KABANATA 10
Ang Kapangyarihan ni Jesus Laban sa mga Demonyo
NAAALAALA mo ba kung bakit naging Satanas na Diyablo ang isa sa mga anghel ng Diyos?— Ang kaniyang sakim na pagnanasa na siya ang sambahin ang naging dahilan upang labanan niya ang Diyos. Naging mga tagasunod ba ni Satanas ang ibang mga anghel?— Oo. Tinatawag sila sa Bibliya na ‘mga anghel ni Satanas,’ o mga demonyo.—Apocalipsis 12:9.
Naniniwala ba sa Diyos ang masasamang anghel na ito, o mga demonyo?— ‘Ang mga demonyo ay naniniwalang may Diyos,’ ang sabi ng Bibliya. (Santiago 2:19) Pero sa ngayon ay natatakot sila. Ito’y dahil alam nilang parurusahan sila ng Diyos dahil sa masasamang bagay na kanilang ginawa. Anong pagkakamali ba ang ginawa nila?—
Sinasabi ng Bibliya na iniwan ng mga anghel na ito ang kanilang angkop na tahanan sa langit at bumaba sa lupa upang mamuhay na gaya ng mga tao. Ginawa nila ito dahil gusto nilang sumiping sa magagandang babae sa lupa. (Genesis 6:1, 2; Judas 6) Ano ba ang alam mo tungkol sa pagsisiping?—
Ang pagsisiping ay kapag ang isang lalaki at isang babae ay nagiging malapít na malapít sa isa’t isa sa natatanging paraan. Pagkatapos nito, nagkakaroon ng sanggol sa tiyan ng nanay. Pero ang mga anghel ay hindi dapat sumiping. Gusto ng Diyos na ang pagsisiping ay para lamang sa isang lalaki at isang babae na mag-asawa. Kaya kapag isinilang ang isang sanggol, aalagaan siya ng mag-asawa.
Nang magkatawang-tao ang mga anghel at sumiping sa mga babae sa lupa, ang kanilang mga anak ay lumaking mga higante. Sila’y masyadong malupit, at nananakit ng mga tao. Kaya nagpadala ang Diyos ng isang napakalaking baha para lipulin ang mga higante at ang lahat ng masasamang tao. Pero nagpagawa muna siya kay Noe ng isang arka, o isang malaking bapor, para iligtas ang ilang tao na gumagawa ng tama. Sinabi ng Dakilang Guro na mahalagang alalahanin ang nangyari noong Baha.—Genesis 6:3, 4, 13, 14; Lucas 17:26, 27.
Nang dumating ang Baha, alam mo ba kung ano ang nangyari sa masasamang anghel?— Hindi na nila ginamit ang mga katawang-tao na ginawa nila, at bumalik sila sa langit. Pero hindi na sila puwedeng maging mga anghel ng Diyos, kaya naging mga anghel sila ni Satanas, o mga demonyo. At ano naman ang nangyari sa kanilang mga anak, ang mga higante?— Namatay sila sa Baha. At gayundin ang lahat ng iba pang mga tao na sumuway sa Diyos.
Mula noong panahon ng Baha, hindi na hinayaan ng Diyos na maging tao ang mga demonyo. Pero kahit hindi natin sila nakikita, nagsisikap pa rin ang mga demonyo na maipagawa sa mga tao ang napakasasamang bagay. Lalo na silang nanggugulo ngayon higit kailanman. Ito’y dahil inihagis na sila rito sa lupa mula sa langit.
Alam mo ba kung bakit hindi natin nakikita ang mga demonyo?— Kasi, sila ay espiritu. Pero makatitiyak tayo na sila ay buháy. Sinasabi ng Bibliya na si Satanas ay ‘nagliligaw ng mga tao sa buong lupa,’ at tinutulungan siya ng kaniyang mga demonyo.—Apocalipsis 12:9, 12.
Maililigaw o malilinlang din ba tayo ng Diyablo at ng kaniyang mga demonyo?— Oo, magagawa nila ito kung hindi tayo mag-iingat. Pero hindi tayo dapat matakot. Sinabi ng Dakilang Guro: ‘Walang kapangyarihan sa akin ang Diyablo.’ Kung tayo’y mananatiling malapít sa Diyos, iingatan niya tayo mula sa Diyablo at sa kaniyang mga demonyo.—Juan 14:30.
