IKALABING-ISANG KABANATA
Panatilihin ang Kapayapaan sa Inyong Sambahayan
1. Anu-ano ang ilang bagay na maaaring maging sanhi ng pagkakabaha-bahagi sa mga pamilya?
MALILIGAYA yaong kabilang sa mga pamilyang kinakikitaan ng pag-ibig, pang-unawa, at kapayapaan. Harinawang ganiyan ang iyong pamilya. Nakalulungkot sabihin, sa di-mabilang na pamilya ay hindi angkop ang paglalarawang iyan yamang nababahagi ang mga ito sa iba’t ibang kadahilanan. Ano ang sanhi ng pagkakabaha-bahagi sa mga sambahayan? Sa kabanatang ito ay pag-uusapan natin ang tatlong bagay. Sa ilang pamilya, hindi nagkakapareho ang relihiyon ng mga miyembro nito. Sa iba, baka ang mga anak ay may magkakaibang magulang. Sa iba pa, ang mga miyembro ng pamilya ay waring napipilitang magkahiwa-hiwalay dahil sa pagpupunyagi sa hanapbuhay o pagnanasa sa higit pang materyal na mga bagay. Gayunman, ang mga kalagayang nagiging dahilan ng pagkakabaha-bahagi sa isang sambahayan ay maaaring hindi naman nakaaapekto sa iba. Ano ang pagkakaiba?
2. Saan humahanap ang ilan ng patnubay sa buhay-pampamilya, ngunit ano ang pinakamahusay na mapagkukunan ng gayong patnubay?
2 Ang pananaw ay isang salik. Kung buong-katapatan mong sinisikap na unawain ang pananaw ng ibang tao, mas malamang na mabatid mo kung papaano maiingatan ang isang nagkakaisang sambahayan. Ang ikalawang salik ay ang pinagmumulan ng iyong patnubay. Maraming tao ang sumusunod sa payo ng mga kasamahan sa trabaho, mga kapitbahay, mga kolumnista sa pahayagan, o mga pagpatnubay ng mga tao. Gayunman, napag-alaman ng ilan ang sinasabi ng Salita ng Diyos hinggil sa kanilang kalagayan, at pagkatapos ay ikinapit nila ang kanilang natutuhan. Papaanong ang paggawa nito ay makatutulong sa isang pamilya upang mapanatili ang kapayapaan sa sambahayan?—2 Timoteo 3:16, 17.
KUNG ANG IYONG ASAWANG LALAKI AY MAY IBANG PANANAMPALATAYA
3. (a) Ano ang payo ng Bibliya hinggil sa pakikipag-asawa sa isa na may ibang pananampalataya? (b) Ano ang ilang mahahalagang simulain na kumakapit kung ang isang kabiyak ay sumasampalataya at ang isa naman ay hindi?
3 Matindi ang payo sa atin ng Bibliya laban sa pakikipag-asawa sa isa na may ibang relihiyosong pananampalataya. (Deuteronomio 7:3, 4; 1 Corinto 7:39) Gayunman, maaaring natutuhan mo ang katotohanan mula sa Bibliya pagkatapos na ikaw ay mag-asawa ngunit ang iyong kabiyak ay hindi. Ano ngayon? Mangyari pa, nananatiling may bisa ang inyong sumpaan sa kasal. (1 Corinto 7:10) Idiniriin ng Bibliya na ang buklod ng pag-aasawa ay panghabang-buhay at hinihimok ang mag-asawa na lutasin ang kanilang mga di-pagkakaunawaan sa halip na takasan ang mga iyon. (Efeso 5:28-31; Tito 2:4, 5) Subalit, kumusta naman kung gayon na lamang ang pagtutol ng iyong asawa sa pagtupad mo sa relihiyon ng Bibliya? Baka sikapin niyang hadlangan ka sa pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon, o baka sabihin niyang ayaw niyang magbahay-bahay ang kaniyang asawa, na ipinakikipag-usap ang tungkol sa relihiyon. Ano ang gagawin mo?
