Kabanata 16
Kung Papaano Ka Mápapalapít sa Diyos
1. Anu-anong pagkakahawig ang napapansin sa maraming relihiyon?
TAKANG-TAKA ang isang turista na pumasyal sa isang bansa sa Silangan nang mapanood niya ang mga relihiyosong ritwal sa isang templo ng mga Budista. Bagaman ang mga imahen ay hindi yaong kay Maria o kay Kristo, maraming ritwal ang nakakatulad niyaong sa kaniyang simbahan sa sarili niyang bansa. Halimbawa, napansin niya ang paggamit ng rosaryo at ang pag-awit ng mga panalangin. Ang gayong mga pagkakatulad ay napansin din ng iba. Sa Silangan man o sa Kanluran, ang mga paraang ginagamit ng mga deboto upang mápalapít sa Diyos o sa mga bagay na kanilang sinasamba ay kapansin-pansing nagkakahawig.
2. Papaano inilalarawan ang panalangin, at bakit nananalangin ang maraming tao?
2 Marami ang lalo nang nagsisikap na mápalapít sa Diyos sa pamamagitan ng pananalangin sa kaniya. Ang panalangin ay inilalarawan bilang “ang pakikipag-usap ng tao sa isang sagrado o banal—sa Diyos, sa mga diyos, sa kabilang daigdig, o sa kahima-himalang mga puwersa.” (The New Encyclopædia Britannica) Gayunman, kapag nananalangin sa Diyos, ang iniisip ng ilan ay kung ano ang kanilang mapapakinabang doon. Halimbawa, ganito ang kahilingan ng isang lalaki sa isang Saksi ni Jehova: “Kung ipananalangin mo ako, malulutas ba ang mga problema ko sa aking pamilya, sa trabaho, at sa aking kalusugan?” Marahil ay gayon nga ang akala ng lalaki, ngunit marami ang nananalangin at nasusumpungang naroroon pa rin ang kanilang mga problema. Kaya baka maitatanong natin, ‘Bakit nga kaya tayo kailangang mápalapít sa Diyos?’
KUNG BAKIT KAILANGANG MÁPALAPÍT SA DIYOS
3. Kanino natin dapat iukol ang ating mga panalangin, at bakit?
3 Ang panalangin ay hindi isang walang-kabuluhang ritwal, ni isa lamang paraan upang makinabang. Ang pangunahing dahilan kung bakit lumalapit sa Diyos ay upang magkaroon ng malapít na kaugnayan sa kaniya. Samakatuwid ay dapat nating iukol ang ating mga panalangin sa Diyos na Jehova. “Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya,” sabi ng salmistang si David. (Awit 145:18) Inaanyayahan tayo ni Jehova na magkaroon ng mapayapang kaugnayan sa kaniya. (Isaias 1:18) Yaong mga tumutugon sa paanyayang ito ay sumasang-ayon sa salmista na nagsabi: “Para sa akin, ang paglapit sa Diyos ay mabuti para sa akin.” Bakit? Sapagkat yaong lumalapit sa Diyos na Jehova ay magtatamasa ng tunay na kaligayahan at kapayapaan ng isip.—Awit 73:28.
4, 5. (a) Bakit mahalaga na manalangin sa Diyos? (b) Anong uri ng pakikipag-ugnayan sa Diyos ang ating maitatatag sa pamamagitan ng panalangin?
