ARALIN 17
Upang Mapanatili ang Isang Kaibigan, Kailangang Maging Isa Kang Kaibigan
Ang pagkakaibigan ay salig sa pag-ibig. Habang natututo ka nang higit tungkol kay Jehova, lalong lálakí ang iyong pag-ibig sa kaniya. Habang lumalaki ang iyong pag-ibig sa Diyos, lálakí rin ang iyong pagnanais na maglingkod sa kaniya. Ito’y mag-uudyok sa iyo na maging isang alagad ni Jesu-Kristo. (Mateo 28:19) Sa pakikisama sa maligayang pamilya ng mga Saksi ni Jehova, mararanasan mo ang pakikipagkaibigan ng Diyos magpakailanman. Ano ang kailangan mong gawin?
Dapat mong ipakita ang iyong pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang mga kautusan. “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga kautusan; at gayunma’y ang kaniyang mga kautusan ay hindi nakapagpapabigat.”—1 Juan 5:3.
Ikapit ang iyong natututuhan. Si Jesus ay naglahad ng isang istorya na naglalarawan nito. Isang taong maingat ang nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng malaking bato. Isang mangmang na tao ang nagtayo ng kaniyang bahay sa buhanginan. Nang dumating ang isang malakas na bagyo, ang bahay na nakatayo sa ibabaw ng malaking bato ay hindi gumuho, subalit ang bahay na nakatayo sa buhanginan ay gumuho at ang pagbagsak nito ay matindi. Sinabi ni Jesus na yaong mga nakikinig sa kaniyang mga turo at ginagawa ang mga iyon ay katulad ng taong maingat na nagtayo sa ibabaw ng malaking bato. Subalit yaong mga nakikinig sa kaniyang mga turo at hindi ginagawa ang mga iyon ay katulad ng mangmang na tao na nagtayo sa buhanginan. Alin sa kanila ang nais ninyong makatulad?—Mateo 7:24-27.
Pag-aalay. Ito’y nangangahulugan na ikaw ay lumalapit kay Jehova sa panalangin at sinasabi sa kaniya na nais mong gawin ang kaniyang kalooban magpakailanman. Ang paggawa ng kalooban ng Diyos ay nagpapakita na ikaw ay isang alagad ni Jesu-Kristo.—Mateo 11:29.
Bautismo. “Magpabautismo ka at hugasan ang iyong mga kasalanan sa pamamagitan ng iyong pagtawag sa kaniyang pangalan.”—Gawa 22:16.
Lubusang isagawa ang paglilingkod sa Diyos. “Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito nang buong-kaluluwa na gaya ng kay Jehova, at hindi sa mga tao.”—Colosas 3:23.