng Millennial Dawn: “Naniniwala kami na ito ang karaniwang kamalian sa ngayon at sa lahat ng panahon na ang mga tao ay maniwala sa ilang mga doktrina dahil iyon ang pinaniniwalaan ng iba, niyaong mga pinagkakatiwalaan nila. . . . Ang mga naghahanap ng katotohanan ay dapat na mag-alis ng maputik na tubig ng tradisyon sa kanilang mga lalagyan at punuin iyon mula sa bukal ng katotohanan—ang Salita ng Diyos.”
Habang ang dumaraming bilang na iyon ng mga naghahanap sa katotohanan ay tumutugon sa kanilang nababasa sa mga publikasyon ng Samahang Watch Tower, ilang di-inaasahang pagbabago ang kinailangang gawin sa Allegheny.
Punong-Tanggapan sa Bible House
Ang mga Estudyante ng Bibliya sa Allegheny, na kaugnay sa paglalathala ng Watch Tower, ay itinuturing na siyang may higit na karanasan sa paggawa ng gawain sa Panginoon at siyang tinitingnan ng lahat sa mga iglesya, o sa mga kongregasyon, bilang siyang nangunguna. Sa pasimula ay may punong-tanggapan sila sa 101 Fifth Avenue, Pittsburgh, at pagkaraan sa 44 Federal Street, Allegheny. Gayunman, sa pagtatapos ng dekada ng 1880, kinailangan ang pagpapalawak. Kaya nagsaayos si Russell na magpagawa ng mas malalaking pasilidad. Noong 1889 natapos ang isang apat-na-palapag na gusaling yari sa laryo sa 56-60 Arch Street, Allegheny. Nagkakahalaga ng $34,000, ito’y nakilala bilang ang Bible House. Ito’y nagsilbing punong-tanggapan ng Samahan sa loob ng mga 19 na taon.
Hanggang noong 1890, ang maliit na pamilya ng Bible House ay tumutustos sa mga pangangailangan ng daan-daang aktibong kaugnay sa Samahang Watch Tower. Subalit habang nagpapatuloy ang dekada ng 1890, marami pa ang nagpakita ng interes sa ginagawa ng mga ito. Sa katunayan, sang-ayon sa di-kumpletong ulat sa Watch Tower, noong Marso 26, 1899, ginanap ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo sa 339 na magkakahiwalay na pulong na may 2,501 nakibahagi. Ano, kung gayon, ang tutulong upang mapanatiling nagkakaisa ang dumaraming bilang ng mga Estudyante ng Bibliya?
Pinagkakaisa ang Lumalaking Kawan
Hinimok ni C. T. Russell ang lahat ng mambabasa ng Watch Tower na magtipon saanman na maaari silang magtatag ng mga grupo, maliliit o malalaki, upang magpatibayan sa isa’t isa sa espirituwal. Ang mga payo mula sa Kasulatan ay inilaan sa pamamagitan ng mga pitak ng Watch Tower. Ang naglalakbay na mga kinatawan ng Samahang Watch Tower ay isinusugo rin mula sa punong-tanggapan upang madalaw ang iba’t ibang grupo at mapalakas sila sa espirituwal.
Paminsan-minsan, nagkakaroon din ng espesyal na mga asamblea na dinadaluhan ng mga Estudyante ng Bibliya mula sa iba’t ibang lugar. “Ito’y isang ESPESYAL NA PAANYAYA sa bawat mambabasa na makararating,” ang hiling ng Marso 1886 isyu ng Watch Tower. Ano ang okasyon? Ang taunang pag-alaala sa Hapunan ng Panginoon, na gaganapin sa Linggo, Abril 18, 1886, sa Allegheny. Gayunman, marami pa ang nakaplano: Isang serye ng espesyal na mga pulong ang nakatakdang ganapin tuwing gabi ng sumunod na linggo. Ang mga Estudyante ng Bibliya sa Allegheny ay nagbukas ng kanilang mga tahanan—at ng kanilang mga puso—nang walang bayad para sa mga panauhing delegado. Sa sumunod pang mga taon, katulad ding mga asamblea ang ginanap sa Allegheny sa panahon ng Memoryal ng kamatayan ng Panginoon.