4. Sa anong paraan makapagpapakita ng empatiya ang isang asawang babae kung may ibang pananampalataya ang kaniyang asawa?
4 Itanong mo sa iyong sarili, ‘Bakit kaya nagkakaganito ang aking asawa?’ (Kawikaan 16:20, 23) Kung hindi niya talagang nauunawaan ang iyong ginagawa, baka naman nag-aalala lamang siya sa iyo. O baka ginigipit siya ng mga kamag-anak dahil hindi ka na nakikisama sa ilang kaugalian na mahalaga para sa kanila. “Kapag ako’y nag-iisa sa bahay, pakiramdam ko ba’y pinabayaan na ako,” sabi ng isang asawang lalaki. Inaakala ng lalaking ito na naaagaw na ng relihiyon ang kaniyang asawa. Ngunit dahil sa labis na pagtingin sa sarili ay hindi niya maamin na siya’y nalulungkot. Baka kailangang tiyakin mo sa iyong asawang lalaki na ang pag-ibig mo kay Jehova ay hindi nangangahulugang hindi mo na mahal ang iyong asawa na tulad ng dati. Tiyakin mong may panahon ka pa rin sa kaniya.
5. Ano ang dapat pagtimbangin ng asawang babae na ang asawa’y may ibang pananampalataya?
5 Gayunman, may higit pang mahalaga na dapat isaalang-alang upang may-katalinuhan mong maharap ang situwasyon. Hinihimok ng Salita ng Diyos ang mga asawang babae: “Magpasakop kayo sa inyu-inyong asawang lalaki, gaya ng naaangkop sa Panginoon.” (Colosas 3:18) Samakatuwid, nagbababala ito laban sa espiritu ng pagsasarili. Karagdagan pa, sa pagsasabing “gaya ng naaangkop sa Panginoon,” ipinahihiwatig ng kasulatang ito na kasabay ng pagpapasakop sa asawang lalaki ay isasaalang-alang din ang pagpapasakop sa Panginoon. Kailangang maging timbang.
6. Anong mga simulain ang dapat tandaan ng isang Kristiyanong asawang babae?
6 Para sa isang Kristiyano, ang pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon at pagpapatotoo sa iba ng tungkol sa pananampalataya niya na nakasalig sa Bibliya ay mahalagang bahagi ng tunay na pagsamba na hindi dapat kaligtaan. (Roma 10:9, 10, 14; Hebreo 10:24, 25) Kung gayon, ano ang iyong gagawin kapag may isang tao na tuwirang nag-utos sa iyo na huwag sundin ang isang partikular na kahilingan ng Diyos? Nagpahayag ang mga apostol ni Jesu-Kristo: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29) Ang kanilang halimbawa ay naglalaan ng pamarisan na kapit sa maraming kalagayan sa buhay. Ang pag-ibig ba kay Jehova ay mag-uudyok sa iyo na pag-ukulan siya ng debosyon na nararapat lamang sa kaniya? Kasabay nito, ang iyo bang pag-ibig at paggalang sa iyong asawa ang magtutulak sa iyo na pagsikapang gawin ito sa paraang matatanggap niya?—Mateo 4:10; 1 Juan 5:3.
7. Anong determinasyon ang dapat taglayin ng isang Kristiyanong asawang babae?
7 Binanggit ni Jesus na ito’y hindi palaging magiging posible. Nagbabala siya na dahil sa pagsalansang sa tunay na pagsamba, madarama ng sumasampalatayang mga miyembro ng ilang pamilya na sila’y napahiwalay, anupat parang may namamagitang tabak sa pagitan nila at ng iba pa sa pamilya. (Mateo 10:34-36) Naranasan ito ng isang babae sa Hapón. Labing-isang taon na siyang sinasalansang ng kaniyang asawa. Labis siyang pinagmamalupitan nito at madalas na pinagsasarhan siya ng bahay. Ngunit siya’y nagtiyaga. Tinulungan siya ng mga kaibigan sa Kristiyanong kongregasyon. Walang-lubay siyang nanalangin at napatibay-loob ng 1 Pedro 2:20. Kumbinsido ang Kristiyanong babaing ito na kung siya’y mananatiling matatag, darating ang araw na sasamahan din siya ng kaniyang asawa sa paglilingkod kay Jehova. At nagkagayon nga.
