Unang Kabanata
Isang Propeta ng Diyos ang Nagdadala ng Liwanag Para sa Sangkatauhan
1, 2. Anong mga kalagayan sa kasalukuyang panahon ang nagdudulot ng pagkabalisa para sa marami?
TAYO’Y nabubuhay sa isang panahong halos lahat ng bagay ay waring kayang abutin ng tao. Ang paglalakbay sa kalawakan, teknolohiya sa computer, henetikong inhinyeriya, at iba pang mga siyentipikong pag-unlad ay nagbukas ng panibagong mga posibilidad sa lahi ng tao, na nagbibigay ng pag-asa ng isang mas mabuting buhay—marahil ay isang mas mahabang buhay pa nga.
2 Naalis ba ng gayong mga pagsulong ang mga kandado sa iyong mga pinto? Naalis ba nito ang banta ng digmaan? Napagaling ba nito ang sakit o naalis ang lungkot na dulot ng pagkamatay ng isang mahal sa buhay? Hinding-hindi! Ang pagsulong ng tao, gaano man ito kalaki, ay limitado. “Alam na natin kung paano maglakbay sa buwan, gumawa ng mas malalakas na silicon chip, at maglipat ng mga gene ng tao,” sabi ng isang ulat ng Worldwatch Institute. “Pero hindi pa natin napaglalaanan ng malinis na tubig ang isang bilyong tao, nahahadlangan ang pagkaubos ng libu-libong species, o natutugunan ang ating mga pangangailangan sa enerhiya nang hindi sinisira ang atmospera.” Kaya naman mauunawaan kung bakit marami ang nababalisa sa mangyayari sa hinaharap, anupat hindi matiyak kung kanino babaling para sa kaaliwan at pag-asa.
3. Anong kalagayan ang umiral sa Juda noong ikawalong siglo B.C.E.?
3 Ang kalagayang napapaharap sa atin ngayon ay katulad din niyaong sa bayan ng Diyos noong ikawalong siglo B.C.E. Noong panahong iyon, inatasan ng Diyos ang kaniyang lingkod na si Isaias na ihatid ang mensahe ng kaaliwan sa mga naninirahan sa Juda, at talaga namang kaaliwan ang kailangan nila. Ang bansa ay niyayanig noon ng magugulong pangyayari. Malapit nang isapanganib ng malupit na Imperyo ng Asirya ang lupain, anupat marami ang saklot ng matinding pangamba. Saan kaya makababaling ang bayan ng Diyos ukol sa kaligtasan? Bukambibig nila ang pangalan ni Jehova, ngunit minabuti pa nilang magtiwala sa tao.—2 Hari 16:7; 18:21.
Liwanag na Sumisikat sa Kadiliman
4. Anong doblihang mensahe ang iniatas na ipahayag ni Isaias?
4 Dahil sa rebelyosong landasin ng Juda, nararapat lamang na wasakin ang Jerusalem, at dalhing bihag sa Babilonya ang mga naninirahan sa Juda. Oo, parating na ang panahon ng kadiliman. Inatasan ni Jehova ang kaniyang propetang si Isaias na ihula ang kapaha-pahamak na panahong ito, subalit Kaniya ring tinagubilinan siya na ipahayag ang mabuting balita. Pagkatapos ng 70-taóng pagkatapon, palalayain ang mga Judio mula sa Babilonya! Isang maligayang nalabi ang babalik sa Sion at magkakapribilehiyong isauli ang tunay na pagsamba roon. Dahil sa maligayang mensaheng ito, pinangyari ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propeta na sumikat ang liwanag sa kadiliman.
