Ikalabintatlong Kabanata
Kaligtasan at Kagalakan sa Ilalim ng Paghahari ng Mesiyas
1. Ilarawan ang espirituwal na kalagayan ng tipang bayan ng Diyos noong kaarawan ni Isaias.
NOONG kaarawan ni Isaias, masama ang espirituwal na kalagayan ng tipang bayan ng Diyos. Maging sa ilalim ng pamamahala ng mga tapat na hari, tulad nina Uzias at Jotam, marami sa mga tao ang sumamba sa matataas na dako. (2 Hari 15:1-4, 34, 35; 2 Cronica 26:1, 4) Nang maging hari si Hezekias, kinailangang alisin niya mula sa lupain ang mga bagay at ang mga gawaing kaugnay ng pagsamba kay Baal. (2 Cronica 31:1) Hindi kataka-takang hinimok ni Jehova ang kaniyang bayan na manumbalik sa kaniya at nagbabala hinggil sa sasapit na disiplina!
2, 3. Anong pampatibay-loob ang ibinibigay ni Jehova sa mga nagnanais na maglingkod sa kaniya sa kabila ng malaganap na kawalang katapatan?
2 Gayunman, hindi naman lahat ay ganap na mga rebelde. Si Jehova ay may mga tapat na propeta, at malamang na may ilang Judio na nakinig sa kanila. Si Jehova ay may nakaaaliw na mga salita para sa mga ito. Matapos ilarawan ang kakila-kilabot na kalagayan na mararanasan ng Juda sa pagsalakay ng Asirya, kinasihan si propeta Isaias na isulat ang isa sa pinakamagagandang siniping talata sa buong Bibliya, isang paglalarawan ng mga pagpapala na sasapit sa ilalim ng paghahari ng Mesiyas.a Ang ilang aspekto ng mga pagpapalang ito ay nagkaroon ng maliit na katuparan nang bumalik ang mga Judio mula sa pagkabihag sa Babilonya. Subalit ang hula sa kabuuan nito ay nagkakaroon ng malaking katuparan sa ngayon. Totoo, si Isaias at ang iba pang tapat na mga Judio ng kaniyang kapanahunan ay hindi nabuhay upang makita ang mga pagpapalang ito. Subalit inasam nila ang mga ito taglay ang pananampalataya at makikita nila ang isang katuparan ng mga salita ni Isaias sa pagkabuhay-muli.—Hebreo 11:35.
3 Ang bayan ni Jehova sa makabagong-panahon ay nangangailangan din ng pampatibay-loob. Ang mabilis na pagguho ng mga pamantayang moral sa daigdig, ang malupit na pagsalansang sa mensahe ng Kaharian, at ang personal na mga kahinaan ay pawang nagiging hamon sa kanilang lahat. Ang kamangha-manghang mga salita ni Isaias hinggil sa Mesiyas at sa kaniyang paghahari ay makapagpapalakas at makatutulong sa bayan ng Diyos na harapin ang mga hamong ito.
Ang Mesiyas—Isang May-Kakayahang Pinuno
4, 5. Ano ang inihula ni Isaias hinggil sa pagdating ng Mesiyas, at anong pagkakapit sa mga salita ni Isaias ang waring ginawa ni Mateo?
4 Mga ilang siglo bago ang kapanahunan ni Isaias, ang iba pang mga Hebreong manunulat ng Bibliya ay tumukoy sa dumarating na Mesiyas, ang tunay na Pinuno, na susuguin ni Jehova sa Israel. (Genesis 49:10; Deuteronomio 18:18; Awit 118:22, 26) Ngayon sa pamamagitan ni Isaias, idinagdag ni Jehova ang higit pang detalye. Si Isaias ay sumulat: “Lalabas ang isang maliit na sanga mula sa tuod ni Jesse; at mula sa kaniyang mga ugat ay magiging mabunga ang isang sibol.” (Isaias 11:1; ihambing ang Awit 132:11.) Ang “maliit na sanga” at “sibol” ay kapuwa nagpapakita na ang Mesiyas ay magiging inapo ni Jesse sa pamamagitan ng kaniyang anak na si David, na siyang pinahiran ng langis bilang hari ng Israel. (1 Samuel 16:13; Jeremias 23:5; Apocalipsis 22:16) Sa pagdating ng tunay na Mesiyas, ang “sibol” na ito, mula sa sambahayan ni David, ay magluluwal ng mabuting bunga.
