Kabanata 17
Mga Kombensiyon—Katunayan ng Ating Pagkakapatiran
NAGING karaniwang bahagi na ng modernong-panahong organisasyon ng mga Saksi ni Jehova ang mga kombensiyon. Subalit ang pambansa at pang-internasyonal na mga pagtitipon ng mga mananamba ni Jehova ay matagal nang isinasagawa bago pa ang ika-20 siglo.
Ipinag-utos ni Jehova na lahat ng mga lalaki sa sinaunang Israel ay magtipon sa Jerusalem para sa tatlong pana-panahong kapistahan bawat taon. Isinama ng ilang lalaki ang kanilang buong sambahayan. Sa katunayan, ipinag-utos ng Batas Mosaiko na bawat miyembro ng pamilya—mga lalaki, mga babae, at mga bata—ay dapat na naroroon sa ilang okasyon. (Exo. 23:14-17; Deut. 31:10-13; Luc. 2:41-43) Sa simula, ang mga nagsisidalo ay mga taong naninirahan sa loob ng hangganan ng Israel. Nang maglaon, nang ang mga Judio ay mangalat, ang mga naroroon ay nanggaling sa maraming bansa. (Gawa 2:1, 5-11) Sila’y naganyak na magsama-sama hindi lamang dahil sa si Israel at si Abraham ay kanilang mga ninuno kundi dahil sa kinikilala nilang si Jehova ang kanilang dakilang makalangit na Ama. (Isa. 63:16) Ang mga kapistahang ito ay masasayang okasyon. Tinutulungan din ng mga ito ang lahat ng naroroon na ipako ang kanilang pag-iisip sa salita ng Diyos sa halip na lubusang mapasangkot sa pang-araw-araw na mga pinagkakaabalahan sa buhay anupat baka malimutan nila ang mas mahahalagang espirituwal na mga bagay.
Sa katulad na paraan, ang mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa modernong panahon ay nakasentro sa mga bagay ukol sa espirituwal. Para sa tapat na mga nagmamasid ang mga kombensiyong ito ay nagbibigay ng di-maikakailang katunayan na ang mga Saksi ay pinagbubuklod ng matibay na tali ng Kristiyanong kapatiran.
Naunang mga Kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya
Unti-unting nabuo ang mga kaayusan sa mga pagtitipon ng mga Estudyante ng Bibliya mula sa iba’t ibang lunsod at mga lupain. Di-tulad ng tradisyonal na mga grupo ng iglesya, ang mga Estudyante ng Bibliya, sa pamamagitan ng kanilang mga kombensiyon, ay madaling nakakakilala sa kapuwa mga mananampalataya sa ibang mga lugar. Noong una, ang mga kombensiyong ito ay idinaos sa Allegheny, Pennsylvania, may kaugnayan sa taunang paggunita sa kamatayan ng Panginoon. Noong 1891 nagbigay ng partikular na pasabi na magkakaroon ng isang “kombensiyon para sa pag-aaral ng Bibliya at para sa pagdiriwang ng Pang-alaalang Hapunan ng Panginoon.” Nang sumunod na taon, nakita sa Watch Tower ang isang litaw na pamagat na nagbabalitang “KOMBENSIYON NG MGA MANANAMPALATAYA, SA ALLEGHENY, PA., . . . IKA-7 NG ABRIL HANGGANG IKA-14, INKLUSIB, 1892.”
Noong naunang mga kombensiyong iyon, ang madla ay hindi kumbidado. Ngunit, noong 1892, mga 400 katao na nagpakitang may pananampalataya sa pantubos at tapat na interes sa gawain ng Panginoon ang naroroon. Kasama sa programa ang limang araw ng masinsinang pag-aaral sa Bibliya at dalawa pang araw ng pagbibigay ng payo bilang tulong sa mga colporteur.
Ang sabi ng isa na naroroon sa unang pagkakataon sa isa sa mga pagtitipong ito: “Nadaluhan ko na ang maraming Kombensiyon, subalit hindi pa sa katulad nito, na ang kalooban at layunin ng Diyos ang tangi at patuloy na pinag-uusapan mula sa paggising hanggang sa pagtulog; sa bahay, sa daan, sa pulong, sa pananghalian, at saanman.” Kung tungkol sa espiritung ipinakita ng mga delegado, isa mula sa Wisconsin, E.U.A., ang sumulat: “Ako’y humanga sa espiritu ng pag-iibigan at pangkapatirang kabaitan na ipinakita sa lahat ng pagkakataon.”
Ang isang pagbabago sa mga kaayusan ng taunang kombensiyon ay naganap noong 1893. Upang samantalahin ang kamurahan ng bayad sa tren kaugnay ng Columbian Exposition noong tag-araw na iyon, nagtipon ang mga Estudyante ng Bibliya sa Chicago, Illinois, mula Agosto 20 hanggang 24. Ito ang kanilang kauna-unahang kombensiyon sa labas ng Pittsburgh. Ngunit, taglay sa isipan ang wastong paggamit ng panahon at salapi alang-alang sa gawain ng Panginoon, hindi muna nagkaroon ng panlahatang mga kombensiyon sa loob ng kung ilang taon.
Pagkatapos, simula noong 1898, ang mga Estudyante ng Bibliya sa iba’t ibang lugar ay nagsimulang magsaayos ng mga asamblea sa kani-kanilang lugar, na dadaluhan ng mga tao sa di-kalayuang mga pook. Noong 1900 nag-organisa ang Samahan ng 3 panlahatang kombensiyon; subalit mayroon ding 13 lokal na mga asamblea sa Estados Unidos at Canada, na karamihan ay isang araw lamang at madalas na idinaraos kaugnay ng pagdalaw ng isa sa mga pilgrim. Patuloy na lumalaki ang bilang. Nang sumapit ang 1909 nagkaroon sa Hilagang Amerika ng di-kukulangin sa 45 lokal na asamblea sa papaano man bukod pa sa mga kombensiyon na pinaglingkuran ni Brother Russell sa pantanging paglalakbay na nagdala sa kaniya sa iba’t ibang dako ng kontinente. Isang pangunahing bahagi ng programa sa isang-araw na mga asamblea ang sinadya lalo na upang gisingin ang interes ng madla. Ang bilang ng dumalo ay umabot mula sa mga isang daan hanggang kung ilang libo.
Sa kabilang dako, ang panlahatang mga kombensiyon, na dinaluhan ng halos mga Estudyante ng Bibliya lamang, ay nagbigay-diin sa instruksiyon para sa mga napatunayang matatag na sa daan ng katotohanan. Patungo sa mga kombensiyong ito, ang pantanging mga tren na punô ng mga delegado ay manggagaling sa pangunahing mga lunsod. Ang bilang ng dumalo kung minsan ay umaabot hanggang 4,000, kasama pa ang ilang delegado mula sa Europa. Ito ay mga panahon ng tunay na espirituwal na kaginhawahan na nagbunga ng mas matinding sigasig at pag-ibig sa bahagi ng bayan ni Jehova. Sinabi ng isang kapatid na lalaki sa pagtatapos ng isa sa mga kombensiyong iyon noong 1903: “Hindi ko ipagpapalit sa isang libong dolyar ang kabutihang tinanggap ko sa Kombensiyong ito;—kahit ako’y isang taong mahirap lamang.”
Ang mga pilgrim na kapatid na lalaki na nagkataong naroroon ang nagsalita sa mga asamblea. Nagsikap din si Brother Russell na makadalo at makapaglingkod sa programa sa lokal na mga asamblea gayundin sa mas malalaking kombensiyon sa Estados Unidos at kadalasan sa Canada. Ito’y nangangahulugan ng malimit na paglalakbay. Kalimitan nito ay ginagawa kung mga dulong sanlinggo. Ngunit, noong 1909, isang kapatid sa Chicago, ang umarkila ng ilang kotse ng tren upang paglulanan ng mga delegado na naglalakbay kasama ni Brother Russell sa paglilibot sa iba’t ibang mga kombensiyon. Noong 1911 at 1913, ang buong tren ay inarkila ng kapatid ding iyon upang isakay ang daan-daang delegado sa paglilibot sa mga kombensiyon na tumagal nang isang buwan o higit pa at sinasaklawan ang kanlurang Estados Unidos at Canada.
Ang paglalakbay sa isang tren para sa kombensiyon ay isang di-malilimot na karanasan. Noong 1913, sumakay si Malinda Keefer sa Chicago, Illinois. Pagkaraan ng ilang taon, sinabi niya: “Hindi nagtagal at nadama namin na kami’y isang malaking pamilya . . . at ang tren ang aming tahanan sa loob ng isang buwan.” Habang papaalis ang tren sa istasyon, yaong mga naghatid sa kanila ay umawit ng “Sumainyo Nawa ang Diyos Hanggang sa Muli Nating Pagkikita,” na ikinakaway ang mga sumbrero at mga panyo hanggang sa hindi na matanaw ang tren. Idinagdag pa ni Sister Keefer: “Sa bawat paghinto ng biyahe ay may mga kombensiyon na ginaganap—ang karamihan ay tatlong araw, at kami’y tumigil ng isang araw sa bawat kombensiyon. Sa mga pagtigil na iyon ay nagbigay si Brother Russell ng dalawang pahayag, ang isa ay para sa mga kaibigan nang bandang hapon, at ang isa naman ay para sa madla sa kinagabihan sa paksang ‘Sa Dako Roon ng Libingan.’”
Dumarami rin ang bilang ng mga asamblea sa ibang lupain. Madalas na ang mga ito’y maliliit lamang. Noong una ay mga 15 ang naroroon sa Norway, noong 1905; subalit iyon ay pasimula lamang. Pagkalipas ng anim na taon, nang dalawin ni Brother Russell ang Norway, gumawa ng pantanging pagsisikap na anyayahan ang madla, at ang dumalo noong okasyong iyon ay tinayang 1,200. Noong 1909, nang dumalo siya sa mga kombensiyon sa Scotland, nagpahayag siya sa mga 2,000 sa Glasgow at gayundin sa 2,500 sa Edinburgh sa nakapananabik na paksang “Ang Magnanakaw sa Paraiso, ang Taong Mayaman sa Impiyerno, at si Lasaro sa Sinapupunan ni Abraham.”
Sa katapusan ng naunang mga kombensiyon, ang mga kapatid ay nagtamasa ng tinatawag na piging ng pag-iibigan, na nagpapaaninag ng kanilang damdamin ng Kristiyanong kapatiran. Ano ang kasali sa “piging ng pag-iibigan” na ito? Bilang halimbawa, hihilera ang mga tagapagsalita na hawak ang mga pinggan na may kudra-kudradong tinapay, at pagkatapos ay pipila ang mga naroroon, na kumukuha ng tinapay, nagkakamayan, at nag-aawitan ng “Pagpalain ang Tali na Nagbibigkis ng Ating mga Puso sa Kristiyanong Pag-iibigan.” Madalas na tumutulo ang luha ng kagalakan sa kanilang mga pisngi habang sila’y umaawit. Nang maglaon, nang dumami ang kanilang bilang, inihinto nila ang pagkakamayan at paghahati ng tinapay ngunit tinapos nila sa awit at panalangin at, madalas, sa mahabang palakpakan upang ipahayag ang kanilang pasasalamat.