5. Bakit napakaaga naman ng pagkakasiwalat ni Jehova sa kaniyang mga layunin?
5 Natiwangwang ang Juda pagkalipas pa ng mahigit na sandaang taon matapos isulat ni Isaias ang kaniyang mga hula. Kung gayon, bakit kaya napakaaga naman ng pagkakasiwalat ni Jehova sa kaniyang mga layunin? Hindi kaya matagal nang namatay yaong mga nakarinig mismo ng mga kapahayagan ni Isaias sa pagsapit ng panahon ng katuparan ng mga hula? Tama iyan. Magkagayunman, dahil sa mga pagsisiwalat ni Jehova kay Isaias, yaong mga nabubuhay sa panahon ng pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E. ay nagkaroon ng isang nakasulat na ulat ng mga makahulang mensahe ni Isaias. Maglalaan ito ng di-matututulang katibayan na si Jehova “ang Isa na nagsasabi ng wakas mula pa sa pasimula, at ng mga bagay na hindi pa nagagawa mula pa noong sinaunang panahon.”—Isaias 46:10; 55:10, 11.
6. Ano ang ilang paraan na doo’y nakahihigit si Jehova sa lahat ng mga taong manghuhula?
6 Tanging si Jehova lamang ang may karapatang makapagsabi ng gayon. Maaaring mahulaan ng isang tao ang malapit na hinaharap batay sa kaniyang pagkaunawa sa kalagayan ng pulitika o lipunan sa ngayon. Subalit si Jehova lamang ang patiunang makakakita nang may ganap na katiyakan sa mangyayari sa anumang panahon, kahit na sa malayong hinaharap. Mabibigyang-kapangyarihan din niya ang kaniyang mga lingkod upang patiunang masabi ang mga mangyayari matagal pa bago ito maganap. Sabi ng Bibliya: “Ang Soberanong Panginoong Jehova ay hindi gagawa ng anumang bagay malibang naisiwalat na niya ang kaniyang lihim na bagay sa kaniyang mga lingkod na mga propeta.”—Amos 3:7.
Ilang “Isaias”?
7. Paano pinag-alinlanganan ng maraming iskolar ang sumulat ng Isaias, at bakit?
7 Ang isyu tungkol sa hula ay isang bagay na naging dahilan upang pag-alinlanganan ng maraming iskolar ang sumulat ng Isaias. Iginigiit ng mga kritikong ito na ang huling bahagi ng aklat ay tiyak na isinulat ng isa na nabuhay noong ikaanim na siglo B.C.E., alinman sa ito’y noong nasa pagkatapon sa Babilonya o pagkatapos noon. Ayon sa kanila, ang mga hula tungkol sa pagkatiwangwang ng Juda ay isinulat matapos maganap ang mga ito kung kaya hindi naman ito talagang mga hula. Sinabi rin ng mga kritikong ito na pagkatapos ng Isa kabanata 40, ang aklat ng Isaias ay nagsasalita na para bang ang Babilonya ang nananaig na kapangyarihan at ang mga Israelita ay mga bihag na roon. Kaya nga ikinakatuwiran nila na kung sinuman ang sumulat ng huling bahagi ng Isaias, tiyak na ginawa niya ito sa panahong iyon—noong ikaanim na siglo B.C.E. May matibay na saligan ba ang gayong pangangatuwiran? Walang-wala!
8. Kailan nagsimula ang pag-aalinlangan hinggil sa sumulat ng Isaias, at paano ito lumaganap?
8 Noon lamang ika-12 siglo C.E. pinag-alinlanganan ang sumulat ng Isaias. Ito ay dahil sa komentaristang Judio na si Abraham Ibn Ezra. “Sa kaniyang komentaryo sa Isaias,” sabi ng Encyclopaedia Judaica, “sinabi [ni Abraham Ibn Ezra] na ang ikalawang bahagi, mula Isa kabanata 40, ay akda ng isang propetang nabuhay sa panahon ng Pagkatapon sa Babilonya at sa maagang yugto ng Pagbabalik sa Sion.” Noong ika-18 at ika-19 na siglo, ang kuru-kuro ni Ibn Ezra ay inayunan ng maraming iskolar, kabilang na si Johann Christoph Doederlein, isang teologong Aleman na naglathala ng kaniyang mapamunang pagsusuri sa Isaias noong 1775, na may ikalawang edisyon noong 1789. Ganito ang sabi ng New Century Bible Commentary: “Tinatanggap na ngayon ng lahat maliban sa pinakakonserbatibong mga iskolar ang teoriya ni Doederlein . . . na ang mga hulang nasa kabanata 40-66 sa aklat ng Isaias ay hindi pananalita ng ikawalong-siglong propeta na si Isaias kundi galing sa mas huli pang panahon.”
