ARALIN 43
Paggamit ng Iniatas na Materyal
INIHAHALINTULAD ng Bibliya ang kongregasyong Kristiyano sa katawan ng tao. Ang bawat sangkap ay mahalaga, subalit “hindi [lahat ay] magkakatulad ng gawain.” Kasuwato nito, dapat nating gawin nang puspusan ang anumang pribilehiyong ipinagkatiwala sa atin. Kailangang maunawaan at magampanan nating mabuti ang anumang atas na pahayag sa halip na maliitin ang kahalagahan ng ilang paksa sapagkat iniisip natin na ang ibang mga paksa ay parang higit na kapana-panabik. (Roma 12:4-8) Ang uring tapat at maingat na alipin ay may pananagutang maglaan ng espirituwal na pagkain “sa tamang panahon.” (Mat. 24:45) Kapag ginagamit natin ang ating personal na mga kakayahan upang bumuo ng mga pahayag alinsunod sa mga tagubilin na ating tinanggap, ipinakikita natin ang pagpapahalaga sa kaayusang iyon. Ito ay nakatutulong sa maayos na takbo ng buong kongregasyon.
Kung Ano ang Isasama. Kapag inatasan ka ng isang paksa sa paaralan, tiyaking buuin ang paksang iyon at hindi ang iba. Sa maraming kaso, may ibinibigay na espesipikong reperensiyang materyal. Kung hindi sinabi sa iyo kung anong nakaimprentang materyal ang gagamiting saligan ng iyong pahayag, maaari kang magtipon ng materyal mula sa anumang gusto mong mapagkunan. Gayunman, habang inihahanda mo ang iyong pahayag, tiyaking ang buong presentasyon ay pumapalibot sa iniatas na paksa. Kapag iniisip kung ano ang isasama, kailangan mo ring isaalang-alang ang iyong tagapakinig.
Maingat na pag-aralan ang reperensiyang materyal, at suriing mabuti ang mga kasulatang naroroon. Saka isaalang-alang kung paano mabisang magagamit ito para sa kapakinabangan ng tagapakinig. Pumili ng dalawa o kaya’y tatlong punto mula sa nakaimprentang materyal upang gamitin bilang mga pangunahing punto sa iyong pahayag. Gayundin, pumili ng mga kasulatan na pinaplano mong basahin at talakayin mula sa iniatas na materyal.
Gaano karaming materyal ang dapat mong kubrehan? Yaon lamang kaya mong talakayin sa mabisang paraan. Huwag mong isakripisyo ang mabisang pagtuturo para lamang maipasok ang napakaraming impormasyon. Kung ang ilan sa mga materyal ay hindi angkop sa layunin ng iyong pahayag, magtuon ng pansin sa mga bahaging makatutulong sa iyo upang maisakatuparan ang layuning iyon. Mula sa iniatas na materyal, gamitin kung ano ang magiging higit na nakapagtuturo at kapaki-pakinabang sa iyong tagapakinig. Ang iyong tunguhin sa puntong ito na ipinapayo sa pagsasalita ay, hindi upang malaman kung gaano karami ang iyong makukubrehan, kundi upang gamitin kung ano ang iniatas bilang saligan ng iyong pahayag.
Ang iyong pahayag ay hindi basta isa lamang sumaryo ng iniatas na materyal. Dapat mong planuhing ipaliwanag ang ilang punto, palawakin ang mga ito, ilarawan ang mga ito, at kung posible ay magbigay ng halimbawa sa pagkakapit ng mga ito. Ang karagdagang mga ideya ay dapat na gamitin upang buuin ang mahahalagang punto mula sa materyal na iniatas sa iyo sa halip na palitan ang materyal na iyon.
Ang mga kapatid na lalaki na kuwalipikado bilang mga guro ay maaaring anyayahan na magbigay ng instruksiyon sa Pulong sa Paglilingkod pagsapit ng panahon. Nauunawaan nila ang pangangailangang gamiting mabuti ang iniatas na materyal sa halip na palitan ito ng iba. Sa katulad na paraan, ang mga kapatid na nagbibigay ng pahayag pangmadla ay binibigyan ng mga balangkas upang sundin. Nagbibigay-laya ang mga ito na gumawa ng ilang pagbabago, subalit malinaw na isinasaad ng mga ito ang mga pangunahing punto na bubuuin, ang sumusuportang mga argumento na gagamitin, at ang mga kasulatan na nagsisilbing saligan ng pahayag. Ang pagkatutong magturo na ginagamit na saligan ang iniatas na materyal ay isang mahalagang bahagi ng paghahanda para sa iba pang mga pribilehiyo ng pagpapahayag.
Ang pagsasanay na ito ay makatutulong din sa iyo upang makapagdaos ng progresibong mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Matututo kang magtuon ng pansin sa materyal na pinag-aaralan sa halip na lumayo sa paksa sa pamamagitan ng pagtatampok ng ibang mga bagay na maaaring kapana-panabik subalit hindi naman kailangan sa ikaliliwanag ng paksa. Subalit, kapag naunawaan mo ang tunay na layunin ng araling ito, hindi ka magiging labis na istrikto sa bagay na ito anupat hindi ka na magbibigay pa ng karagdagang paliwanag na maaaring kailanganin ng isang estudyante.