Nang magtatapos ang dekada ng 1890, nagsimulang isaayos ang mga kombensiyon sa maraming lugar. Madalas na nagpapahayag si C. T. Russell sa mga okasyong ito. Papaano kaya siya kung magpahayag?
Nagunita ni Ralph Leffler, na nakapakinig kay C. T. Russell: “Kapag siya’y nasa plataporma sa harap ng mga tagapakinig, lagi siyang nakasuot ng mahabang kapang itim at puting kurbata. Hindi malakas ang kaniyang tinig, at noon ay hindi siya gumagamit ng mikropono o loudspeaker, dahil hindi pa iyon naiimbento; sa papaano man ang kaniyang tinig ay nakaaabot hanggang sa pinakamalayong sulok ng auditoryum. Nakukuha niya ang atensiyon ng maraming tagapakinig hindi lamang sa loob ng isang oras kundi minsan ay dalawa o tatlong oras. Lagi niyang sinisimulan ang kaniyang pahayag sa isang marahang pagyukod. Habang nagsasalita, hindi siya nananatiling nakatayo lamang na parang istatwa, kundi lagi siyang kumikilos, ikinukumpas ang mga kamay at humahakbang sa magkabilang tabi o pasulong at paurong. Hindi ko siya nakita kailanman na may hawak na nota o manuskrito—kundi Bibliya lamang, na napakadalas niyang gamitin. Nagsasalita siya mula sa puso at sa paraang totoong nakakakumbinsi. Karaniwan nang ang makikita lamang sa plataporma noong panahong iyon ay isang maliit na mesa na may nakapatong na Bibliya at isang pitsel ng tubig at isang baso na sa pana-panahon ay iniinuman ng tagapagsalita.”
Ang mga kombensiyong iyon noon ay panahon ng mainit na pagsasamahan at pagpapanariwa sa espirituwal. Ang mga iyon ay tumutulong upang patibayin ang pagkakaisa ng lahat ng Estudyante ng Bibliya at upang ipahayag ang mga katotohanan ng Bibliya. Samantala, habang patapos na ang dekada ng 1890, maliwanag para sa mga Estudyante ng Bibliya na higit pa ang kinakailangang gawin sa pagpapalaganap ng katotohanan ng Bibliya. Subalit kung ihahambing sila’y kakaunti pa rin sa bilang. May higit pa bang paraan kaysa yaong ginagamit na noon upang marating ang milyun-milyong tao? Tunay na mayroon!
Pagbubukas ng Pinto ng “Pag-eebanghelyo sa Pahayagan”
Sa katapusan ng ika-19 na siglo, laganap na ang mga linya ng telegrapo sa daigdig. Mura lamang at mabilis ang pakikipagtalastasan sa pamamagitan ng telegrapo; lumikha ito ng ganap na pagbabago sa paglalathala ng pahayagan. Ang mga balita ay madaling naihahatid mula sa malalayong lugar at naililimbag sa mga pahayagan. Sa pagsisimula ng ika-20 siglo, nakilala ni C. T. Russell at ng kaniyang mga kasama na ang pahayagan ay isang mabisang paraan upang marating ang malaking bilang ng mga tao. Sinabi ni Russell nang maglaon: “Malaki ang nagawa ng pahayagan sa pang-araw-araw na buhay ng sibilisadong daigdig.”
Sa Disyembre 1, 1904, isyu ng Watch Tower ay ipinatalastas na ang mga sermon ni C. T. Russell ay lumalabas na sa tatlong pahayagan. Ang sumunod na isyu ng Watch Tower, sa ilalim ng pamagat na “Newspaper Gospelling” (Pag-eebanghelyo sa Pahayagan), ay nag-ulat: “Milyun-milyong sermon ang sa gayo’y naikalat sa malapit at malayo; at ang ilan kahit papaano ay nagdulot ng kabutihan. Kung loloobin ng Panginoon natutuwa kaming makita ang ‘pintong’ ito na laging bukás, o buksan nang mas maluwang pa.” Ang pinto ng pag-eebanghelyo “sa pahayagan” ay nabuksan pa nga nang mas maluwang. Sa katunayan, noong 1913 tinaya na sa 2,000 pahayagan ang mga sermon ni Russell ay nakaabot sa 15,000,000 mambabasa!
