Ikasampung Kabanata
Isang Kaharian na “Hindi Magigiba Kailanman”
1. Anong katotohanan ang idiniin ng mga pangyayari sa daigdig sa buong kasaysayan ng sangkatauhan?
IDINIRIIN ng araw-araw na mga pangyayari sa daigdig ang katotohanan na hindi nakasumpong ng kaligayahan ang mga tao sa pagtanggi sa pagkasoberano ni Jehova at sa pagsisikap na pamahalaan ang kanilang sarili. Walang sistema ng pamamahala ng tao ang nagdulot ng pantay-pantay na mga pakinabang sa sangkatauhan. Bagaman napaunlad ng mga tao ang kanilang kaalaman sa siyensiya sa isang antas na wala pang katulad, hindi naman nila nadaig ang sakit o nasugpo ang kamatayan, kahit na ng isang indibiduwal man lamang. Hindi naalis ng pamamahala ng tao ang digmaan, karahasan, krimen, katiwalian, o karukhaan. Pinangingibabawan pa rin ng mapaniil na mga pamahalaan ang mga tao sa maraming lupain. (Eclesiastes 8:9) Nagsama-sama ang teknolohiya, kasakiman, at kawalang-alam sa pagpaparumi sa lupa, tubig, at hangin. Ang maling pangangasiwa ng mga opisyal sa ekonomiya ay nagpahirap sa marami na makamit ang mga pangangailangan sa buhay. Sa libu-libong taon ng pamamahala ng tao ay nahalata ang katotohanang ito: “Ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.”—Jeremias 10:23.
2. Ano ang tanging solusyon sa mga problema ng sangkatauhan?
2 Ano ang solusyon? Ang Kaharian ng Diyos, na itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na ipanalangin: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Ang makalangit na Kaharian ng Diyos ay inilarawan sa 2 Pedro 3:13 bilang ang “mga bagong langit,” na mamamahala sa “bagong lupa,” samakatuwid nga, ang matuwid na lipunan ng tao. Gayon na lamang kahalaga ang makalangit na Kaharian ng Diyos anupat ginawa itong pinakatema ni Jesus sa kaniyang pangangaral. (Mateo 4:17) Ipinakita niya ang dapat na dako nito sa ating buhay, anupat humihimok: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran.”—Mateo 6:33.
3. Bakit ang pagkatuto tungkol sa Kaharian ng Diyos ay siyang pinakaapurahan sa ngayon?
3 Ang pagkatuto tungkol sa Kaharian ng Diyos ang siyang pinakaapurahan sa ngayon, yamang di-magtatagal at kikilos na ang Kahariang iyan upang baguhin magpakailanman ang pamamahala sa lupang ito. Inihuhula ng Daniel 2:44: “Sa mga araw ng mga haring iyon [mga pamahalaan na namamahala sa ngayon] ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian [sa langit] na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan [hindi na mamamahala kailanman ang mga tao sa lupa]. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga [kasalukuyang] kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.” Sa gayon ay wawakasan ng Kaharian ang mga huling araw na ito sa pamamagitan ng pagpuksa sa buong balakyot na sistema ng mga bagay. Kung magkagayon ay wala nang mamamahala sa lupa kundi ang makalangit na Kaharian. Kaylaking pasasalamat natin na napakalapit na ngayon ng kaginhawahang idudulot nito!
4. May kaugnayan sa Kaharian, ano ang naganap sa langit noong 1914, at bakit mahalaga iyon sa atin?
4 Noong 1914, si Kristo Jesus ay iniluklok bilang Hari at binigyan ng awtoridad upang ‘manupil sa gitna ng kaniyang mga kaaway.’ (Awit 110:1, 2) Noong taon ding iyon, nagsimula ang “mga huling araw” ng kasalukuyang balakyot na sistemang ito ng mga bagay. (2 Timoteo 3:1-5, 13) Kasabay nito, ang mga pangyayaring nakita ni Daniel sa makahulang pangitain ay aktuwal na naganap sa langit. Ipinagkaloob ng “Sinauna sa mga Araw,” ang Diyos na Jehova, sa Anak ng tao, si Jesu-Kristo, ang “pamamahala at dangal at kaharian, upang ang lahat ng mga bayan, mga liping pambansa at mga wika ay maglingkod sa kaniya.” Sa pag-uulat tungkol sa pangitain, sumulat si Daniel: “Ang kaniyang pamamahala ay isang pamamahalang namamalagi nang walang takda na hindi lilipas, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba.” (Daniel 7:13, 14) Sa pamamagitan ng makalangit na Kahariang ito sa kamay ni Kristo Jesus ay pangyayarihin ng Diyos na matamasa ng mga umiibig sa katuwiran ang di-mabilang na mabubuting bagay na nilayon niya nang ilagay niya ang ating unang mga magulang na tao sa Paraiso.