4 Bakit pa mananalangin sa Diyos upang humingi ng tulong gayong ‘nalalaman na niya kung ano ang kailangan natin bago pa natin hingin sa kaniya’? (Mateo 6:8; Awit 139:4) Ipinakikita ng mga panalangin na tayo’y may pananampalataya sa Diyos at minamalas natin siya bilang Pinagmumulan ng “bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na regalo.” (Santiago 1:17; Hebreo 11:6) Nalulugod si Jehova sa ating mga panalangin. (Kawikaan 15:8) Natutuwa siyang marinig ang ating makabuluhang pagpapahayag ng pasasalamat at papuri, kung papaanong ang isang ama ay nagagalak na marinig ang kaniyang munting anak na taimtim na nagpapasalamat. (Awit 119:108) Kung saan naroroon ang isang mabuting ugnayan ng ama at anak, naroroon ang masiglang pag-uusap. Ang anak na minamahal ay nasisiyahang makipag-usap sa kaniyang ama. Totoo rin ito sa ating kaugnayan sa Diyos. Kung talagang pinahahalagahan natin ang ating natututuhan tungkol kay Jehova at ang pag-ibig na ipinakita niya sa atin, magkakaroon tayo ng matinding pagnanais na masabi ang ating niloloob sa kaniya sa pamamagitan ng panalangin.—1 Juan 4:16-18.
5 Kapag lumalapit sa Kataas-taasang Diyos, dapat tayong maging magalang, bagaman hindi naman kailangang totoong mabahala sa eksaktong pananalita na ginagamit natin. (Hebreo 4:16) Palagi tayong nakalalapit kay Jehova. At anong dakilang pribilehiyo ito na maaari nating ‘ibuhos ang ating puso’ sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin! (Awit 62:8) Ang pagpapahalaga kay Jehova ay umaakay sa isang matalik na kaugnayan sa kaniya, gaya ng tinamasa ng tapat na taong si Abraham bilang kaibigan ng Diyos. (Santiago 2:23) Ngunit kapag nananalangin sa Soberanong Panginoon ng sansinukob, dapat nating sundin ang mga kahilingan niya sa paglapit sa kaniya.
MGA KAHILINGAN SA PAGLAPIT SA DIYOS
6, 7. Bagaman hindi humihiling ang Diyos ng bayad upang dinggin ang ating mga panalangin, ano ang hinihiling niya sa atin kapag nananalangin tayo?
6 Kailangan ba ang salapi upang makalapit sa Diyos? Marami ang nagbabayad sa mga klero upang ipanalangin sila. Naniniwala pa nga ang ilan na pakikinggan ang kanilang mga panalangin depende sa laki ng donasyon na ibinigay nila. Ngunit, ang Salita ng Diyos ay hindi nagsasabi na ang handog na salapi ay kahilingan para sa atin upang makalapit kay Jehova sa panalangin. Ang kaniyang mga paglalaan at ang mga pagpapala ng pakikipag-ugnayan sa kaniya sa panalangin ay maaaring matamo nang walang bayad.—Isaias 55:1, 2.
7 Kung gayon, ano ang hinihiling? Ang isang wastong kalagayan ng puso ay kailangan. (2 Cronica 6:29, 30; Kawikaan 15:11) Sa ating puso ay dapat tayong sumampalataya sa Diyos na Jehova bilang ang “Dumirinig ng panalangin” at “ang tagapagbigay-gantimpala doon sa mga marubdob na humahanap sa kaniya.” (Awit 65:2; Hebreo 11:6) Dapat din tayong magkaroon ng isang mapagpakumbabang puso. (2 Hari 22:19; Awit 51:17) Sa isa sa kaniyang mga ilustrasyon, ipinakita ni Jesu-Kristo na sa paglapit sa Diyos ang isang hamak na maniningil ng buwis taglay ang kababaang-loob ay napatunayang higit na matuwid kaysa sa hambog na Fariseo. (Lucas 18:10-14) Sa ating paglapit sa Diyos sa panalangin, alalahanin natin na “bawat mapagmataas na puso ay isang bagay na kasuklam-suklam kay Jehova.”—Kawikaan 16:5.