Ngunit, papaano nagawa ni Russell na makapagpalimbag ng lingguhang sermon kahit siya’y naglalakbay? Linggu-linggo ay nagpapahatid-kawad siya ng isang sermon (mga dalawang tudling ng pahayagan ang haba) sa isang ahensiya ng pahayagan. Ang ahensiya naman ay muling nagpapahatid-kawad sa mga pahayagan sa Estados Unidos, Canada, at Europa.
Kumbinsido si Russell na binuksang mabuti ng Panginoon ang pinto ng pangangaral sa pahayagan. Nang unang dekada ng ika-20 siglo, malawakang nakilala ang mensahe ng Bibliya na ibinubunyag ni Russell at ng kaniyang mga kasama sa pamamagitan ng mga sermon sa pahayagan. Isang publikasyon sa tawag na The Continent ang minsang nagsabi tungkol kay Russell: “Ang kaniyang mga sulat ay sinasabing may mas malawak na sirkulasyon sa pahayagan linggu-linggo kaysa kanino pa mang nabubuhay na tao; mas malawak, marahil, kaysa sa pinagsama-samang sirkulasyon ng mga sulat ng lahat ng pari at tagapangaral sa Hilagang Amerika.”
Paglipat sa Brooklyn
Habang ang pangangaral sa pahayagan ay bumibilis, humanap ang mga Estudyante ng Bibliya ng iba pang lugar na pagmumulan ng mga sermon. Bakit? Naging napakaliit na ang Bible House sa Allegheny. Napag-isip-isip rin na kung ang mga sermon ni Russell ay magmumula sa isang mas malaki, mas kilalang lunsod, mas maraming pahayagan ang maglalathala ng mga sermon. Subalit anong lunsod? Nagpaliwanag ang Watch Tower sa isyu ng Disyembre 15, 1908: “Sama-sama kaming nagpasiya, pagkatapos na humingi ng patnubay sa Diyos, na ang Brooklyn, N.Y., na may malaking populasyon ng mga nasa kainaman ang buhay, at kilala sa tawag na ‘Ang Lunsod ng mga Simbahan,’ ay, sa mga dahilang ito, siyang pinakaangkop na sentro para sa pag-aani sa natitira pang ilang mga taon.”
Kaya, noong 1908, ilang kinatawan ng Samahang Watch Tower, kasama ang kanilang abogado, si Joseph F. Rutherford, ang ipinadala sa New York City. Ang kanilang pakay? Para ariin ang propyedad na nakita ni C. T. Russell sa kaniyang naunang paglalakbay. Binili nila ang lumang “Plymouth Bethel,” na nasa 13-17 Hicks Street, Brooklyn. Iyon ang dating gusali sa pagmimisyon ng kalapit na Plymouth Congregational Church, kung saan si Henry Ward Beecher ang minsa’y naging pastor. Binili rin ng mga kinatawan ng Samahan ang dating bahay ni Beecher, isang apat-na-palapag na gusali sa 124 Columbia Heights, mga ilang bloke ang layo.
Ang gusali sa Hicks Street ay ipinaayos at pinanganlang Brooklyn Tabernacle. Inilagay roon ang mga tanggapan ng Samahan at isang awditoryum. Pagkatapos ng malaking pagkukumpuni, ang dating bahay ni Beecher sa 124 Columbia Heights ay naging ang bagong tahanan ng mga tauhan sa punong-tanggapan ng Samahan. Ano ang itatawag dito? Ang The Watch Tower ng Marso 1, 1909, ay nagpaliwanag: “Ang bagong tahanan ay tatawagin nating ‘Bethel’ [nangangahulugang, “Bahay ng Diyos”].”f
Ang “pag-eebanghelyo sa pahayagan,” gaya ng tawag dito, ay bumilis pagkatapos ng paglipat sa Brooklyn. Subalit hindi lamang ito ang paraan upang marating ang maraming tao.