5. Anong mga detalye hinggil sa Kaharian ang doo’y lubhang interesado tayo, at bakit?
5 Hangarin mo ba na maging matapat na sakop ng Kaharian? Kung oo, magiging lubhang interesado ka sa kayarian at sa takbo ng makalangit na pamahalaang ito. Nanaisin mong malaman kung ano ang ginagawa nito ngayon, kung ano ang isasagawa nito sa hinaharap, at kung ano ang hinihiling nito sa iyo. Habang masusi mong sinusuri ang Kaharian, nararapat na lumaki ang iyong pagpapahalaga rito. Kung tutugon ka sa pamamahala nito, lalo kang masasangkapan na sabihin sa iba ang kamangha-manghang mga bagay na gagawin ng Kaharian ng Diyos para sa masunuring sangkatauhan.—Awit 48:12, 13.
Ang mga Tagapamahala ng Kaharian ng Diyos
6. (a) Paano ipinakikita ng Kasulatan kung kaninong pagkasoberano ang ipinahahayag sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian? (b) Paano tayo dapat maapektuhan ng ating natututuhan tungkol sa Kaharian?
6 Ang isa sa unang mga bagay na isinisiwalat ng gayong pagsusuri ay na ang Mesiyanikong Kahariang ito ay isang kapahayagan ng mismong pagkasoberano ni Jehova. Si Jehova ang nagbigay ng “pamamahala at dangal at kaharian” sa kaniyang Anak. Pagkatapos bigyan ng kapangyarihan ang Anak ng Diyos upang magsimulang mamahala bilang Hari, ang mga tinig sa langit ay angkop na nagpahayag: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon [ang Diyos na Jehova] at ng kaniyang Kristo, at mamamahala siya [si Jehova] bilang hari magpakailan-kailanman.” (Apocalipsis 11:15) Kaya lahat ng ating napapansin tungkol sa Kahariang ito at kung ano ang naisasagawa nito ay maaaring lalong maglapít sa atin kay Jehova mismo. Ang natututuhan natin ay dapat magkintal sa atin ng hangaring magpasakop sa kaniyang pagkasoberano magpakailanman.
7. Bakit tayo pantanging interesado na si Jesu-Kristo ang Katulong na Tagapamahala ni Jehova?
7 Isaalang-alang din ang katotohanan na iniluklok ni Jehova sa trono si Jesu-Kristo bilang kaniyang Katulong na Tagapamahala. Bilang ang Dalubhasang Manggagawa na ginamit ng Diyos upang gawin ang lupa at ang mga tao, mas batid ni Jesus kaysa sa kaninuman sa atin kung ano ang mga kailangan natin. Bukod dito, mula sa pasimula ng kasaysayan ng tao, ipinakita niya ang kaniyang ‘pagkagiliw sa mga anak ng mga tao.’ (Kawikaan 8:30, 31; Colosas 1:15-17) Gayon na lamang katindi ang kaniyang pag-ibig sa mga tao anupat nagtungo siya nang personal sa lupa at ibinigay ang kaniyang buhay bilang pantubos alang-alang sa atin. (Juan 3:16) Kaya ibinigay niya sa atin ang paraan upang makalaya sa kasalanan at kamatayan at ang pagkakataon para sa walang-hanggang buhay.—Mateo 20:28.
8. (a) Di-tulad ng mga pamamahala ng tao, bakit mamamalagi ang pamahalaan ng Diyos? (b) Ano ang kaugnayan ng “tapat at maingat na alipin” sa makalangit na pamahalaan?
8 Ang Kaharian ng Diyos ay isang matatag at namamalaging pamahalaan. Ang namamalaging katangian nito ay tinitiyak ng bagay na si Jehova mismo ay hindi namamatay. (Habakuk 1:12) Di-tulad ng mga haring tao, si Jesu-Kristo, ang isa na pinagkatiwalaan ng Diyos ng paghahari, ay imortal din. (Roma 6:9; 1 Timoteo 6:15, 16) Makakasama ni Kristo sa makalangit na mga trono ang 144,000 iba pa, matatapat na lingkod ng Diyos mula sa “bawat tribo at wika at bayan at bansa.” Ang mga ito rin ay pinagkakalooban ng imortal na buhay. (Apocalipsis 5:9, 10; 14:1-4; 1 Corinto 15:42-44, 53) Ang lubhang karamihan sa mga ito ay nasa mga langit na, at ang nalabi sa kanila na nasa lupa pa ang bumubuo sa kasalukuyang “tapat at maingat na alipin,” na matapat na nagpapaunlad sa mga kapakanan ng Kaharian dito.—Mateo 24:45-47.
