ARALIN 5
Angkop na Sandaling Paghinto
SA PAGSASALITA, ang wastong mga sandaling paghinto ay mahalaga. Ito ay totoo kahit na nagbibigay ka ng isang diskurso o nakikipag-usap sa isang indibiduwal. Kung wala ang gayong mga sandaling paghinto, ang anumang sinasabi ay parang alingawngaw na lamang sa halip na maliwanag na kapahayagan ng mga ideya. Ang angkop na sandaling paghinto ay tumutulong upang magdagdag ng linaw sa iyong pagsasalita. Ito rin ay maaaring gamitin upang ang iyong mga pangunahing punto ay lubos na maikintal sa isipan.
Paano mo matitiyak kung kailan ka dapat sandaling huminto? Gaano ang dapat itagal ng mga sandaling paghinto?
Sandaling Paghinto Upang Magbantas. Ang bantas ay naging isang mahalagang bahagi ng nasusulat na wika. Ito ay maaaring magpahiwatig ng pagtatapos ng isang pangungusap o ng isang tanong. Sa ilang wika ay ginagamit ito upang ipakita ang mga pagsipi. Ang ilang bantas ay nagpapahiwatig ng kaugnayan ng isang bahagi ng isang pangungusap sa iba pang mga bahagi nito. Maaaring makita ng isang tao na nagbabasa sa ganang sarili ang mga bantas. Subalit kapag siya ay nagbabasa nang malakas sa kapakinabangan ng iba, dapat na itawid ng kaniyang tinig ang kahulugan ng anumang bantas na lumilitaw sa nakasulat na materyal. (Para sa karagdagang detalye, tingnan ang Aralin 1, “Tumpak na Pagbabasa.”) Magiging mahirap para sa iba na maunawaan ang binabasa mo o makasisira pa nga sa kahulugan ng nilalaman nito ang hindi paghinto nang sandali kapag hinihiling ito ng bantas.
Bukod pa sa bantas, ang paraan ng pagpapahayag ng mga ideya sa isang pangungusap ay magpapakita kung saan angkop ang sandaling paghinto. Isang bantog na musikero ang minsa’y nagsabi: “Ang pagtugtog ko sa mga nota ay hindi nakahihigit kaysa iba pang mga piyanista. Subalit ang mga sandaling paghinto sa pagitan ng mga nota, ah, naroroon ang sining.” Ito ay nakakatulad ng pagsasalita. Ang angkop na sandaling paghinto ay magpapaganda at magbibigay ng kahulugan sa iyong inihandang-mabuti na materyal.
Sa paghahanda upang bumasa sa madla, masusumpungan mong nakatutulong na markahan ang babasahin mong nakalimbag na materyal. Maglagay ng isang maliit na linyang patindig kung saan mo ipapasok ang sandaling paghinto, marahil ay isa lamang panandaliang pagtigil. Gumamit ng dalawang magkalapit na linyang patindig para sa mas mahabang paghinto. Kung masumpungan mong naaasiwa ka sa isang pananalita at paulit-ulit kang humihinto sa maling lugar, markahan ito ng lapis upang pagdugtungin ang lahat ng salita na bumubuo sa mahirap na parirala. Pagkatapos ay basahin ang parirala mula sa pasimula hanggang sa katapusan. Ginagawa ito ng maraming makaranasang tagapagsalita.
Ang sandaling paghinto sa pang-araw-araw na pagsasalita ay kadalasang hindi nagiging suliranin sapagkat nalalaman mo ang mga ideya na nais mong ihatid. Gayunman, kung nahirati ka sa sandaling paghinto nang palagian nang hindi na isinasaalang-alang kung ano ang ipinahihiwatig ng diwa, ang iyong pagsasalita ay mawawalan ng puwersa at kalinawan. Ang mga mungkahi para sa pagpapasulong ay ibinigay sa Aralin 4, “Matatas na Pagpapahayag.”
