Ikadalawampu’t Dalawang Kabanata
Sumisibol ang Katuwiran sa Sion
1, 2. Anong pagbabago ang malapit nang maganap sa Israel, at sino ang magpapangyari nito?
IHAYAG ang paglaya! Determinado si Jehova na palayain ang kaniyang bayan at isauli sila sa lupain ng kanilang mga ninuno. Gaya ng isang binhi na sumisibol pagkatapos ng isang mahinang ulan, ang tunay na pagsamba ay muling lilitaw. Kapag dumating ang araw na iyon, ang kawalang-pag-asa ay mapapalitan ng maligayang pagpuri, at ang mga ulong dati’y natatakpan ng abo ng pagdadalamhati ay mapuputungan ng pagsang-ayon ng Diyos.
2 Sino kaya ang magpapangyari sa kahanga-hangang pagbabagong ito? Tanging si Jehova lamang ang makagagawa ng ganitong bagay. (Awit 9:19, 20; Isaias 40:25) Makahulang nag-utos si propeta Zefanias: “Humiyaw ka nang may kagalakan, O anak na babae ng Sion! Bumulalas ka sa kasiyahan, O Israel! Magsaya ka at magbunyi nang buong puso, O anak na babae ng Jerusalem! Inalis ni Jehova ang mga kahatulan sa iyo.” (Zefanias 3:14, 15) Tunay na magiging isang nakagagalak na panahon iyon! Nang tipunin na ni Jehova ang isinauling nalabi mula sa Babilonya noong 537 B.C.E., para itong isang pangarap na nagkatotoo.—Awit 126:1.
3. Anong mga katuparan mayroon ang mga makahulang salita ng Isaias kabanata 61?
3 Ang pagsasauling ito ay inihula sa Isaias kabanata 61. Gayunman, bagaman ang hulang iyon ay maliwanag na natupad na noong 537 B.C.E., ito’y matutupad nang mas detalyado sa dakong huli. Ang mas detalyadong katuparan ay nagsasangkot kay Jesus at sa kaniyang mga tagasunod noong unang siglo at sa bayan ni Jehova sa makabagong panahon. Kung gayon, tunay ngang makahulugan ang kinasihang mga salitang ito!
“Ang Taon ng Kabutihang-Loob”
4. Sino ang inatasang maghayag ng mabuting balita sa unang katuparan ng Isaias 61:1, at sino naman sa ikalawa?
4 Sumulat si Isaias: “Ang espiritu ng Soberanong Panginoong Jehova ay sumasaakin, sa dahilang pinahiran ako ni Jehova upang maghayag ng mabuting balita sa maaamo. Isinugo niya ako upang bigkisan ang may pusong wasak, upang maghayag ng paglaya sa mga bihag at ng lubos na pagkakadilat ng mga mata sa mga bilanggo.” (Isaias 61:1) Sino ang inatasang maghayag ng mabuting balita? Malamang, sa unang pagkakataon ay si Isaias, na kinasihan ng Diyos upang mag-ulat ng mabuting balita para sa mga bihag sa Babilonya. Subalit tinukoy ni Jesus ang pinakamahalagang katuparan nang ikapit niya ang mga salita ni Isaias sa kaniyang sarili. (Lucas 4:16-21) Oo, isinugo si Jesus upang maghayag ng mabuting balita sa maaamo, at sa layuning ito ay pinahiran siya ng banal na espiritu nang siya’y bautismuhan.—Mateo 3:16, 17.
