KABANATA 12
Pamumuhay sa Paraang Nakalulugod sa Diyos
Paano ka magiging kaibigan ng Diyos?
Paano ka nasasangkot sa hamon ni Satanas?
Anong paggawi ang hindi nakalulugod kay Jehova?
Paano ka makapamumuhay sa paraang nakalulugod sa Diyos?
1, 2. Magbigay ng ilang halimbawa ng mga taong itinuring ni Jehova bilang kaniyang matatalik na kaibigan.
ANONG uri ng tao ang pipiliin mong maging kaibigan? Malamang na gugustuhin mong makasama ang isa na kapareho mo ng mga pananaw, hilig, at pamantayan. At marahil ay mapapalapít ka sa isa na may magagandang katangian, gaya ng katapatan at kabaitan.
2 Sa buong kasaysayan, pinili ng Diyos ang ilang tao para maging matatalik niyang kaibigan. Halimbawa, tinawag ni Jehova si Abraham na kaniyang kaibigan. (Isaias 41:8; Santiago 2:23) Tinukoy ng Diyos si David na “isang lalaking kalugud-lugod sa aking puso” dahil siya ang uri ng tao na iniibig ni Jehova. (Gawa 13:22) At itinuring ni Jehova si propeta Daniel bilang isa na “lubhang kalugud-lugod.”—Daniel 9:23.
3. Bakit pinipili ni Jehova ang ilang tao para maging kaibigan niya?
3 Bakit sina Abraham, David, at Daniel ay itinuring ni Jehova na kaniyang mga kaibigan? Buweno, sinabi niya kay Abraham: “Pinakinggan mo ang aking tinig.” (Genesis 22:18) Kaya si Jehova ay nagiging malapít sa mga mapagpakumbabang gumagawa ng kaniyang hinihiling sa kanila. “Sundin ninyo ang aking tinig,” ang sabi niya sa mga Israelita, “at ako ang magiging inyong Diyos, at kayo mismo ang magiging aking bayan.” (Jeremias 7:23) Kung susundin mo si Jehova, magiging kaibigan ka rin niya!
PINALALAKAS NI JEHOVA ANG KANIYANG MGA KAIBIGAN
4, 5. Paano ipinakikita ni Jehova ang kaniyang lakas alang-alang sa kaniyang bayan?
4 Pag-isipan kung ano ang kahulugan ng pakikipagkaibigan sa Diyos. Sinasabi ng Bibliya na humahanap si Jehova ng mga pagkakataon “upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.” (2 Cronica 16:9) Paano maipakikita ni Jehova ang kaniyang lakas alang-alang sa iyo? Ang isang paraan ay binanggit sa Awit 32:8, kung saan mababasa natin: “Pagkakalooban kita,” ang sabi ni Jehova, “ng kaunawaan at tuturuan kita hinggil sa daan na dapat mong lakaran. Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo.”
5 Isa nga itong nakaaantig-damdaming kapahayagan ng pagmamalasakit ni Jehova! Paglalaanan ka niya ng kinakailangang patnubay at babantayan ka niya habang ikinakapit mo ito. Nais ng Diyos na tulungan kang malampasan ang mga pagsubok. (Awit 55:22) Kaya kung paglilingkuran mo si Jehova nang buong puso, makapagtitiwala ka gaya ng salmista na nagsabi: “Lagi kong inilalagay si Jehova sa harap ko. Sa dahilang siya ay nasa aking kanan, hindi ako makikilos.” (Awit 16:8; 63:8) Oo, matutulungan ka ni Jehova na mamuhay sa paraang nakalulugod sa kaniya. Ngunit gaya ng alam mo, may kaaway ang Diyos na gustong humadlang sa iyo sa paggawa mo nito.
ANG HAMON NI SATANAS
6. Ano ang paratang ni Satanas hinggil sa mga tao?
6 Ipinaliwanag sa Kabanata 11 ng aklat na ito kung paano hinamon ni Satanas na Diyablo ang soberanya ng Diyos. Pinaratangan ni Satanas ang Diyos na isang sinungaling at ipinahiwatig na di-makatarungan si Jehova sa hindi pagpapahintulot kina Adan at Eva na magpasiya para sa kanilang sarili kung ano ang tama at kung ano ang mali. Pagkatapos magkasala nina Adan at Eva at magsimulang mapuno ang lupa ng kanilang mga supling, kinuwestiyon ni Satanas ang motibo ng lahat ng tao. “Ang mga tao ay naglilingkod sa Diyos hindi dahil mahal nila siya,” ang paratang ni Satanas. “Kung bibigyan lamang ako ng pagkakataon, maitatalikod ko ang lahat laban sa Diyos.” Ipinakikita ng salaysay hinggil sa taong nagngangalang Job na ito ang palagay ni Satanas. Sino ba si Job, at paano siya nasangkot sa hamon ni Satanas?
