Aralin 2
Sino ang Diyos?
Sino ang tunay na Diyos, at ano ang kaniyang pangalan? (1, 2)
Anong uri ng katawan mayroon siya? (3)
Anu-ano ang kaniyang mga pangunahing katangian? (4)
Dapat ba tayong gumamit ng mga imahen at mga sagisag sa ating pagsamba sa kaniya? (5)
Sa anong dalawang paraan matututo tayo tungkol sa Diyos? (6)
1. Maraming sinasamba ang mga tao. Subalit ang Bibliya ay nagsasabi sa atin na may iisang TUNAY na Diyos lamang. Nilalang niya ang lahat ng nasa langit at nasa lupa. Dahil sa siya ang nagbigay sa atin ng buhay, siya lamang ang Isa na nararapat nating sambahin.—1 Corinto 8:5, 6; Apocalipsis 4:11.
2. Maraming titulo ang Diyos ngunit may iisang pangalan lamang. Ang pangalang iyan ay JEHOVA. Sa karamihan ng mga Bibliya, ang pangalan ng Diyos ay inalis at pinalitan ng mga titulong PANGINOON o DIYOS. Subalit nang isulat ang Bibliya, ang pangalang Jehova ay lumitaw roon nang mga 7,000 ulit!—Exodo 3:15; Awit 83:18.
3. Si Jehova ay may katawan, ngunit hindi ito katulad ng sa atin. “Ang Diyos ay Espiritu,” sabi ng Bibliya. (Juan 4:24) Ang espiritu ay isang anyo ng buhay na higit na nakatataas kaysa sa atin. Walang tao ang nakakita kailanman sa Diyos. Si Jehova ay nakatira sa langit, ngunit nakikita niya ang lahat ng bagay. (Awit 11:4, 5; Juan 1:18) Subalit, ano ang banal na espiritu? Hindi ito isang persona na kagaya ng Diyos. Sa halip, ito ang aktibong puwersa ng Diyos.—Awit 104:30.
4. Isinisiwalat sa atin ng Bibliya ang personalidad ni Jehova. Ipinakikita nito na ang kaniyang mga pangunahing katangian ay pag-ibig, katarungan, karunungan, at kapangyarihan. (Deuteronomio 32:4; Job 12:13; Isaias 40:26; 1 Juan 4:8) Sinasabi rin sa atin ng Bibliya na siya’y maawain, mabait, mapagpatawad, bukas-palad, at matiisin. Tayo, gaya ng masunuring mga anak, ay dapat magsikap na tumulad sa kaniya.—Efeso 5:1, 2.
5. Dapat ba tayong yumukod o manalangin sa mga imahen, mga larawan, o mga sagisag sa ating pagsamba? Hindi! (Exodo 20:4, 5) Sinasabi ni Jehova na siya lamang ang dapat nating sambahin. Hindi niya ibabahagi ang kaniyang kaluwalhatian kaninuman o sa anumang bagay. Walang kapangyarihan ang mga imahen upang tayo’y matulungan.—Awit 115:4-8; Isaias 42:8.
6. Papaano natin higit pang makikilala ang Diyos? Ang isang paraan ay ang pagmamasid sa kaniyang mga nilalang at taimtim na pagbubulay-bulay sa kung ano ang sinasabi ng mga ito sa atin. Ipinakikita sa atin ng mga nilalang ng Diyos na siya’y nagtataglay ng dakilang kapangyarihan at karunungan. Nasasalamin natin ang pag-ibig sa lahat ng kaniyang ginawa. (Awit 19:1-6; Roma 1:20) Ang isa pang paraan upang matuto tungkol sa Diyos ay sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya. Dito ay marami pa siyang masasabi hinggil sa kung anong uri siya ng Diyos. Sinasabi rin niya sa atin ang kaniyang layunin at kung ano ang ibig niyang gawin natin.—Amos 3:7; 2 Timoteo 3:16, 17.
[Mga larawan sa pahina 5]
Natututo tayo tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng paglalang at ng Bibliya