9, 10. (a) Anong mga impluwensiya na nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi at nakasasamâ ang aalisin ng Kaharian? (b) Kung ayaw nating maging mga kaaway ng Kaharian ng Diyos, anong pagkakasangkot ang dapat nating iwasan?
9 Hindi na magtatagal, sa kaniyang itinakdang panahon, pakikilusin ni Jehova ang kaniyang mga puwersang tagapuksa upang linisin ang lupa. Pupuksain ng mga ito magpakailanman ang mga tao na nagpasiya sa kanilang ganang sarili na huwag kilalanin ang kaniyang pagkasoberano at hamakin ang kaniyang maibiging mga paglalaan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (2 Tesalonica 1:6-9) Iyon ay magiging araw ni Jehova, ang matagal nang hinihintay na panahon ng pagbabangong-puri sa kaniya bilang Pansansinukob na Soberano. “Narito! Ang araw ni Jehova ay dumarating, malupit kapuwa sa pagkapoot at sa pag-aapoy ng galit, . . . upang malipol nito mula roon ang mga makasalanan sa lupain.” (Isaias 13:9) “Ang araw na iyon ay araw ng poot, araw ng kabagabagan at ng panggigipuspos, araw ng bagyo at ng pagkatiwangwang, araw ng kadiliman at ng karimlan, araw ng mga ulap at ng makapal na karimlan.”—Zefanias 1:15.
10 Ang lahat ng huwad na relihiyon at ang lahat ng pamahalaan ng tao at ang mga hukbo ng mga ito, na minaniobra ng di-nakikitang balakyot na tagapamahala ng sanlibutang ito, ay malilipol magpakailanman. Ang lahat ng nakikisama sa sanlibutang ito sa pamamagitan ng pagtataguyod ng isang makasarili, di-tapat, at imoral na paraan ng pamumuhay ay pupuksain. Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay hindi papayagang makipag-ugnayan sa mga naninirahan sa lupa, anupat mahigpit na ibibilanggo sa loob ng sanlibong taon. Ang Kaharian ng Diyos ay magkakaroon kung gayon ng ganap na kontrol sa lahat ng gawain sa lupa. Kaylaking ginhawa nga nito para sa lahat ng umiibig sa katuwiran!—Apocalipsis 18:21, 24; 19:11-16, 19-21; 20:1, 2.
Ang mga Tunguhin ng Kaharian—Kung Paano Natatamo
11. (a) Paano isasagawa ng Mesiyanikong Kaharian ang layunin ni Jehova para sa lupa? (b) Ano ang magiging kahulugan ng pamamahala ng Kaharian sa mga taong naninirahan sa lupa sa panahong iyon?
11 Lubusang maisasagawa ng Mesiyanikong Kaharian ang orihinal na layunin ng Diyos sa lupa. (Genesis 1:28; 2:8, 9, 15) Hanggang sa ngayon, hindi sinusuportahan ng sangkatauhan ang layuning iyan. Gayunman, “ang darating na tinatahanang lupa” ay ipasasakop sa Anak ng tao, si Jesu-Kristo. Ang lahat ng maliligtas sa isasagawang hatol ni Jehova sa matandang sistemang ito ay magkakaisa sa paggawa sa ilalim ni Kristo ang Hari, anupat may-kagalakang tinutupad ang anumang iutos niya, upang ang lupa ay maging isang pangglobong paraiso. (Hebreo 2:5-9) Tatamasahin ng buong sangkatauhan ang gawa ng kanilang mga kamay at lubusang makikinabang mula sa kasaganaan ng bunga ng lupa.—Awit 72:1, 7, 8, 16-19; Isaias 65:21, 22.