5 Ang ipinangakong Mesiyas ay si Jesus. Ang manunulat ng ebanghelyo na si Mateo ay tumukoy sa mga salita ng Isaias 11:1 nang sabihin niya na ang pagtawag kay Jesus na “isang Nazareno” ay tumupad sa mga salita ng mga propeta. Sapagkat siya’y lumaki sa bayan ng Nazaret, si Jesus ay tinawag na Nazareno, isang pangalang maliwanag na may kaugnayan sa Hebreong salitang ginamit sa Isaias 11:1 para sa “sibol.”b—Mateo 2:23, talababa sa Ingles; Lucas 2:39, 40.
6. Magiging anong uri ng tagapamahala ang inihulang Mesiyas?
6 Magiging anong uri ng tagapamahala ang Mesiyas? Siya ba’y magiging katulad ng malupit at matigas ang ulong Asiryano na nagwasak sa sampung-tribong kaharian ng Israel sa hilaga? Tunay na hindi. Tungkol sa Mesiyas, sinabi ni Isaias: “Sasakaniya ang espiritu ni Jehova, ang espiritu ng karunungan at ng pagkaunawa, ang espiritu ng payo at ng kalakasan, ang espiritu ng kaalaman at ng pagkatakot kay Jehova; at magkakaroon siya ng kasiyahan sa pagkatakot kay Jehova.” (Isaias 11:2, 3a) Ang Mesiyas ay pinahiran, hindi ng langis, kundi ng banal na espiritu ng Diyos. Ito’y nangyari noong bautismo ni Jesus, nang makita ni Juan na Tagapagbautismo ang banal na espiritu ng Diyos na bumababa kay Jesus sa anyo ng isang kalapati. (Lucas 3:22) Ang espiritu ni Jehova ay ‘napasa’ kay Jesus, at pinatunayan niya ito nang siya’y kumilos taglay ang karunungan, kaunawaan, payo, kapangyarihan, at kaalaman. Anong inam na mga katangian ng isang tagapamahala!
7. Ano ang ipinangako ni Jesus sa kaniyang tapat na mga tagasunod?
7 Ang mga tagasunod ni Jesus ay maaari ring tumanggap ng banal na espiritu. Sa isa sa kaniyang mga diskurso, ipinahayag ni Jesus: “Kung kayo, bagaman balakyot, ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa ngang higit na ang inyong Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya!” (Lucas 11:13) Kaya, hindi tayo dapat na mag-atubili kailanman sa paghingi sa Diyos ng banal na espiritu, ni tumigil man tayo sa paglinang ng kapaki-pakinabang na mga bunga nito—“pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.” (Galacia 5:22, 23) Si Jehova ay nangangako na tutugunin ang kahilingan ng mga tagasunod ni Jesus para sa “karunungan mula sa itaas” upang tumulong sa kanila na mapagtagumpayan ang mga suliranin sa buhay.—Santiago 1:5; 3:17.
8. Paano nakasusumpong si Jesus ng kasiyahan sa pagkatakot kay Jehova?
8 Ano ang pagkatakot kay Jehova na ipinamamalas ng Mesiyas? Walang alinlangang si Jesus ay hindi nasisindak sa Diyos, anupat natatakot sa kaniyang kahatulan. Sa halip, ang Mesiyas ay may magalang na pagkatakot sa Diyos, isang maibiging pagpipitagan sa kaniya. Ang taong may-takot sa Diyos ay laging nagnanais na ‘gumawa ng mga bagay na kalugud-lugod sa kaniya,’ gaya ng ginagawa ni Jesus. (Juan 8:29) Sa pamamagitan ng salita at halimbawa, itinuturo ni Jesus na walang hihigit pang kagalakan kaysa lumakad araw-araw sa kapaki-pakinabang na pagkatakot kay Jehova.
Isang Matuwid at Maawaing Hukom
9. Anong halimbawa ang ibinigay ni Jesus sa mga hinihilingang humatol sa mga usapin sa loob ng Kristiyanong kongregasyon?