9. (a) Anong paghimay sa aklat ng Isaias ang ginawa? (b) Paano binubuod ng isang komentarista sa Bibliya ang kontrobersiya may kinalaman sa sumulat ng Isaias?
9 Gayunman, ang mga pag-aalinlangan hinggil sa sumulat ng aklat ng Isaias ay hindi natapos doon. Ang teoriya hinggil sa ikalawang Isaias—o Deutero-Isaias—ay lumikha ng kuru-kuro na baka mayroon pang ikatlong manunulat.a Nang magkagayon ay higit pang hinimay ang aklat ng Isaias, anupat isang iskolar ang nagsabi na ang Isa kabanata 15 at 16 ay galing daw sa isang di-kilalang propeta, habang pinagdududahan naman ng isa ang sumulat ng Isa kabanata 23 hanggang 27. Isa pa rin ang nagsabi na hindi raw maaaring si Isaias ang sumulat ng pananalitang masusumpungan sa Isa kabanata 34 at 35. Bakit? Sapagkat ang materyal ay katulad na katulad niyaong masusumpungan sa Isa kabanata 40 hanggang 66, na ang kredito ay naibigay na sa iba sa halip na sa ikawalong-siglong si Isaias! Binuod sa maikli ng komentarista sa Bibliya na si Charles C. Torrey ang resulta ng pangangatuwirang ito. “Ang minsang naging dakilang ‘Propeta ng Pagkatapon,’ ” sabi niya, “ay naging napakaliit na tauhan, at halos natabunan na lamang dahil sa pagkakapira-piraso ng kaniyang aklat.” Gayunman, hindi lahat ng iskolar ay sumasang-ayon sa gayong paghimay sa aklat ng Isaias.
Ebidensiya ng Nag-iisang Manunulat
10. Magbigay ng isang halimbawa kung paanong ang pagkakasuwato ng pananalita ay nagbibigay ng ebidensiya na isa lamang ang sumulat ng aklat ng Isaias.
10 May matibay na dahilan upang panindigan na ang aklat ng Isaias ay akda ng nag-iisa lamang na manunulat. Ang isang patotoo ay may kinalaman sa pagkakasuwato ng pananalita. Halimbawa, ang pariralang “ang Banal ng Israel” ay 12 ulit na masusumpungan sa Isaias kabanata 1 hanggang 39 at 13 ulit naman sa Isaias kabanata 40 hanggang 66, samantalang ang paglalarawang ito kay Jehova ay 6 na ulit lamang na lumilitaw sa ibang bahagi ng Kasulatang Hebreo. Ang paulit-ulit na paggamit nito na madalang namang gamitin sa iba ay nagpapatotoo sa pagkakaisa ng pagkasulat ng Isaias.
11. Anong mga pagkakatulad mayroon sa kabanata 1 hanggang 39 at kabanata 40 hanggang 66 ng Isaias?
11 May iba pang pagkakatulad ang Isaias kabanata 1 hanggang 39 at kabanata 40 hanggang 66. Kapuwa ang dalawang bahagi ay naglalaman ng malimit na paggamit ng magkatulad na namumukod na mga salitang patalinghaga, gaya ng isang babaing may mga kirot ng panganganak at isang “daan” o isang “lansangang-bayan.”b Paulit-ulit din ang pagtukoy sa “Sion,” isang termino na 29 na ulit na ginagamit sa Isa kabanata 1 hanggang 39 at 18 ulit naman sa Isa kabanata 40 hanggang 66. Sa katunayan, mas maraming ulit na binabanggit ang Sion sa Isaias kaysa sa alinmang ibang aklat ng Bibliya! Ang mga ebidensiyang ito, sabi ng The International Standard Bible Encyclopedia, “ay palatandaan ng sariling kakanyahan ng aklat na napakahirap ipaliwanag” kung ang aklat ay isinulat nga ng dalawa, tatlo, o higit pang manunulat.
