KABANATA 20
Gusto Mo Bang Ikaw Lagi ang Mauna?
MAY kilala ka ba na gustong siya lagi ang mauna?— Baka manulak pa nga siya para mauna sa linya. May nakita ka na bang ganiyan?— Nakita ng Dakilang Guro na maging yaong nasa edad na ay nagpipilit na makuha ang una, o pinakaimportanteng puwesto. At hindi niya ito nagustuhan. Tingnan natin kung ano ang nangyari.
Binabanggit sa atin ng Bibliya na si Jesus ay inanyayahan sa isang malaking handaan sa bahay ng isang Pariseo, na isang importanteng lider ng relihiyon. Pagdating ni Jesus, pinagmasdan niya ang ibang mga bisita na dumarating at pumipili ng pinakamagagandang puwesto. Kaya nagkuwento siya sa mga inanyayahan. Gusto mo ba itong marinig?—
Ang sabi ni Jesus: ‘Kapag may nag-anyaya sa iyo sa isang kasalan, huwag mong piliin ang pinakamaganda, o pinakaimportanteng puwesto.’ Alam mo ba kung bakit sinabi ito ni Jesus?— Ipinaliwanag niya na baka may inanyayahang mas importante kaysa sa kanila. Kaya, gaya ng makikita mo sa larawan, lumapit ang naghanda at nagsabi: ‘Ibigay mo ang puwesto sa taong ito, at doon ka pumunta.’ Ano kung gayon ang mararamdaman ng bisita?— Mapapahiya siya dahil nakatingin sa kaniya ang lahat ng iba pang bisita habang lumilipat siya sa di-gaanong importanteng puwesto.
Ipinakikita ni Jesus na hindi tamang piliin natin ang pinakamataas na puwesto. Kaya sinabi niya: ‘Kapag inanyayahan ka sa isang kasalan, pumaroon ka at umupo sa pinakamababang puwesto. Sa gayon, ang nag-anyaya sa iyo ay baka lumapit at magsabi, “Kaibigan, pumaroon ka sa mas mataas.” Kung magkagayon ay magkakaroon ka ng karangalan sa harap ng lahat ng iyong mga kapuwa panauhin habang lumilipat ka sa mas magandang puwesto.’—Lucas 14:1, 7-11.
Naintindihan mo ba ang punto ng kuwento ni Jesus?— Tingnan natin ang isang halimbawa para malaman kung talagang naintindihan mo. Halimbawang pasakay ka sa isang siksikang bus. Magmamadali ka ba sa pagkuha ng upuan at hahayaang nakatayo ang mas matanda sa iyo?— Magugustuhan kaya ni Jesus kung gagawin mo ito?—
Maaaring may magsabi na hindi interesado si Jesus sa anumang gawin natin. Pero naniniwala ka ba rito?— Nang si Jesus ay nasa malaking handaang iyon sa bahay ng Pariseo, pinagmasdan niya ang mga tao habang pumipili ng kanilang upuan. Hindi kaya gayundin siya kainteresado sa ating ginagawa ngayon?— Ngayong si Jesus ay nasa langit na, tiyak na nasa magandang posisyon siya para pagmasdan tayo.
Kapag pinipilit ng isang tao na mauna siya, maaaring lumikha ito ng problema. Madalas na nagkakaroon ng pagtatalo, at nagkakagalit ang mga tao. Nangyayari ito kung minsan kapag sama-samang sumasakay ang mga bata sa bus. Pagbukas na pagbukas ng pinto, nagmamadali ang mga bata para mauna. Gusto nila ang pinakamagandang upuan, yaong malapit sa bintana. Ano kung gayon ang posibleng mangyari?— Oo, posibleng magkagalit sila.
Ang pagnanais na mauna ay lumilikha ng maraming problema. Naging problema pa nga ito sa mga apostol ni Jesus. Gaya ng natutuhan natin sa Kabanata 6 ng aklat na ito, pinagtalunan nila kung sino ang pinakadakila. Ano ang ginawa noon ni Jesus?— Oo, itinuwid niya sila. Pero pagkaraan ay nagtalo na naman sila. Tingnan natin kung paano ito nagsimula.