7, 8. (a) Bakit namumukod-tangi si Job sa mga tao nang panahong iyon? (b) Paano kinuwestiyon ni Satanas ang motibo ni Job?
7 Nabuhay si Job mga 3,600 taon na ang nakalilipas. Isa siyang mabuting tao, dahil sinabi ni Jehova: “Walang sinumang tulad niya sa lupa, isang lalaking walang kapintasan at matuwid, na natatakot sa Diyos at lumilihis sa kasamaan.” (Job 1:8) Si Job ay kalugud-lugod sa Diyos.
8 Kinuwestiyon ni Satanas ang motibo ni Job sa paglilingkod sa Diyos. Sinabi ng Diyablo kay Jehova: “Hindi ka ba naglagay ng bakod sa palibot [ni Job] at sa palibot ng kaniyang sambahayan at sa palibot ng lahat ng kaniyang pag-aari sa buong paligid? Ang gawa ng kaniyang mga kamay ay iyong pinagpala, at ang kaniyang mga alagang hayop ay lumaganap sa lupa. Ngunit, upang mapaiba naman, iunat mo ang iyong kamay, pakisuyo, at galawin mo ang lahat ng kaniyang pag-aari at tingnan mo kung hindi ka niya susumpain nang mukhaan.”—Job 1:10, 11.
9. Paano tumugon si Jehova sa hamon ni Satanas, at bakit?
9 Kaya iginiit ni Satanas na naglilingkod si Job sa Diyos dahil lamang sa nakukuha niyang pakinabang. Nagparatang din ang Diyablo na kung susubukin si Job, tatalikuran nito ang Diyos. Paano tumugon si Jehova sa hamon ni Satanas? Yamang nasasangkot sa usapin ang motibo ni Job, pinahintulutan ni Jehova si Satanas na subukin si Job. Sa ganitong paraan, maliwanag na makikita kung talagang iniibig ni Job ang Diyos o hindi.
SINUBOK SI JOB
10. Anong mga pagsubok ang sumapit kay Job, at paano siya tumugon?
10 Di-nagtagal at sinubok ni Satanas si Job sa iba’t ibang paraan. Ang ilan sa mga hayupan ni Job ay ninakaw, at ang iba ay pinatay. Ang karamihan sa kaniyang mga lingkod ay pinaslang. Nagdulot ito ng paghihirap sa kabuhayan. Sumapit pa ang karagdagang trahedya nang mamatay ang sampung anak ni Job dahil sa isang bagyo. Subalit sa kabila ng kahila-hilakbot na mga pangyayaring ito, “hindi nagkasala si Job ni nagpatungkol man sa Diyos ng anumang di-wasto.”—Job 1:22.
11. (a) Ano ang ikalawang akusasyon ni Satanas hinggil kay Job, at paano tumugon si Jehova? (b) Paano tumugon si Job nang dapuan siya ng makirot na sakit?
11 Hindi sumuko si Satanas. Marahil ay naisip niya na bagaman kayang batahin ni Job ang pagkawala ng kaniyang mga pag-aari, mga lingkod, at mga anak, tatalikuran nito ang Diyos kapag nagkasakit ito. Pinahintulutan ni Jehova si Satanas na pasapitan si Job ng isang nakapandidiri at makirot na sakit. Ngunit maging ito man ay hindi naging dahilan upang mawalan ng pananampalataya si Job sa Diyos. Sa halip, matatag niyang sinabi: “Hanggang sa pumanaw ako ay hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan!”—Job 27:5.
12. Paano sinagot ni Job ang hamon ng Diyablo?
12 Hindi alam ni Job na si Satanas ang sanhi ng kaniyang mga suliranin. Palibhasa’y hindi niya alam ang mga detalye hinggil sa hamon ng Diyablo sa soberanya ni Jehova, nangamba si Job na ang Diyos ang dahilan ng kaniyang mga problema. (Job 6:4; 16:11-14) Gayunman, nanatili siyang tapat kay Jehova. At ang pag-aangkin ni Satanas na naglilingkod si Job sa Diyos dahil sa makasariling mga dahilan ay napatunayang kasinungalingan sa pamamagitan ng tapat na landasin ni Job!
13. Ano ang nangyari dahil tapat si Job sa Diyos?
13 Ang katapatan ni Job ay naglaan kay Jehova ng isang mapuwersang sagot sa mapang-insultong hamon ni Satanas. Si Job ay talagang kaibigan ni Jehova, at ginantimpalaan siya ng Diyos dahil sa kaniyang tapat na landasin.—Job 42:12-17.