5. Sino ang malaon nang nangangaral ng mabuting balita sa loob ng mga 2,000 taon?
5 Bukod diyan, tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na maging mga ebanghelisador, o mángangarál ng mabuting balita. Noong Pentecostes 33 C.E., mga 120 sa mga ito ang pinahiran ng banal na espiritu at naging espirituwal na mga anak ng Diyos. (Gawa 2:1-4, 14-42; Roma 8:14-16) Sila man ay inatasang maghayag ng mabuting balita sa maaamo at may pusong wasak. Ang 120 iyon ang unang kabilang sa 144,000 na papahiran sa ganitong paraan. Ang mga nalabi sa grupong ito ay aktibo pa rin ngayon sa lupa. Kaya naman, sa loob ng mga 2,000 taon, ang pinahirang mga tagasunod ni Jesus ay malaon nang nagpapatotoo “tungkol sa pagsisisi sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesus.”—Gawa 20:21.
6. Sino ang naginhawahan nang marinig ang mabuting balita na ipinangaral noong sinaunang panahon, at kumusta naman sa ngayon?
6 Ang kinasihang mensahe ni Isaias ay nagdulot ng kaginhawahan sa nagsisising mga Judio sa Babilonya. Noong kapanahunan ni Jesus at ng kaniyang mga alagad, nagdulot ito ng kaginhawahan sa mga Judio na may pusong wasak dahil sa kabalakyutan sa Israel at namimighati sa pagkabihag sa huwad na relihiyosong mga tradisyon ng unang-siglong Judaismo. (Mateo 15:3-6) Sa ngayon, milyun-milyong nasilo ng mga paganong kaugalian at lumalapastangan-sa-Diyos na mga tradisyon ng Sangkakristiyanuhan ang “nagbubuntunghininga at dumaraing” dahil sa mga karima-rimarim na bagay na ginagawa sa relihiyosong sistemang iyan. (Ezekiel 9:4) Yaong mga tumutugon sa mabuting balita ay pinalalaya mula sa kahabag-habag na kalagayang iyon. (Mateo 9:35-38) Ang kanilang mga mata ng unawa ay lubos na nadidilat kapag natutuhan nilang sambahin si Jehova “sa espiritu at katotohanan.”—Juan 4:24.
7, 8. (a) Ano ang dalawang “taon ng kabutihang-loob”? (b) Ano ang mga “araw ng paghihiganti” ni Jehova?
7 May talaorasan para sa pangangaral ng mabuting balita. Si Jesus at ang kaniyang mga tagasunod ay inatasan: “Ihayag ang taon ng kabutihang-loob ni Jehova at ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos; upang aliwin ang lahat ng nagdadalamhati.” (Isaias 61:2) Ang isang taon ay matagal na panahon, subalit ito’y may simula at may katapusan. Ang “taon ng kabutihang-loob” ni Jehova ay ang yugto na dito’y binibigyan niya ng pagkakataon ang maaamo na tumugon sa kaniyang paghahayag ng kalayaan.
8 Noong unang siglo, ang taon ng kabutihang-loob para sa bansang Judio ay nagsimula noong 29 C.E. nang pasimulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo sa lupa. Sinabi niya sa mga Judio: “Magsisi kayo, sapagkat ang kaharian ng langit ay malapit na.” (Mateo 4:17) Ang taóng iyon ng kabutihang-loob ay tumagal hanggang sa “araw ng paghihiganti” ni Jehova, na sumapit sa kasukdulan noong 70 C.E. nang payagan ni Jehova na wasakin ng mga hukbong Romano ang Jerusalem at ang templo nito. (Mateo 24:3-22) Tayo sa ngayon ay nabubuhay sa isa pang taon ng kabutihang-loob, isa na nagsimula sa pagtatatag ng Kaharian ng Diyos sa langit noong 1914. Ang taóng ito ng kabutihang-loob ay magtatapos sa isa pang mas malawak na araw ng paghihiganti kapag winasak na ni Jehova ang buong makasanlibutang sistemang ito ng mga bagay sa “malaking kapighatian.”—Mateo 24:21.