Pagpapalawak ng Paghahayag ng Mabuting Balita
Noong 1912, inilunsad ni Russell at ng kaniyang mga kasama ang isang walang-takot na gawaing pang-edukasyon na totoong makabago sa panahong iyon. Sa katunayan, iyon ay nakatalagang umabot sa milyun-milyong tao sa buong daigdig. Iyon ay ang “Photo-Drama of Creation”—isang magkahalong sine at pagpapalabas ng slide, kasabay ng isinaplakang tugtugin at mga pahayag sa ponograpo. Iyon ay mga walong oras ang haba at ipinalalabas sa apat na yugto. Bukod sa regular na “Photo-Drama,” mayroon ding “Eureka Drama,” na binubuo ng alinman sa isinaplakang mga pahayag at mga tugtugin o mga plaka kasama ang slides. Bagaman wala itong sine, iyon ay matagumpay na ipinalabas sa mga lugar na di-gaanong siksikan ang tao.
Gunigunihin ang makasaysayang eksena: Noong Enero 1914, sa panahon ng silent movies,g may 5,000 tagapanood ang natipon sa The Temple, isang gusali sa West 63rd Street, sa New York City. Marami ang hindi na pinapasok dahil sa wala nang lugar. Ang okasyon? Aba, ang kauna-unahang pagpapalabas ng “Photo-Drama of Creation” sa New York! Sa harapan ng manonood ay nakalagay ang isang malapad na telon. Samantalang sila’y nanonood—at nakikinig—isang kahanga-hangang bagay ang naganap. Si C. T. Russell, noon ay mahigit lamang na 60 anyos, ay nakita sa telon. Nagsimulang gumalaw ang kaniyang mga labi, at naririnig nila ang kaniyang sinasabi! Habang nagpapatuloy ang palabas, inakay nito ang mga tagapanood—sa pamamagitan ng mga salita, may-kulay na mga larawan, at tugtugin—mula sa paglalang sa lupa hanggang sa katapusan ng Milenyong Paghahari ni Kristo. Sa palabas ay nakita rin nila (sa pamamagitan ng time-lapse photography) ang iba pang mga bagay na labis nilang pinagtakhan—ang pagbuka ng isang bulaklak at ang pagpisa ng isang sisiw. Sila’y totoong napahanga!
Sa pagtatapos ng 1914, ang “Photo-Drama” ay naipalabas sa milyun-milyong mga tao sa Hilagang Amerika, Europa, New Zealand, at Australia. Ang “Photo-Drama” ay tiyak na napatunayang isang epektibong paraan ng pag-abot sa maraming tao sa loob lamang ng maikling panahon.
Samantala, kumusta naman ang Oktubre 1914? Sa loob ng ilang mga dekada si Russell at ang kaniyang mga kasama ay naghahayag na ang Panahong Gentil ay magwawakas sa 1914. Buung-buo ang kanilang pag-asa. Naging mapamuna si C. T. Russell sa mga nagtatakda ng kung anu-anong petsa ng pagbabalik ng Panginoon, gaya ni William Miller at ilang grupo ng Second Adventist. Gayunman, mula noong panahon na kasama niya si Nelson Barbour, siya’y kumbinsido na may tamang kronolohiya, batay sa Bibliya, at na ito ay tumutukoy sa 1914 bilang ang wakas ng Panahong Gentil.
Habang papalapit ang mahalagang taóng iyan, may malaking inaasahan ang mga Estudyante ng Bibliya, subalit hindi lahat ng kanilang inaasahan ay tuwirang nakaulat sa Kasulatan. Ano kaya ang mangyayari?