8, 9. Papaano dapat kumilos ang isang asawang babae upang maiwasan ang paglalagay ng di-kinakailangang hadlang sa harap ng kaniyang asawa?
8 Maraming praktikal na mga bagay ang maaari mong gawin upang maantig ang damdamin ng iyong kabiyak. Halimbawa, kung ayaw ng iyong asawa sa iyong relihiyon, huwag mo siyang bibigyan ng makatuwirang dahilan upang pagreklamuhan ka sa ibang bagay. Panatilihing malinis ang bahay. Pangalagaan ang iyong personal na hitsura. Gawing madalas ang paglalambing at pagpapahalaga. Sa halip na mamintas, umalalay ka. Ipakita mong umaasa ka sa kaniyang pagkaulo. Huwag kang gaganti kung inaakala mong ika’y pinagkasanlan. (1 Pedro 2:21, 23) Bigyang-konsiderasyon ang di-kasakdalan ng tao, at kung sakaling bumangon ang di-pagkakaunawaan, maunang humingi ng tawad nang may pagpapakumbaba.—Efeso 4:26.
9 Huwag mong hayaang ang pagdalo sa pulong ay maging dahilan ng pagkaantala sa oras ng kaniyang pagkain. Maaari mo ring itapat ang pakikibahagi sa Kristiyanong ministeryo sa panahong wala sa bahay ang iyong asawa. Isang katalinuhan para sa Kristiyanong asawang babae na huwag mangaral sa kaniyang asawa kapag ayaw niya. Sa halip, sinusunod niya ang payo ni apostol Pedro: “Kayong mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong sariling mga asawang lalaki, upang, kung ang sinuman ay hindi masunurin sa salita, ay mawagi sila nang walang salita sa pamamagitan ng paggawi ng kanilang mga asawang babae, dahil sa pagiging mga saksing nakakita sa inyong malinis na paggawi na may kalakip na matinding paggalang.” (1 Pedro 3:1, 2) Ang pinagsisikapan ng mga Kristiyanong asawang babae ay kung papaano higit na maipamamalas ang mga bunga ng espiritu ng Diyos.—Galacia 5:22, 23.
KAPAG MAY IBANG PANANAMPALATAYA ANG ASAWANG BABAE
10. Papaano dapat pakitunguhan ng isang sumasampalatayang asawang lalaki ang kaniyang asawa kung may iba itong paniniwala?
10 Kumusta naman kung ang asawang lalaki ang mánanámpalatayá at ang asawang babae ay hindi? Nagbibigay ng tagubilin ang Bibliya para sa ganitong kalagayan. Sinasabi nito: “Kung ang sinumang kapatid na lalaki ay may asawang di-nananampalataya, at gayunma’y sumasang-ayon siyang tumahang kasama niya, huwag niya siyang iwan.” (1 Corinto 7:12) Pinapayuhan din nito ang mga asawang lalaki: “Patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae.”—Colosas 3:19.
11. Papaano maipakikita ng asawang lalaki ang kaunawaan at mataktikang maisasagawa ang pagkaulo sa kaniyang asawa kung ito’y may ibang pananampalataya?