9 Inihula ni Isaias ang marami pang katangian ng Mesiyas: “Hindi siya hahatol ayon lamang sa nakita ng kaniyang mga mata, ni sasaway man ayon lamang sa narinig ng kaniyang mga tainga.” (Isaias 11:3b) Kung kayo ay kailangang tumayo sa harapan ng isang hukuman, hindi ba kayo magpapasalamat kung may gayong klase ng hukom? Sa pagganap ng kaniyang tungkulin bilang Hukom ng buong sangkatauhan, ang Mesiyas ay hindi madadala ng mga huwad na pangangatuwiran, tusong mga taktika sa silid-hukuman, mga tsismis, o panlabas na mga salik, gaya ng kayamanan. Kaniyang nahahalata ang pandaraya at ang nakikita ay higit pa sa di-mabuting panlabas na mga anyo, anupat natatarok “ang lihim na pagkatao ng puso,” “ang nakukubling pagkatao.” (1 Pedro 3:4, talababa sa Ingles) Ang pagkagaling-galing na halimbawa ni Jesus ay nagsisilbing huwaran para sa lahat ng mga inaatasang humatol sa mga usapin sa Kristiyanong kongregasyon.—1 Corinto 6:1-4.
10, 11. (a) Sa paanong paraan itinutuwid ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod? (b) Anong hatol ang iginagawad ni Jesus sa mga balakyot?
10 Paano makaiimpluwensiya ang pagkagaling-galing na mga katangian ng Mesiyas sa kaniyang hudisyal na mga kapasiyahan? Si Isaias ay nagpaliwanag: “Sa katuwiran ay hahatulan niya ang mga maralita, at sa katapatan ay sasaway siya alang-alang sa maaamo sa lupa. At sasaktan niya ang lupa sa pamamagitan ng tungkod ng kaniyang bibig; at sa pamamagitan ng espiritu ng kaniyang mga labi ay papatayin niya ang balakyot. At katuwiran ang magiging sinturon ng kaniyang baywang, at katapatan ang sinturon ng kaniyang mga balakang.”—Isaias 11:4, 5.
11 Kapag nangangailangan ng pagtutuwid ang kaniyang mga tagasunod, ibinibigay iyon ni Jesus sa paraang higit na kapaki-pakinabang para sa kanila—isang napakainam na halimbawa para sa Kristiyanong matatanda. Sa kabilang panig, yaong mga nagsasagawa ng kabalakyutan ay makaaasa ng matinding uri ng kahatulan. Kapag pinagsulit na ng Diyos ang sistemang ito ng mga bagay, ‘sasaktan [ng Mesiyas] ang lupa’ sa pamamagitan ng kaniyang makapangyarihang tinig, na nagpapalabas ng hatol ng kapuksaan para sa lahat ng mga balakyot. (Awit 2:9; ihambing ang Apocalipsis 19:15.) Sa wakas, wala nang matitira pang mga taong balakyot na gagambala sa kapayapaan ng sangkatauhan. (Awit 37:10, 11) Si Jesus, na ang kaniyang baywang at balakang ay nabibigkisan ng katuwiran at katapatan, ay may kapangyarihang isakatuparan ito.—Awit 45:3-7.
Binagong mga Kalagayan sa Lupa
12. Ano ang maaaring ikabahala ng isang Judio kapag binubulay-bulay niya ang pagbabalik mula sa Babilonya tungo sa Lupang Pangako?
12 Guni-gunihin ang isang Israelita na kaaalam pa lamang sa utos ni Ciro na ang mga Judio ay nagbalik sa Jerusalem at nagtayong-muli ng templo. Iiwan ba niya ang seguridad ng Babilonya at gagawa ng mahabang paglalakbay papauwi? Sa loob ng 70-taóng pagkawala roon ng Israel, malago na ang mga dawag sa tiwangwang na bukirin. Ang mga lobo, leopardo, leon, at mga oso ay malayang nagpapagala-gala ngayon sa mga bukiring iyon. Naninirahan na rin doon ang mga kobra. Ang nagsisibalik na mga Judio ay kailangang umasa sa mga domestikong hayop para mabuhay—mga kawan at mga bakahan ang pagkukunan ng gatas, lana, at karne, at ang mga baka ang hihila ng araro. Ang mga ito kaya ay magiging biktima ng mga maninila? Matutuklaw kaya ng mga ahas ang maliliit na bata? Kumusta naman ang panganib na tambangan sa paglalakbay?
13. (a) Anong nakapagpapagalak-pusong larawan ang iginuhit ni Isaias? (b) Paano natin nalalaman na ang kapayapaang inilalarawan ni Isaias ay nagsasangkot nang higit pa kaysa pagiging ligtas lamang sa mababangis na hayop?