Pagbubunsod ng Isang Pangglobong Kampanya ng Paghahayag ng Kaharian
Ang unang malaking kombensiyon pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I ay naganap sa Cedar Point, Ohio (sa Lake Erie, 96 na kilometro sa kanluran ng Cleveland), mula Setyembre 1 hanggang 8 noong 1919. Pagkamatay ni Brother Russell, ang ilang prominenteng kaugnay sa organisasyon ay humiwalay. Dumanas ng matinding pagsubok ang mga kapatid. Una pa rito noong 1919, ang presidente ng Samahan at ang kaniyang mga kasama ay pinalaya sa kanilang di-makatuwirang pagkabilanggo. Kaya nagkaroon ng matinding pananabik. Bagaman ang dumalo noong unang araw ay medyo kakaunti, sa kinahapunan ay may dumating pang mga delegado sakay ng pantanging mga tren. Dahil dito, ang mga namamahala ng mga otel na nag-alok na patutuluyin ang mga delegado ay nabigla sa karamihan. Sina R. J. Martin at A. H. Macmillan (kapuwa kasama sa grupong kapapalaya lamang sa piitan) ay nagboluntaryong tumulong. Tumulong sila sa pag-aatas ng mga kuwarto hanggang madaling-araw, at si Brother Rutherford at ang marami pang iba ay tuwang-tuwa sa pagiging mga bellhop, na nagbubuhat ng mga maleta at sinasamahan ang mga kaibigan sa kanilang mga kuwarto. Nagkaroon ng nakahahawang espiritu ng kasiglahan sa kanilang lahat.
Mga 2,500 ang inasahang dadalo. Ngunit sa lahat ng bagay ang kombensiyon ay napatunayang higit pa sa inaasahan. Noong ikalawang araw, umaapaw na ang awditoryum kaya gumamit ng karagdagang mga bulwagan. Nang hindi pa ito nakasapat, inilipat ang mga sesyon sa labas sa isang lugar na maraming nakagiginhawang mga punungkahoy. Mga 6,000 Estudyante ng Bibliya ang naroon mula sa Estados Unidos at Canada.
Di-kukulangin sa 1,000 pa ang dumating para sa pangunahing pahayag noong Linggo, na nagpangyaring umabot sa 7,000 ang mga tagapakinig, na pinagpahayagan ng tagapagsalita sa labas nang walang tulong ng mikropono o pampalakas ng tinig. Sa pahayag na iyon na “Pag-asa Ukol sa Nagdurusang Sangkatauhan,” niliwanag ni J. F. Rutherford na ang Mesianikong Kaharian ng Diyos ang kalutasan ng mga suliranin ng sangkatauhan, at ipinakita rin niya na ang Liga ng mga Bansa (na noon ay nasa kaniyang pagsilang at na sinang-ayunan na ng klero) ay hindi kailanman isang makapulitikang kapahayagan ng Kaharian ng Diyos. Ang Register (isang lokal na pahayagan) ng Sandusky ay naglaman ng malawakang ulat hinggil sa pahayag pangmadlang iyon, gayundin ng isang buod ng gawain ng mga Estudyante ng Bibliya. Ipinadala sa mga pahayagan sa buong Estados Unidos at Canada ang mga kopya ng artikulong iyon. Subalit higit pa sa riyan ang lumabas na publisidad sa kombensiyong ito.
Ang tunay na sukdulan ng buong kombensiyon ay ang “Talumpati sa mga Kamanggagawa” ni Brother Rutherford, na nang bandang huli ay inilathala sa ilalim ng pamagat na “Naghahayag ng Kaharian.” Ito’y ipinatungkol sa mga Estudyante ng Bibliya mismo. Sa pahayag na iyan ay niliwanag ang kahulugan ng mga titik na G A na nasa programa ng kombensiyon at sa iba’t ibang lugar na pinagdarausan ng kombensiyon. Ipinatalastas ang hinggil sa napipintong paglalathala ng isang bagong magasin, ang The Golden Age, upang akayin ang pansin ng mga tao sa Mesianikong Kaharian. Pagkatapos balangkasin ang gawain, sinabi ni Brother Rutherford sa mga tagapakinig: “Nabubuksan ang pinto ng pagkakataon sa harapan ninyo. Pumasok agad dito. Tandaan na sa inyong pagpapatuloy sa gawaing ito ay hindi kayo nangingilak lamang bilang ahente ng isang magasin, kundi kayo’y mga embahador ng Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon, na naghahayag sa mga tao sa marangal na paraang ito ng pagdating ng Golden Age, ng maluwalhating kaharian ng ating Panginoon at Pinunò, na ito’y kung ilang siglo nang inaasahan at ipinananalangin ng tunay na mga Kristiyano.” (Tingnan ang Apocalipsis 3:8.) Nang tanungin ng tagapagsalita kung ilan ang ibig makibahagi sa gawain, ang masiglang tugon ay nakatutuwang pagmasdan. Parang iisang taong nagsitindig ang 6,000 naroroon. Nang sumunod na taon, mahigit na 10,000 ang nakikibahagi na sa paglilingkod sa larangan. Ang buong kombensiyon ay nagkaroon ng nagkakaisa at nakapagpapasiglang epekto sa mga naroroon.
Tatlong taon ang lumipas, noong 1922, isa pang di-malilimot na kombensiyon ang idinaos sa Cedar Point. Iyon ay isang siyam-na-araw na programa, mula Setyembre 5 hanggang 13. Bukod pa sa mga delegadong galing sa Estados Unidos at Canada, ang ilan ay nanggaling sa Europa. Ang mga pulong ay isinaayos sa sampung wika. Ang katamtamang bilang ng dumalo sa araw-araw ay mga 10,000; at sa pahayag na “Angaw-angaw na Ngayo’y Nabubuhay Ay Hindi Na Mamamatay Kailanman,” napakaraming dumalo mula sa publiko kung kaya halos nadoble ang tagapakinig.
Ang mga Estudyante ng Bibliya ay hindi natipon sa kombensiyong ito na taglay sa isipan na sila’y may gawain dito sa lupa na magpapatuloy nang sampu-sampung taon pa. Sa katunayan, sinabi nila na baka ito na ang kanilang huling panlahatang kombensiyon bago “ang pagliligtas ng iglesya . . . tungo sa makalangit na bahagi ng kaharian ng Diyos, at sa aktuwal at tunay na presensiya ng ating Panginoon at ng ating Diyos.” Subalit gaano mang kaigsi ang panahon, ang paggawa ng kalooban ng Diyos ang kanilang higit na pinahahalagahan. Taglay iyan sa isipan, noong Biyernes, Setyembre 8, binigkas ni Brother Rutherford ang di-malilimot na pahayag na “Ang Kaharian.”
Bago ito, nakabitin na ang naglalakihang mga banner na may mga titik na A D V sa iba’t ibang dako ng pinagdarausang lugar. Sa panahon ng pahayag ang kahulugan ng mga titik na iyon ay naging maliwanag nang ang tagapagsalita ay humimok: “Maging tapat at tunay na mga saksi para sa Panginoon. Lumusob sa labanan hanggang ang bawat bakas ng Babilonya ay lubusang mapawi. Ipahayag ang balita sa lahat ng lugar. Dapat malaman ng buong daigdig na si Jehova ang Diyos at na si Jesu-Kristo ang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Ito ang araw ng lahat ng mga araw. Masdan, namamahala na ang Hari! Kayo ang kaniyang mga kinatawang tagapagbalita. Kung gayon, ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian.” Sa pagkakataong iyon ay isang malaking banner, may 11 metro ang haba, ang iniladlad sa harapan ng mga tagapakinig. Naroroon ang nakapupukaw na sawikain “Ianunsiyo [Sa Ingles: “Advertise,” kinakatawan ng ADV] ang Hari at Kaharian.” Iyon ay isang makapigil-hiningang sandali. Buong siglang nagpalakpakan ang mga naroroon. Ikinaway ng matanda nang si Brother Pfannebecker, na nasa orkestra ng asamblea, ang kaniyang biyolin sa itaas ng kaniyang ulo at sumigaw nang malakas na may matinding puntong Aleman: “Ach, Ya! Und now ve do it, no?” (Sa Tagalog, “Aba, Oo! At iyon talaga ang ating gagawin, hindi ba?”) At ginawa nga nila.
Pagkaraan ng apat na araw, sa panahon pa rin ng kombensiyon, personal na nakisama si Brother Rutherford sa iba pang mga kombensiyonista sa kanilang pakikibahagi sa gawaing paghahayag ng Kaharian sa bahay-bahay hanggang sa lugar na may 72 kilometro ang layo sa pinagdarausan ng kombensiyon. Hindi ito natapos dito. Ang gawaing paghahayag ng Kaharian ay matindi pang pinasigla anupat maririnig ito sa palibot ng globo. Nang taóng iyon mahigit na 17,000 masisigasig na manggagawa sa 58 na lupain ang nakibahagi sa pagbibigay ng patotoo. Paglipas ng ilang dekada, si George Gangas, na nasa kombensiyong iyon at naging miyembro ng Lupong Tagapamahala noong dakong huli, ay nagsabi hinggil sa programang iyon sa Cedar Point: “Iyon ay isang bagay na hindi na makakatkat sa aking isipan at puso, na hindi kailanman malilimot habang ako’y nabubuhay.”
Makasaysayang mga Pangyayari sa Espirituwal na Pagsulong
Ang lahat ng mga kombensiyon ay naging mga panahon ng kaginhawahan at instruksiyon mula sa Salita ng Diyos. Subalit ang ilan sa mga ito ay inaalaala kahit pagkalipas ng maraming dekada bilang makasaysayang espirituwal na mga pangyayari.
Pito sa mga ito ang naganap, taun-taon, mula 1922 hanggang 1928, sa Estados Unidos, Canada, at Britanya. Ang isang dahilan ng kahalagahan ng mga kombensiyong ito ay ang mabibisang resolusyon na pinagtibay, na lahat ng pitong ito ay nakalista sa kahon sa susunod na pahina. Bagaman kakaunti lamang ang bilang ng mga Saksi, sila’y nakapamahagi ng 45 milyong kopya ng isang resolusyon, at 50 milyon ng iba’t iba pa, sa maraming wika sa buong daigdig. Ang ilan ay isinahimpapawid sa pandaigdig na mga radio hookup. Kung kaya isang pambihirang patotoo ang naibigay.