12, 13. Paano ipinahihiwatig ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na ang aklat ng Isaias ay akda ng iisang manunulat?
12 Ang pinakamatibay na ebidensiya na iisa lamang ang sumulat ng aklat ng Isaias ay masusumpungan sa kinasihang Kristiyanong Griegong Kasulatan. Maliwanag na ipinakikita ng mga ito na ang unang-siglong mga Kristiyano ay naniniwala na ang aklat ng Isaias ay akda ng iisang manunulat. Halimbawa, sinasabi ni Lucas ang tungkol sa isang Etiopeng opisyal na nagbabasa ng materyal na masusumpungan ngayon sa Isaias kabanata 53, ang mismong bahagi na ayon sa makabagong-panahong mga kritiko ay sulat ng isang Deutero-Isaias. Gayunman, sinasabi ni Lucas na “binabasa [ng Etiope] nang malakas ang propeta Isaias.”—Gawa 8:26-28.
13 Sumunod na isaalang-alang ang manunulat ng Ebanghelyo na si Mateo, na nagpapaliwanag kung paanong ang ministeryo ni Juan na Tagapagbautismo ay tumupad sa makahulang mga salita na masusumpungan natin ngayon sa Isaias 40:3. Kaninong hula ito ayon kay Mateo? Sa di-kilalang Deutero-Isaias? Hindi, basta ipinakilala niya ang manunulat bilang si “Isaias na propeta.”c (Mateo 3:1-3) Minsan naman, binasa ni Jesus mula sa isang balumbon ang pananalitang masusumpungan natin ngayon sa Isaias 61:1, 2. Sa pagsasalaysay sa nangyari, sinabi ni Lucas: “Ang balumbon ng propetang si Isaias ay ibinigay sa kaniya.” (Lucas 4:17) Sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, tinutukoy ni Pablo kapuwa ang una at huling bahagi ng Isaias, subalit hindi siya kailanman nagpahiwatig na iba ang sumulat nito sa halip na ang tao ring iyon, si Isaias. (Roma 10:16, 20; 15:12) Maliwanag na ang mga unang-siglong Kristiyano ay hindi naniwala na ang aklat ng Isaias ay akda ng dalawa, tatlo, o higit pang manunulat.
14. Paano nagbibigay-liwanag ang Dead Sea Scrolls hinggil sa sumulat ng Isaias?
14 Isaalang-alang din ang patotoo ng Dead Sea Scrolls—mga sinaunang dokumento, na karamihan ay may petsa bago ang panahon ni Jesus. Ang isang manuskrito ng Isaias, kilala bilang ang Balumbon ng Isaias, ay may petsa mula noong ikalawang siglo B.C.E., at pinabubulaanan nito ang sinasabi ng mga kritiko na isang Deutero-Isaias ang pumalit sa pagsulat pasimula sa Isa kabanata 40. Paano? Sa sinaunang dokumentong ito, ang kilala natin ngayon bilang Isa kabanata 40 ay nagsisimula sa huling taludtod ng isang tudling, na ang pambukas na pangungusap ay tinatapos sa sumunod na tudling. Maliwanag na ang tagakopya ay walang kabatiran sa anumang diumano’y pagpapalit ng sumulat o paghahati sa aklat sa bahaging iyon.
15. Ano ang sinabi ng Judiong istoryador noong unang siglo na si Flavius Josephus may kinalaman sa mga hula ni Isaias tungkol kay Ciro?