13 Iginuhit ngayon ni Isaias ang isang nakapagpapagalak-pusong larawan ng mga kalagayang paiiralin ng Diyos sa lupain. Sinabi niya: “Ang lobo ay tatahan ngang sandali kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay hihigang kasama ng batang kambing, at ang guya at ang may-kilíng na batang leon at ang patabaing hayop ay magkakasamang lahat; at isang bata lamang ang mangunguna sa kanila. At ang baka at ang oso ay manginginain; ang kanilang mga anak ay magkakasamang hihiga. At maging ang leon ay kakain ng dayami gaya ng toro. At ang batang sumususo ay maglalaro sa lungga ng kobra; at sa siwang ng liwanag ng makamandag na ahas ay ilalagay nga ng batang inawat sa suso ang kaniyang kamay. Hindi sila mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.” (Isaias 11:6-9) Hindi ba’t nakaaantig ng puso ang mga salitang ito? Pansinin na ang kapayapaang inilarawan dito ay bunga ng kaalaman kay Jehova. Kaya, higit pa ang nasasangkot kaysa pagiging ligtas lamang sa mababangis na hayop. Ang kaalaman kay Jehova ay hindi makapagpapabago sa mga hayop, subalit magkakabisa ito sa mga tao. Hindi na kailangan pang matakot ang mga Israelita sa mga mababangis na hayop o sa tulad-ganid na mga tao samantalang papauwi o kaya’y nasa kanila nang isinauling lupain.—Ezra 8:21, 22; Isaias 35:8-10; 65:25.
14. Ano ang mas malaking katuparan ng Isaias 11:6-9?
14 Gayunman, ang hulang ito ay mayroong mas malaking katuparan. Noong 1914, si Jesus, ang Mesiyas, ay iniluklok sa makalangit na Bundok ng Sion. Noong 1919 ang mga nalabi ng “Israel ng Diyos” ay nakaranas na mapalaya buhat sa maka-Babilonyang pagkabihag at nakibahagi sa pagpapanumbalik sa tunay na pagsamba. (Galacia 6:16) Bilang resulta nito, ang daan ay nabuksan para sa makabagong-panahong katuparan ng hula ni Isaias hinggil sa Paraiso. Ang “tumpak na kaalaman,” ang kaalaman kay Jehova, ay nagpabago ng mga personalidad. (Colosas 3:9, 10) Ang dating mararahas na tao ay naging mapayapa. (Roma 12:2; Efeso 4:17-24) Ang mga kaganapang ito ay nakaapekto na ngayon sa milyun-milyon sapagkat ang hula ni Isaias ay naglalakip sa mabilis na dumaraming bilang ng mga Kristiyano na may makalupang pag-asa. (Awit 37:29; Isaias 60:22) Ang mga ito ay natutong maghintay sa panahon na ang buong lupa ay maibabalik sa isang panatag, mapayapang paraiso, alinsunod sa orihinal na layunin ng Diyos.—Mateo 6:9, 10; 2 Pedro 3:13.
15. Makatuwiran ba nating maaasahan na magkakaroon ng isang literal na katuparan sa bagong sanlibutan ang mga salita ni Isaias? Ipaliwanag.
15 Sa naisauling Paraisong iyon, magkakaroon kaya ng higit pang literal na katuparan ang hula ni Isaias? Waring makatuwiran ngang isipin ang gayon. Ang hula ay nagbibigay sa lahat ng mga mabubuhay sa ilalim ng pamamahala ng Mesiyas ng gayunding kasiguruhan gaya ng ibinigay nito sa nagsibalik na mga Israelita; sila at ang kanilang mga anak ay hindi makadarama ng banta ng kapinsalaan anuman ang pagmulan nito—tao man o hayop. Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Mesiyas, ang lahat ng mga naninirahan sa lupa ay magtatamasa ng mapayapang mga kalagayan kagaya niyaong tinamasa nina Adan at Eva sa Eden. Sabihin pa, hindi isinisiwalat ng Kasulatan ang lahat ng detalye ng naging buhay sa Eden—o kung ano ang magiging kalagayan ng buhay sa Paraiso. Gayunman, makapagtitiwala tayo na sa ilalim ng matalino at maibiging pamamahala ng Haring si Jesu-Kristo, ang lahat ay magiging ayon sa dapat mangyari.