Isa pang makasaysayang kombensiyon ang idinaos sa Columbus, Ohio, noong 1931. Noong Linggo, Hulyo 26, pagkatapos mapakinggan ang maka-Kasulatang pangangatuwiran, tumanggap ng bagong pangalan ang mga Estudyante ng Bibliya—Mga Saksi ni Jehova. Angkop na angkop nga! Narito ang isang pangalan na umaakay sa pagbibigay ng pangunahing pansin sa Maylalang mismo at na maliwanag na ipinakikita ang pananagutan niyaong sumasamba sa kaniya. (Isa. 43:10-12) Ang pagtanggap sa pangalang iyan ay nagdulot ng kasigasigan higit kailanman sa mga kapatid bilang tagapaghayag ng pangalan at Kaharian ng Diyos. Gaya ng pagkasabi ng isang liham ng isang Saksing taga-Denmark noong taóng iyon: “Oh, kaygandang pangalan, mga Saksi ni Jehova, oo, sana tayong lahat ay maging gayon.”
Noong 1935 isa pang di-malilimot na kombensiyon ang idinaos, sa Washington D. C. Noong ikalawang araw ng kombensiyong iyon, Biyernes, Mayo 31, tinalakay ni Brother Rutherford ang tungkol sa malaking pulutong, o lubhang karamihan, na tinukoy sa Apocalipsis 7:9-17. Sa loob ng mahigit na kalahating siglo, sinikap na ng mga Estudyante ng Bibliya na wastong makilala ang grupong iyan, ngunit sila’y nabigo. Ngayon, sa takdang panahon ni Jehova, sa liwanag ng mga pangyayari na noo’y nagsisimula na, ipinaliwanag na ito’y mga taong may pag-asang mabuhay magpakailanman dito mismo sa lupa. Ang kaunawaang ito ay nagbigay ng panibagong kahulugan sa gawaing pag-eebanghelyo at ipinaliwanag ayon sa Kasulatan ang isang mahalagang pangyayari na noon ay nagsisimula pa lamang maganap sa kayarian ng modernong-panahong organisasyon ng mga Saksi ni Jehova.
Ang kombensiyon sa St. Louis, Missouri, noong 1941 ay naaalaala ng maraming naroroon para sa panimulang-araw na pahayag na pinamagatang “Katapatan,” na doon ipinako ni Brother Rutherford ang pansin sa malaking isyu na napaharap sa lahat ng matalinong nilalang. Magmula noong pahayag na “Tagapamahala Para sa Bayan,” noong 1928, ang mga isyu na bumangon dahil sa paghihimagsik ni Satanas ay binigyan ng paulit-ulit na atensiyon. Subalit ngayon ay ipinaliwanag na “ang pangunahing isyu na ibinangon ng mapaghimagsik na hamon ni Satanas ay ang tungkol sa PANSANSINUKOB NA PAMAMAHALA.” Ang pagpapahalaga sa isyung iyan at sa kahalagahan ng pananatiling tapat kay Jehova bilang Pansansinukob na Soberano ay naging isang mabisang nagpapakilos na puwersa sa buhay ng mga lingkod ni Jehova.
Sa kalagitnaan ng Digmaang Pandaigdig II, noong 1942, nang ang ilan ay nag-iisip na ang gawaing pangangaral ay marahil malapit nang matapos, ang pahayag pangmadla ng kombensiyon na binigkas ni N. H. Knorr, ang bagong kahihirang na presidente ng Samahang Watch Tower, ay “Kapayapaan—Mananatili ba Ito?” Ang paliwanag sa pahayag na iyon hinggil sa makasimbolikong “mabangis na hayop na kulay pula” ng Apocalipsis kabanata 17 ay nagbukas sa isipan ng mga Saksi ni Jehova sa isang panahon pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II na doo’y magkakaroon ng pagkakataon na akayin pa ang maraming tao tungo sa Kaharian ng Diyos. Ito’y nagpasigla sa isang pangglobong kampanya na sa paglipas ng mga taon ay umabot na sa mahigit na 235 lupain at hindi pa natatapos.
Isa pang makasaysayang pangyayari ang naganap sa panahon ng kombensiyon sa Yankee Stadium ng New York noong Agosto 2, 1950. Sa okasyong iyon ay unang tinanggap ng namamangha at nagagalak na mga tagapakinig ang New World Translation of the Christian Greek Scriptures. Ang natitirang bahagi ng New World Translation ay inilabas nang yugtu-yugto nang sumunod na dekada. Ibinalik ng modernong-wikang saling ito ng Banal na Kasulatan ang personal na pangalan ng Diyos sa wastong dako nito sa kaniyang Salita. Ang pagiging tapat nito sa kung ano ang nasa orihinal na mga wika ng Bibliya ang nagpangyari rito na maging isang mabisang kagamitan ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang sariling pag-aaral ng Kasulatan gayundin sa kanilang gawaing pag-eebanghelyo.
Noong ikalawa-sa-huling araw ng kombensiyong iyon, si F. W. Franz, bise presidente noon ng Samahang Watch Tower, ay nagpahayag sa madla hinggil sa “Bagong Sistema ng mga Bagay.” Sa loob ng maraming taon ay naniwala ang mga Saksi ni Jehova na kahit bago pa sumapit ang Armagedon ang ilan sa mga lingkod ni Jehova bago ang panahong Kristiyano ay ibabangon mula sa mga patay upang maging mga prinsipe ng bagong sanlibutan, bilang katuparan ng Awit 45:16. Kung gayon, maguguniguni mo ang epekto sa maraming naroroon nang magtanong ang tagapagsalita: “Magagalak kaya ang pandaigdig na asambleang ito na malamang dito, sa gabing ito, sa gitna natin, ay may ilang inaasahang magiging mga prinsipe ng bagong lupa?” Sumigabo ang malakas at patuloy na palakpakan kasabay ang pagsisigawan sa kagalakan. Pagkatapos ay ipinakita ng tagapagsalita na ang paggamit ng Bibliya sa terminong isinaling “prinsipe” kasama ng ulat ng katapatan ng marami sa “ibang tupa” sa modernong panahon ay batayan upang maniwala na ang ilang nabubuhay ngayon ay maaaring piliin ni Jesu-Kristo para sa mala-prinsipeng paglilingkod. Gayunman, ipinaliwanag din niya na walang igagawad na mga titulo sa mga pinagkatiwalaan ng gayong paglilingkod. Sa pagtatapos ng kaniyang pahayag, humimok siya: “Magpatuloy, kung gayon, nang matatag, sama-sama tayong lahat, bilang isang Bagong Sanlibutang lipunan!”
Nagkaroon ng marami pang mahahalagang pahayag na binigkas sa mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova: Noong 1953, ang “Sinalakay ang Bagong Sanlibutang Lipunan Mula sa Dulong Hilaga” ay isang matibay na paliwanag sa kahulugan ng pag-atake ni Gog ng Magog ayon sa pagkalarawan sa Ezekiel kabanata 38 at 39. Nang taon ding iyon, ang pahayag na “Pinupunô ang Bahay ng Kaluwalhatian” ay umantig sa damdamin ng mga nakarinig nito yamang nakita ng kanilang sariling mga mata ang aktuwal na katunayan ng katuparan ng pangako ni Jehova, sa Hagai 2:7, na dadalhin ang mahahalagang bagay, ang kanais-nais na mga bagay, mula sa lahat ng mga bansa tungo sa bahay ni Jehova.
Gayunman, ang pinakatanyag na kombensiyon ng modernong panahon ay ginanap sa New York noong 1958, nang mahigit sa isang-kaapat na bahagi ng isang milyong katao ang umapaw sa pinakamalalaking pasilidad na makukuha upang pakinggan ang pahayag na “Nagpupunò Na ang Kaharian ng Diyos—Malapit Na ba ang Katapusan ng Sanlibutan?” Naroroon ang mga delegado mula sa 123 lupain, at ang kanilang ulat sa mga tagapakinig sa kombensiyon ay tumulong upang patibayin ang tali ng pandaigdig na kapatiran. Para sa espirituwal na pagsulong niyaong mga naroroon at para may magamit sila sa pagtuturo sa iba, inilabas ang mga publikasyon sa 54 na wika sa panahon ng pambihirang kombensiyong iyon.
Noong 1962, itinuwid ang pagkaunawa ng mga Saksi sa kahulugan ng Roma 13:1-7 ng isang serye ng mga pahayag sa temang “Pagpapasakop sa Matataas na Kapangyarihan.” Noong 1964, ang “Paglipat sa Kamatayan Tungo sa Buhay” at “Lumabas sa mga Libingan Tungo sa Pagkabuhay-muli” ay nagpalawak ng kanilang pagpapahalaga sa dakilang kaawaan ni Jehova na makikita sa paglalaan ng pagkabuhay-muli. At napakarami pa ng gayong mga tampok sa kombensiyon ang maaaring banggitin.
Bawat taon ay sampu-sampung libo, oo, daan-daang libo, na mga baguhan ang dumadalo sa mga kombensiyon. Bagaman ang mga impormasyong inihaharap ay hindi laging bago sa organisasyon sa kabuuan, lagi naman itong nagbubukas sa mga baguhang dumadalo ng kaunawaan sa banal na kalooban na tunay na umaantig sa kanilang damdamin. Maaaring makita nila at pakilusin sila na samantalahin ang mga pagkakataon ng paglilingkod na magpapabago ng buong landasin nila sa buhay.
Ipinako ang pansin sa kahulugan ng ilang aklat sa Bibliya sa maraming kombensiyon. Halimbawa, noong 1958 at muli noong 1977, inilabas ang pinabalatang mga aklat na ukol sa pagtalakay sa mga hulang iniulat ni propeta Daniel hinggil sa layunin ng Diyos na magkaroon ng isang pandaigdig na pamahalaan na si Kristo ang Hari. Noong 1971, ang aklat naman ni Ezekiel ang binigyang-pansin, na idiniin ang banal na pagpapahayag na, “Makikilala ng mga bansa na ako ay si Jehova.” (Ezek. 36:23) Noong 1972, ang mga hulang iniulat ni Zacarias at Hagai ang binigyan ng detalyadong pagsasaalang-alang. Noong 1963, 1969, at 1988, nagkaroon ng malawakang pagtalakay sa nakasasabik na mga hula ng Apocalipsis, na maliwanag na inihula ang pagbagsak ng Babilonyang Dakila at ang pagdating ng maluwalhating bagong mga langit at bagong lupa.