15 Bilang pagtatapos, isaalang-alang ang patotoo ng Judiong istoryador noong unang siglo na si Flavius Josephus. Hindi lamang niya ipinahihiwatig na ang mga hula sa Isaias hinggil kay Ciro ay isinulat noong ikawalong siglo B.C.E. kundi sinasabi rin niya na alam ni Ciro ang mga hulang ito. “Ang mga bagay na ito ay nalaman ni Ciro,” isinulat ni Josephus, “dahil sa pagbabasa ng aklat ng mga hula na iniwan ni Isaias dalawang daan at sampung taon bago nito.” Ayon kay Josephus, ang pagkaalam ng mga hulang ito ay baka naging dahilan pa nga ng pagsang-ayon ni Ciro na pabalikin ang mga Judio sa kanilang lupang-tinubuan, yamang isinulat ni Josephus na si Ciro ay “nalukuban ng matinding hangarin at pangarap na gawin kung ano nga ang nasusulat.”—Jewish Antiquities, Aklat XI, kabanata 1, parapo 2.
16. Ano ang masasabi hinggil sa paninindigan ng mga kritiko na ang Babilonya raw ay inilalarawan sa huling bahagi ng Isaias bilang ang nangingibabaw na kapangyarihan?
16 Gaya ng naunang binanggit, tinutukoy ng maraming kritiko na mula sa Isaias kabanata 40 patuloy, ang Babilonya ay inilalarawan bilang ang nangingibabaw na kapangyarihan, at ang mga Israelita ay sinasabing nasa pagkatapon na. Hindi ba’t ito’y nagpapahiwatig na ang sumulat ay nabuhay noong ikaanim na siglo B.C.E.? Hindi naman. Ang totoo’y kahit na bago pa ang kabanata 40 ng Isaias, ang Babilonya kung minsan ay inilalarawan bilang ang nangingibabaw na pandaigdig na kapangyarihan. Halimbawa, sa Isaias 13:19, ang Babilonya ay tinatawag na “ang kagayakan ng mga kaharian” o, gaya ng pagkakasalin dito ng Today’s English Version, “ang pinakamagandang kaharian sa lahat.” Ang mga salitang ito ay maliwanag na makahula, yamang ang Babilonya ay hindi pa naman nagiging pandaigdig na kapangyarihan kundi pagkalipas pa ng mahigit na isang daang taon. Isang kritiko ang “lumutas” sa diumano’y problemang ito sa pamamagitan ng basta pagsasabi na ang Isaias 13 ay akda ng ibang manunulat! Subalit ang totoo, pangkaraniwan na sa hula ng Bibliya na sabihin ang mga mangyayari sa hinaharap na para bang ang mga ito’y naganap na. Mabisang idiniriin ng ganitong istilo ng pagsulat ang katiyakan ng katuparan ng isang hula. (Apocalipsis 21:5, 6) Ang totoo, tanging ang Diyos lamang ng tunay na hula ang makapagsasabi: “Ang mga bagong bagay ay ipinahahayag ko. Bago magsimulang lumitaw ang mga iyon ay ipinaririnig ko na sa inyo.”—Isaias 42:9.
Isang Aklat ng Maaasahang Hula
17. Paano ipaliliwanag ang pagbabago ng istilo mula Isaias kabanata 40 patuloy?
17 Kung gayon, sa anong konklusyon tumutukoy ang ebidensiya? Na ang aklat ng Isaias ay akda ng iisang kinasihang manunulat. Ang buong aklat na ito ay ilang siglo nang nagpasalin-salin bilang isang solong akda, hindi dalawa o higit pa. Totoo, maaaring sabihin ng ilan na ang istilo ng aklat ng Isaias ay nagbago raw mula Isa kabanata 40 patuloy. Subalit alalahanin na si Isaias ay naglingkod bilang propeta ng Diyos sa loob ng di-kukulangin sa 46 na taon. Sa loob ng panahong iyan, maaasahan na ang nilalaman ng kaniyang mensahe, at pati na ang paraan niya ng pagsasabi ng kaniyang mensahe, ay magbabago. Sa katunayan, ang atas ni Isaias mula sa Diyos ay hindi lamang upang magbigay ng matitinding babala tungkol sa kahatulan. Kailangan din niyang ipaabot ang mga salita ni Jehova: “Aliwin ninyo, aliwin ninyo ang aking bayan.” (Isaias 40:1) Ang tipang bayan ng Diyos ay tunay na maaaliw sa kaniyang pangako na, pagkalipas ng 70 taóng pagkatapon, ang mga Judio ay pababalikin sa kanilang lupang-tinubuan.