Isinauling Dalisay na Pagsamba sa Pamamagitan ng Mesiyas
16. Ano ang tumayo bilang isang hudyat para sa bayan ng Diyos noong 537 B.C.E.?
16 Ang dalisay na pagsamba ay unang sinalakay sa Eden noong matagumpay na naimpluwensiyahan ni Satanas sina Adan at Eva na sumuway kay Jehova. Hanggang sa araw na ito, hindi pa rin tumitigil si Satanas sa kaniyang tunguhing italikod ang marami hangga’t maaari mula sa Diyos. Subalit hindi kailanman pahihintulutan ni Jehova na maglaho sa lupa ang dalisay na pagsamba. Ang kaniyang pangalan ay nasasangkot, at siya’y nagmamalasakit sa mga naglilingkod sa kaniya. Kaya, sa pamamagitan ni Isaias siya’y gumawa ng isang kapansin-pansing pangako: “Mangyayari sa araw na iyon na magkakaroon ng ugat ni Jesse na tatayo bilang isang hudyat para sa mga bayan. Sa kaniya ay babaling ang mga bansa upang mag-usisa, at ang kaniyang pahingahang-dako ay magiging maluwalhati.” (Isaias 11:10) Noong 537 B.C.E., ang Jerusalem, ang lunsod na ginawa ni David na pambansang kabisera, ay nagsilbing isang hudyat, na nanawagan sa isang tapat na nalabi mula sa nangalat na mga Judio na magsibalik at itayong-muli ang templo.
17. Paano ‘bumangon [si Jesus] upang mamahala sa mga bansa’ noong unang siglo at sa ating kaarawan?
17 Gayunman, higit pa kaysa rito ang tinutukoy ng hula. Gaya ng nakita na, ito’y tumutukoy sa pamamahala ng Mesiyas, ang isa na tunay na Pinuno para sa mga tao ng lahat ng mga bansa. Sinipi ni apostol Pablo ang Isaias 11:10 upang ipakita na noong kaniyang kaarawan ang mga tao ng mga bansa ay magkakaroon ng dako sa Kristiyanong kongregasyon. Bilang pagsipi sa salin ng Septuagint sa talatang ito, siya’y sumulat: “Sinasabi ni Isaias: ‘Magkakaroon ng ugat si Jesse, at may isang babangon upang mamahala sa mga bansa; sa kaniya ilalagak ng mga bansa ang kanilang pag-asa.’” (Roma 15:12) Bukod dito, ang hula ay umaabot hanggang sa dako pa roon—hanggang sa ating kaarawan kapag ang mga tao ng mga bansa ay nagpapakita ng kanilang pag-ibig kay Jehova sa pamamagitan ng pagtataguyod sa pinahirang mga kapatid ng Mesiyas.—Isaias 61:5-9; Mateo 25:31-40.
18. Sa ating kaarawan, paano naging pinakatanda si Jesus?
18 Sa makabagong-panahong katuparan, ang “araw na iyon” na tinukoy ni Isaias ay nagpasimula nang iluklok ang Mesiyas bilang Hari ng makalangit na Kaharian ng Diyos noong 1914. (Lucas 21:10; 2 Timoteo 3:1-5; Apocalipsis 12:10) Mula noon, si Jesu-Kristo ay naging isang malinaw na hudyat, isang pinakatanda, para sa espirituwal na Israel at para sa mga tao ng lahat ng mga bansa na nananabik sa matuwid na pamahalaan. Sa ilalim ng pangunguna ng Mesiyas, ang mabuting balita ng Kaharian ay dinadala na sa lahat ng mga bansa, gaya ng inihula ni Jesus. (Mateo 24:14; Marcos 13:10) Ang mabuting balitang ito ay may mabisang epekto. “Isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa” ang nagpapasakop sa Mesiyas sa pamamagitan ng pagsama sa pinahirang nalabi sa dalisay na pagsamba. (Apocalipsis 7:9) Habang maraming baguhan ang patuloy na nakikisama sa nalabi sa espirituwal na “bahay-panalanginan” ni Jehova, higit pa nilang nabibigyan ng kaluwalhatian ang “pahingahang-dako” ng Mesiyas, ang dakilang espirituwal na templo ng Diyos.—Isaias 56:7; Hagai 2:7.