KUNG PAANO KA NASASANGKOT
14, 15. Bakit natin masasabi na ang hamon ni Satanas may kaugnayan kay Job ay kumakapit sa lahat ng tao?
14 Ang usaping ibinangon ni Satanas hinggil sa katapatan sa Diyos ay hindi lamang nakatuon kay Job. Nasasangkot ka rin. Maliwanag na ipinakikita ito sa Kawikaan 27:11, kung saan sinasabi ng Salita ni Jehova: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” Ipinakikita ng mga salitang ito, na isinulat daan-daang taon na ang nakalipas pagkamatay ni Job, na tinutuya pa rin ni Satanas ang Diyos at inaakusahan ang Kaniyang mga lingkod. Kapag namumuhay tayo sa paraang nakalulugod kay Jehova, sa katunayan ay tumutulong tayo sa pagsagot sa huwad na mga paratang ni Satanas, at sa gayo’y napasasaya natin ang puso ng Diyos. Ano ang nadarama mo hinggil sa bagay na iyan? Hindi ba napakainam na magkaroon ng bahagi sa pagsagot sa may-kasinungalingang mga pag-aangkin ng Diyablo, kahit na nangangahulugan ito ng paggawa ng ilang pagbabago sa iyong buhay?
15 Pansinin na sinabi ni Satanas: “Lahat ng pag-aari ng isang tao ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang kaluluwa.” (Job 2:4) Sa pagsasabing “isang tao,” niliwanag ni Satanas na ang kaniyang paratang ay kapit hindi lamang kay Job kundi sa lahat ng tao. Napakahalagang punto iyan. Kinukuwestiyon ni Satanas ang iyong katapatan sa Diyos. Kapag nagkaroon ng mga problema, gustong makita ng Diyablo na sumuway ka sa Diyos at iwan mo ang matuwid na landasin. Paano kaya ito maaaring gawin ni Satanas?
16. (a) Sa anu-anong pamamaraan sinisikap ni Satanas na italikod ang mga tao sa Diyos? (b) Paano maaaring gamitin ng Diyablo ang mga pamamaraang ito laban sa iyo?
16 Gaya ng tinalakay sa Kabanata 10, gumagamit si Satanas ng iba’t ibang pamamaraan sa pagsisikap na italikod ang mga tao sa Diyos. Sa isang banda, sumasalakay siya “tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila.” (1 Pedro 5:8) Kaya maaaring makita ang impluwensiya ni Satanas kapag sinasalansang ng mga kaibigan, kamag-anak, o ng iba pa ang iyong pagsisikap na mag-aral ng Bibliya at magkapit ng iyong mga natututuhan.a (Juan 15:19, 20) Sa kabilang panig naman, si Satanas ay “laging nag-aanyong isang anghel ng liwanag.” (2 Corinto 11:14) Maaaring gumamit ang Diyablo ng tusong mga paraan upang iligaw ka at akayin palayo sa makadiyos na paraan ng pamumuhay. Maaari rin niyang gamitin ang pagkasira ng loob, anupat marahil ay ipadama sa iyo na hindi mo mapaluluguran ang Diyos kahit kailan. (Kawikaan 24:10) Si Satanas man ay kumikilos na gaya ng “isang leong umuungal” o nagkukunwang “isang anghel ng liwanag,” hindi nagbabago ang kaniyang hamon: Sinasabi niyang kapag napaharap ka sa mga pagsubok o mga tukso, hihinto ka na sa paglilingkod sa Diyos. Paano mo masasagot ang kaniyang hamon at mapatutunayan ang iyong katapatan sa Diyos, gaya ng ginawa ni Job?
PAGSUNOD SA MGA UTOS NI JEHOVA
17. Ano ang pangunahing dahilan sa pagsunod sa mga utos ni Jehova?
17 Masasagot mo ang hamon ni Satanas kung mamumuhay ka sa paraang nakalulugod sa Diyos. Ano ba ang kasangkot dito? Ganito ang sagot ng Bibliya: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong lakas.” (Deuteronomio 6:5) Habang sumisidhi ang iyong pag-ibig sa Diyos, sisidhi rin ang iyong hangaring gawin ang hinihiling niya sa iyo. “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos,” ang isinulat ni apostol Juan, “na tuparin natin ang kaniyang mga utos.” Kung iniibig mo si Jehova nang iyong buong puso, masusumpungan mo na “ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.”—1 Juan 5:3.
18, 19. (a) Ano ang ilan sa mga utos ni Jehova? (Tingnan ang kahon na pinamagatang “Iwasan ang mga Kinapopootan ni Jehova.”) (b) Paano natin nalaman na hindi naman labis-labis ang hinihiling ng Diyos sa atin?