11 Kung ikaw ang asawang lalaki ng isang asawa na ang pananampalataya’y iba sa iyo, lalong maging maingat ka na maipakita ang paggalang sa iyong asawa at konsiderasyon sa kaniyang damdamin. Bilang isang may sapat na gulang, nararapat lamang na siya’y bigyang-laya upang ganapin ang kaniyang relihiyosong paniniwala, kahit hindi mo sinasang-ayunan ang mga iyon. Sa unang pagkakataon ng iyong pakikipag-usap sa kaniya hinggil sa iyong pananampalataya, hindi mo dapat asahang itatakwil na niya agad ang kay-tagal na panahong pinaniwalaan niya para lamang sa isang bagay na bago. Sa halip na padalus-dalos na sabihing mali ang mga kaugaliang iyon na malaon nang pinakamamahal ng kanilang pamilya, buong-pagtitiyagang sikaping mangatuwiran sa kaniya mula sa Kasulatan. Baka ipagpalagay niyang napapabayaan mo siya kapag nag-uukol ka ng malaking panahon sa mga gawain sa kongregasyon. Baka sinasalansang niya ang iyong pagsisikap na mapaglingkuran si Jehova, bagaman ang talagang ibig sabihin lamang nito ay: “Pag-ukulan mo naman ako ng iyong panahon!” Maging matiisin. Taglay ang iyong maibiging konsiderasyon, maaaring dumating ang panahon na siya’y matutulungan ding yumakap sa tunay na pagsamba.—Colosas 3:12-14; 1 Pedro 3:8, 9.
PAGSASANAY SA MGA ANAK
12. Kahit na ang mag-asawa’y may magkaibang pananampalataya, papaano dapat ikapit ang mga simulain sa Kasulatan sa pagsasanay sa kanilang mga anak?
12 Sa isang sambahayang nababahagi sa pagsamba, nagiging isyu kung minsan ang pagtuturo sa mga anak. Papaano dapat ikapit ang mga simulain ng Kasulatan? Iniaatas ng Bibliya sa ama ang pangunahing pananagutan na turuan ang mga anak, ngunit may mahalagang papel din namang ginagampanan ang ina. (Kawikaan 1:8; ihambing ang Genesis 18:19; Deuteronomio 11:18, 19.) Kahit na hindi niya tanggapin ang pagkaulo ni Kristo, ang ama pa rin ang ulo ng pamilya.
13, 14. Kung pinagbabawalan ng asawang lalaki ang kaniyang asawa na isama ang mga anak sa mga Kristiyanong pagpupulong o makipag-aral sa kanila, ano ang maaari nitong gawin?
13 May ilang di-sumasampalatayang ama na hindi tumututol kung turuan man ng ina ang mga anak ng tungkol sa relihiyon. Ang iba naman ay tutol. Papaano kung ayaw payagan ng iyong asawang lalaki na isama ang mga anak sa mga pulong sa kongregasyon o pinagbabawalan ka pa man ding makipag-aral sa kanila ng Bibliya sa bahay? Ngayon ay kailangan mong pagtimbang-timbangin ang ilang pananagutan—ang iyong pananagutan sa Diyos na Jehova, sa iyong ulo bilang asawa, at sa iyong mga minamahal na anak. Papaano mo maaaring pagbaha-bahaginin ang mga ito?
14 Tiyak na ipananalangin mo ang bagay na ito. (Filipos 4:6, 7; 1 Juan 5:14) Ngunit sa huli, ikaw ang siyang magpapasiya kung anong hakbang ang iyong gagawin. Kung mataktika mong isasagawa ito, anupat nililiwanag mo sa iyong asawa na hindi mo naman kinakalaban ang kaniyang pagkaulo, baka sa dakong huli ay mabawasan ang kaniyang pagsalansang. Kahit na pinagbabawalan ka ng iyong asawa na isama sa mga pulong ang iyong mga anak o magkaroon ng pormal na pakikipag-aral ng Bibliya sa kanila, matuturuan mo pa rin sila. Sa pamamagitan ng inyong pag-uusap sa araw-araw at sa iyong mabuting halimbawa, sikapin mong maikintal sa kanila ang isang antas ng pag-ibig kay Jehova, ng pananampalataya sa kaniyang Salita, ng paggalang sa mga magulang—kasali na ang kanilang ama—maibiging pagmamalasakit sa ibang tao, at pagpapahalaga sa tapat na pagtupad ng gawain. Darating ang panahon, baka mapansin ng ama ang mabubuting resulta at baka makilala ang kahalagahan ng iyong mga pagsisikap.—Kawikaan 23:24.