Isang Nagkakaisang Bayan ang Naglilingkod kay Jehova
19. Sa anong dalawang pagkakataon isinauli ni Jehova ang isang nalabi sa kaniyang bayan na nagsipangalat sa buong lupa?
19 Sumunod ay ipinaalaala ni Isaias sa mga Israelita na si Jehova noon pa mang una ay naglaan na ng kaligtasan nang ang bansa ay napaharap sa paniniil ng isang makapangyarihang kaaway. Ang bahaging iyon ng kasaysayan ng Israel—ang pagpapalaya ni Jehova sa bansa mula sa pagkabihag sa Ehipto—ay napamahal na sa puso ng lahat ng tapat na mga Judio. Si Isaias ay sumulat: “Mangyayari sa araw na iyon na muling iaabot ni Jehova ang kaniyang kamay, sa ikalawang pagkakataon, upang kunin ang nalabi ng kaniyang bayan na malalabi mula sa Asirya at mula sa Ehipto at mula sa Patros at mula sa Cus at mula sa Elam at mula sa Sinar at mula sa Hamat at mula sa mga pulo sa dagat. At siya ay tiyak na magtataas ng isang hudyat para sa mga bansa at titipunin niya ang mga nanabog mula sa Israel; at ang mga nangalat mula sa Juda ay pipisanin niya mula sa apat na dulo ng lupa.” (Isaias 11:11, 12) Para bang hinahawakan sila sa kamay, aakayin ni Jehova ang isang tapat na nalabi ng kapuwa Israel at Juda palabas mula sa mga bansa na doo’y nagsipangalat sila at iuuwi silang ligtas. Sa maliit na paraan, ito’y nangyari noong 537 B.C.E. Subalit, makapupong higit na maluwalhati ang malaking katuparan nito! Noong 1914, itinaas ni Jehova ang nakaluklok na si Jesu-Kristo bilang “isang hudyat para sa mga bansa.” Buhat noong 1919 ang mga nalabi ng “Israel ng Diyos” ay nagpasimulang magtipun-tipon sa hudyat na ito, na nananabik na makibahagi sa dalisay na pagsamba sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Ang katangi-tanging espirituwal na bansang ito ay “mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa.”—Apocalipsis 5:9.
20. Anong pagkakaisa ang tatamasahin ng bayan ng Diyos sa kanilang pagbabalik mula sa Babilonya?
20 Inilarawan ngayon ni Isaias ang pagkakaisa ng isinauling bansa. Sa pagtukoy sa kaharian sa hilaga bilang Efraim at sa kaharian sa timog bilang Juda, sinabi niya: “Ang paninibugho ng Efraim ay maaalis, at maging yaong mga napopoot sa Juda ay lilipulin. Ang Efraim ay hindi maninibugho sa Juda, ni ang Juda man ay mapopoot sa Efraim. At sila ay lilipad sa balikat ng mga Filisteo sa dakong kanluran; magkasama silang mandarambong sa mga anak ng Silangan. Sa Edom at sa Moab ay iuunat nila ang kanilang kamay, at ang mga anak ni Ammon ay magiging mga sakop nila.” (Isaias 11:13, 14) Sa pagbabalik ng mga Judio mula sa Babilonya, hindi na sila mahahati sa dalawang bansa. Ang mga miyembro mula sa lahat ng tribo ng Israel ay may pagkakaisang babalik sa kanilang lupain. (Ezra 6:17) Hindi na sila magpapakita ng sama ng loob at pagkapoot sa isa’t isa. Bilang nagkakaisang bayan, sila’y maninindigang matagumpay laban sa kanilang mga kaaway sa nakapalibot na mga bansa.
21. Paanong ang pagkakaisa ng bayan ng Diyos sa ngayon ay tunay na namumukod-tangi?
21 Higit pang kahanga-hanga ang pagkakaisa ng “Israel ng Diyos.” Ang 12 makasagisag na tribo ng espirituwal na Israel ay nagtamasa sa loob ng halos 2,000 taon ng pagkakaisang salig sa pag-ibig sa Diyos at sa kanilang espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae. (Colosas 3:14; Apocalipsis 7:4-8) Sa ngayon, ang bayan ni Jehova—kapuwa ang espirituwal na mga Israelita at yaong may makalupang pag-asa—ay nagtatamasa ng kapayapaan at pambuong daigdig na pagkakaisa sa ilalim ng pamamahala ng Mesiyas, mga kalagayang lingid sa mga iglesya ng Sangkakristiyanuhan. Ang mga Saksi ni Jehova ay nagtataglay ng nagkakaisang espirituwal na paninindigan laban sa mga pagsisikap ni Satanas na hadlangan ang kanilang pagsamba. Bilang isang bayan, isinasagawa nila ang atas na ibinigay ni Jesus na ipangaral at ituro ang mabuting balita ng Kaharian ng Mesiyas sa lahat ng mga bansa.—Mateo 28:19, 20.