9. Sino sa ngayon ang nakikinabang sa taon ng kabutihang-loob ni Jehova?
9 Sino sa ngayon ang nakikinabang sa taon ng kabutihang-loob ng Diyos? Yaong mga tumatanggap sa mensahe, nagpapamalas ng kaamuan, at masigasig na sumusuporta sa paghahayag ng Kaharian ng Diyos sa “lahat ng mga bansa.” (Marcos 13:10) Nakikita ng mga taong ito na ang mabuting balita ay nagdudulot ng tunay na kaaliwan. Subalit yaong mga tumatanggi sa mensahe, anupat ayaw samantalahin ang taon ng kabutihang-loob ni Jehova, ay malapit nang humarap sa katuparan ng kaniyang araw ng paghihiganti.—2 Tesalonica 1:6-9.
Espirituwal na Bungang Lumuluwalhati sa Diyos
10. Paano naapektuhan ang mga Judiong nagbalik mula sa Babilonya dahil sa napakalaking ginawa ni Jehova para sa kanila?
10 Napagtanto ng mga Judiong nagbalik mula sa Babilonya na si Jehova ay may napakalaking ginawa para sa kanila. Ang kanilang pagdadalamhati bilang mga bihag ay naging pagbubunyi at kapurihan sapagkat sa wakas ay napalaya na rin sila. Kaya naman, tinupad ni Isaias ang makahulang atas sa kaniya, samakatuwid nga, “upang magtalaga sa mga nagdadalamhati dahil sa Sion, upang magbigay sa kanila ng putong kahalili ng abo, ng langis ng pagbubunyi kahalili ng pagdadalamhati, ng balabal ng kapurihan kahalili ng espiritu ng pagkasira ng loob; at sila ay tatawaging malalaking punungkahoy ng katuwiran, ang taniman ni Jehova, upang siya ay mapaganda.”—Isaias 61:3.
11. Sino noong unang siglo ang may mabuting dahilan upang purihin si Jehova dahil sa kaniyang napakalaking ginawa?
11 Noong unang siglo, ang mga Judiong tumanggap ng paglaya mula sa pagkakagapos sa huwad na relihiyon ay pumuri rin sa Diyos dahil sa kaniyang napakalaking ginawa para sa kanila. Ang kanilang espiritu ng pagkasira ng loob ay napalitan ng “balabal ng kapurihan” nang sila’y iligtas mula sa isang bansang patay sa espirituwal. Ang gayong pagbabago ay unang naranasan ng mga alagad ni Jesus nang ang kanilang pagdadalamhati dahil sa kaniyang kamatayan ay napalitan ng pagsasaya nang sila’y pahiran ng banal na espiritu ng kanilang binuhay-muling Panginoon. Di-nagtagal pagkatapos nito, isang katulad na pagbabago ang naranasan ng 3,000 maaamong indibiduwal na tumugon sa pangangaral niyaong mga bagong pinahirang Kristiyano at nagpabautismo noong Pentecostes 33 C.E. (Gawa 2:41) Napakabuti nga na magtaglay ng pagtitiwalang natatamo nila ang pagpapala ni Jehova! Sa halip na ‘magdalamhati dahil sa Sion,’ tumanggap sila ng banal na espiritu at napaginhawa ng “langis ng pagbubunyi,” na sumasagisag sa pagbubunyi niyaong mga saganang pinagpapala ni Jehova.—Hebreo 1:9.
12, 13. (a) Sinu-sino ang “malalaking punungkahoy ng katuwiran” na kabilang sa nagbalik na mga Judio noong 537 B.C.E.? (b) Sino ang naging “malalaking punungkahoy ng katuwiran” mula noong Pentecostes 33 C.E.?
12 Pinagpapala ni Jehova ang kaniyang bayan ng “malalaking punungkahoy ng katuwiran.” Sinu-sino ba ang malalaking punungkahoy na ito? Noong mga taon pagkalipas ng 537 B.C.E., sila ang mga indibiduwal na nag-aral at nagbulay-bulay sa Salita ng Diyos at naglinang ng matuwid na mga pamantayan ni Jehova. (Awit 1:1-3; Isaias 44:2-4; Jeremias 17:7, 8) Ang mga lalaking gaya nina Ezra, Hagai, Zacarias, at ang Mataas na Saserdoteng si Josue ay napatunayang katangi-tanging “malalaking punungkahoy”—mga tagapagtanggol ng katotohanan at laban sa espirituwal na karumihan sa bansa.
