ARALIN 2
Mga Salitang Binigkas Nang Maliwanag
UPANG maging mabisa ang pakikipagtalastasan, kailangan mong magsalita nang maliwanag. Maaaring kapana-panabik o mahalaga pa nga ang nais mong sabihin, subalit malaki ang mawawala rito kung ang iyong mga salita ay hindi madaling maunawaan.
Ang mga tao ay hindi magaganyak ng pananalitang hindi nila talagang nauunawaan. Bagaman ang isang tao ay may malakas na tinig at madaling marinig, kung ang kaniya namang mga salita ay malabo, hindi nito mapakikilos ang iba. Para siyang nagsasalita ng banyagang wika na hindi naiintindihan ng mga nakikinig. (Jer. 5:15) Ang Bibliya ay nagpapaalaala sa atin: “Kung ang trumpeta ay nagpapatunog ng malabong panawagan, sino ang maghahanda para sa pakikipagbaka? Sa gayunding paraan, malibang bumigkas kayo sa pamamagitan ng dila ng pananalitang madaling maunawaan, paano malalaman kung ano ang sinasalita? Sa katunayan ay magsasalita kayo sa hangin.”—1 Cor. 14:8, 9.
Ano ang Nagpapalabo sa Pagsasalita? Marahil ay ang di-sapat na pagbubuka ng bibig. Ang matitigas na kalamnan sa panga at ang mga labi na bahagyang kumikilos ay magpapahumal sa pagsasalita.
Ang pagsasalita nang masyadong mabilis ay maaari ring mahirap intindihin. Iyo’y nakakatulad ng pagpapatugtog sa isang nakarekord na pahayag nang mas matulin pa kaysa nakadisenyong bilis nito. Naroroon ang mga salita, subalit ang karamihan ay hindi naman maintindihan.
Sa ilang kaso, ang malabong pagsasalita ay kaugnay ng isang depekto sa kayarian ng mga sangkap sa pagsasalita. Subalit kahit na yaong mga kailangang humarap sa gayong suliranin ay malaki ang magagawa upang sumulong sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga mungkahi sa araling ito.
Gayunman, kadalasan, ang malabong pagsasalita ay dahil sa pagdaplis ng mga salita—na binibigkas ang mga ito nang kabit-kabit anupat nagiging mahirap unawain. Maaaring kasama sa problema ang paglaktaw sa mga pantig o mahahalagang letra o di-pagbigkas ng ilang letra sa dulo ng mga salita. Kapag walang patumanggang binibigkas ng isang tao ang mga salita nang kabit-kabit, maaaring makuha ng kaniyang mga tagapakinig ang ilang ideya at mga parirala subalit kailangang hulaan ang iba pa. Ang hindi pagbigkas nang maliwanag ay makasisira sa mabisang pagtuturo ng isang tao.
Kung Paano Magsasalita Nang Maliwanag. Ang isa sa mga susi sa pagsasalita nang maliwanag ay ang pagkaunawa sa balangkas ng mga salita sa iyong wika. Sa maraming wika, ang mga salita ay binubuo ng mga pantig. Ang mga pantig ay binubuo ng isa o higit pang mga letra na binibigkas bilang isang yunit. Sa gayong mga wika, bawat pantig ay karaniwan nang binibigkas kapag nagsasalita ka, bagaman hindi lahat ay nagtataglay ng magkaparehong antas ng pagdiriin. Kung nais mong mapasulong ang pagiging maliwanag ng iyong pagsasalita, magdahan-dahan at gawin ang iyong makakaya upang mabigkas ang bawat pantig. Sa simula, ito ay maaaring maging masyadong eksakto sa pandinig, subalit habang nagsasanay ka, unti-unting dudulas ang iyong pagsasalita. Alang-alang sa katatasan, walang pagsalang bibigkasin mo ang ilang salita nang walang gaanong paghinto, subalit dapat na iwasan ito kung may panganib na lumabo ang diwa ng mga salita.
Isang babala: Upang malinang ang malinaw na pagbigkas mo ng salita, maaaring insayuhin mo ang pagsasalita at pagbabasa sa masyadong eksaktong paraan. Subalit huwag hayaan iyon na maging regular na paraan ng iyong pagsasalita. Iyon ay magiging artipisyal at hindi natural.
Kung ang tono ng iyong pagsasalita ay medyo humal, pag-aralang itaas ang iyong ulo at ilayo ang iyong baba mula sa iyong dibdib. Kapag bumabasa mula sa Bibliya, hawakan ang aklat nang may sapat na taas upang ang paglilipat ng iyong tingin mula sa tagapakinig tungo sa iyong Bibliya ay mangailangan lamang ng bahagyang pagtingin sa ibaba. Magpapangyari ito na ang iyong mga salita ay lumabas nang hindi impit.