12. Paano pangyayarihin na maging sakdal ang isip at katawan ng mga sakop ng Kaharian?
12 Nang lalangin sina Adan at Eva, sila ay sakdal, at layunin ng Diyos na ang lupa ay mapunô ng kanilang mga supling, na pawang nagtatamasa ng sakdal na isip at katawan. Ang layuning iyan ay sasapit sa maluwalhating katuparan sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian. Kailangan dito ang pag-aalis sa lahat ng epekto ng kasalanan, at sa layuning iyan, si Kristo ay hindi lamang nagsisilbi bilang Hari kundi bilang Mataas na Saserdote rin naman. Sa matiyagang paraan, tutulungan niya ang kaniyang masunuring mga sakop na makinabang mula sa nagbabayad-salang halaga ng hain ng kaniya mismong buhay bilang tao.
13. Anong mga pisikal na kapakinabangan ang mararanasan sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian?
13 Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, mararanasan ng mga naninirahan sa lupa ang kamangha-manghang mga pisikal na kapakinabangan. “Sa panahong iyon ay madidilat ang mga mata ng mga bulag, at ang mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan. Sa panahong iyon ay aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa, at ang dila ng pipi ay hihiyaw sa katuwaan.” (Isaias 35:5, 6) Ang laman (balat) na pinapangit ng katandaan o ng sakit ay magiging sariwa pa kaysa sa laman (balat) ng isang bata, at ang patuloy na panghihina ay mahahalinhan ng masiglang kalusugan. “Maging higit na sariwa pa ang kaniyang laman [balat] kaysa noong kabataan; mabalik siya sa mga araw ng lakas ng kaniyang kabataan.” (Job 33:25) Darating ang araw na walang sinuman ang may dahilan na magsabing, “Ako ay may sakit.” Bakit? Sapagkat ang mga taong may takot sa Diyos ay pagiginhawahin sa pabigat na dulot ng kasalanan at sa nakapipighating mga epekto nito. (Isaias 33:24; Lucas 13:11-13) Oo, “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:4.
14. Ano ang kalakip sa pagtatamo ng kasakdalan ng tao?
14 Gayunman, ang pagtatamo ng kasakdalan ay nagsasangkot ng higit pa kaysa sa pagkakaroon lamang ng isang malusog na katawan at malusog na isipan. Kalakip dito ang wastong pagpapamalas ng mga katangian ni Jehova, yamang nilikha tayo ‘ayon sa larawan ng Diyos, ayon sa kaniyang wangis.’ (Genesis 1:26) Upang makamit iyan, kakailanganin ang maraming pagtuturo. Sa bagong sanlibutan, “tatahan ang katuwiran.” Kaya, gaya ng inihula ni Isaias, “katuwiran ang siyang matututuhan ng mga tumatahan sa mabungang lupain.” (2 Pedro 3:13; Isaias 26:9) Ang katangiang ito ay umaakay sa kapayapaan—sa pagitan ng mga tao ng lahat ng lahi, sa gitna ng matalik na magkakasama, sa loob ng pamilya at, higit sa lahat, sa Diyos mismo. (Awit 85:10-13; Isaias 32:17) Yaong mga natututo ng katuwiran ay pasulong na tuturuan hinggil sa kalooban ng Diyos para sa kanila. Habang lumalalim ang pagkakaugat ng pag-ibig kay Jehova sa kanilang puso, susundin nila ang kaniyang mga daan sa lahat ng aspekto ng kanilang buhay. Masasabi nila ang gaya ng sinabi ni Jesus, ‘Lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa aking Ama.’ (Juan 8:29) Kaysaya nga ng buhay kapag iyan ay nagkatotoo sa buong sangkatauhan!
Nakikita Na ang mga Nagawa Nito
15. Ginagamit ang mga tanong sa parapong ito, itampok ang mga nagawa ng Kaharian at ipakita kung ano ang dapat na ginagawa natin ngayon.
15 Nakikita na ang kahanga-hangang mga nagawa ng Kaharian ng Diyos at ng mga sakop nito. Ipaaalaala sa iyo ng sumusunod na mga tanong at mga kasulatan ang ilan sa mga nagawang ito, pati na ang mga bagay na maaaring gawin at dapat na ginagawa ngayon ng lahat ng sakop ng Kaharian.
Laban kanino unang kumilos ang Kaharian, at ano ang resulta? (Apocalipsis 12:7-10, 12)
Ang pagtitipon sa nalabing mga miyembro ng anong grupo ang binibigyang-pansin mula nang mailuklok sa trono si Kristo? (Apocalipsis 14:1-3)
Anong gawain ang inihula ni Jesus na isasakatuparan niya pagkatapos sumiklab ang malaking kapighatian, gaya ng nakaulat sa Mateo 25:31-33?