Mahalagang malaman natin ang masasamang bagay na gusto ng mga demonyo na gawin natin. Kaya pag-isipan ito. Anong masasamang bagay ang ginawa ng mga demonyo noong sila’y nasa lupa?— Bago ang Baha, sila’y sumiping sa mga babae, isang bagay na hindi dapat gawin ng mga anghel. Sa ngayon, natutuwa ang mga demonyo kapag sinusuway ng mga tao ang kautusan ng Diyos tungkol sa pagsisiping. Tatanungin kita, Sino lamang ba ang dapat magsiping?— Tama ka, mga mag-asawa lamang.
Sa ngayon, ang ilang kabataang lalaki at babae ay nagsisiping, pero mali na gawin nila ito. Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa “ari” ng lalaki, o penis. (Levitico 15:1-3) Ang ari naman ng babae ay tinatawag na vulva. Nilalang ni Jehova ang mga bahaging ito ng katawan para sa isang pantanging layunin na para lamang sa mga mag-asawa. Masaya ang mga demonyo kapag gumagawa ang mga tao ng mga bagay na ipinagbabawal ni Jehova. Halimbawa, natutuwa ang mga demonyo kapag pinaglalaruan ng isang lalaki at isang babae ang penis o vulva ng isa’t isa. Ayaw nating pasayahin ang mga demonyo, hindi ba?—
May isa pang bagay na gusto ng mga demonyo pero kinapopootan ni Jehova. Alam mo ba kung ano iyon?— Karahasan. (Awit 11:5) Ang karahasan ay kapag ang mga tao ay malulupit at nananakit ng iba. Alalahanin mo, iyan ang ginawa noon ng mga higanteng anak ng mga demonyo.
Gusto ring takutin ng mga demonyo ang mga tao. Kung minsan, pinalalabas nila na sila yaong mga taong patay na. Ginagaya pa nga nila ang tinig niyaong mga patay. Sa ganitong paraan ay dinadaya ng mga demonyo ang marami upang maniwala na ang mga patay ay buháy at puwedeng makipag-usap sa mga taong buháy. Oo, pinaniniwala ng mga demonyo ang maraming tao sa mga multo.
Kaya dapat tayong maging alisto upang hindi tayo madaya ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo. Nagbababala ang Bibliya: ‘Sinisikap ni Satanas na siya’y magmukhang isang mabuting anghel, at gayundin ang ginagawa ng kaniyang mga kampon.’ (2 Corinto 11:14, 15) Pero, ang totoo, masama ang mga demonyo. Tingnan natin kung paano nila sinisikap na tayo ay gumaya sa kanila.
Saan maraming natututuhan ang mga tao tungkol sa karahasan at di-angkop na pagsisiping at mga espiritu at mga multo?— Hindi ba’t mula sa panonood ng ilang palabas sa telebisyon at mga sine, paglalaro sa computer at mga video game, paggamit ng Internet, at pagbabasa ng mga komiks? Ang paggawa ba nito ay lalong naglalapít sa atin sa Diyos o lalong naglalapít sa atin sa Diyablo at sa kaniyang mga demonyo? Ano sa palagay mo?—
Sino sa palagay mo ang may gustong makinig tayo at manood ng masasamang bagay?— Oo, si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. Kung gayon, ano ang kailangang gawin nating dalawa?— Kailangan nating magbasa, makinig, at manood ng mga bagay na makabubuti para sa atin at tutulong sa atin na maglingkod kay Jehova. May naiisip ka bang ilan sa mabubuting bagay na ito na magagawa natin?—
Kung mabuti ang ginagawa natin, walang dahilan para matakot tayo sa mga demonyo. Mas malakas si Jesus kaysa sa kanila, at takot sila sa kaniya. Minsan ay nagsabi ang mga demonyo kay Jesus: “Pumarito ka ba upang puksain kami?” (Marcos 1:24) Hindi ba’t matutuwa tayo kapag dumating na ang panahon na pupuksain na ni Jesus si Satanas at ang kaniyang mga demonyo?— Samantala, matitiyak natin na iingatan tayo ni Jesus mula sa mga demonyo kung tayo’y mananatiling malapít sa kaniya at sa kaniyang makalangit na Ama.
Basahin natin kung ano ang kailangan nating gawin, sa 1 Pedro 5:8, 9 at Santiago 4:7, 8.