ARALIN 46
Mga Ilustrasyon Mula sa Pamilyar na mga Situwasyon
MANGYARI pa, mahalaga na anuman ang gagamitin mong ilustrasyon dapat na ito’y angkop sa materyal na iyong tinatalakay. Gayunman, upang maging higit na mabisa ang mga ito, mahalaga na angkop din ang mga ito sa iyong tagapakinig.
Paano makaiimpluwensiya ang uri ng tagapakinig sa pagpili mo ng mga ilustrasyon sa pagsasalita sa isang grupo? Ano ba ang ginawa ni Jesu-Kristo? Siya man ay nagsasalita sa mga pulutong o sa kaniyang mga alagad, si Jesus ay hindi kumuha ng kaniyang mga halimbawa mula sa paraan ng pamumuhay ng mga bansa sa labas ng Israel. Hindi magiging pamilyar ang gayong mga halimbawa sa kaniyang tagapakinig. Halimbawa, si Jesus ay hindi bumanggit ng buhay sa palasyo ng Ehipto o ng mga relihiyosong kaugalian ng India. Magkagayunman, ang kaniyang mga ilustrasyon ay kinuha mula sa mga aktibidad na karaniwang ginagawa ng mga tao sa lahat ng lupain. Bumanggit siya ng hinggil sa pagtatagpi ng mga damit, pagnenegosyo, pagkawala ng bagay na mahalaga, at pagdalo sa mga kasalan. Nauunawaan niya kung ano ang reaksiyon ng mga tao sa ilalim ng iba’t ibang kalagayan, at ginamit niyang mabuti ito. (Mar. 2:21; Luc. 14:7-11; 15:8, 9; 19:15-23) Yamang ang kaniyang pangmadlang pangangaral ay iniukol lalo na sa bansang Israel, ang mga ilustrasyon ni Jesus ay karaniwan nang bumanggit ng mga bagay at mga aktibidad na bahagi ng kanilang pang-araw-araw na buhay. Kaya, ginamit niya ang mga bagay gaya ng pagsasaka, ang paraan ng pagtugon ng mga tupa sa kanilang pastol, at ang paggamit ng mga balat ng hayop upang paglagyan ng alak. (Mar. 2:22; 4:2-9; Juan 10:1-5) Binanggit din niya ang pamilyar na mga halimbawa sa kasaysayan—ang paglalang sa unang mag-asawang tao, ang Baha noong panahon ni Noe, ang pagkapuksa ng Sodoma at Gomorra, ang kamatayan ng asawa ni Lot, bilang pagbanggit sa ilan. (Mat. 10:15; 19:4-6; 24:37-39; Luc. 17:32) Maingat mo rin bang isinasaalang-alang ang mga aktibidad na karaniwan sa iyong tagapakinig at ang kanilang pinagmulang kultura kapag pumipili ng mga ilustrasyon?
Ano kung ikaw ay nagsasalita, hindi sa isang malaking grupo, kundi sa isang tao o marahil ay sa iilan lamang? Pagsikapang pumili ng isang ilustrasyon na lalong magiging angkop sa maliit na grupong iyon. Nang magpatotoo si Jesus sa isang babaing taga-Samaria sa balon na malapit sa Sicar, bumanggit siya ng “tubig na buháy,” “hindi na kailanman mauuhaw pa,” at ‘isang bukal ng tubig na bumabalong upang magbigay ng buhay na walang hanggan’—lahat ay pawang mga talinghaga na tuwirang konektado sa gawain ng babaing iyon. (Juan 4:7-15) At nang siya ay magsalita sa mga lalaking naghuhugas ng kanilang mga lambat sa pangingisda, ang kaniyang piniling talinghaga ay may kinalaman sa negosyo ng pangingisda. (Luc. 5:2-11) Patungkol sa alinman sa mga ito, maaari sana siyang bumanggit ng pagsasaka, yamang sila ay nakatira sa isang lugar na sakahan, subalit naging higit pang mabisa nang tukuyin niya ang kanilang personal na aktibidad habang iginuguhit niya ang isang larawan sa kanilang isipan! Sinisikap mo bang gawin ang gayon?
Samantalang si Jesus ay nagbigay-pansin “sa nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel,” si apostol Pablo naman ay isinugo hindi lamang sa Israel kundi maging sa mga bansang Gentil. (Mat. 15:24; Gawa 9:15) Nabago ba dahil dito ang paraan ng pagsasalita ni Pablo? Oo. Sa pagsulat niya sa mga Kristiyano sa Corinto, binanggit niya ang karera ng takbuhan, tinukoy ang kaugalian ng pagkain sa mga templo ng idolo, at nagpahiwatig hinggil sa mga prusisyon ng tagumpay, mga bagay na doo’y pamilyar ang mga Gentil.—1 Cor. 8:1-10; 9:24, 25; 2 Cor. 2:14-16.
Ikaw ba ay kasing-ingat nina Jesus at Pablo sa pagpili ng mga ilustrasyon at mga halimbawa na magagamit mo sa iyong pagtuturo? Isinasaalang-alang mo ba ang pinagmulan at pang-araw-araw na gawain ng iyong mga tagapakinig? Mangyari pa, may mga pagbabago sa sanlibutan mula noong unang siglo. Nakukuha ng maraming tao ang mga balita sa daigdig sa pamamagitan ng telebisyon. Ang mga kalagayan sa banyagang lupain ay kadalasang pamilyar sa kanila. Kung gayon ang kalagayan sa inyong lugar, tiyak na hindi naman mali na ang gayong mga balita ay pagkunan ng mga ilustrasyon. Gayunman, ang mga bagay na higit na nakaaantig sa mga tao ay kadalasang may kinalaman sa kanilang personal na buhay—sa kanilang tahanan, kanilang pamilya, kanilang trabaho, pagkaing kanilang kinakain at sa kalagayan ng panahon sa kanilang lugar.
Kung ang iyong ilustrasyon ay nangangailangan ng maraming paliwanag, baka ang tinatalakay mo ay mga bagay na hindi pamilyar sa iyong tagapakinig. Maaaring madaling matakpan ng gayong ilustrasyon ang punto na nais mong ituro. Bilang resulta, maaaring matandaan ng tagapakinig ang iyong ilustrasyon subalit hindi ang maka-Kasulatang katotohanan na pinagsisikapan mong itawid.
Sa halip na gumawa ng masalimuot na mga paghahambing, si Jesus ay gumamit ng simple, pang-araw-araw na mga bagay. Ginamit niya ang maliliit na bagay upang ipaliwanag ang malalaking bagay at madadaling bagay upang liwanagin ang mahihirap na bagay. Sa pamamagitan ng pag-uugnay ng pang-araw-araw na mga pangyayari sa espirituwal na mga katotohanan, tinulungan ni Jesus ang mga tao upang mas madaling maunawaan ang espirituwal na mga katotohanang kaniyang itinuturo at matandaan ang mga ito. Ano ngang inam na halimbawa upang tularan!