13 Mula noong Pentecostes 33 C.E. at patuloy, ang Diyos ay nagtatanim ng katulad na “malalaking punungkahoy ng katuwiran”—matatapang na pinahirang mga Kristiyano—sa espirituwal na lupain ng kaniyang bagong bansa, ang “Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16) Sa paglipas ng maraming siglo, ang mga “punungkahoy” na ito ay umabot sa bilang na 144,000, na nagluluwal ng matuwid na mga bunga upang pagandahin, o dulutan ng kaluwalhatian, ang Diyos na Jehova. (Apocalipsis 14:3) Ang mga huling kabilang sa maringal na mga “punungkahoy” na ito ay lumago noong mga taon mula 1919, nang muling pasiglahin ni Jehova ang natitira sa Israel ng Diyos mula sa kanilang pansamantalang kalagayang di-aktibo. Sa pamamagitan ng paglalaan sa kanila ng saganang suplay ng espirituwal na tubig, si Jehova ay nakagawa ng isang mistulang kagubatan ng matuwid at namumungang mga punungkahoy.—Isaias 27:6.
14, 15. Anong mga proyekto ang ginawa ng mga pinalayang mananamba ni Jehova simula noong (a) 537 B.C.E.? (b) 33 C.E.? (c) 1919?
14 Bilang pagtatampok sa gawain ng mga “punungkahoy” na ito, nagpatuloy si Isaias: “Muli nilang itatayo ang mga dakong matagal nang wasak; ibabangon nila ang mga tiwangwang na dako ng mga panahong nagdaan, at tiyak na gagawin nila nang panibago ang mga wasak na lunsod, ang mga dakong tiwangwang sa sali’t salinlahi.” (Isaias 61:4) Dahil sa dekreto ni Haring Ciro ng Persia, muling itinayo ng tapat na mga Judio na nagbalik mula sa Babilonya ang Jerusalem at ang templo nito, na napakatagal nang napabayaang nakatiwangwang. Ang mga proyekto ng pagsasauli ay makikita rin sa mga taon pagkalipas ng 33 C.E. at 1919.
15 Noong 33 C.E., lubhang nalungkot ang mga alagad ni Jesus nang siya’y arestuhin, litisin, at patayin. (Mateo 26:31) Gayunman, nagbago ang kanilang pangmalas nang siya’y magpakita sa kanila matapos siyang buhaying muli. At nang sila’y mabuhusan ng banal na espiritu, sila’y naging abala sa gawaing pangangaral ng mabuting balita, “kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Sa gayon ay sinimulan nilang isauli ang dalisay na pagsamba. Sa katulad na paraan, mula 1919 at patuloy, pinangyayari ni Jesu-Kristo na maitayong muli ng nalabi ng kaniyang pinahirang mga kapatid ang “mga dakong tiwangwang sa sali’t salinlahi.” Maraming siglo nang bigo ang klero ng Sangkakristiyanuhan na ipabatid ang kaalaman tungkol kay Jehova, anupat pinalitan ito ng gawang-taong mga tradisyon at di-makakasulatang mga doktrina. Nilinis ng pinahirang mga Kristiyano ang kanilang mga kongregasyon mula sa mga gawaing may bahid ng huwad na relihiyon upang magpatuloy ang pagsasauli ng tunay na pagsamba. At pinasimulan nila ang pinakamalaking kampanya ng pagpapatotoo na ngayon lamang mararanasan ng daigdig.—Marcos 13:10.
16. Sino ang malaon nang tumutulong sa pinahirang mga Kristiyano sa kanilang gawaing pagsasauli, at anong mga gawain ang ipinagkatiwala sa kanila?