8. Kung nais nating sagutin ng Diyos ang ating mga panalangin, dapat nating linisin ang ating sarili mula sa ano?
8 Kung nais nating sagutin ng Diyos ang ating mga panalangin, dapat nating linisin ang ating sarili mula sa makasalanang paggawi. Nang himukin ng alagad na si Santiago ang iba na maging malapít sa Diyos, idinagdag niya: “Linisin ninyo ang inyong mga kamay, ninyong mga makasalanan, at dalisayin ang inyong mga puso, ninyong mga di-makapagpasiya.” (Santiago 4:8) Maging ang mga makasalanan ay magkakaroon ng isang mapayapang kaugnayan kay Jehova kung sila’y magsisisi at iiwan nila ang kanilang dating paraan ng pamumuhay. (Kawikaan 28:13) Hindi tayo maaaring makalapit kay Jehova kung nagpapanggap lamang tayo na nilinis na natin ang ating daan. “Ang mga mata ni Jehova ay nasa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay sa kanilang pagsusumamo; ngunit ang mukha ni Jehova ay laban sa mga gumagawa ng masasamang bagay,” sabi ng Salita ng Diyos.—1 Pedro 3:12.
9. Sa pamamagitan nino dapat tayong lumapit kay Jehova, at bakit?
9 Sinasabi ng Bibliya: “Walang taong matuwid sa lupa na patuloy na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.” (Eclesiastes 7:20) Samakatuwid ay itatanong mo marahil: ‘Kung gayon, papaano tayo makalalapit sa Diyos na Jehova?’ Sumasagot ang Bibliya: “Kung ang sinuman ay makagawa ng kasalanan, tayo ay may katulong sa Ama, si Jesu-Kristo, isa na matuwid.” (1 Juan 2:1) Bagaman tayo’y makasalanan, makalalapit tayo sa Diyos taglay ang kalayaan sa pagsasalita sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, na namatay bilang pantubos sa atin. (Mateo 20:28) Siya ang tanging alulod na sa pamamagitan niya’y makalalapit tayo sa Diyos na Jehova. (Juan 14:6) Hindi natin dapat ipagpalagay na awtomatikong matatakpan ng haing pantubos ni Jesus ang ating mga kasalanan kahit na tayo’y kusang magkasala. (Hebreo 10:26) Gayunman, kung tayo’y nagkakasala pa rin paminsan-minsan sa kabila ng ating pagsisikap na iwasan ang masama, maaari tayong magsisi at humingi ng tawad sa Diyos. Kapag tayo’y lumalapit sa kaniya na may mapagpakumbabang puso, pakikinggan niya tayo.—Lucas 11:4.
MGA PAGKAKATAON NG PAKIKIPAG-USAP SA DIYOS
10. Kung tungkol sa pananalangin, papaano natin matutularan si Jesus, at ano ang ilang pagkakataon para sa pribadong panalangin?
10 Napakataas ng pagpapahalaga ni Jesu-Kristo sa kaniyang kaugnayan kay Jehova. Kung kaya, nagsaayos ng panahon si Jesus na makipag-usap sa Diyos sa pribadong panalangin. (Marcos 1:35; Lucas 22:40-46) Makabubuti para sa atin na tularan ang halimbawa ni Jesus at regular na manalangin sa Diyos. (Roma 12:12) Angkop lamang na simulan ang araw na may sinasambit na panalangin, at bago matulog, nararapat lamang na ating pasalamatan si Jehova dahil sa mga nagawa natin sa buong araw. Sa maghapon, tiyakin na lumapit sa Diyos “sa bawat pagkakataon.” (Efeso 6:18) Tahimik na makapananalangin pa man din tayo sa ating puso, sa pagkaalam na naririnig tayo ni Jehova. Ang pribadong pakikipag-usap sa Diyos ay tumutulong sa atin na patibayin ang ating kaugnayan sa kaniya, at ang araw-araw na pananalangin kay Jehova ay tumutulong sa atin upang lalong mápalapít sa kaniya.
11. (a) Bakit dapat manalanging sama-sama ang mga pamilya? (b) Ano ang kahulugan kapag nagsabi ka ng “Amen” sa wakas ng panalangin?