[Mga talababa]
a Ang Watch Tower, Hulyo 15, 1906, p. 229.
b Hindi si Barbour ni si Russell ang unang nagpaliwanag ng muling pagbabalik ng Panginoon bilang isang di-nakikitang pagkanaririto. Nauna pa rito, si Sir Isaac Newton (1642-1727) ay sumulat na ang Kristo ay babalik at maghahari “na di makikita ng mga tao.” Noong 1856, si Joseph Seiss, isang Lutheranong ministro sa Philadelphia, Pennsylvania, ay sumulat ng tungkol sa isang dalawang-yugtong ikalawang pagparito—isang di-nakikitang pa·rou·siʹa, o pagkanaririto, na sinusundan ng nakikitang paghahayag. Pagkatapos, noong 1864, si Benjamin Wilson ay naglathala ng kaniyang Emphatic Diaglott na may interlinyar na kababasahan ng “presence” (“pagkanaririto”), hindi “coming” (“pagparito”), para sa pa·rou·siʹa, at si B. W. Keith, isang kasamahan ni Barbour, ang nagpakita nito kay Barbour at sa kaniyang mga kasamahan.
c Ang isang mas maliwanag na pagkaunawa sa kronolohiya ng Bibliya ay inilathala nang maglaon. Tingnan ang Kabanata 10, “Pagsulong sa Tumpak na Kaalaman ng Katotohanan.”
d Ang katagang “Watch Tower” ay hindi pambihira sa mga panulat ni Russell o ng mga Saksi ni Jehova. Naglathala ng isang aklat si George Storrs noong dekada ng 1850 na tinawag na The Watch Tower: Or, Man in Death; and the Hope for a Future Life. Ang pangalan ay inilakip din sa pamagat ng iba’t ibang magasing relihiyoso. Iyon ay nagmula sa idea ng patuloy na pagbabantay sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Diyos.—Isa. 21:8, 11, 12; Ezek. 3:17; Hab. 2:1.
e Iyon ay ang mga ito: Tomo II, The Time Is at Hand (1889); Tomo III, Thy Kingdom Come (1891); Tomo IV, The Day of Vengeance (1897; nang maglaon ay tinawag na The Battle of Armageddon); Tomo V, The At-one-ment Between God and Man (1899); at Tomo VI, The New Creation (1904). Nang ang mga tomo ng Millennial Dawn ay sinimulang tawaging Studies in the Scriptures, ang Tomo I ay tinawag na “Serye I,” ang Tomo II bilang “Serye II,” at patuloy. Ang pangalang Studies in the Scriptures ay ginamit sa limitadong mga edisyon mula noong mga Oktubre 1904, at ang bagong pangalan ay higit na karaniwang ginamit mula noong 1906.
f Pagkaraan, ang karatig na propyedad, ang 122 Columbia Heights, ay binili, sa gayon ay lumaki ang Tahanang Bethel. Gayundin, noong 1911 ay nagdagdag ng isang gusali sa likod ng Tahanang Bethel, na naglaan ng bagong tuluyan.
g Bagaman noon pa ay may mga pagtatangka na pagsabayin ang sine at pagsasalita, ang panahon ng sineng nagsasalita ay sinimulan lamang noong Agosto 1926 nang ipalabas ang Don Juan (may musika ngunit walang nagsasalita), sinundan ng The Jazz Singer (may nagsasalita) noong taglagas ng 1927.
[Blurb sa pahina 51]
‘Tinawag upang ipangaral ang mabuting balita’
[Kahon/Larawan sa pahina 44]
“Hayaang Lumaking Magkasama Hanggang sa Pag-aani”
Ano ang nangyari sa tunay na Kristiyanismo pagkaraan ng unang siglo? Sa isang ilustrasyon, nagbabala si Jesus na ang Diyablo ay maghahasik ng “damo,” huwad na mga Kristiyano, kasama ng “trigo,” tunay na mga Kristiyano, “ang mga anak ng kaharian.” Ang dalawa ay kapuwa tutubong magkasama hanggang sa “pag-aani,” ang “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mat. 13:24-30, 36-43) Sa panahon ng malaking apostasya na lumago pagkamatay ng mga apostol, “ang damo” ay namayani sa loob ng maraming siglo.