16 Ito’y isang napakalaking atas. Paano kaya maisasakatuparan ng iilang nalalabi ng Israel ng Diyos ang ganitong gawain? Kinasihan ni Jehova si Isaias na magpahayag: “Mga taga-ibang bayan ang tatayo at magpapastol sa mga kawan ninyo, at ang mga banyaga ay magiging inyong mga magsasaka at inyong mga tagapag-alaga ng ubasan.” (Isaias 61:5) Ang makasagisag na mga taga-ibang bayan at mga banyaga ay napatunayang “isang malaking pulutong” ng “ibang mga tupa” ni Jesus.a (Apocalipsis 7:9; Juan 10:11, 16) Sila’y hindi pinahiran ng banal na espiritu ukol sa isang makalangit na mana. Sa halip, taglay nila ang pag-asang buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa. (Apocalipsis 21:3, 4) Subalit iniibig pa rin nila si Jehova at sila’y pinagkatiwalaan ng espirituwal na pagpapastol, pagsasaka, at pag-aalaga ng ubasan. Ang gayong mga gawain ay hindi hamak na mga trabaho. Sa ilalim ng pangangasiwa ng mga nalalabi ng Israel ng Diyos, ang mga manggagawang ito ay tumutulong sa pagpapastol, pangangalaga, at pag-aani ng mga tao.—Lucas 10:2; Gawa 20:28; 1 Pedro 5:2; Apocalipsis 14:15, 16.
17. (a) Ano ang itatawag sa mga miyembro ng Israel ng Diyos? (b) Ano ang tanging hain na kailangan upang mapatawad ang mga kasalanan?
17 Kumusta naman ang Israel ng Diyos? Sinabi sa kanila ni Jehova, sa pamamagitan ni Isaias: “Kung tungkol sa inyo, tatawagin kayong mga saserdote ni Jehova; tutukuyin kayo bilang mga lingkod ng ating Diyos. Ang yaman ng mga bansa ay kakainin ninyo, at sa kanilang kaluwalhatian ay magsasalita kayo nang may kagalakan tungkol sa inyong sarili.” (Isaias 61:6) Sa sinaunang Israel, inilaan ni Jehova ang Levitikong pagkasaserdote upang maghandog ng mga hain para sa mga saserdote mismo at sa kapuwa nila mga Israelita. Gayunman, noong 33 C.E., hindi na ginamit ni Jehova ang Levitikong pagkasaserdote at pinasimulan ang isang mas mainam na kaayusan. Tinanggap niya ang sakdal na buhay ni Jesus bilang hain para sa mga kasalanan ng sangkatauhan. Mula noon, hindi na nangailangan ng iba pang hain. Ang hain ni Jesus ay may bisa sa lahat ng panahon.—Juan 14:6; Colosas 2:13, 14; Hebreo 9:11-14, 24.
18. Anong uri ng pagkasaserdote ang binubuo ng Israel ng Diyos, at ano ang iniatas sa kanila?
18 Kung gayon, paanong ang mga miyembro ng Israel ng Diyos ay “mga saserdote ni Jehova”? Sa pagliham sa kaniyang kapuwa pinahirang mga Kristiyano, sinabi ni apostol Pedro: “Kayo ay ‘isang piniling lahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari, upang ipahayag ninyo nang malawakan ang mga kagalingan’ ng isa na tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.” (1 Pedro 2:9) Samakatuwid, bilang isang grupo, ang pinahirang mga Kristiyano ay bumubuo ng isang pagkasaserdote na may espesipikong atas: ihayag sa mga bansa ang tungkol sa kaluwalhatian ni Jehova. Sila’y magiging mga saksi niya. (Isaias 43:10-12) Sa buong panahon ng mga huling araw, buong-katapatang ginagampanan ng pinahirang mga Kristiyano ang napakahalagang atas na ito. Bilang resulta, milyun-milyon na ngayon ang nakikisama sa kanila sa gawaing pagpapatotoo tungkol sa Kaharian ni Jehova.