Anong panimulang gawain ang isinasakatuparan sa ngayon? Sino ang mga nakikibahagi rito? (Awit 110:3; Mateo 24:14; Apocalipsis 14:6, 7)
Bakit hindi mapahinto ng makapulitika at relihiyosong mga mananalansang ang gawaing pangangaral? (Zacarias 4:6; Gawa 5:38, 39)
Anong mga pagbabago ang naganap sa buhay ng mga nagpapasakop sa pamamahala ng Kaharian? (Isaias 2:4; 1 Corinto 6:9-11)
Kaharian sa Loob ng Sanlibong Taon
16. (a) Gaano katagal mamamahala si Kristo? (b) Anong kamangha-manghang mga bagay ang gagawin sa panahong iyon at pagkatapos niyaon?
16 Pagkatapos ibulid sa kalaliman si Satanas at ang kaniyang mga demonyo, si Jesu-Kristo at ang kaniyang 144,000 kasamang tagapagmana ay mamamahala bilang mga hari at mga saserdote sa loob ng sanlibong taon. (Apocalipsis 20:6) Sa loob ng yugtong iyon, ang sangkatauhan ay dadalhin sa kasakdalan, anupat papawiin magpakailanman ang kasalanan at ang Adanikong kamatayan. Sa katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari, pagkaraang matagumpay na maisakatuparan ang kaniyang atas bilang Mesiyanikong Hari-Saserdote, ‘ibibigay [ni Jesus] ang kaharian’ sa kaniyang Ama, “upang ang Diyos ay maging lahat ng bagay sa bawat isa.” (1 Corinto 15:24-28) Sa panahong iyon, pakakawalan si Satanas sa loob ng maikling panahon upang subukin ang tinubos na sangkatauhan hinggil sa kanilang pagsuporta sa pansansinukob na pagkasoberano ni Jehova. Kapag nakumpleto na ang panghuling pagsubok na iyan, pupuksain ni Jehova si Satanas at ang mga naghimagsik na pumanig sa kaniya. (Apocalipsis 20:7-10) Yaong mga nagtaguyod sa pagkasoberano ni Jehova—sa kaniyang karapatang mamahala—ay lubusan nang makapagpapakita ng kanilang di-nagmamaliw na katapatan. Pagkatapos noon ay aakayin sila tungo sa kanilang wastong kaugnayan kay Jehova, anupat tinatanggap niya bilang kaniyang mga anak na lalaki at babae, na sinang-ayunan ng Diyos para mabuhay nang walang hanggan.—Roma 8:21.
17. (a) Ano ang mangyayari sa Kaharian sa katapusan ng sanlibong taon? (b) Sa anong diwa totoo na ang Kaharian ay “hindi magigiba kailanman”?
17 Kung gayon, ang mismong papel ni Jesus at niyaong sa 144,000 ay magbabago may kaugnayan sa lupa. Ano ang magiging gawain nila sa hinaharap? Hindi ito sinasabi ng Bibliya. Ngunit kung may-katapatan nating itinataguyod ang pagkasoberano ni Jehova, magiging buháy tayo sa katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari upang malaman kung ano ang nilayon ni Jehova para sa kanila at para sa kaniyang kamangha-manghang sansinukob. Gayunman, ang sanlibong-taóng pamamahala ni Kristo ay ‘mamamalagi nang walang takda’ at ang kaniyang Kaharian ay “hindi magigiba.” (Daniel 7:14) Sa anong diwa? Una sa lahat, ang namamahalang awtoridad ay hindi ililipat sa kamay ng iba na may naiibang mga tunguhin, yamang si Jehova ang magiging Tagapamahala. Isa pa, ang Kaharian ay “hindi magigiba kailanman” dahil ang mga nagawa nito ay mananatili magpakailanman. (Daniel 2:44) At ang Mesiyanikong Hari-Saserdote at ang kaniyang kasamang mga hari-saserdote ay pararangalan magpakailanman dahil sa kanilang tapat na paglilingkod kay Jehova.
Talakayin Bilang Repaso
• Bakit ang Kaharian ng Diyos ang tanging solusyon sa mga problema ng sangkatauhan? Kailan nagsimulang mamahala ang Hari ng Kaharian ng Diyos?
• Ano ang pantanging nakaaakit sa iyo tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa isasagawa nito?
• Ano ang mga nagawa ng Kaharian na maaari na nating makita, at ano ang bahagi natin sa mga ito?
[Larawan sa pahina 92, 93]
Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, lahat ng tao ay matututo ng katuwiran