Sandaling Paghinto Para sa Pagbabago ng Diwa. Kapag lumilipat ka mula sa isang pangunahing punto tungo sa iba, ang paghinto ay magbibigay sa iyong tagapakinig ng pagkakataong mag-isip, makibagay, pansinin ang pagbabago ng direksiyon, at higit pang maliwanagan ang susunod na puntong ihaharap. Ang sandaling paghinto mo mula sa isang ideya tungo sa iba ay kasinghalaga ng pagpapabagal mo ng takbo kapag lumiliko ka mula sa isang kalye patungo sa iba.
Ang isang dahilan kung bakit ang ilang tagapagsalita ay nagmamadali mula sa isang ideya tungo sa susunod nang walang sandaling paghinto ay dahil sa sinisikap nilang saklawin ang napakaraming materyal. Para sa ilan, ipinakikita ng ganitong ugali kung ano ang kanilang paraan ng pagsasalita sa araw-araw. Marahil ang lahat ng nakapalibot sa kanila ay nagsasalita sa gayunding paraan. Subalit hindi ito ang paraan ng mabisang pagtuturo. Kung mayroon kang sasabihin na karapat-dapat marinig at karapat-dapat matandaan, kung gayon, maglaan ng sapat na panahon upang palitawin nang maliwanag ang ideya. Kilalanin na ang mga sandaling paghinto ay mahalaga sa pagsasalita na naghahatid nang maliwanag na mga ideya.
Kung ikaw ay magpapahayag mula sa isang balangkas, ang iyong materyal ay dapat organisahin sa paraan na magiging maliwanag kung saan dapat na sandaling huminto sa pagitan ng mga pangunahing punto. Kung magbabasa ka ng isang manuskrito, markahan ang mga lugar ng pagbabago mula sa isang pangunahing punto tungo sa susunod.
Ang mga sandaling paghinto para sa pagbabago ng ideya ay kadalasang mas mahaba kaysa sa mga sandaling paghinto dahil sa bantas—subalit, hindi naman masyadong mahaba anupat parang tumatagal tuloy ang pahayag. Kung ang mga ito ay napakahaba, magbibigay ang mga ito ng impresyon na ikaw ay hindi handa at nag-aapuhap kung ano ang susunod na sasabihin.
Sandaling Paghinto Para sa Pagdiriin. Ang sandaling paghinto para sa pagdiriin ay kadalasang dramatiko, alalaong baga, isa na nauuna o kasunod ng isang pangungusap o ng isang tanong na ipinahayag nang may pagdiriin. Ang gayong sandaling paghinto ay nagbibigay ng pagkakataon sa tagapakinig na pag-isipan kung ano ang kasasabi pa lamang, o ito ay lumilikha ng pananabik sa kung ano ang kasunod. Ang mga ito ay hindi magkapareho. Pagpasiyahan kung aling paraan ang angkop na gamitin. Subalit ingatan sa isip na ang mga sandaling paghinto para sa pagdiriin ay dapat na limitado sa talagang mahahalagang pananalita. Kung hindi, ang halaga ng mga pananalitang iyon ay mawawala.
Nang si Jesus ay bumasa nang malakas mula sa Kasulatan sa sinagoga ng Nazaret, ginamit niya nang mabisa ang sandaling paghinto. Una, binasa niya ang kaniyang atas mula sa balumbon ni propeta Isaias. Gayunman, bago ikinapit iyon, kaniyang inilulon ang balumbon, isinauli ito sa tagapaglingkod, at umupo. Pagkatapos, habang ang mga mata ng lahat sa sinagoga ay nakatuong mabuti sa kaniya, sinabi niya: “Ngayon ay natutupad ang kasulatang ito na karirinig lamang ninyo.”—Luc. 4:16-21.
Sandaling Paghinto Kapag Hinihiling Ito ng mga Kalagayan. Ang mga pagkagambala ay maaaring humiling sa iyo paminsan-minsan na huminto sandali sa iyong pagsasalita. Ang ingay ng dumaraang mga sasakyan o ang pag-iyak ng isang bata ay maaaring humiling ng paghinto sa pakikipag-usap sa isang may-bahay na natagpuan mo sa ministeryo sa larangan. Kung ang pagkagambala sa lugar ng asamblea ay hindi naman masyadong matindi, maaari mong ilakas ang iyong tinig at magpatuloy. Subalit kung ang pagkagambala ay malakas at matagal, dapat kang huminto sandali. Tutal ang iyong tagapakinig ay hindi naman nakikinig. Kaya gamiting mabuti ang paghinto, na isinasaisip ang pagtulong sa iyong tagapakinig na makinabang nang lubusan sa mabubuting bagay na nais mong sabihin sa kanila.