Itinampok sa mga kombensiyon ang iba’t ibang mga paksa—Paglago ng Teokrasya, Dalisay na Pagsamba, Nagkakaisang mga Mananamba, May Tibay-Loob na mga Ministro, Mga Bunga ng Espiritu, Paggawa ng mga Alagad, Mabuting Balita Para sa Lahat ng Bansa, Banal na Pangalan, Banal na Soberanya, Banal na Paglilingkod, Matagumpay na Pananampalataya, Katapatan sa Kaharian, Tagapag-ingat ng Katapatan, Magtiwala kay Jehova, Maka-Diyos na Debosyon, Tagapagdala ng Liwanag, at marami pang iba. Ang bawat isa nito ay may naidagdag sa pagsulong sa espirituwalidad ng organisasyon at sa mga kaugnay rito.
Pampasigla sa Gawaing Pag-eebanghelyo
Ang malalaking kombensiyon, gayundin ang maliliit na asamblea, ay naging saganang bukal ng pampatibay-loob may kaugnayan sa pangangaral ng mabuting balita. Naglaan ng praktikal na instruksiyon ang mga pahayag at mga demonstrasyon. Ang mga karanasang tinamasa sa ministeryo sa larangan gayundin yaong mga isinalaysay ng mga taong kamakailan lamang ay natulungang matuto ng katotohanan ng Bibliya ay hindi nawawala sa programa. Bukod dito, ang aktuwal na paglilingkod sa larangan na itinakda sa panahon ng mga kombensiyon sa loob ng maraming taon ay tunay na kapaki-pakinabang. Nagbigay ito ng mabuting pagpapatotoo sa lunsod ng kombensiyon at nagdulot ng malaking kasiglahan sa mga Saksi mismo.
Ang paglilingkod sa larangan ay naging bahagi ng itinakdang gawain sa kombensiyon sa Winnipeg, Manitoba, Canada, noong Enero 1922. Itinampok din iyon noong panlahatang kombensiyon na idinaos sa Cedar Point, Ohio, sa dakong huli ng taóng iyon. Mula noon, kinaugalian na ang maglaan ng isang araw, o bahagi ng isang araw o mga bahagi ng ilang araw, para sa mga delegado na makibahaging sama-sama sa gawaing pagpapatooo doon mismo sa lunsod ng kombensiyon o sa palibot nito. Sa malalaking lunsod, ito’y nagbigay ng pagkakataon sa mga taong bihirang matagpuan ng mga Saksi na mapakinggan ang mabuting balita hinggil sa layunin ng Diyos na bigyan ng walang-hanggang buhay ang mga mangingibig sa katuwiran.
Sa Denmark ang kauna-unahan sa gayong mga araw ng paglilingkuran sa kombensiyon ay isinaayos noong 1925, nang 400 hanggang 500 ang nagtipon sa Nørrevold. Para sa marami sa 275 na nakibahagi sa paglilingkod sa larangan sa kombensiyong iyon, ito ang unang karanasan nila. Ang ilan ay nangamba. Subalit pagkatapos na matikman nila ito, sila’y naging masiglang mángangarál maging sa kanilang sariling mga teritoryo. Kasunod ng kombensiyong iyon at hanggang sa katapusan ng Digmaang Pandaigdig II, nagkaroon ng maraming isang-araw na kombensiyon na idinaos sa Denmark, at ang mga kapatid mula sa karatig na mga lunsod ay inanyayahan. Namalas ang higit na kasigasigan habang sila’y sama-samang nakikibahagi sa ministeryo at pagkatapos ay nagkikita-kita upang makinig sa mga pahayag. Katulad na mga asamblea sa paglilingkuran—subalit dalawang araw ang haba—ang ginanap sa Britanya at sa Estados Unidos.
Sa mas malalaking kombensiyon ang gawain sa larangan ng mga delegado ay madalas na isinaayos sa malalaking grupo. Simula noong 1936, ang pahayag pangmadla ng kombensiyon ay inianunsiyo sa pamamagitan ng maayos na mga parada ng mga Saksi na nagsuot ng mga placard at namigay ng mga pulyeto. (Sa pasimula’y tinawag na “sandwich signs” ang mga placard na iyon dahil ang mga ito ay isinuot nang isa sa unahan at isa sa likod.) Kung minsan, isang libo o higit pang mga Saksi ang sumama sa gayong mga parada sa nasabing kombensiyon. Ang iba ay nakibahagi sa regular na pagbabahay-bahay, na inaanyayahan ang lahat na dumalo at makinig ng programa. Ito’y totoong nakapagpasigla sa bawat Saksi na gumawang kasama ng iba at makita ang daan-daan, libu-libo pa man din, na ibang mga Saksi na nakikibahagi sa ministeryo kasama nila. Kasabay nito, nalalaman tuloy ng mga tao sa maraming lugar sa palibot na ang mga Saksi ni Jehova ay naroroon; nagkaroon ng pagkakataon ang mga tao na marinig nila para sa kanilang sarili ang itinuturo ng mga Saksi at personal na mapagmasdan ang kanilang pag-uugali.
Ang mga pahayag na binigkas sa mga kombensiyon ay madalas na narinig hindi lamang ng mga naroroong tagapakinig. Nang ipahayag ni Brother Rutherford, sa isang kombensiyon sa Toronto, Canada, noong 1927, ang pahayag na “Kalayaan Ukol sa mga Bayan,” ito’y isinahimpapawid sa kauna-unahang pagkakataon sa 53 istasyon upang marinig ng napakaraming tagapakinig ng radyo sa buong daigdig. Nang sumunod na taon, mula sa Detroit, Michigan (E.U.A.), ang pahayag na “Pinunò Ukol sa Bayan” ay isinahimpapawid sa dalawang ulit na dami ng istasyon, at inihatid ito ng shortwave radio sa mga tagapakinig hanggang sa Australia, New Zealand, at Timog Aprika.
Noong 1931, ang pangunahing mga radio network ay hindi nakipagtulungan sa mga planong isahimpapawid ni Brother Rutherford ang isang pahayag sa kombensiyon; kaya sa tulong ng American Telephone and Telegraph Company, ang Samahang Watch Tower ay bumuo ng kaniyang sariling network na may 163 istasyon, kasali na ang pinakamalaking network na pinagkawing-kawing ng kawad na kailanma’y napasahimpapawid, upang ihatid ang mensaheng “Ang Kaharian, ang Pag-asa ng Sanlibutan.” Karagdagan pa, mahigit na 300 iba pang mga istasyon sa maraming bahagi ng daigdig ang nagsahimpapawid ng programa sa pamamagitan ng mga plaka.
Sa kombensiyon sa Washington D.C., noong 1935, nagpahayag si Brother Rutherford sa paksang “Pamahalaan,” na buong bisang umakay ng pansin sa katotohanang malapit nang palitan ng Kaharian ni Jehova sa ilalim ni Kristo ang lahat ng mga pamahalaan ng tao. Mahigit na 20,000 ang nakarinig niyaon sa Washington Auditorium. Ang pahayag ay inihatid din ng radyo at mga linya ng telepono sa palibot ng daigdig, na naaabot ang Sentral at Timog Amerika, Europa, Timog Aprika, kapuluan ng Pasipiko, at mga lupain ng Oryente. Yaong nakarinig sa pahayag sa paraang ito ay maaaring umabot sa milyun-milyon. Hindi tinupad ng dalawang pangunahing pahayagan sa Washington ang kanilang kontrata na ilathala ang pahayag. Subalit naglagay ang mga kapatid ng mga kotseng may loudspeaker sa 3 lugar sa lunsod at 40 iba pang lugar sa palibot ng Washington, at sa pamamagitan nito ay muling isinahimpapawid ang pahayag sa karagdagan pang mga tagapakinig na tinatayang 120,000.
Pagkatapos, noong 1938, sa Royal Albert Hall, sa London, Inglatera, ang tahasang pahayag na “Harapin ang mga Katotohanan” ay inihatid sa 50 lunsod ng kombensiyon sa palibot ng daigdig, na may kabuuang dumalo na mga 200,000. Karagdagan pa, napakinggan sa radyo ang pahayag na iyon ng napakaraming tagapakinig.
Kaya, bagaman kakaunti ang bilang ng mga Saksi ni Jehova, ang kanilang mga kombensiyon ay gumanap ng mahalagang papel sa paghahayag sa madla ng hinggil sa mensahe ng Kaharian.
Mga Kombensiyon sa Europa Pagkatapos ng Digmaan
Para sa mga naroroon, may ilang kombensiyon na namumukod sa iba. Ito’y totoo sa mga idinaos sa Europa karaka-raka pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II.
Ang isa sa mga kombensiyong iyon ay sa Amsterdam, Netherlands, noong Agosto 5, 1945, wala pang apat na buwan pagkatapos palayain mula sa mga kampong piitan ng Aleman ang mga Saksi. Mga 2,500 delegado ang inasahang darating; 2,000 sa mga ito ang mangangailangan ng matitigilan. Upang masapatan ang pangangailangan sa lugar na matutulugan, ang lokal na mga Saksi ay naglatag ng mga straw sa sahig ng kanilang mga tahanan. Mula sa lahat ng direksiyon ang mga delegado ay nagsirating sa iba’t ibang posibleng kaparaanan—sakay ng bangka, ng mga trak, ng mga bisikleta, at ang ilan ay nakisakay lamang.
Sa kombensiyong iyon sila ay tumawa at umiyak, sila ay umawit, at nagpasalamat kay Jehova sa kaniyang kabutihan. Gaya ng sabi ng isang dumalo: “Iyon ay di-mabigkas na kagalakan ng isang teokratikong organisasyon na kalalaya lamang mula sa tanikala!” Bago ang digmaan, wala pang 500 Saksi sa Netherlands. Isang kabuuan na 426 ang inaresto at ibinilanggo; sa mga ito, 117 ang namatay bilang tuwirang resulta ng pag-uusig. Anong kagalakan nang sa asamblea ay makita ng ilan ang mga mahal sa buhay na inaasahang patay na! Ang iba ay napaluha nang hindi nila makita ang kanilang hinahanap. Nang gabing iyon 4,000 ang wiling-wiling nakinig sa pahayag pangmadla na nagpaliwanag kung bakit ang mga Saksi ni Jehova ang naging tampulan ng gayong matinding pag-uusig. Sa kabila ng kanilang naranasan, sila’y nagsimulang mag-organisa upang ipagpatuloy ang bigay-Diyos na gawain.
Nang sumunod na taon, 1946, nagsaayos ang mga kapatid sa Alemanya para sa isang kombensiyon sa Nuremberg. Sila’y pinahintulutang gamitin ang Zeppelinwiese, ang dating pinagdarausan ni Hitler ng parada. Noong ikalawang araw ng kombensiyon, si Erich Frost, na personal na nakaranas ng kalupitan ng Gestapo at nabilanggo ng kung ilang taon sa isang piitang kampo ng Nazi, ay nagbigay ng pahayag pangmadla na “Ang mga Kristiyano sa Ilalim ng Matinding Pagsubok.” Ang 6,000 Saksi na dumalo ay sinamahan ng 3,000 mula sa publiko sa Nuremberg noong okasyong iyon.