11 Nakikinig din si Jehova sa mga panalanging ipinararating alang-alang sa mga grupo ng tao. (1 Hari 8:22-53) Makalalapit tayo sa Diyos bilang isang pamilya, na ang ulo ng sambahayan ang nangunguna. Ito’y nagpapatibay sa buklod ng pamilya, at nagiging tunay na tunay si Jehova sa mga kabataan habang naririnig nila ang kanilang mga magulang na may kababaang-loob na nananalangin sa Diyos. Papaano kung kinakatawanan ng isa ang grupo sa panalangin, marahil sa isang pulong ng mga Saksi ni Jehova? Kung tayo’y kabilang sa mga tagapakinig, makinig tayong mabuti upang sa katapusan ng panalangin, buong-puso tayong makapagsasabing “Amen,” na nangangahulugang “Siya nawa.”—1 Corinto 14:16.
MGA PANALANGING DINIRINIG NI JEHOVA
12. (a) Bakit hindi sinasagot ng Diyos ang ilang panalangin? (b) Bakit hindi dapat na pawang personal na mga pangangailangan lamang ang pagtuunan ng pansin kapag nananalangin?
12 Marahil ay iisipin ng iba na ang kanilang mga panalangin ay hindi sinasagot ng Diyos kahit sila’y nananalangin sa kaniya sa pamamagitan ni Kristo. Gayunman, sinabi ni apostol Juan: “Anumang bagay ang hingin natin alinsunod sa kalooban [ng Diyos], ay pinakikinggan niya tayo.” (1 Juan 5:14) Kaya nga, kailangan tayong humingi ayon sa kalooban ng Diyos. Yamang interesado siya sa ating espirituwal na kapakanan, anumang may kinalaman sa ating espirituwalidad ay isang angkop na tema para sa panalangin. Dapat nating paglabanan ang tukso na pawang pisikal na pangangailangan na lamang ang pagtuunan ng pansin. Halimbawa, bagaman angkop lamang na manalangin para sa unawa at katatagan upang harapin ang karamdaman, ang mga pagkabalisa tungkol sa kalusugan ay hindi dapat maging dahilan upang makaligtaan ang espirituwal na mga kapakanan. (Awit 41:1-3) Nang mapansing siya’y labis na nababahala tungkol sa kaniyang kalusugan, isang Kristiyanong babae ang humingi ng tulong kay Jehova na siya’y magkaroon ng wastong pangmalas sa kaniyang karamdaman. Bilang resulta, hindi na siya gaanong nabahala sa kaniyang problema sa kalusugan, at nadama niyang siya’y binigyan ng “lakas na higit sa karaniwan.” (2 Corinto 4:7) Tumindi ang kaniyang pagnanais na makatulong sa iba sa espirituwal na paraan, at siya’y naging buong-panahong tagapaghayag ng Kaharian.
13. Gaya ng ipinakikita sa Mateo 6:9-13, ano ang ilang nararapat na bagay na maisasama natin sa ating mga panalangin?
13 Ano ang maaari nating isama sa ating mga panalangin upang malugod si Jehova na pakinggan ang mga iyon? Tinuruan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga alagad kung papaano manalangin. Sa modelong panalangin na nakaulat sa Mateo 6:9-13, nagpakita siya ng isang parisan ng mga bagay na maaari nating wastong ipanalangin. Ano ang dapat na maging pangunahing nasa isip natin sa ating mga panalangin? Ang pangalan ng Diyos na Jehova at ang Kaharian ang dapat na pinakamahalaga. Ang paghingi ng ating materyal na pangangailangan ay angkop naman. Mahalaga rin na humingi ng tawad sa ating mga kasalanan at ng kaligtasan mula sa mga tukso at sa balakyot na isa, si Satanas na Diyablo. Hindi gusto ni Jesus na awitin natin ang panalanging ito o ulit-ulitin ito, anupat binibigkas ito nang hindi na isinasaisip ang kahulugan nito. (Mateo 6:7) Ano kayang uri ng ugnayan mayroon kapag iyon at iyon ding pananalita ang gagamitin ng isang anak tuwing siya’y makikipag-usap sa kaniyang ama?