Ang mga apostol, kasama ng iba pa, ay naglalakbay noon na kasama ni Jesus sa huling pagkakataon patungo sa lunsod ng Jerusalem. Nabanggit ni Jesus sa kanila ang tungkol sa kaniyang Kaharian, kaya naisip nina Santiago at Juan na sila ay maghaharing kasama niya. Kinausap pa nga nila ang kanilang nanay, si Salome, tungkol dito. (Mateo 27:56; Marcos 15:40) Kaya habang patungo sila sa Jerusalem, lumapit si Salome kay Jesus, yumukod sa kaniya, at humingi ng pabor.
“Ano ang nais mo?” tanong ni Jesus. Sumagot siya na gusto sana niyang paupuin ni Jesus ang kaniyang mga anak sa mismong tabi niya sa kaniyang Kaharian, isa sa kaniyang kanan at isa sa kaniyang kaliwa. Buweno, nang malaman ng iba pang sampung apostol ang ipinahiling nina Santiago at Juan sa kanilang nanay, ano kaya sa palagay mo ang naramdaman nila?—
Oo, galit na galit sila kina Santiago at Juan. Kaya binigyan ni Jesus ang lahat ng kaniyang mga apostol ng matalinong payo. Sinabi sa kanila ni Jesus na gustung-gusto ng mga tagapamahala ng mga bansa na maging makapangyarihan at importante. Gusto nila ng mataas na posisyon para sila ang sundin ng lahat. Pero sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na hindi sila dapat maging gayon. Sa halip, sinabi ni Jesus: “Sinumang nagnanais na maging una sa inyo ay dapat na maging alipin ninyo.” Isipin mo iyan!—Mateo 20:20-28.
Alam mo ba kung ano ang ginagawa ng isang alipin?— Naglilingkod siya sa ibang tao, at hindi umaasang paglilingkuran siya ng iba. Kinukuha niya ang pinakamababang puwesto, hindi ang pinakauna. Gumagawi siya bilang pinakamababa, hindi bilang pinakaimportante. At tandaan, sinabi ni Jesus na ang nagnanais na maging una ay dapat gumawi na gaya ng isang alipin sa iba.
Ano sa palagay mo ang kahulugan niyan para sa atin?— Makikipagtalo ba ang isang alipin sa kaniyang panginoon tungkol sa kung sino ang makakakuha ng pinakamagandang upuan? O makikipagtalo ba siya tungkol sa kung sino ang unang kakain? Ano sa palagay mo?— Ipinaliwanag ni Jesus na palaging inuuna ng alipin ang kaniyang panginoon kaysa sa kaniyang sarili.—Lucas 17:7-10.
Kaya sa halip na piliting mauna, ano ang gagawin natin?— Oo, dapat tayong maging gaya ng isang alipin sa iba. At ang ibig sabihin nito ay uunahin natin ang iba kaysa sa ating sarili. Nangangahulugan ito na ituturing natin ang iba na mas importante kaysa sa atin. May naiisip ka bang mga paraan upang unahin ang iba?— Bakit hindi balikan ang pahina 40 at 41 at tingnan muli ang ilang paraan upang unahin mo ang iba sa pamamagitan ng paglilingkod sa kanila.
Matatandaan mo na inuna ng Dakilang Guro ang iba kaysa sa kaniyang sarili sa pamamagitan ng paglilingkod sa kanila. Noong huling gabing kasama niya ang kaniyang mga apostol, lumuhod pa nga siya at hinugasan ang kanilang mga paa. Kung uunahin din natin ang iba sa pamamagitan ng paglilingkod sa kanila, mapasasaya natin kapuwa ang Dakilang Guro at ang kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova.
Basahin natin ang ilan pang teksto sa Bibliya na nagpapasigla sa atin na unahin ang iba kaysa sa ating sarili: Lucas 9:48; Roma 12:3; at Filipos 2:3, 4.