Ang huling araw ng kombensiyong iyon ay siyang araw na ipahahayag doon sa Nuremberg ang hatol sa mga paglilitis sa mga nagkasala sa panahon ng digmaan. Nagdeklara ng curfew ang mga maykapangyarihan noong araw na iyon, subalit pagkatapos ng mahahabang negosasyon sila’y sumang-ayon na dahilan sa paninindigan ng mga Saksi ni Jehova sa harap ng pagsalansang ng Nazi, hindi magiging angkop na hadlangan silang tapusin ang kanilang kombensiyon nang mapayapa. Kaya, sa huling araw na iyon, ang mga kapatid ay natipon upang pakinggan ang nakapagpapasiglang pahayag na “Walang-Takot sa Kabila ng Pandaigdig na Pagsasabwatan.”
Nakita nila ang kamay ni Jehova sa mga nangyayari. Sa panahong iyon habang hinahatulan ang mga lalaking kumakatawan sa isang regimen na nagsikap na lipulin sila, nagtitipon naman ang mga Saksi ni Jehova upang sambahin si Jehova sa mismong lugar na doon itinanghal ni Hitler ang ilan sa kaniyang pinakanakahihindik na pagpapasikat ng kapangyarihan ng Nazi. Ang sabi ng chairman ng kombensiyon: “Sulit na sulit ang siyam na taon ko sa kampong piitan nang makita ko ang araw na ito, na isang pahiwatig lamang ng tagumpay ng bayan ng Diyos sa kanilang mga kaaway sa digmaan ng Armagedon.”
Iba Pang Di-Malilimot na mga Kombensiyon
Habang lumalawak ang gawain ng mga Saksi ni Jehova, ginaganap naman ang mga kombensiyon sa buong lupa. Lahat ng ito ay nagkaroon ng ilang tampok na mga bahagi para sa mga naroroon.
Sa Kitwe, Hilagang Rhodesia (ngayo’y Zambia), sa sentro ng Copperbelt, isang kombensiyon ang nakatakdang ganapin sa panahon ng dalaw ng presidente ng Samahang Watch Tower noong 1952. Ang pagdarausan ay isang malaking lugar sa labas ng isa sa mga kampong minahan, sa dako na kilala ngayon sa tawag na Chamboli. Ang tuktok ng isang malaking punso ay pinatag, at nilagyan ng atip na damo bilang plataporma. Ang iba pang mga pabilyong inatipan ay upang tulugan, na may dalawahang palapag, na isa’t isa’y ikinabit na papalayo nang 180 metro mula sa prinsipal na dakong upuan na parang rayos ng isang gulong. Ang ilan dito ay tinulugan ng mga lalaki at mga binatilyo; ang mga babae at mga dalagita naman sa iba. Ang ilan sa mga delegado ay naglakbay nang dalawang linggo sa bisikleta upang makadalo. Ang iba ay naglakad nang ilang araw at sa bandang huli ay tinapos ang paglalakbay sa isang lumang bus.
Sa panahon ng sesyon yaong mga nasa upuan ay matamang nakikinig, bagaman ang upuan ay sa matigas na bangkóng kawayan at wala pang bubong. Sila’y dumalo para makinig at ayaw nilang malampasan kahit isang salita. Ang pag-aawitan ng 20,000 naroroon ay nagpadaloy ng luha sa mga mata—yao’y totoong napakaganda. Walang sumasaliw na mga instrumento, subalit ang armonya ng mga tinig ay napakarikit. Hindi lamang sa kanilang pag-awit kundi sa lahat ng bagay, namalas ang pagkakaisa sa gitna ng mga Saksing ito, bagaman sila’y mula sa iba’t ibang pinagmulan at mga tribo.
At maguguniguni kaya ninyo ang naging damdamin ng mga Saksi ni Jehova sa Portugal nang, pagkatapos ng 50 taóng pakikipagpunyagi upang matamo ang kalayaan sa pagsamba, sa wakas ay legal na kinilala ang mga Saksi roon noong Disyembre 18, 1974. Noon ay may bilang lamang sila na 14,000. Sa loob lamang ng ilang araw, pinunô ng 7,586 sa kanila ang isang nilalaruang pabilyon sa Porto. Nang sumunod na araw, umapaw ang 39,284 sa football stadium sa Lisbon. Sina Brother Knorr at Franz ay kasama nila sa maligayang okasyong iyon, ang isa na kailanman ay di-malilimot ng marami.
Pagtatatag ng Pandaigdig na mga Pagtitipon
Sa mahigit na kalahating siglo, nakapagdaos na ang mga Saksi ni Jehova ng malalaking kombensiyon sa ilang siyudad nang sabay-sabay sa maraming lupain. Ang kanilang damdamin ng pandaigdig na kapatiran ay higit na napatingkad sa mga okasyong ito nang marinig nilang lahat ang mahahalagang pahayag mula sa isang pangunahing siyudad.
Gayunman, noon lamang 1946 na nangyaring matipon sa isang malaking kombensiyon sa iisang siyudad ang mga delegado mula sa maraming lugar sa lupa. Ito ay sa Cleveland, Ohio. Bagaman mahirap pa ang paglalakbay noong panahon na katatapos lamang ng digmaan, umabot sa 80,000 ang dumalo, kasama pa ang 302 delegado mula sa 32 bansa sa labas ng Estados Unidos. Ginanap ang mga sesyon sa 20 wika. Nagbigay ng maraming praktikal na mga instruksiyon sa layuning mapalawak ang gawaing pag-eebanghelyo. Ang isa sa pinakatampok na bahagi ng kombensiyon ay ang pahayag ni Brother Knorr hinggil sa mga suliranin ng muling pagtatayo at pagpapalaki. Nagpalakpakan ang mga naroroon nang kanilang marinig ang mga plano hinggil sa pagpapalaki ng mga pasilidad para sa palimbagan at opisina ng punong-tanggapan ng Samahan, gayundin ang mga pasilidad ng pagsasahimpapawid sa radyo, para sa pagtatatag ng mga opisinang pansangay sa mga pangunahing bansa ng daigdig, at para sa pagpapalawak ng gawaing pagmimisyonero. Karaka-raka pagkatapos ng kombensiyon, pinag-aralan ang mga detalye upang sina Brother Knorr at Henschel ay makapagsaayos ng lumilibot-sa-daigdig na paglalakbay upang isakatuparan ang tinalakay roon.
Nang sumunod na mga taon, idinaos sa New York City Yankee Stadium ang ilang tunay na makasaysayang mga kombensiyon. Sa nauna rito, noong Hulyo 30 hanggang Agosto 6, 1950, naroroon ang mga delegado mula sa 67 lupain. Kasama sa programa ang maiikling ulat ng mga lingkod ng sangay, mga misyonero, at iba pang mga delegado. Ito’y nagbigay sa kombensiyon ng nakasasabik na pagsulyap sa marubdob na gawaing pag-eebanghelyo na isinasagawa sa mga lupaing pinanggalingan nila. Noong huling araw, ang dumalo ay umabot sa 123,707 para sa pahayag na “Maaari ba Kayong Mabuhay sa Kaligayahan Magpakailanman sa Lupa?” Ang tema ng kombensiyon ay “Paglago ng Teokrasya.” Itinuon ang pansin sa malaking pagsulong sa bilang. Subalit, gaya ng mariing ipinaliwanag ni Grant Suiter, bilang chairman, ito’y hindi ginawa upang purihin ang sinumang may matalinong isipan na nasa loob ng nakikitang organisasyon. Sa halip, ipinahayag niya: “Ang biglang pagdami sa bilang ay iniuukol sa karangalan ni Jehova. Iyon ang nararapat, at hindi natin babaguhin iyon.”
Noong 1953, isa pang kombensiyon ang idinaos sa Yankee Stadium sa New York. Sa pagkakataong ito ang dumalo ay umabot sa pinakamataas na bilang na 165,829. Gaya ng naunang kombensiyon doon, ang programa ay napunô ng mga talakayan hinggil sa nakapananabik na mga hula sa Bibliya, praktikal na payo kung papaano tutuparin ang pangangaral ng mabuting balita, at mga ulat mula sa maraming lupain. Bagaman ang sesyon ay nagsisimula ng mga 9:30 n.u., hindi sila natatapos hanggang 9:00 o 9:30 n.g. Naglaan ang kombensiyon ng walong araw na puspos ng maligayang pagsasalu-salo sa espirituwal.
Sa pinakamalaki nilang kombensiyon, sa New York noong 1958, kinailangan na gamitin hindi lamang ang Yankee Stadium kundi pati rin ang kalapit na Polo Grounds gayundin ang mga dako para sa overflow sa labas ng mga istadyum upang pagkasyahin ang mga dumalo sa kombensiyon. Noong huling araw, nang punô na ang bawat upuan, pinahintulutan silang gamitin maging ang lugar ng palaruan ng Yankee Stadium, at anong nakapangingilabot na tanawin iyon habang pumapasok ang libu-libo, naghubad ng kanilang mga sapatos, at naupo sa damuhan! Ang bilang ay nagpakita na 253,922 ang dumalo upang pakinggan ang pahayag pangmadla. Isa pang pagpapala ni Jehova sa ministeryo ng kaniyang mga lingkod ang nakita nang 7,136 sa kombensiyong ito ang nagsagisag ng kanilang pag-aalay sa pamamagitan ng bautismo sa tubig—mahigit na doble sa bilang ng nabautismuhan noong makasaysayang okasyon ng Pentecostes 33 C.E., gaya ng ulat sa Bibliya!—Gawa 2:41.
Ang kabuuang pagpapalakad ng mga kombensiyong ito ay katunayan na higit pa ang nasasangkot kaysa mahusay na organisasyon. Iyon ay isang kapahayagan ng pagkilos ng espiritu ng Diyos sa kaniyang bayan. Ang kapatirang pag-ibig na salig sa pag-ibig sa Diyos ay nadama kahit saan. Walang inupahang mga tagapagtatag. Ang bawat departamento ay tinauhan ng walang-bayad na mga boluntaryo. Ang mga kapatid na Kristiyano, madalas na pami-pamilya, ay nangalaga sa mga refreshment stand. Nagluto rin sila ng mga pagkain, at sa malalaking tolda sa labas ng istadyum, hinainan nila ang mga delegado na may bilis na hanggang isang libo bawat minuto. Sampu-sampung libo—lahat sa kanila ay nagalak na magkabahagi sa gawain—ang naglingkod bilang mga attendant at nangalaga sa kinailangang pagtatayo, pagluluto at paghahain ng pagkain, paglilinis, at marami pang iba.