Mapagtatagumpayan ang mga Hadlang
22. Paano “puputulin ni Jehova ang dila ng dagat ng Ehipto” at “ikakaway niya ang kaniyang kamay sa may Ilog”?
22 Napakarami ang hadlang, kapuwa literal at makasagisag, upang antalahin ang pagbabalik ng mga Israelita mula sa pagkatapon. Paano mapagtatagumpayan ang mga ito? Si Isaias ay nagsabi: “Tiyak na puputulin ni Jehova ang dila ng dagat ng Ehipto, at ikakaway niya ang kaniyang kamay sa may ilog sa ningas ng kaniyang espiritu. At sasaktan niya ito sa pitong batis nito, at palalakarin nga niya ang mga tao na suot ang kanilang mga sandalyas.” (Isaias 11:15) Si Jehova ang mag-aalis ng lahat ng mga hadlang sa pagbabalik ng kaniyang bayan. Kahit na ang hadlang ay kasinghirap lampasan gaya ng isang dila ng Dagat na Pula (tulad ng Gulpo ng Suez) o tulad ng di-mabagtas na malaking Ilog ng Eufrates, ito ay matutuyo, wika nga, anupat ang isang tao ay makatatawid nang hindi na mag-aalis pa ng kaniyang mga sandalyas!
23. Sa paanong paraan “magkakaroon ng isang lansangang-bayan mula sa Asirya”?
23 Noong kaarawan ni Moises, si Jehova ay naghanda ng isang daan upang makatakas ang Israel mula sa Ehipto at makapagmartsa tungo sa Lupang Pangako. Gayundin ang gagawin niya ngayon: “Magkakaroon ng isang lansangang-bayan mula sa Asirya para sa nalabi ng kaniyang bayan na malalabi, kung paanong nagkaroon nga para sa Israel noong araw na umahon siya mula sa lupain ng Ehipto.” (Isaias 11:16) Aakayin ni Jehova ang nagsisibalik na mga tapon na para bang sila’y lumalakad sa lansangang-bayan mula sa pinagtapunan sa kanila tungo sa kanilang lupang tinubuan. Ang mga mananalansang ay magtatangkang hadlangan sila, subalit ang kanilang Diyos, si Jehova, ay sasakanila. Ang mga pinahirang Kristiyano at ang kanilang mga kasamahan sa ngayon ay napapasailalim din sa malupit na pagsalakay, subalit sila’y may tibay-loob na sumusulong! Sila’y nakalabas na mula sa makabagong Asirya, ang sanlibutan ni Satanas, at tinutulungan nila ang iba na gumawa rin ng gayon. Nalalaman nilang ang dalisay na pagsamba ay magtatagumpay at lalago. Ito’y hindi gawain ng tao, kundi ng Diyos.
Walang Katapusang Kagalakan Para sa mga Sakop ng Mesiyas!
24, 25. Sa pamamagitan ng anong mga kapahayagan ng papuri at pasasalamat bubulalas ang bayan ni Jehova?
24 Sa pamamagitan ng nakagagalak na mga salita inilarawan ngayon ni Isaias ang malaking pagsasaya ng bayan ni Jehova dahilan sa katuparan ng Kaniyang salita: “Sa araw na iyon ay tiyak na sasabihin mo: ‘Pasasalamatan kita, O Jehova, sapagkat bagaman nagalit ka sa akin, ang iyong galit ay napawi sa kalaunan, at inaliw mo ako.’” (Isaias 12:1) Naging matindi ang disiplina ni Jehova sa kaniyang suwail na bayan. Subalit naisakatuparan ang layunin nito na paghilumin ang kaugnayan ng bansa sa kaniya at maisauli ang dalisay na pagsamba. Muling tiniyak ni Jehova sa kaniyang tapat na mga mananamba na sila’y ililigtas niya sa wakas. Hindi kataka-takang nagpahayag sila ng pagpapahalaga!
25 Lubos na pinagtibay ng naibalik na mga Israelita ang kanilang pagtitiwala kay Jehova, anupat sila’y bumulalas: “‘Narito! Ang Diyos ay aking kaligtasan. Ako ay magtitiwala at hindi manghihilakbot; sapagkat si Jah Jehova ay aking lakas at aking kalakasan, at siya ay naging kaligtasan ko.’ May pagbubunying sasalok nga kayo ng tubig mula sa mga bukal ng kaligtasan.” (Isaias 12:2, 3) Ang Hebreong salita na isinaling “kalakasan” sa Isa 12 talatang 2 ay lumilitaw bilang “papuri” sa bersiyon ng Septuagint. Ang mga mananamba ay nagsihiyaw ng mga awit ng papuri dahil sa kaligtasang mula kay “Jah Jehova.” Bilang isang pinaikling anyo ng pangalang Jehova, ang “Jah” ay ginagamit sa Bibliya upang ipahayag ang mas matinding damdamin ng papuri at pasasalamat. Ang paggamit ng pananalitang “Jah Jehova”—pinagdobleng pangalan ng Diyos—ay nagpapatindi sa papuri sa Diyos sa isang mas mataas na antas.