Subalit kumusta naman “ang trigo”? Sinu-sino “ang mga anak ng kaharian” noong panahon ng mahabang mga siglo ng apostasya? Hindi natin matitiyak. Ang literal na damo sa ilustrasyon ni Jesus ay karaniwang itinuturing na “bearded darnel”, na kagayang-kagaya ng trigo hanggang sa lumaki, kung kailan maaari nang makilala ang pagkakaiba sa trigo dahil sa mas maliliit na butong itim nito. Gayundin, sa panahon ng “pag-aani” lamang makikilalang mabuti ang huwad na mga Kristiyano at ang tunay na “mga anak ng kaharian.” Gayunman, sinabi ni Jesus: “Hayaang lumaking magkasama hanggang sa pag-aani.” Sa gayon, ang tunay na Kristiyanismo ay hindi kailanman lubusang napawi.
Sa nagdaang mga siglo ay hindi nawawala ang mga umiibig sa katotohanan. Bilang pagbanggit sa ilan: sina John Wycliffe (c. 1330-1384) at William Tyndale (c. 1494-1536) ay nagtaguyod ng gawaing pagsasalin ng Bibliya kahit na isinasapanganib ang kanilang buhay o kalayaan. Tinanggap nina Wolfgang Fabricius Capito (1478-1541), Martin Cellarius (1499-1564), Johannes Campanus (c. 1500-1575), at Thomas Emlyn (1663-c. 1741) ang Bibliya bilang Salita ng Diyos at tinanggihan ang Trinidad. Sina Henry Grew (1781-1862) at George Storrs (1796-1879) ay hindi lamang tumanggap sa Bibliya at tumanggi sa Trinidad kundi rin naman nagpahayag ng pagpapahalaga sa haing pantubos ni Kristo.
Bagaman hindi natin matitiyak kung sino sa mga taong ito “ang trigo” sa ilustrasyon ni Jesus, tiyak naman na “nakikilala ni Jehova ang mga sa kaniya.”—2 Tim. 2:19.
[Kahon sa pahina 45]
George W. Stetson—“Isang Lalaking May Natatanging Kakayahan”
Buong pagpapasalamat na kinilala ni C. T. Russell ang tulong na inilaan sa kaniya ni George W. Stetson, ng Edinboro, Pennsylvania, sa pag-aaral ng Kasulatan. Namatay si Stetson noong Oktubre 9, 1879, sa edad na 64. Nang sumunod na buwan ang “Watch Tower” ay naglagay ng patalastas hinggil sa kamatayan ni Stetson na nagtanghal ng taimtim na paggalang sa kaniya ng 27-taóng-gulang na si Russell. “Ang ating kapatid ay isang lalaking may natatanging kakayahan,” isinulat ni Russell, “at isinuko ang maningning na mga pagkakataon sa makasanlibutan at makapulitikang mga karangalan upang mapahintulutang ipangaral si Kristo.” Ang kahilingan ni Stetson nang siya’y malapit nang mamatay ay na bigkasin ni C. T. Russell ang sermon sa paglilibing; tumalima si Russell sa kahilingan. “Mga isang libo at dalawang daan ang dumalo sa paglilibing,” ang iniulat ni Russell, “sa gayon ay napatunayan ang mataas na pagtingin na iniukol sa ating kapatid.”—Ang “Watch Tower,” Nobyembre 1879.
[Kahon/Larawan sa pahina 46]
George Storrs—“Isang Kaibigan at Kapatid”
Kumilala ng utang na loob si C. T. Russell kay George Storrs, na mga 56 na taon ang katandaan sa kaniya. Maraming natutuhan si Russell kay Storrs tungkol sa pagkakaroon ng kamatayan ng kaluluwa. Kaya nang si Storrs ay maratay sa banig ng karamdaman nang magtatapos ang 1879, si Russell ay nag-alok na maglathala sa “Watch Tower” ng isang ulat ng kalagayan ni Storrs. “Ang ating kapatid,” isinulat ni Russell, “ang matagal nang patnugot ng ‘The Bible Examiner’ ay kilalang-kilala ng marami nating mambabasa; at na siya’y napilitang itigil ang kaniyang pahayagan dahil sa malubhang karamdaman.” Sa palagay ni Russell, si Storrs ay may “lahat ng dahilan upang magpasalamat sa Diyos dahil sa pribilehiyong magugol ang napakahabang buhay at isang lubusang nakatalaga sa Panginoon.” Namatay si Storrs noong Disyembre 28, 1879, sa edad na 83. Ang patalastas tungkol sa kaniyang kamatayan ay lumabas sa Pebrero 1880 isyu ng “Watch Tower,” na nagsabi: “Tayo’y nalulumbay sa pagkawala ng isang kaibigan at kapatid kay Kristo ngunit, ‘di-gaya ng iba na walang pag-asa.’”