Higit pang mga boluntaryo ang nag-ukol ng daan-daang libong oras upang mailaan ang kinakailangang tuluyan ng mga delegado. Sa ilang taon, upang patuluyin ang ilan sa mga kombensiyonista, nagtayo sila ng mga kampong tuluyan para sa mga trailer at mga tolda. Noong 1953 nag-ani ang mga Saksi ng 16 na ektarya ng butil, nang walang bayad, para sa isang magsasaka sa New Jersey na nagpaupa ng kaniyang lupain para sa kanilang kampong tuluyan. Mga pasilidad para sa kalinisan, ilaw, paliguan, labahan, cafeteria, at mga tindahan ng groseri ang inilagay upang matustusan ang isang populasyon na mahigit na 45,000. Sa kanilang pagpasok, wari’y biglang lumitaw ang isang siyudad. Libu-libo pa ang tumuloy naman sa mga otel at pribadong mga bahay sa loob at sa palibot ng New York. Napakalaking trabaho iyon. Sa pagpapala ni Jehova, iyon ay matagumpay na naisagawa.
Naglalakbay na mga Kombensiyon
Ang mga miyembro ng pandaigdig na kapatirang ito ay totoong interesado sa kapuwa mga Saksi sa ibang mga lupain. Bilang resulta, sinasamantala nila ang pagkakataon upang makadalo ng mga kombensiyon sa labas ng kanilang sariling bansa.
Nang magtipon para sa una sa serye ng Malinis na Pagsambang Asamblea sa Wembley Stadium sa London, Inglatera, noong 1951, naroon ang mga Saksi mula sa 40 lupain. Idiniin ng programa ang praktikal na bahagi ng tunay na pagsamba at ang paggawa sa ministeryo bilang karera sa buhay. Mula sa Inglatera, maraming mga Saksi ang naglakbay sa Kontinente, kung saan siyam na mga kombensiyon pa ang gaganapin sa loob ng susunod na dalawang buwan. Ang pinakamalaki sa mga ito ay sa Frankfurt am Main, Alemanya, na may 47,432 ang dumalo galing sa 24 na lupain. Nadama ang pag-iibigan ng mga kapatid sa pagtatapos ng programa nang magsimulang tumugtog ang orkestra at kusang umawit ng pamamaalam na inihahabilin sa Diyos ang kanilang kapuwa mga Saksi na dumating mula sa ibang bansa upang makasama nila. Ikinaway ang mga panyo, at daan-daan ang nagtipun-tipon sa palaruan upang ipahayag ang personal na pagpapahalaga sa dakilang teokratikong kapistahang ito.
Noong 1955, higit na mga Saksi ang nagsaayos na dalawin ang kanilang mga kapatid na Kristiyano sa ibang bansa sa panahon ng kombensiyon. Sa pamamagitan ng dalawang arkiladong barko (bawat isa’y naglululan ng 700) at 42 arkiladong eroplano, ang mga delegado mula sa Estados Unidos at Canada ay nagtungo sa Europa. Ang Europeong edisyon ng pahayagang The Stars and Stripes, inilathala sa Alemanya, ay naglarawan ng pagdagsa ng mga Saksi na “marahil ang pinakamalaking paghugos ng mga Amerikano sa Europa sapol ng paglusob ng mga Alyado sa panahon ng Digmaang Pandaigdig II.” Ang ibang delegado ay mula sa Sentral at Timog Amerika, Asia, Aprika, at Australia. Sa kabila ng pagsisikap ng klero ng Sangkakristiyanuhan na hadlangan ang mga Saksi sa pagdaraos ng kanilang kombensiyon sa Roma at Nuremberg, ang dalawang ito at anim pa ay ginanap sa Europa noong tag-araw na iyon. Ang mga dumalo ay nagsimula sa 4,351 sa Roma at umabot sa 107,423 sa Nuremberg. Isa pang grupo ng 17,729 ang nagtipon sa Waldbühne doon sa tinatawag noon na Kanlurang Berlin, na maaaring marating ng mga kapatid mula sa noo’y Silangang Alemanya nang walang gaanong panganib. Marami sa mga ito ay nabilanggo dahil sa kanilang pananampalataya o may mga miyembro ng pamilya na nabilanggo, subalit sila’y nanatiling matatag sa pananampalataya. Tamang-tama ang tema ng kombensiyon—“Matagumpay na Kaharian”!
Bagaman marami nang naganap na mga pandaigdig na kombensiyon, ang idinaos noong 1963 ay namumukod-tangi. Ito ay palibot-sa-daigdig na kombensiyon. Mula sa Milwaukee, Wisconsin, sa Estados Unidos, ito’y tumuloy sa New York; pagkatapos ay sa apat na pangunahing lunsod sa Europa; dumaan sa Gitnang Silangan; patungo sa India, Burma (ngayo’y Myanmar), Thailand, Hong Kong, Singapore, Pilipinas, Indonesia, Australia, Taiwan, Hapon, New Zealand, Fiji, ang Republika ng Korea, at Hawaii; at pagkatapos ay balik sa kontinente ng Hilagang Amerika. Lahat-lahat, ang mga delegado mula sa 161 lupain ay naroroon. Lumampas sa 580,000 ang kabuuang bilang ng dumalo. May 583, mula sa 20 lupain, ang nagpalipat-lipat ng kombensiyon, na dumadalo sa sunud-sunod na mga bansa, tuluy-tuloy sa palibot ng daigdig. Ang mga espesyal na pamamasyal ay nagpangyari na makita nila ang mga lugar na may panrelihiyong interes, at sila’y nakisama rin sa kanilang lokal na mga kapatid sa ministeryo sa bahay-bahay. Ang mga manlalakbay na ito ang nanagot sa kanilang sariling mga gastusin.
Maraming delegado mula sa Latin Amerika ang dumalo noon sa halos lahat ng pandaigdig na mga kombensiyon. Ngunit noong 1966-67, sila naman ang nag-asikaso ng kombensiyon. Hindi na malilimutan niyaong nagsidalo ang drama na nagbigay-buhay sa ulat ng Bibliya hinggil kay Jeremias at na tumulong sa bawat isa na pahalagahan ang kahulugan nito sa ating kapanahunan.a Napatibay ang buklod ng Kristiyanong pag-iibigan nang makita mismo ng mga panauhin ang kalagayang umiiral sa mga dako na doon isinasagawa ang malawak na kampanya ng pagtuturo ng Bibliya sa Latin Amerika. Naantig ang kanilang mga damdamin ng matibay na pananampalataya ng kapuwa mananamba, na marami sa kanila ay nakapagtagumpay sa waring di-malalampasang mga hadlang—pagsalansang ng pamilya, baha, pagkaubos ng tinatangkilik—upang makadalo lamang. Sila’y labis na napalakas ng mga karanasang gaya ng sa interbyu sa isang sister na special pioneer sa Uruguay na mahina ang katawan at kasama niya sa plataporma ang 80 katao na natulungan niyang sumulong hanggang sa umabot sa pagpapabautismong Kristiyano! (Hanggang noong 1992, nakatulong na siya sa 105 katao tungo sa pagpapabautismo. Mahina pa rin ang katawan niya ngunit nananatili pa ring special pioneer!) Nakapagpapasigla rin ng puso na makilala ang mga misyonero mula sa pinakaunang mga klase sa Gilead na naglilingkod pa rin sa kanilang mga pinag-atasan! Ang mga kombensiyong iyon ay isang mainam na pampasigla sa gawaing isinasagawa sa bahaging iyon ng daigdig. Sa karamihan ng mga lupaing iyon, mayroon na ngayong 10, 15, o 20 ulit pa nga ang dami ng mga pumupuri kay Jehova kaysa noong panahong iyon.
Pagkalipas ng ilang taon, noong 1970-71, naging posible sa mga Saksi mula sa ibang bansa ang makisalamuha sa kanilang mga kapatid sa pandaigdig na mga kombensiyon na idinaos sa Aprika. Ang pinakamalaki sa mga kombensiyong ito ay sa Lagos, Nigeria, kung saan ang lahat ng mga pasilidad ay kinailangang kumpletong maitayo. Upang maprotektahan ang mga kapatid sa init ng araw, nagtayo ng tinatawag na bamboo city—mga lugar na may mauupuan, mga dormitoryo, kapitirya, at iba pang mga departamento. Kinailangan ang 100,000 kawayan at 36,000 malalaki, nilala sa tambong banig—na lahat ng ito’y inihanda ng mga kapatid na lalaki at babae. Ang programa ay isinagawa sa 17 wika na sabay-sabay. Umabot sa 121,128 ang mga dumalo, at 3,775 bagong mga Saksi ang nabautismuhan. Napakaraming grupo ng mga tribo ang kinatawanan, at marami sa mga naroroon ay mga taong dati’y nagdirigmaan sa isa’t isa. Subalit ngayon, anong laking kagalakan na makita silang nagkakaisa sa buklod ng tunay na Kristiyanong kapatiran!
Pagkatapos ng kombensiyon, ang ilan sa mga panauhing delegado ay naglakbay sa bus patungo sa Igboland upang makita ang lugar na labis na naapektuhan ng nagdaang gera sibil. Nagbunga ng malaking pagkagulat sa bayan-bayan habang binabati at niyayakap ng mga Saksing tagaroon ang mga panauhin. Nagdagsaan ang mga tao sa kalye upang manood. Ang gayong pagpapamalas ng pag-ibig at pagkakaisa sa pagitan ng itim at puti ay isang bagay na ngayon lamang nila nasaksihan.
Sa ilang lupain naging imposible para sa kanila na magkasama-sama sa iisang lugar dahil sa dami ng bilang ng mga Saksi ni Jehova. Gayunman, may mga okasyon na ilang malalaking kombensiyon ang idinaos nang sabay-sabay, na sinundan pa ng iba nang sumunod na ilang linggo. Noong 1969, higit pang nadama ang pagkakaisa sa mga kombensiyon na isinaayos sa ganitong paraan dahil sa bagay na ang ilan sa mga pangunahing tagapagsalita ay nagparoo’t parito sa eroplano sa pagitan ng mga kombensiyon, upang mapaglingkuran silang lahat. Noong 1983 at 1988, ang katulad na pagiging iisa ay nadama nang ang ilang malalaking kombensiyon na iisa ang wika ay pinagkawing, kahit sa ibayong dagat, sa pamamagitan ng pagpapahatid sa telepono ng mga pangunahing pahayag na ibinigay ng mga miyembro ng Lupong Tagapamahala. Gayunman, ang tunay na pundasyon ng pagkakaisa ng mga Saksi ni Jehova ay ang bagay na silang lahat ay sumasamba kay Jehova bilang iisang tunay na Diyos, nanghahawakan silang lahat sa Bibliya bilang kanilang giya, sila’y nakikinabang na lahat mula sa iisang programa ng espirituwal na pagpapakain, tinitingnan nilang lahat si Jesu-Kristo bilang kanilang Lider, ninanasa nilang lahat na makapagpamalas ng mga bunga ng espiritu ng Diyos sa kanilang mga buhay, inilalagay nilang lahat ang kanilang pag-asa sa Kaharian ng Diyos, at silang lahat ay nakikibahagi sa pagdadala ng mabuting balita ng Kahariang iyan sa iba.