15. Ano ang pananagutan ng sumasampalatayang ama sa edukasyon ng mga anak?
15 Kung ikaw ay isang asawang lalaki na sumasampalataya at ang iyong asawa ay hindi, kung gayon ay dapat mong isabalikat ang pananagutang mapalaki ang iyong mga anak “sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Mangyari pa, sa paggawa nito, dapat na ikaw ay maging mabait, mapagmahal, at makatuwiran sa pakikitungo sa iyong asawa.
KUNG IBA ANG RELIHIYON MO SA IYONG MGA MAGULANG
16, 17. Anong mga simulain sa Bibliya ang dapat tandaan ng mga anak kapag tumanggap sila ng pananampalatayang iba sa kanilang mga magulang?
16 Nagiging pangkaraniwan ngayon na maging ang mga menor-de-edad na mga bata ay yumayakap sa mga relihiyosong paniniwala na iba sa kanilang mga magulang. Ganiyan ka ba? Kung oo, may payo ang Bibliya para sa iyo.
17 Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Maging masunurin kayo sa inyong mga magulang kaisa ng Panginoon, sapagkat ito ay matuwid: ‘Parangalan mo ang iyong ama at [ang iyong] ina.’” (Efeso 6:1, 2) Nasasangkot diyan ang taos-pusong paggalang sa mga magulang. Gayunman, bagaman mahalaga ang pagsunod sa mga magulang, hindi dapat gawin ito nang hindi isinasaalang-alang ang tunay na Diyos. Kapag ang isang bata ay may sapat nang gulang upang magsimula nang magpasiya sa sarili, bumabalikat siya ng dagdag na antas ng pananagutan sa kaniyang mga paggawi. Ito’y totoo hindi lamang may kinalaman sa sekular na batas kundi lalo na sa batas ng Diyos. “Ang bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili,” sabi ng Bibliya.—Roma 14:12.
18, 19. Kung ang mga anak ay may relihiyong iba sa kanilang mga magulang, papaano nila higit na maipauunawa sa kanilang mga magulang ang kanilang pananampalataya?
18 Kung ang iyong paniniwala ay magpapangyari sa iyo na gumawa ng mga pagbabago sa iyong buhay, sikaping unawain naman ang pangmalas ng iyong mga magulang. Malamang na sila’y malugod kung, bilang resulta ng iyong pag-aaral at pagkakapit ng mga turo sa Bibliya, ikaw ay lalo nang naging magalang, masunurin, masikap sa mga hinihiling nila sa iyo. Gayunman, kung ang iyong bagong pananampalataya ay magpapangyari rin sa iyo na tutulan ang mga paniniwala at kaugaliang pinakamamahal nila, baka ipagpalagay nilang tinatalikuran mo na ang pamanang hinangad nilang maibigay sa iyo. Baka mabahala rin sila sa iyong kapakanan kung ang iyong ginagawa ay hindi naman popular sa komunidad o kung dahil dito’y napapabaling na ang iyong pansin papalayo sa mga adhikaing sa palagay nila’y makatutulong sa iyo upang umasenso. Ang labis na pagtingin sa sarili ay maaari ring maging hadlang. Baka sa pakiwari nila, sinasabi mo lamang sa ibang pananalita, na ikaw ay tama at sila’y mali.