[Larawan]
George Storrs
[Kahon/Larawan sa pahina 48]
“Ipinauubaya Ko Na ang ‘Herald’ sa Iyo”
Noong tagsibol ng 1879, binawi ni Russell ang lahat ng pagsuporta sa magasing “Herald of the Morning,” na magkasama nilang inililimbag ni N. H. Barbour. Sa isang sulat kay Barbour na may petsang Mayo 3, 1879, ipinaliwanag ni Russell ang kaniyang dahilan: “Nagkaroon tayo ng magkaibang pangmalas tungkol sa turo ng salita ng ating Ama [may kinalaman sa kapalit na halaga ng pantubos] at bagaman pinupuri kita sa kataimtiman at katapatan ng iyong pangmalas, na para sa akin ay kabaligtaran, gayunman dapat akong paakay sa aking sariling pang-unawa sa salita ng ating Ama, at samakatuwid iniisip kong ikaw ay nagkakamali. . . . Ang mga bagay na hindi natin pinagkakaisahan para sa akin ay pangunahin at napakahalaga anupat ang matibay na pagsasamahan at pagkakaisa ng damdamin na dapat mamayani sa gitna ng mga tagapaglathala at tagapatnugot ng isang pahayagan o magasin, ay hindi na umiiral sa ating dalawa, at sapagkat nangyari ito, nadarama kong dapat nang putulin ang ating kaugnayan.”
Sa isang kasunod na sulat na may petsang Mayo 22, 1879, isinulat ni Russell: “Ngayon ay ipinauubaya ko na ang ‘Herald’ sa iyo. Wala na akong kinalaman diyan, at wala akong hinihiling mula sa iyo . . . Pakisuyo na ipatalastas sa susunod na Bilang ng ‘Herald’ ang tungkol sa paghihiwalay at pakialis ang aking pangalan.” Simula noong isyu ng Hunyo 1879, ang pangalan ni Russell ay hindi na lumitaw bilang katulong na patnugot ng “Herald.”
Ipinagpatuloy ni Barbour ang paglilimbag ng “Herald” hanggang 1903, na noon natapos ang paglilimbag ayon sa makukuhang ulat sa aklatan. Namatay si Barbour pagkaraan ng ilang taon, noong 1906.
[Larawan]
Nelson H. Barbour
[Kahon sa pahina 54]
Kung Bakit Tinawag na Pastor
Si Charles Taze Russell ay tinawag ng kaniyang mga kasamahan na Pastor Russell. Bakit? Dahilan sa kaniyang mga gawain sa pagpapastol ng kawan ng Diyos. Sa Efeso 4:11 ay binanggit na si Kristo ay magbibigay sa kaniyang kongregasyon ng mga “pastol” (“KJ”), o “tagapag-alaga.” Tunay na nagsilbing espirituwal na tagapag-alaga ng Kristiyanong kongregasyon si Brother Russell.
May kaugnayan sa gawaing pagpapastol na kaniyang ginawa sa ilalim ng Punong Pastol, si Jesu-Kristo, may mga kongregasyon na kumilala sa pamamagitan ng paghahalal na siya’y kanilang pastor. Iyon ay hindi isang pag-aangkin-sa-sariling titulo. Ang unang grupo na naghalal sa kaniya bilang kanilang pastor ay ang kongregasyon sa Pittsburgh, Pennsylvania, noong 1882. Pagkatapos noon, siya’y inihalal na pastor ng mga 500 iba pang kongregasyon, sa Estados Unidos at Britanya.