19. Anong paglilingkod ang pribilehiyong isagawa ng pinahirang mga Kristiyano?
19 Karagdagan pa, ang mga miyembro ng Israel ng Diyos ay may pag-asang maglingkod bilang mga saserdote sa isa pang paraan. Pagkamatay nila, sila’y bubuhaying-muli tungo sa imortal na buhay sa langit bilang espiritu. Doon ay maglilingkod sila hindi lamang bilang mga tagapamahalang kasama ni Jesus sa kaniyang Kaharian kundi bilang mga saserdote rin ng Diyos. (Apocalipsis 5:10; 20:6) Dahil dito, sila’y magkakapribilehiyo na ikapit ang mga pakinabang ng haing pantubos ni Jesus sa tapat na sangkatauhan sa lupa. Sa pangitain ni apostol Juan na nakaulat sa Apocalipsis kabanata 22, sila’y inilarawang muli bilang “mga punungkahoy.” Lahat ng 144,000 na “mga punungkahoy” ay nakikita sa langit, na nagluluwal ng “labindalawang ani ng bunga, na nagbibigay ng kanilang mga bunga sa bawat buwan. At ang mga dahon ng mga punungkahoy ay para sa pagpapagaling sa mga bansa.” (Apocalipsis 22:1, 2) Isa nga iyang kamangha-manghang paglilingkod bilang saserdote!
Kahihiyan at Pagkaaba, Pagkatapos ay Pagsasaya
20. Sa kabila ng pagsalansang, anong pagpapala ang hinihintay ng maharlikang pagkasaserdote?
20 Mula noong 1914 nang magsimula ang taon ng kabutihang-loob ni Jehova, ang maharlikang pagkasaserdote ay palagi na lamang napapaharap sa pagsalansang mula sa klero ng Sangkakristiyanuhan. (Apocalipsis 12:17) Sa kabila nito, lahat ng pagsisikap na patigilin ang pangangaral ng mabuting balita ay humantong sa kabiguan. Inihula ito sa Isaias, na sinasabi: “Kahalili ng inyong kahihiyan ay magkakaroon ng dobleng bahagi, at kahalili ng pagkaaba ay hihiyaw sila nang may kagalakan dahil sa kanilang bahagi. Kaya sa kanilang lupain ay aariin nga nila ang dobleng bahagi. Pagsasaya hanggang sa panahong walang takda ang mapapasakanila.”—Isaias 61:7.
21. Paano nagtamasa ng dobleng bahagi ng mga pagpapala ang pinahirang mga Kristiyano?
21 Noong Digmaang Pandaigdig I, ang pinahirang nalabi ay dumanas ng kahihiyan at pagkaaba sa kamay ng nasyonalistikong Sangkakristiyanuhan. Ang mga miyembro ng klero ay kabilang sa mga may-kabulaanang nagparatang ng sedisyon sa walong tapat na mga kapatid mula sa punong-tanggapan sa Brooklyn. Ang mga kapatid na ito ay di-makatarungang ibinilanggo sa loob ng siyam na buwan. Sa wakas, noong tagsibol ng 1919, sila’y pinalaya, at nang maglaon ay iniurong na ang lahat ng paratang laban sa kanila. Kaya naman nabaligtad ang pakanang patigilin ang gawaing pangangaral. Sa halip na pabayaang dumanas ng walang-katapusang kahihiyan ang kaniyang mga mananamba, pinalaya sila ni Jehova at isinauli sa kanilang espirituwal na ari-arian, ang “kanilang lupain.” Doon ay tumanggap sila ng dobleng bahagi ng mga pagpapala. Saganang natumbasan ng pagpapala ni Jehova ang lahat ng kanilang dinanas. Talaga ngang may dahilan sila upang humiyaw nang may kagalakan!