18. Ano ang isang tema sa aklat ng Isaias na tatalakayin sa publikasyong ito?
18 Ang pagpapalaya sa mga Judio mula sa pagkabihag sa Babilonya ang tema ng marami sa mga kabanata ng Isaias na tinatalakay sa aklat na ito.d Marami sa mga hulang ito ay may makabagong-panahong katuparan, gaya ng makikita natin. Karagdagan pa, masusumpungan natin sa aklat ng Isaias ang kapana-panabik na mga hula na natupad sa naging buhay—at kamatayan—ng bugtong na Anak ng Diyos. Tiyak na makikinabang ang mga lingkod ng Diyos at ang iba pa sa buong daigdig kapag pinag-aralan ang mahahalagang hula na nasa aklat ng Isaias. Ang mga hulang ito, sa katunayan, ay liwanag para sa buong sangkatauhan.
[Mga talababa]
a Ang ipinalalagay na ikatlong manunulat, na diumano’y responsable sa Isa kabanata 56 hanggang 66, ay tinutukoy ng mga iskolar na isang Trito-Isaias.
b Isang babaing may mga kirot ng panganganak: Isaias 13:8; 21:3; 26:17, 18; 42:14; 45:10; 54:1; 66:7. Isang “daan” o isang “lansangang-bayan”: Isaias 11:16; 19:23; 35:8; 40:3; 43:19; 49:11; 57:14; 62:10.
c Sa katulad na salaysay, ginamit nina Marcos, Lucas, at Juan ang kaparehong parirala.—Marcos 1:2; Lucas 3:4; Juan 1:23.
d Ang unang 40 kabanata ng Isaias ay tinatalakay sa Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon sa pahina 9]
Ebidensiya Mula sa Pagsusuri sa Nagbabagong Wika
Ang pag-aaral sa nagbabagong wika—na tumutunton sa di-nahahalatang pagbabago na nagaganap sa wika sa paglipas ng maraming taon—ay naglalaan ng higit pang ebidensiya na ang aklat ng Isaias ay akda ng iisang manunulat. Kung ang bahagi ng Isaias ay isinulat noong ikawalong siglo B.C.E. at ang isa pang bahagi pagkalipas ng 200 taon, dapat na may mga pagkakaiba sa uri ng wikang Hebreo na ginamit sa bawat seksiyon. Subalit ayon sa isang pag-aaral na inilathala sa Westminster Theological Journal, “ang ebidensiya mula sa ginawang pagsusuri sa nagbabagong wika ay lubusang sumusuporta sa petsa bago ang pagkatapon para sa Isaias 40-66.” Ganito ang konklusyon ng awtor ng pag-aaral: “Kung patuloy na igigiit ng mga mapamunang iskolar na ang dapat na petsa ng Isaias ay panahon ng pagkatapon o matapos ang pagkatapon, kailangang gawin nila ito sa harap ng kabaligtarang ebidensiya mula sa pagsusuri sa nagbabagong wika.”
[Larawan sa pahina 11]
Bahagi ng Dead Sea Scroll ng Isaias. Ang katapusan ng Isa kabanata 39 ay ipinakikita ng isang panandâ
[Mga larawan sa pahina 13]
Mga 200 taon patiuna, inihula na ni Isaias ang paglaya ng mga Judio