Noong araw, nakaugalian na sa mga kongregasyon na maghalal taun-taon ng mga mamumuno sa kanila. Sa ngayon, ang Kristiyanong matatanda sa gitna ng mga Saksi ni Jehova ay hindi inihahalal ng lokal na mga kongregasyon kundi hinihirang ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Pinag-iingatan din na huwag gamitin ang mga katawagang gaya ng “pastor” o “matanda” bilang mga titulo.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 56, 57]
Ang “Photo-Drama of Creation”
Ang “Photo-Drama of Creation” ay pinagsamang pelikula at pagpapalabas ng slide, kasabay ng tinig. Ang pambihirang palabas na ito ay nagdala sa mga manonood mula sa panahon ng paglalang hanggang sa katapusan ng Milenyo.
Di-kukulangin sa 20 set na may apat na bahagi ang inihanda, sa gayon ay naging posible na maipalabas ang isang bahagi ng “Photo-Drama” sa 80 iba’t ibang siyudad araw-araw. Tunay na isang malaking hamon na matugunan ang 80 ipinagkasundong obligasyong iyon. Ang mga iskedyul ng tren ay hindi laging maluwag. Ang mga kongregasyon ay hindi palaging nakauupa ng mga lugar na pagpapalabasan sa mga petsang kailangan. Gayunman, sa pagtatapos ng 1914, ang “Photo-Drama” ay naipalabas na sa mga manonood sa mahigit na 9,000,000 tao sa Hilagang Amerika, Europa, at Australia.
[Mga larawan]
“Senaryo” ng “Photo-Drama,” na naglalaman ng mga panayam at maraming ilustrasyon
Mga teatro na palagiang ginagamit sa mga pagpapalabas ng “Photo-Drama”
Chicago
New York
Aparato ng pelikula
Aparato ng slide
Mga plaka sa ponograpo
Mga slide mula sa “Photo-Drama”
Polder para sa anunsiyo
[Kahon sa pahina 60]
“Abangan ang 1914!”
Nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I noong 1914, ang “The World,” na noon ay isang pangunahing pahayagan sa lunsod ng New York, ay nagsabi sa seksiyon ng magasin nito: “Ang kakila-kilabot na pagsiklab ng digmaan sa Europa ay tumupad ng isang di-pangkaraniwang hula. . . . ‘Abangan ang 1914!’ ang palagiang sigaw ng daan-daang naglalakbay na mga mángangarál ng ebanghelyo, na, bilang kinatawan ng kakaibang paniniwalang ito [kasamahan ni Russell], ay nagparoo’t parito sa bansa habang ipinahahayag ang doktrinang ‘ang Kaharian ng Diyos ay malapit na.’”—“The World Magazine,” Agosto 30, 1914.
[Larawan sa pahina 42]
Charles Taze Russell
[Larawan sa pahina 43]
Si Joseph L. Russell, ama ni Charles, ay miyembro ng klase sa pag-aaral ng Bibliya sa Allegheny at malapít na kasama ng kaniyang anak sa mga gawain ng Watch Tower Society hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1897
[Mga larawan sa pahina 50]
Ang mga Estudyante ng Bibliya ay nagpasakamay ng milyun-milyong kopya ng pulyeto na nagbunyag ng mga kamalian ng relihiyon, nagpaliwanag ng mga katotohanan sa Kasulatan, at naghayag ng mahalagang taon ng 1914
[Larawan sa pahina 52]
Isinulat ni C. T. Russell ang anim na tomo ng “Millennial Dawn” (1886 hanggang 1904) gayundin ang mga pulyeto, buklet, at mga artikulo sa “Watch Tower” sa loob ng mga 37 taon
[Larawan sa pahina 53]
Kapag siya’y nagpapahayag sa publiko, si Brother Russell ay hindi gumagamit ng nota, at laging kumikilos—ikinukumpas ang kaniyang mga kamay at pahakbang-hakbang sa plataporma
[Mga larawan sa pahina 58]
Noong 1913 tinaya na sa isang taon, sa 2,000 pahayagan, ang mga sermon ni C. T. Russell ay umabot sa 15,000,000 mambabasa