18 Ano ba ang mga utos ni Jehova? Ang ilan sa mga ito ay nagsasangkot sa mga paggawing kailangan nating iwasan. Halimbawa, pansinin ang kahon na pinamagatang “Iwasan ang mga Kinapopootan ni Jehova.” Masusumpungan mong nakalista roon ang mga paggawing maliwanag na hinahatulan ng Bibliya. Sa unang tingin, ang ilang gawaing nakatala roon ay waring hindi naman ganoon kasamâ. Ngunit kapag binulay-bulay mo na ang binanggit na mga kasulatan, malamang na makikita mo ang karunungan ng mga kautusan ni Jehova. Ang paggawa mo ng mga pagbabago sa iyong paggawi ang maaaring maging pinakamalaking hamon na mapapaharap sa iyo kailanman. Gayunman, ang pamumuhay sa paraang nakalulugod sa Diyos ay nagdudulot ng malaking kasiyahan at kaligayahan. (Isaias 48:17, 18) At ito ay isang bagay na kaya mong abutin. Paano natin nalaman iyan?
19 Hindi kailanman humihiling si Jehova nang higit sa makakaya natin. (Deuteronomio 30:11-14) Mas alam niya kaysa sa atin ang ating potensiyal at mga limitasyon. (Awit 103:14) Bukod diyan, mabibigyan tayo ni Jehova ng lakas para sundin siya. Sumulat si apostol Pablo: “Ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi kalakip ng tukso ay gagawa rin siya ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.” (1 Corinto 10:13) Upang matulungan kang magbata, mapaglalaanan ka pa nga ni Jehova ng “lakas na higit sa karaniwan.” (2 Corinto 4:7) Pagkatapos batahin ang maraming pagsubok, masasabi ni Pablo: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”—Filipos 4:13.
PAGLINANG NG MAKADIYOS NA MGA KATANGIAN
20. Anong makadiyos na mga katangian ang dapat mong linangin, at bakit mahalaga ang mga ito?
20 Siyempre pa, ang pagpapalugod kay Jehova ay nagsasangkot ng higit pa kaysa sa basta pag-iwas sa mga bagay na kinapopootan niya. Kailangan mo ring ibigin ang iniibig niya. (Roma 12:9) Hindi ka ba napapalapít sa mga indibiduwal na kapareho mo ng mga pananaw, hilig, at pamantayan? Ganiyan din si Jehova. Kaya pag-aralan mong ibigin ang mga bagay na gustung-gusto ni Jehova. Ang ilan sa mga ito ay inilalarawan sa Awit 15:1-5, kung saan mababasa natin ang tungkol sa mga itinuturing ng Diyos na kaniyang mga kaibigan. Ipinakikita ng mga kaibigan ni Jehova ang tinatawag ng Bibliya na “mga bunga ng espiritu.” Kabilang dito ang mga katangiang gaya ng “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.”—Galacia 5:22, 23.
21. Ano ang tutulong sa iyo na malinang ang makadiyos na mga katangian?
21 Ang regular na pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya ay tutulong sa iyo na malinang ang makadiyos na mga katangian. At ang pagkaalam naman sa mga hinihiling ng Diyos ay tutulong sa iyo na maiayon ang iyong mga kaisipan sa pag-iisip ng Diyos. (Isaias 30:20, 21) Habang pinasisidhi mo ang iyong pag-ibig kay Jehova, sisidhi rin ang iyong hangaring mabuhay sa paraang nakalulugod sa Diyos.
22. Ano ang maisasakatuparan mo kung mamumuhay ka sa paraang nakalulugod sa Diyos?
22 Kailangan ang pagsisikap para makapamuhay sa paraang nakalulugod kay Jehova. Ang iyong pagbabago sa buhay ay inihahalintulad ng Bibliya sa paghuhubad mo ng iyong lumang personalidad at pagsusuot ng bagong personalidad. (Colosas 3:9, 10) Ngunit hinggil sa mga utos ni Jehova, ganito ang isinulat ng salmista: “Sa pag-iingat ng mga iyon ay may malaking gantimpala.” (Awit 19:11) Masusumpungan mo rin na ang pamumuhay sa paraang nakalulugod sa Diyos ay lubhang kapaki-pakinabang. Sa paggawa nito, masasagot mo ang hamon ni Satanas at mapasasaya mo ang puso ni Jehova!
a Hindi naman ito nangangahulugang tuwirang kinokontrol ni Satanas ang mga sumasalansang sa iyo. Ngunit si Satanas ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay, at ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan niya. (2 Corinto 4:4; 1 Juan 5:19) Kaya makaaasa tayo na ang pamumuhay sa makadiyos na paraan ay magiging isang di-popular na landasin, at sasalansangin ka ng ilan.