22, 23. Paano tinularan ng pinahirang mga Kristiyano si Jehova, at paano niya sila ginantimpalaan?
22 Ang sumunod na sinabi ni Jehova ay naglaan ng isa pang dahilan upang magsaya ang mga Kristiyano sa ngayon: “Ako, si Jehova, ay umiibig sa katarungan, napopoot sa pagnanakaw at sa kalikuan. At ibibigay ko ang kanilang kabayaran sa katapatan, at isang tipan na namamalagi nang walang takda ang pagtitibayin ko sa kanila.” (Isaias 61:8) Sa pag-aaral nila ng Bibliya, natutuhan ng pinahirang nalabi na ibigin ang katarungan at kapootan ang kabalakyutan. (Kawikaan 6:12-19; 11:20) Natutuhan nilang ‘pukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod,’ anupat nananatiling neutral sa mga digmaan at pulitikal na mga kaguluhan ng sangkatauhan. (Isaias 2:4) Iniwan din nila ang mga gawaing lumalapastangan sa Diyos, gaya ng paninirang-puri, pangangalunya, pagnanakaw, at paglalasing.—Galacia 5:19-21.
23 Dahil taglay rin ng pinahirang mga Kristiyano ang pag-ibig sa katarungan ng kanilang Maylalang, ibinigay sa kanila ni Jehova ang “kanilang kabayaran sa katapatan.” Isa sa gayong “kabayaran” ay ang isang tipang namamalagi nang walang takda—ang bagong tipan—na inihayag ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod noong bisperas ng kaniyang kamatayan. Dahil sa tipang ito kung kaya sila naging isang espirituwal na bansa, ang pantanging bayan ng Diyos. (Jeremias 31:31-34; Lucas 22:20) Sa ilalim nito, ikakapit ni Jehova ang lahat ng mga pakinabang ng haing pantubos ni Jesus, lakip na ang kapatawaran ng mga kasalanan kapuwa para sa mga pinahiran at sa lahat ng iba pang tapat mula sa sangkatauhan.
Pagbubunyi sa mga Pagpapala ni Jehova
24. Sino mula sa mga bansa “ang supling” na pinagpala, at paano sila naging “supling”?
24 Ang ilan mula sa mga bansa ay kumilala sa pagpapala ni Jehova sa kaniyang bayan. Ito’y inihula ng pangako ni Jehova: “Ang kanilang supling ay makikilala sa gitna ng mga bansa, at ang kanilang mga inapo sa gitna ng mga bayan. Ang lahat ng makakakita sa kanila ay makakakilala sa kanila, na sila ang supling na pinagpala ni Jehova.” (Isaias 61:9) Ang mga miyembro ng Israel ng Diyos, ang pinahirang mga Kristiyano, ay naging aktibo sa gitna ng mga bansa sa panahon ng taon ng kabutihang-loob ni Jehova. Sa ngayon ay umaabot na sa milyun-milyon ang tumugon sa kanilang ministeryo. Sa pamamagitan ng paggawang kaisa ng Israel ng Diyos, yaong mula sa mga bansa ay may pribilehiyong maging “ang supling na pinagpala ni Jehova.” Nakikita ng buong sangkatauhan ang kanilang maligayang kalagayan.
25, 26. Paanong nadarama rin ng lahat ng mga Kristiyano ang ipinahayag sa Isaias 61:10?
25 Lahat ng mga Kristiyano, kapuwa ang mga pinahiran at ang ibang mga tupa, ay nasasabik na purihin si Jehova magpakailanman. Buong-puso silang sumasang-ayon kay propeta Isaias, na nagsabi sa ilalim ng pagkasi: “Walang pagsalang magbubunyi ako kay Jehova. Ang aking kaluluwa ay magagalak sa aking Diyos. Sapagkat dinamtan niya ako ng mga kasuutan ng kaligtasan; ang walang-manggas na damit ng katuwiran ay ibinalot niya sa akin, tulad ng kasintahang lalaki na, gaya ng saserdote, ay naglalagay ng putong, at tulad ng kasintahang babae na naggagayak ng kaniyang mga palamuti.”—Isaias 61:10.