Organisado Para sa Pandaigdig na Pagpuri kay Jehova
Dumami na ang bilang ng mga Saksi hanggang sa punto na nalampasan nila ang bilang ng populasyon ng maraming indibiduwal na mga bansa. Upang magtagumpay ang kanilang mga kombensiyon, matamang pagpaplano ang kailangan. Gayunman, ang simpleng inilathalang mga kahilingan lamang kung saan dapat dumalo ang mga Saksi mula sa iba’t ibang lugar ay karaniwang sapat na upang matiyak na magkakaroon ng lugar ang bawat isa. Kapag nagpaplano ng pandaigdig na mga kombensiyon, kailangan na ngayon para sa Lupong Tagapamahala na isaalang-alang hindi lamang ang bilang ng mga Saksi sa ibang mga bansa na ibig dumalo at nasa kalagayang gawin iyon kundi pati ang laki ng gagamiting mga pasilidad sa kombensiyon, ang bilang ng mga Saksing tagaroon na dadalo, at ang dami ng mga tutuluyang magagamit ng mga delegado; saka magtatakda ng pinakamaraming maaaring dumalo mula sa bawat bansa. Ito ang nangyari may kaugnayan sa tatlong “Maka-Diyos na Debosyon” na Kombensiyon na ginanap sa Polandya noong 1989.
Sa mga kombensiyong iyon ang inasahang dadalo ay 90,000 Saksi ni Jehova mula sa Polandya, bukod pa sa libu-libong bagong interesadong tao. Marami rin ang inanyayahang dumalo mula sa Britanya, Canada, at sa Estados Unidos. Malalaking delegasyon ang tinanggap mula sa Italya, Pransiya, at Hapón. Ang iba ay nanggaling sa Scandinavia at Gresya. Di-kukulangin sa 37 lupain ang may kinatawan. Sa ilang bahagi ng programa, kinailangang isalin ang mga pahayag na Polako o Ingles sa 16 ibang mga wika. Ang kabuuang bilang ng dumalo ay 166,518.
May malalaking grupo ng mga Saksi sa kombensiyong ito na nanggaling sa dating Unyong Sobyet at sa Czechoslovakia; may kalakihang mga grupo ang naroroon din galing sa iba pang Silanganing mga bansa sa Europa. Hindi nakasapat para sa lahat ang mga otel at mga dormitoryo ng paaralan. Dahil sa mabuting kalooban, binuksan ng mga Saksing Polako ang kanilang mga puso at tahanan, na nagagalak na ibahagi ang taglay nila. Isang kongregasyon na may 146 ang naglaan ng matutulugan sa mahigit na 1,200 delegado. Para sa ilan na dumalo sa mga kombensiyong ito, iyon ang kauna-unahang pagkakataon na may makasama silang higit pa sa 15 o 20 sa bayan ni Jehova. Bumukal sa kanilang mga puso ang kagalakan nang masdan nila ang sampu-sampung libo sa istadyum, makisama sa kanila sa panalangin, at makialinsabay ng kanilang mga tinig sa pag-awit ng papuri kay Jehova. Nang sila’y makisalamuha sa kanila sa pagitan ng mga sesyon, nagkaroon ng maiinit na yakapan, bagaman dahil sa pagkakaiba-iba ng wika ay di-masabi ang laman ng kanilang mga puso.
Habang papatapos ang kombensiyon, ang kanilang mga puso ay lipos ng pasasalamat kay Jehova, na siyang dahilan ng lahat na ito. Sa Warsaw, pagkatapos ng huling pahayag ng chairman, patuloy na nagpalakpakan ang mga naroroon nang di-kukulangin sa sampung minuto. Pagkatapos ng huling awit at panalangin, nagpalakpakan muli, at nanatili pa sa kani-kanilang lugar ang mga tagapakinig. Maraming taon nilang hinintay ang pagkakataong ito, at ayaw nila itong magwakas.
Nang sumunod na taon, 1990, kulang-kulang na limang buwan pagkatapos na alisin ang 40-taóng pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova sa noo’y Silangang Alemanya, isa pang nakapananabik na pandaigdig na kombensiyon ang ginanap, ang isang ito sa Berlin. Ang 44,532 dumalo ay mga delegado mula sa 65 iba’t ibang bansa. May iilan lamang na dumalo galing sa ilang lupain; mula sa Polandya, ay mga 4,500. Hindi kayang ipaliwanag ng mga salita ang taimtim na nadama niyaong mga noon lamang nagkaroon ng kalayaang makadalo sa gayong kombensiyon, at nang sama-samang umawit ng papuri kay Jehova ang lahat ng tagapakinig, hindi nila napigilan ang pag-agos ng luhang dulot ng kagalakan.
Nang dakong huli ng taóng iyon, nang ang isang katulad na kombensiyon ay ganapin sa São Paulo, Brazil, kinailangan ang dalawang malalaking istadyum upang mapagkasya ang 134,406, tagapakinig mula sa iba’t ibang bansa. Ito’y sinundan ng isang kombensiyon sa Argentina, kung saan dalawang istadyum muli ang magkasabay na ginamit upang mapagkasya ang mga tagapakinig mula sa iba’t ibang bansa. Nang magsimula ang 1991, higit pang internasyonal na mga kombensiyon ang pinaghandaan sa Pilipinas, Taiwan, at Thailand. Marami ring dumalo mula sa iba’t ibang bansa noong taóng iyon sa mga kombensiyon sa Silangang Europa—sa Hungarya, Czechoslovakia, at sa ngayo’y Crotia. At noong 1992, itinuring ng mga delegado mula sa 28 lupain na isang pantanging pribilehiyo na makasama sa 46,214 na nasa St. Petersburg para sa kauna-unahang tunay na pang-internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Rusya.
Mga Pagkakataon Para sa Regular na Espirituwal na Kaginhawahan
Hindi lahat ng mga kombensiyon na idinaraos ng mga Saksi ni Jehova ay pandaigdig. Gayunman, nagsasaayos ang Lupong Tagapamahala ng mahahalagang kombensiyon minsan isang taon, at ang katulad na programa ang tinatamasa sa buong daigdig sa maraming wika. Ang mga kombensiyong ito ay maaaring malaki-laki, na naglalaan ng pagkakataon na makisalamuha sa ibang mga Saksi mula sa iba’t ibang lugar, o ang mga ito’y maaaring mas maliliit at idinaraos sa maraming lunsod, upang maging madali ang pagdalo para sa mga baguhan at sa gayon ay mapagmasdang mabuti ng publiko mula sa daan-daang maliliit na lunsod ang kaurian ng mga Saksi ni Jehova.
Karagdagan pa, minsan isang taon ay nagtitipon ang bawat sirkito (binubuo ng mga 20 kongregasyon) para sa isang dalawang-araw na programa ng espirituwal na payo at pagpapasigla.b Gayundin, mula noong Setyembre 1987, isang espesyal na araw ng asamblea, isang nakapagpapatibay na isang-araw na programa, ang isinaayos para sa bawat sirkito minsan isang taon. Hangga’t maaari, isang miyembro sa tauhan ng punong-tanggapan ng Samahan o sinuman mula sa lokal na tanggapang sangay ang ipinadadala upang makibahagi sa programa. Ang mga programang ito ay lubos na pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova. Sa maraming lugar ang mga dako ng asamblea ay hindi malayo o mahirap marating. Subalit hindi laging ganito. Isang naglalakbay na tagapangasiwa ang nakagunita ng may-edad nang mag-asawa na naglakad ng 76 na kilometro dala ang mga maleta at mga kumot upang dumalo sa isang pansirkitong asamblea sa Zimbabwe.
Ang paglilingkod sa larangan sa panahon ng kombensiyon ay inalis na sa karamihan ng mga asambleang ito, ngunit hindi nangangahulugan na minamalas ng mga Saksi na ito’y hindi na gaanong mahalaga. Kadalasan ang mga taong nakatira malapit sa dako ng asamblea ay regular na dinadalaw na ngayon ng lokal na mga Saksi—kung minsan, kada ilang linggo. Ang mga delegado sa asamblea ay laging listo sa mga pagkakataon upang makapagpatotoo nang impormal, at ang kanilang Kristiyanong pag-uugali ay nagbibigay ng malaking patotoo sa ibang paraan.
Patotoo ng Tunay na Pagkakapatiran
Ang nadaramang pagkakapatiran sa gitna ng mga Saksi sa kanilang mga kombensiyon ay madaling nahahalata ng mga nagmamasid. Nakikita nila na walang pagkakampi-kampi sa kanila at na ang tunay na pagmamahalan ay namamalas kahit na sa mga noon lamang nagkita. Sa panahon ng Banal na Kalooban na Pandaigdig na Asamblea sa New York noong 1958, nag-ulat ang Amsterdam News ng New York (Agosto 2): “Kahit saan ang mga Negro, mga puti at mga taga-Silangan, mula sa anumang kalagayan ng buhay at anumang lugar sa daigdig, ay maligaya at malayang magkakahalubilo. . . . Ang mananambang mga Saksi mula sa 120 lupain ay namuhay at sumamba nang may kapayapaan bilang patotoo sa mga Amerikano kung gaano ito kadaling gawin. . . . Ang Asamblea ay isang maningning na halimbawa kung papaanong ang mga tao ay maaaring gumawa at mamuhay nang magkakasama.”
Di pa nagtatagal, nang ang mga Saksi ni Jehova ay magdaos ng magkasabay na kombensiyon sa Durban at sa Johannesburg, Timog Aprika, noong 1985, kasama sa mga delegado ang mga grupo mula sa pangunahing mga lahi at wika sa Timog Aprika, gayundin ang mga kinatawan mula sa 23 iba pang mga lupain. Ang mainit na pagsasamahan sa gitna ng 77,830 dumalo ay agad na namalas. “Ito’y maganda,” ang sabi ng isang babaing Indian. “Nabago ang aking buong pangmalas sa buhay nang makita ko ang mga May-kulay, mga Indian, mga puti, at mga itim, na magkakasama.”