14. Bukod pa sa mga pakiusap, anu-anong panalangin ang dapat nating ihandog?
14 Bukod sa mga pakiusap at marubdob na pagsusumamo, dapat tayong maghandog ng mga panalangin ng papuri at pasasalamat. (Awit 34:1; 92:1; 1 Tesalonica 5:18) Makapananalangin din tayo para sa iba. Ang mga panalangin tungkol sa ating espirituwal na mga kapatid na nahahapis o pinag-uusig ay nagpapakita ng ating interes sa kanila, at si Jehova ay nalulugod na makinig sa ating pagpapahayag ng gayong pagkabahala. (Lucas 22:32; Juan 17:20; 1 Tesalonica 5:25) Sa katunayan, sumulat si apostol Pablo: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pagpapasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”—Filipos 4:6, 7.
MAGMATIYAGA SA PANALANGIN
15. Ano ang dapat nating alalahanin kapag waring hindi sinasagot ang ating mga panalangin?
15 Bagaman may natatamo kang kaalaman tungkol sa Diyos, maaaring madama mo pa rin na kung minsan ay hindi sinasagot ang iyong mga panalangin. Posible ngang magkaganito sapagkat marahil ay hindi pa panahon para sagutin ng Diyos ang isang partikular na panalangin. (Eclesiastes 3:1-9) Maaaring ipahintulot ni Jehova na magpatuloy pansamantala ang isang kalagayan, subalit talagang sinasagot niya ang mga panalangin at alam niya ang pinakamabuting panahon upang ito’y gawin.—2 Corinto 12:7-9.
16. Bakit tayo di-dapat manghinawa sa pananalangin, at papaano magkakabisa sa ating kaugnayan sa Diyos ang paggawa nito?
16 Ang ating di-nanghihinawang pananalangin ay nagsisiwalat ng ating marubdob na interes sa ating sinasabi sa Diyos. (Lucas 18:1-8) Halimbawa, mahihiling natin kay Jehova na tulungan tayong mapagtagumpayan ang isang kahinaan. Sa pamamagitan ng matiyagang panalangin at pagkilos kasuwato ng ating mga kahilingan, ipinakikita natin ang ating kataimtiman. Dapat tayong maging espesipiko at tapat sa ating mga pakiusap. Napakahalagang manalangin nang taimtim kapag tayo’y napapaharap sa tukso. (Mateo 6:13) Sa ating patuloy na pananalangin habang sinisikap na mapigil ang simbuyo ng kasalanan, makikita natin kung papaano tayo tinutulungan ni Jehova. Ito’y magpapatibay ng ating pananampalataya at magpapatatag ng ating kaugnayan sa kaniya.—1 Corinto 10:13; Filipos 4:13.
17. Papaano tayo makikinabang sa ating hilig na manalangin kapag naglilingkod sa Diyos?
17 Sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng ating hilig na manalangin habang ginaganap ang sagradong paglilingkod sa Diyos na Jehova, mauunawaan nating hindi tayo naglilingkod sa kaniya dahil sa ating sariling lakas. Si Jehova ang nagpapangyari niyaon. (1 Corinto 4:7) Ang pagkilala rito ay tutulong sa atin na maging mapagpakumbaba at magpapayaman ng ating kaugnayan sa kaniya. (1 Pedro 5:5, 6) Oo, may matitibay tayong dahilan upang magmatiyaga sa panalangin. Ang ating taimtim na mga panalangin at natatanging kaalaman kung papaano tayo makalalapit sa ating maibiging Ama sa langit ay tunay na magpapasaya sa ating buhay.