Sandaling Paghinto Upang Mabigyang-daan ang Pagtugon. Bagaman maaaring nagpapahayag ka na wala namang kaayusan para sa aktuwal na pakikibahagi ng tagapakinig, mahalaga na hayaang tumugon ang tagapakinig, hindi sa bibig, kundi sa isip. Kung ikaw ay maghaharap ng mga tanong na aakay sa iyong tagapakinig na mag-isip subalit hindi magiging sapat ang iyong sandaling paghinto, malaki ang mawawala sa bisa ng mga tanong na iyon.
Mangyari pa, mahalaga na huminto nang sandali hindi lamang kapag nagsasalita mula sa plataporma kundi kapag nagpapatotoo rin sa iba. Ang ilang tao ay waring hindi kailanman humihinto sandali. Kung ito ang iyong suliranin, gumawa ng puspusang pagsisikap upang malinang ang kalidad na ito sa pagsasalita. Ikaw ay susulong sa iyong pakikipag-usap sa iba at gayundin sa pagiging mabisa ng iyong ministeryo sa larangan. Ang sandaling paghinto ay isang sandali ng katahimikan, at totoo ang kasabihang ang katahimikan ay nagpapatingkad, ito’y nagdiriin, ito’y nakatatawag ng pansin, at ito’y nakagiginhawa sa pandinig.
Ang pag-uusap sa araw-araw ay nagsasangkot ng pagpapalitan ng mga ideya. Mas gusto ng iba na makinig sa iyo kapag ikaw ay nakikinig sa kanila at nagpapakita ng interes sa kanilang sinasabi. Ito’y humihiling na ikaw ay huminto nang may sapat na haba upang mabigyan sila ng pagkakataong magpahayag ng kanilang sarili.
Sa ministeryo sa larangan, ang ating pagpapatotoo ay kadalasang mas mabisa kapag ito ay ginagawa sa anyong pakikipag-usap. Pagkatapos na magbatian, nasusumpungan ng maraming Saksi na mabisang sabihin ang kanilang pakay at pagkatapos ay magharap ng isang tanong. Sila ay humihinto sandali upang bigyan ang tao ng pagkakataong sumagot, at pagkatapos ay nagpapahayag sila ng pagpapahalaga sa sinabi ng may-bahay. Sa pag-uusap, maaaring bigyan nila ang may-bahay ng ilang pagkakataong magkomento. Batid nila na karaniwan nang malaki ang kanilang maitutulong sa tao kung kanilang malalaman ang kaniyang pangmalas sa mga bagay na pinag-uusapan.—Kaw. 20:5.
Mangyari pa, hindi lahat ay tutugon sa mga katanungan sa isang kanais-nais na paraan. Subalit hindi ito nakahadlang kay Jesus upang huminto nang may sapat na haba para bigyan ng pagkakataong magsalita maging ang mga sumasalansang. (Mar. 3:1-5) Ang pagbibigay ng pagkakataon sa isang tao na magsalita ay nagpapasigla sa kaniya na mag-isip, at bilang resulta, maaaring isiwalat niya kung ano ang nasa kaniyang puso. Sa katunayan, ang isa sa mga layunin ng ating ministeryo ay upang maantig ang puso sa pamamagitan ng paghaharap sa mga tao ng mahahalagang isyu mula sa Salita ng Diyos na salig dito ay kailangan silang gumawa ng mga pagpapasiya.—Heb. 4:12.
Ang paggamit ng angkop na sandaling paghinto sa ating ministeryo ay tunay na isang sining. Kapag ang mga sandaling paghinto ay ginamit nang mabisa, ang mga ideya ay naitatawid nang mas maliwanag at kadalasang laging natatandaan.