19 Kung gayon, sa madaling panahon hangga’t maaari, sikapin mong magsaayos na makilala ng iyong mga magulang ang ilang matatanda o iba pang maygulang na mga Saksi mula sa lokal na kongregasyon. Hikayatin mo ang iyong mga magulang na dumalo sa Kingdom Hall upang marinig nila mismo ang tinatalakay at upang makita nila mismo kung anong uri ng mga tao ang mga Saksi ni Jehova. Darating ang panahon, baka mapalambot ang loob ng iyong mga magulang. Gaano man katindi ang pagsalansang ng mga magulang, anupat sinisira ang mga babasahin sa Bibliya, at pinagbabawalan ang mga anak na dumalo sa mga pulong Kristiyano, karaniwan nang may mga pagkakataon pa ring makabasa sa ibang lugar, makipag-usap sa mga kapuwa Kristiyano, at mapatotohanan at matulungan ang iba sa impormal na paraan. Maaari ka ring manalangin kay Jehova. Ang ilang kabataan ay nangangailangan pa munang maghintay na marating nila ang hustong gulang upang makalipat ng tirahan sa labas ng tahanan ng pamilya bago sila makagawa ng higit pa. Ngunit, anuman ang kalagayan sa tahanan, huwag mong kalilimutang “parangalan ang iyong ama at ang iyong ina.” Gawin mo ang iyong bahagi upang makaragdag sa kapayapaan ng tahanan. (Roma 12:17, 18) Higit sa lahat, itaguyod ang pakikipagpayapaan sa Diyos.
ANG HAMON NG PAGIGING ISANG AMAIN O ALE
20. Anong damdamin ang maaaring taglayin ng mga bata kung ang kanilang ama o ina ay isa lamang amain o ale?
20 Sa ilang tahanan ang kalagayang nagdudulot ng malaking hamon ay hindi tungkol sa relihiyon kundi tungkol sa muling pag-aasawa. Marami sa mga sambahayan ngayon ang may kasamang mga anak mula sa unang pag-aasawa ng isa o ng kapuwa mga magulang. Sa ganitong pamilya, maaaring dumanas ang mga anak ng pagseselos at hinanakit o marahil pag-aalinlangan sa kung sino ang kanilang mamahalin. Bilang resulta, baka tahasang tanggihan nila ang tapat na pagsisikap ng amain o ale na maging isang mabuting ama o ina. Ano ang makatutulong upang makapanagumpay ang isang pamilya sa muling pag-aasawa?
21. Sa kabila ng pagiging naiiba ng kanilang kalagayan, bakit ang mga amain o ale ay dapat umasa ng tulong mula sa mga simulaing masusumpungan sa Bibliya?
21 Dapat unawain na sa kabila ng naiibang mga kalagayan, ang mga simulain ng Bibliya na nagdudulot ng tagumpay sa ibang sambahayan ay kapit din dito. Ang pagwawalang-bahala sa mga simulaing iyon, bagaman waring pansamantalang nakalulutas sa problema, ay malamang na humantong sa sakit ng kalooban sa bandang huli. (Awit 127:1; Kawikaan 29:15) Pagyamanin ang karunungan at unawa—karunungan upang maikapit ang maka-Diyos na mga simulain taglay sa isip ang pangmatagalang mga pagpapala, at unawa upang mabatid kung bakit sinasabi o ginagawa ng mga miyembro ng pamilya ang ilang bagay. Kailangan din ang empatiya.—Kawikaan 16:21; 24:3; 1 Pedro 3:8.