HINDI ISANG PATUNGUHAN LAMANG ANG PAKIKIPAG-USAP KAY JEHOVA
18. Papaano natin mapakikinggan ang Diyos?
18 Kung nais nating makinig ang Diyos sa ating mga panalangin, dapat tayong makinig sa kaniyang sinasabi. (Zacarias 7:13) Hindi na siya nagpapadala ng kaniyang mga mensahe sa pamamagitan ng kinasihan ng Diyos na mga propeta at tiyak na hindi siya gumagamit ng mga espiritista. (Deuteronomio 18:10-12) Ngunit mapakikinggan natin ang Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng kaniyang Salita, ang Bibliya. (Roma 15:4; 2 Timoteo 3:16, 17) Kung papaanong maaaring kailangang sanayin muna ang ating panlasa sa pisikal na mga pagkaing makabubuti para sa atin, tayo’y hinihimok na “magkaroon ng pananabik sa di-nabantuang gatas na nauukol sa salita.” Sanayin mo ang iyong panlasa para sa espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng pagbabasa ng Salita ng Diyos araw-araw.—1 Pedro 2:2, 3; Gawa 17:11.
19. Anong pakinabang ang makukuha sa pagbubulay-bulay sa iyong nababasa sa Bibliya?
19 Bulay-bulayin ang iyong binabasa sa Bibliya. (Awit 1:1-3; 77:11, 12) Iyan ay nangangahulugang kailangang pakaisiping mabuti ang materyal. Maihahalintulad mo ito sa pagtunaw ng pagkain. Matutunaw mo ang espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng pag-uugnay ng iyong binabasa sa mga bagay na dati mo nang alam. Isaalang-alang kung papaano nagkakabisa sa iyong buhay ang materyal, o pag-isipang mabuti ang isinisiwalat nito tungkol sa mga katangian at pakikitungo ni Jehova. Kaya sa pamamagitan ng personal na pag-aaral, makakukuha ka ng espirituwal na pagkaing inilalaan ni Jehova. Ito’y maglálapít sa iyo sa Diyos at tutulong sa iyong harapin ang pang-araw-araw na mga suliranin.
20. Papaano tumutulong ang pagdalo sa mga pulong Kristiyano upang mápalapít tayo sa Diyos?
20 Makalalapit ka rin sa Diyos sa pamamagitan ng pakikinig sa kaniyang Salita na tinatalakay sa mga pulong Kristiyano, kung papaanong ang mga Israelita ay matamang nakinig nang sila’y magtipun-tipon upang makinig sa pangmadlang pagbabasa ng Batas ng Diyos. Ang mga tagapagturo noong panahong iyon ay naglagay ng kahulugan sa kanilang pagbabasa ng Batas, sa gayo’y tinutulungan ang kanilang mga tagapakinig na makaunawa at maudyukan silang ikapit ang kanilang narinig. Ito’y umakay sa matinding kagalakan. (Nehemias 8:8, 12) Kaya ugaliing dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. (Hebreo 10:24, 25) Ito’y tutulong sa iyong maunawaan at maikapit ang kaalaman ng Diyos sa iyong buhay at magdudulot sa iyo ng kaligayahan. Ang pagiging bahagi ng pandaigdig na Kristiyanong kapatiran ay tutulong sa iyo na makapanatiling malapít kay Jehova. At gaya ng makikita natin, makasusumpong ka ng tunay na katiwasayan sa piling ng bayan ng Diyos.
SUBUKIN ANG IYONG KAALAMAN
Bakit dapat kang maging malapít kay Jehova?
Anu-ano ang ilang kahilingan para mápalapít sa Diyos?
Ano ang maaari mong isama sa iyong mga panalangin?
Bakit dapat kang magmatiyaga sa panalangin?
Papaano mo mapakikinggan si Jehova sa ngayon?
[Buong-pahinang larawan sa pahina 157]