26 Nadaramtan ng “walang-manggas na damit ng katuwiran,” determinado ang pinahirang mga Kristiyano na manatiling dalisay at malinis sa paningin ni Jehova. (2 Corinto 11:1, 2) Yamang sila’y ipinahayag ni Jehova na matuwid ukol sa pagmamana ng makalangit na buhay, hindi na sila muling babalik sa tiwangwang na lupain ng Babilonyang Dakila, na mula roon ay pinalaya na sila. (Roma 5:9; 8:30) Ang mga kasuutan ng kaligtasan ay hindi matutumbasan ng salapi para sa kanila. Ang kanilang kasamang ibang mga tupa ay determinado rin na sundin ang matataas na pamantayan ng Diyos na Jehova ukol sa dalisay na pagsamba. Palibhasa’y “nilabhan nila ang kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero,” sila’y ipinahahayag na matuwid at makaliligtas sa “malaking kapighatian.” (Apocalipsis 7:14; Santiago 2:23, 25) Hanggang sa sumapit iyon, tinutularan nila ang kanilang pinahirang mga kasama sa pag-iwas na mahawahan ng Babilonyang Dakila.
27. (a) Sa panahon ng Milenyong Paghahari, anong mahalagang “pagsibol” ang mangyayari? (b) Paanong ang katuwiran ay sumisibol na sa sangkatauhan?
27 Sa ngayon ay nalulugod ang mga mananamba ni Jehova na sila’y nasa espirituwal na paraiso. Di-magtatagal at tatamasahin din nila ang Paraiso sa pisikal na diwa. Buong-puso nating pinananabikan ang panahong iyon, na maliwanag na inilarawan sa pangwakas na pananalita sa Isaias kabanata 61: “Kung paanong ang lupa ay nagpapatubo ng sibol nito, at kung paanong ang hardin ay nagpapasibol ng mga bagay na inihahasik doon, sa katulad na paraan ay pangyayarihin ng Soberanong Panginoong Jehova ang pagsibol ng katuwiran at ng kapurihan sa harap ng lahat ng mga bansa.” (Isaias 61:11) Sa panahon ng Milenyong Paghahari ni Kristo, mararanasan ng lupa ang “pagsibol ng katuwiran.” Ang mga tao ay matagumpay na hihiyaw, at lalaganap ang katuwiran hanggang sa mga dulo ng lupa. (Isaias 26:9) Gayunman, hindi na natin kailangan pang hintayin ang maluwalhating araw na iyon upang pumuri sa harap ng lahat ng mga bansa. Ang katuwiran ay sumisibol na sa milyun-milyon na lumuluwalhati sa Diyos ng kalangitan at naghahayag ng mabuting balita tungkol sa kaniyang Kaharian. Kahit ngayon pa lamang, ang ating pananampalataya at ang ating pag-asa ay nagbibigay na sa atin ng lahat ng dahilan upang magbunyi sa mga pagpapala ng ating Diyos.
[Talababa]
a Ang Isaias 61:5 ay maaaring nagkaroon ng katuparan noong sinaunang panahon, yamang ang mga di-Judio ay sumama sa likas na mga Judio nang bumalik ang mga ito sa Jerusalem at malamang na tumulong sa pagsasauli ng lupain. (Ezra 2:43-58) Gayunman, mula sa talatang 6 ang hula ay waring kumakapit lamang sa Israel ng Diyos.
[Larawan sa pahina 323]
Si Isaias ay may mabuting balita na ihahayag sa mga bihag na Judio
[Larawan sa pahina 331]
Simula noong 33 C.E., nagtanim si Jehova ng 144,000 “malalaking punungkahoy ng katuwiran”
[Larawan sa pahina 334]
Ang lupa ay magsisibol ng katuwiran