22. Bakit maaaring nahihirapang matanggap ng mga bata ang isang amain o ale?
22 Kung ikaw ay isang amain o ale, magugunita mo na bilang isang kaibigan ng pamilya, marahil ay gusto ka ng mga bata. Ngunit nang ikaw ay maging amain o ale nila, maaaring nabago na ang kanilang saloobin. Palibhasa’y naaalaala nila ang kanilang tunay na magulang na hindi na nila kapiling, baka ang mga bata’y nalilito sa kanilang sarili hinggil sa kung sino ang kanilang mamahalin, anupat posibleng akalain nilang ibig mong agawin ang pagmamahal nila sa nawala na nilang magulang. Kung minsan, baka tahasan nilang ipamukha sa iyo na hindi ikaw ang kanilang ama o kanilang ina. Masakit ang pangungusap na iyan. Magkagayon man, “huwag kang magmadali sa iyong espiritu na magalit.” (Eclesiastes 7:9) Ang unawa at empatiya ay kailangan upang mapakitunguhan ang damdamin ng mga bata.
23. Papaano maaaring ilapat ang disiplina sa isang pamilyang may mga anak sa una?
23 Ang mga katangiang iyon ay napakahalaga kapag ang isa’y naglalapat ng disiplina. Kailangang-kailangan ang palagiang disiplina. (Kawikaan 6:20; 13:1) At yamang ang mga bata’y hindi magkakatulad, ang disiplina ay maaaring iba-iba. Natuklasan ng ilang amain o ale na, sa pasimula, mas makabubuti na ang tunay na magulang ang siyang gumanap sa bahaging ito ng pagiging magulang. Gayunman, mahalaga na ang mga magulang ay kapuwa sumasang-ayon sa disiplina at nagtataguyod nito, anupat hindi inaayunan ang tunay na anak kaysa sa anak sa una. (Kawikaan 24:23) Mahalaga ang pagiging masunurin, ngunit kailangang bigyang-konsiderasyon ang di-kasakdalan. Huwag magagalit agad. Dumisiplina taglay ang pag-ibig.—Colosas 3:21.
24. Ano ang makatutulong upang maiwasan ang mga suliranin sa moral sa pagitan ng mga miyembro ng magkaibang sekso sa isang pamilya sa muling pag-aasawa?
24 Malaki ang nagagawa ng pag-uusap ng pamilya upang maiwasan ang suliranin. Makatutulong ito sa pamilya upang laging pagtuunan ng pansin ang pinakamahahalagang bagay sa buhay. (Ihambing ang Filipos 1:9-11.) Matutulungan din nito ang bawat isa na makita kung papaano siya makatutulong sa pag-abot sa mga tunguhin ng pamilya. Karagdagan pa, maiiwasan ang mga suliranin sa moral kung may prangkahang pag-uusap ng pamilya. Kailangang ipaunawa sa mga batang babae kung papaano sila dapat manamit at gumawi sa harap ng kanilang amain at ng sinumang kinakapatid na lalaki, at ang mga batang lalaki naman ay nangangailangan ng payo sa wastong paggawi sa harap ng kanilang ale at ng sinumang kinakapatid na babae.—1 Tesalonica 4:3-8.
25. Anu-anong katangian ang makatutulong upang mapanatili ang kapayapaan sa isang pamilya sa muling pag-aasawa?
25 Sa pagharap sa naiibang hamong ito ng pagiging isang amain o ale, maging matiisin. Nangangailangan ng panahon bago makabuo ng bagong pag-uugnayan. Ang pagtatamo ng pag-ibig at paggalang ng mga batang hindi mo naman tunay na mga anak ay maaaring maging isang mabigat na hamon. Ngunit ito’y posible. Ang isang matalino at maunawaing puso, kakambal ng masidhing pagnanais na mapaluguran si Jehova, ang siyang susi sa kapayapaan ng isang pamilya sa muling pag-aasawa. (Kawikaan 16:20) Ang mga katangiang iyan ay makatutulong din sa iyo upang maharap ang iba pang mga situwasyon.
NABABAHAGI BA ANG IYONG SAMBAHAYAN DAHIL SA MATERYAL NA MGA ADHIKAIN?
26. Sa anu-anong paraan maaaring mabahagi ang pamilya dahil sa mga suliranin at saloobin hinggil sa materyal na mga bagay?