26. Sino sa ngayon ang naghahayag ng mga pakikitungo ng Diyos sa mga bansa?
26 Hindi maaaring sarilinin na lamang ng mga tunay na mananamba ni Jehova ang kanilang kagalakan. Inihula ni Isaias: “Sa araw na iyon ay tiyak na sasabihin ninyo: ‘Magpasalamat kayo kay Jehova! Tumawag kayo sa kaniyang pangalan. Ihayag ninyo sa gitna ng mga bayan ang kaniyang mga pakikitungo. Banggitin ninyo na ang kaniyang pangalan ay natanyag. Umawit kayo kay Jehova, sapagkat siya ay gumawa ng mga dakilang bagay. Ito ay inihahayag sa buong lupa.’” (Isaias 12:4, 5) Mula pa noong 1919, ang mga pinahirang Kristiyano—nang maglaon sa tulong ng kanilang kasamahang “ibang mga tupa”—ay ‘nagpahayag nang malawakan ng mga kamahalan ng isa na tumawag sa kanila mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.’ Sila’y “isang lahing pinili, . .v. isang bansang banal” na ibinukod para sa layuning ito. (Juan 10:16; 1 Pedro 2:9) Ipinahahayag ng mga pinahiran na ang banal na pangalan ni Jehova ay natanyag at sila’y nakikibahagi sa pagpapakilala nito sa buong lupa. Pinangungunahan nila ang lahat ng mga mananamba ni Jehova sa pagsasaya dahil sa kaniyang paglalaan para sa kanilang kaligtasan. Ito’y gaya ng ibinulalas ni Isaias: “Humiyaw ka nang malakas at sumigaw sa kagalakan, O ikaw na babaing tumatahan sa Sion, sapagkat sa iyong gitna ay dakila ang Banal ng Israel”! (Isaias 12:6) Ang Banal ng Israel ay ang Diyos na Jehova mismo.
Tumingin sa Hinaharap Taglay ang Pagtitiwala!
27. Habang naghihintay sa katuparan ng kanilang pag-asa, sa ano nagtitiwala ang mga Kristiyano?
27 Sa ngayon ay milyun-milyon ang nagtipun-tipon sa “hudyat para sa mga bayan”—si Jesu-Kristo na nakaluklok sa Kaharian ng Diyos. Sila’y nagagalak na maging sakop ng Kahariang iyon at tuwang-tuwa na makilala ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Anak. (Juan 17:3) Sila’y nakasumpong ng malaking kaligayahan sa kanilang nagkakaisang Kristiyanong pagsasamahan at lubos na nagsusumikap na mapanatili ang kapayapaan na siyang tanda ng tunay na mga lingkod ni Jehova. (Isaias 54:13) Palibhasa’y kumbinsido na si Jah Jehova ay isang Diyos na tumutupad sa kaniyang mga pangako, sila’y nakatitiyak sa kanilang pag-asa at nakasusumpong ng malaking kasiyahan sa pagsasabi niyaon sa iba. Patuloy nawang gamitin ng bawat mananamba ni Jehova ang kaniyang buong lakas upang maglingkod sa Diyos at tulungan ang iba na gumawa rin ng gayon. Harinawang isapuso ng lahat ang mga salita ni Isaias at ikagalak ang kaligtasan sa pamamagitan ng Mesiyas ni Jehova!
[Mga talababa]
a Ang “Mesiyas” ay hinalaw mula sa Hebreong salita na ma·shiʹach, na nangangahulugang “Pinahirang Isa.” Ang katumbas sa Griego ay Khri·stosʹ, o “Kristo.”—Mateo 2:4, talababa sa Ingles.
b Ang Hebreong salita para sa “sibol” ay neʹtser, at ang para sa “Nazareno” ay Nots·riʹ.
[Mga larawan sa pahina 158]
Ang Mesiyas ay “isang maliit na sanga” mula kay Jesse, sa pamamagitan ni Haring David
[Buong-pahinang larawan sa pahina 162]
[Larawan sa pahina 170]
Ang Isaias 12:4, 5, gaya ng paglitaw nito sa mga Dead Sea Scroll (Nakatampok ang mga paglitaw ng pangalan ng Diyos)