Ang pagkaalam kung paano aalisin ang tensiyon ay magpapasulong din sa iyong pagsasalita. Pangkaraniwan nang alam na ang tensiyon sa mga kalamnan ng mukha o doon sa mga kumukontrol sa iyong paghinga ay maaaring magdulot ng masamang epekto sa mekanismo ng pagsasalita. Ang gayong tensiyon ay humahadlang sa maayos na koordinasyon na dapat na umiral sa pagitan ng iyong isip, mga sangkap sa pagsasalita, at kontrol sa paghinga—isang pagkilos na dapat na maging maayos at natural.
Ang mga kalamnan sa panga ay kailangang nakarelaks upang sumunod kaagad ang mga ito sa direksiyon mula sa utak. Ang mga labi ay kailangan ding nakarelaks. Kailangang maging handa ang mga ito sa dagling paglaki at pagliit upang mabuo nito ang maraming tunog na nagmumula sa bibig at sa lalamunan. Kung ang panga at mga labi ay maigting, ang bibig ay hindi bubuka nang wasto, at ang tunog ay mapupuwersang lumabas sa ngipin. Ito ay magbubunga ng gumagaralgal, humal at malabong pagsasalita. Gayunman, ang pagrerelaks ng panga at mga labi ay hindi nangangahulugan ng pagiging pabaya sa paraan ng pagbigkas ng mga salita. Kailangang maging katimbang ito ng kinagawian mong pagbuo ng mga tunog upang maging malinaw ang pagbigkas.
Sa pagsusuri sa iyong kalagayan, maaaring masumpungan mong makatutulong ang pagbabasa nang malakas. Maingat na pag-aralan kung paano mo ginagamit ang kamangha-manghang mga sangkap sa pagsasalita. Ibinubuka mo ba nang sapat ang iyong bibig upang ang tunog ng pagsasalita ay lumabas nang walang hadlang? Dapat mong tandaan na hindi lamang ang dila ang tanging sangkap sa pagsasalita, bagaman ito ang pinakaabala. Ang leeg, ang ibabang panga, ang mga labi, ang mga kalamnan sa mukha, at ang mga kalamnan sa lalamunan ay pawang may ginagampanang bahagi. Habang nagsasalita ka, wari bang ginagawa mo iyon nang halos hindi kumikilos ang iyong mukha? Kung gayon, may malaking posibilidad na ang iyong pagsasalita ay malabo.
Kung may magagamit kang tape recorder, irekord mo ang iyong sariling tinig habang nagsasalita ka sa isang natural na paraan, gaya ng gagawin mo sa sinuman kapag nasa ministeryo ka sa larangan. Irekord sa loob ng ilang minuto ang pagsasalita na parang nakikipag-usap. Ang pakikinig sa gayong recording ay makatutulong sa iyo upang matiyak ang anumang suliraning taglay mo sa maliwanag na pagbigkas ng ilang salita. Bantayan ang mga pagdaplis, pagkahumal, o pagbabawas ng mga salita, at pagsikapang alamin ang sanhi nito. Kadalasang malulunasan ang kahinaan sa pamamagitan ng pagsasagawa sa mga puntong tinalakay sa itaas.
Mayroon ka bang kapansanan sa pagsasalita? Mag-insayo sa pagbuka ng iyong bibig nang malaki-laki pa kaysa sa dati mong ginagawa, at pagsikapang gawing mas malinaw ang pagbigkas. Punuin ang iyong mga baga ng hangin kapag ikaw ay humihinga, at magsalita nang marahan. Ang paggawa nito ay nagpangyari sa maraming may kapansanan sa pagsasalita na makapagsalita nang mas maliwanag. Kung ikaw ay may dikit na dila, ilayo ang iyong dila sa iyong mga ngipin sa unahan kapag binibigkas ang tunog ng s at z sa mga salita. Bagaman ang iyong problema ay maaaring hindi lubusang malutas, huwag masisiphayo. Tandaan na pinili ni Jehova si Moises, isang lalaki na maaaring may kapansanan sa pagsasalita, upang magpahayag ng mahahalagang mensahe kapuwa sa bayan ng Israel at sa Paraon ng Ehipto. (Ex. 4:10-12) Kung ikaw ay may pagnanais, gagamitin ka rin niya, at pagpapalain niyang magtagumpay ang iyong ministeryo.