26 Maaaring mabahagi sa maraming paraan ang mga pamilya dahil sa mga suliranin at saloobin hinggil sa materyal na mga bagay. Nakalulungkot sabihin, nagkakasira ang ilang pamilya dahil sa pagtatalo sa pera at sa pagnanasang yumaman—o yumaman nang kahit kaunti man lamang. Maaaring lumitaw ang pagkakabaha-bahagi kapag ang mag-asawa ay parehong nagtatrabaho at nagkakaroon ng saloobing “akin ang pera ko, iyo ang pera mo.” Bagaman naiiwasan naman ang pagtatalo, kapag ang mag-asawa’y kapuwa nagtatrabaho baka masumpungan nila ang kanilang sarili na wala nang panahon sa isa’t isa. Ang nauuso ngayon sa daigdig ay na ang mga ama ay napapalayo sa kani-kanilang pamilya sa mahabang panahon—mga buwan o mga taon pa nga—upang kumita ng mas malaki kaysa kung sila’y nasa kanila. Ito’y maaaring humantong sa napakalulubhang suliranin.
27. Ano ang ilang simulain na makatutulong sa pamilyang nagigipit sa pinansiyal?
27 Walang magagawang tuntunin sa pagharap sa ganitong mga kalagayan, yamang ang iba’t ibang pamilya ay kailangang makiharap sa iba’t ibang kagipitan at pangangailangan. Magkagayon man, makatutulong pa rin ang payo ng Bibliya. Halimbawa, tinutukoy ng Kawikaan 13:10 na ang di-kinakailangang pakikipagpunyagi ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng ‘pagsasanggunian.’ Ito’y kinapapalooban ng hindi lamang basta pagsasabi ng iyong sariling pananaw kundi ng paghingi ng payo at ng pag-alam sa pananaw naman ng kabila. Isa pa, ang pagsasaayos ng isang makatotohanang badyet ay makatutulong upang mapagkaisa ang mga pagsisikap ng pamilya. Kung minsan ay kinakailangan—marahil pansamantala—para sa mag-asawa na kapuwa magtrabaho sa labas ng tahanan upang masapatan ang dagdag na gastusin, lalo na kapag may mga anak o iba pang sinusustentuhan. Kung ganito ang kalagayan, maaaring tiyakin ng asawang lalaki sa kaniyang asawa na may panahon pa rin siya sa kaniya. Siya kasama ng mga anak ay maaaring buong-pagmamahal na tumulong sa ilang gawaing karaniwan nang ginagawang mag-isa ng kaniyang asawa.—Filipos 2:1-4.
28. Anong mga paalaala, kung tutuparin, ang tutulong sa pamilya upang magkaisa?
28 Gayunman, laging tandaan na bagaman kailangan ang salapi sa sistemang ito ng mga bagay, ito’y hindi nagdudulot ng kaligayahan. Tiyak na ito’y hindi nagbibigay ng buhay. (Eclesiastes 7:12) Sa katunayan, ang labis na pagbibigay-pansin sa materyal na mga bagay ay maaaring magdulot ng espirituwal at moral na pagkasira. (1 Timoteo 6:9-12) Gaano pa ngang higit na mabuti na hanapin muna ang Kaharian ng Diyos at ang kaniyang katuwiran, taglay ang katiyakan na matatamo natin ang kaniyang pagpapala sa ating pagsisikap na magkaroon ng mga pangangailangan sa buhay! (Mateo 6:25-33; Hebreo 13:5) Sa pamamagitan ng pag-una sa espirituwal na mga kapakanan at sa pagtataguyod ng pakikipagpayapaan sa Diyos una sa lahat, masusumpungan mong ang iyong sambahayan, bagaman nababahagi dahil sa ilang kalagayan, ay magiging isang pamilya na talagang nagkakaisa sa pinakamahahalagang paraan.