Ang pagkadama ng pagkakapatirang ito ay higit pa kaysa sa pagngingitian, pagkakamayan, at pagtatawagan ng “brother” at “sister” lamang. Bilang halimbawa, nang magsaayos para sa “Walang-Hanggang Mabuting Balita” na Asamblea sa buong daigdig noong 1963, pinatalastasan ang mga Saksi ni Jehova na kung ibig nilang tumulong sa iba sa pinansiyal upang makadalo sa isang kombensiyon, magagalak ang Samahan na tiyaking ang pondo ay mapakinabangan ng mga kapatid sa lahat ng bahagi ng lupa. Walang pangingilak, at walang isang kusing na kinuha para sa gastusin ng administrasyon. Ang pondo ay ginastos sa nasabing layunin. Sa ganitong paraan, 8,179 ang natulungan upang makadalo sa kombensiyon. Ang mga delegado mula sa bawat bansa sa Sentral at Timog Amerika ay tinulungan, gayundin ang libu-libo mula sa Aprika at marami sa Gitnang Silangan at Malayong Silangan. Ang karamihan sa mga tinulungan ay yaong mga kapatid na gumugol na ng maraming taon sa pambuong-panahong ministeryo.
Sa pagtatapos ng 1978, isang kombensiyon ang itinakdang ganapin sa Auckland, New Zealand. Ang mga Saksi sa Cook Islands ay nakaalam nito at nangarap na makadalo. Subalit dahil sa kalagayan ng ekonomiya sa mga isla ay mangangailangan ng malaki-laking halaga upang makadalo. Gayunman, ang maibiging mga kapatid sa espirituwal sa New Zealand ay tumulong sa balikang pamasahe ng 60 mga tagaisla. Gayon na lamang ang kanilang kagalakan na makadalo at makibahagi sa espirituwal na kapistahan kasama ng kanilang mga kapatid na Maori, Samoano, Niueano, at mga puti!
Ang karaniwang naging espiritu sa gitna ng mga Saksi ni Jehova ay ang naganap sa pagtatapos ng “Banal na Katarungan” na Pandistritong Kombensiyon sa Montreal, Canada, noong 1988. Sa loob ng apat na araw ang mga delegadong Arabiko, Ingles, Pranses, Griego, Italiano, Portuges, at Kastila ay nasiyahan sa programa sa kanilang sariling mga wika. Gayunman, sa wakas ng huling sesyon, ang lahat na 45,000 ay nagsama-sama sa Olympic Stadium sa makabagbag-damdaming pagpapamalas ng pagkakapatiran at pagkakaisa ng layunin. Sama-sama nilang inawit, bawat grupo sa sariling wika nito, ang “Makiawit . . . ‘Si Jehova’y naghahari; lupa’t langit mangagbunyi.’”
[Mga talababa]
a Pitumpu pa ng gayong mga drama ang iniharap sa mga kombensiyon sa sumunod na 25 taon.
b Mula 1947 hanggang 1987, ang mga ito’y idinaos nang dalawang beses bawat taon. Hanggang noong 1972, ang mga ito’y tatlong-araw na mga asamblea; pagkatapos ay pinasimulan ang dalawang-araw na programa.
[Blurb sa pahina 255]
“Ako’y humanga sa espiritu ng pag-iibigan at pangkapatirang kabaitan”
[Blurb sa pahina 256]
Mga tren sa kombensiyon—sakay na!
[Blurb sa pahina 275]
Hindi mahal-ang-bayad na mga organisador ng kombensiyon, kundi walang-bayad na mga boluntaryo
[Blurb sa pahina 278]
Pagkakaisa sa pagitan ng itim at puti
[Kahon/Larawan sa pahina 261]
Pitong Mahahalagang Resolusyon sa mga Kombensiyon
Noong 1922, ang resolusyon na pinamagatang “Isang Hamon sa mga Pinunò ng Daigdig” ay nanawagan sa kanila na patunayang taglay ng mga tao ang karunungan upang pamahalaan ang lupang ito o kung hindi ay aminin na ang kapayapaan, buhay, kalayaan, at walang-katapusang kaligayahan ay manggagaling lamang kay Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.
Noong 1923, may “Isang Babala sa Lahat ng mga Kristiyano” ng apurahang pangangailangan na tumakas mula sa mga organisasyon na may pandarayang umaangkin na kinatawan ng Diyos at ni Kristo.
Noong 1924, inilantad ng “Ecclesiastics Indicted” ang di-maka-Kasulatang mga doktrina at mga gawain ng mga klero ng Sangkakristiyanuhan.
Noong 1925, ipinakita ng “Mensahe ng Pag-asa” kung bakit yaong nag-aangking siyang liwanag na umaakay sa sanlibutan ay nabigong masapatan ang mga pangangailangan ng tao at kung papaanong ang Kaharian lamang ng Diyos ang makagagawa nito.
Noong 1926, ipinaalam ng “Isang Patotoo sa mga Pinunò ng Sanlibutan” na si Jehova ang iisang tunay na Diyos at na naghahari na si Jesu-Kristo bilang may-karapatang Hari sa lupa. Hinimok nito ang mga pinunò na gamitin ang kanilang impluwensiya na ibaling ang pansin ng mga tao sa tunay na Diyos upang hindi sila mapahamak.
Noong 1927, ibinunyag ng “Resolusyon sa mga Tao ng Sangkakristiyanuhan” ang pinansiyal-pulitikal-relihiyosong kombinasyon na sumisiil sa mga tao. Hinimok nito ang mga tao na lisanin ang Sangkakristiyanuhan at ilagak ang kanilang pagtitiwala kay Jehova at sa kaniyang Kaharian sa mga kamay ni Kristo.
Noong 1928, niliwanag ng “Deklarasyon Laban kay Satanas at Para kay Jehova” na si Satanas ay malapit nang sugpuin ng pinahirang Hari ni Jehova, si Jesu-Kristo, at wawasakin ang kaniyang balakyot na organisasyon, at hinimok nito ang lahat ng umiibig sa katuwiran na pumanig kay Jehova.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 272, 273]
Mga Tampok na Bahagi ng Ilan sa Malalaking Kombensiyon
Daan-daang masisiglang delegado ang dumating sakay ng barko, libu-libo ang sakay ng eroplano, sampu-sampung libo ang sakay ng kotse at bus
Ang mahusay na organisasyon at handang mga manggagawa ay kinailangang maghanap at mag-atas ng sapat na mga tuluyan
Sa panahon ng walong-araw na mga kombensiyong ito, maiinit na pagkain—sampu-sampung libo nito—ang regular na inihain sa mga delegado
Noong 1953, tumuloy ang mahigit na 45,000 delegado sa isang kampong tuluyan sa mga trailer at mga tolda
Sa New York, noong 1958, 7,136 ang nabautismuhan—mas marami sa isang okasyon lamang kaysa anumang panahon mula noong Pentecostes ng 33 C.E.
Nakapaskil ang mga karatula ng pagbati mula sa maraming lupain, at ginanap ang mga sesyon sa 21 wika, sa New York noong 1953
[Larawan sa pahina 256]
Mga delegado sa kombensiyon ng IBSA sa Winnipeg, Man., Canada, noong 1917
[Mga larawan sa pahina 258]
Si J. F. Rutherford habang nagsasalita sa Cedar Point, Ohio, noong 1919. Hinimok niya ang lahat na masigasig na makibahagi sa paghahayag ng Kaharian ng Diyos, na ginagamit ang “The Golden Age”
[Larawan sa pahina 259]
Kombensiyon sa Cedar Point noong 1922. Lumabas ang panawagan: “Ianunsiyo ang Hari at Kaharian”
[Larawan sa pahina 260]
Nasa Cedar Point si George Gangas noong 1922. Mayroon nang 70 taon mula noon na masigasig niyang inihahayag ang Kaharian ng Diyos
[Larawan sa pahina 262, 263]
Mga delegado sa 1931 na kombensiyon sa Columbus, Ohio, na masiglang tumanggap ng pangalang mga Saksi ni Jehova
[Larawan sa pahina 264]
Ang “New World Translation of the Christian Greek Scriptures” na inilalabas ni N. H. Knorr noong 1950
[Larawan sa pahina 264]
Ang mga pahayag ni F. W. Franz sa katuparan ng hula ng Bibliya ay tampok na bahagi sa kombensiyon (New York, 1958)
[Mga larawan sa pahina 265]
Sa loob ng maraming taon ang paglilingkod sa larangan ay isang prominenteng bahagi ng bawat kombensiyon.
Los Angeles, E.U.A., 1939 (sa ibaba); Stockholm, Sweden, 1963 (nakasingit)
[Mga larawan sa pahina 266]
Nang magpahayag si J. F. Rutherford mula Washington, D.C., noong 1935, ang mensahe ay isinahimpapawid ng mga linya ng radyo at telepono sa anim na kontinente
[Mga larawan sa pahina 268]
Sa Nuremberg, Alemanya, noong 1946, si Erich Frost, ay nagbigay ng punô ng damdaming pahayag na “Ang mga Kristiyano sa Matinding Pagsubok”
[Larawan sa pahina 269]
Kombensiyon sa labas sa Kitwe, Hilagang Rhodesia, sa panahon ng dalaw ni N. H. Knorr noong 1952
[Mga larawan sa pahina 270, 271]
Noong 1958 ang umaapaw na 253,922 tagapakinig sa dalawang malalaking istadyum sa New York, ay nakinig ng mensaheng “Nagpupunò Na ang Kaharian ng Diyos—Malapit Na ba ang Katapusan ng Sanlibutan?”
Polo Grounds
Yankee Stadium
[Larawan sa pahina 274]
Si Grant Suiter, chairman ng kombensiyon sa Yankee Stadium noong 1950
[Larawan sa pahina 274]
Si John Groh (nakaupo), habang ipinakikipag-usap kay George Couch ang hinggil sa organisasyon ng kombensiyon noong 1958
[Mga larawan sa pahina 277]
Noong 1963 ang isang lumilibot-sa-daigdig na kombensiyon ay ginanap, na may mga delegado mula sa 20 lupain na naglalakbay kasama nito sa palibot ng globo
Ang Kyoto, Hapón (ibaba sa kaliwa), ay isa sa 27 lunsod ng kombensiyon. Ang mga delegado sa Republika ng Korea ay nagkakila-kilala (sa gitna). Isang pagbati ng Maori sa New Zealand (ibaba sa kanan)
[Mga larawan sa pahina 279]
Isang kombensiyon na naglingkod sa 17 wika na mga grupo nang sabay-sabay, sa bamboo city na itinayo para sa okasyon (Lagos, Nigeria, 1970)
[Mga larawan sa pahina 280]
Tatlong malalaking kombensiyon ang ginanap sa Polandya noong 1989, na may mga delegado mula sa 37 lupain
Libu-libo ang nabautismuhan sa Chorzów
Ang mga dumalo ay matagal na nagpalakpakan sa Warsaw
Si T. Jaracz (nasa kanan) ay nagpahayag sa mga delegado sa Poznan
Mga delegado mula sa dating U.S.S.R. (sa ibaba)
Ang mga bahagi ng programa sa Chorzów ay isinalin sa 15 wika