KABANATA 14
Kung Paano Magiging Maligaya ang Iyong Buhay Pampamilya
Ano ang kailangan upang maging mabuting asawang lalaki?
Paano magtatagumpay ang isang babae bilang asawa?
Ano ang nasasangkot sa pagiging mahusay na magulang?
Paano makatutulong ang mga anak upang maging maligaya ang buhay pampamilya?
1. Ano ang susi sa maligayang buhay pampamilya?
NAIS ng Diyos na Jehova na maging maligaya ang iyong buhay pampamilya. Ang kaniyang Salita, ang Bibliya, ay naglalaan ng mga panuntunan para sa bawat miyembro ng pamilya, anupat inilalarawan ang papel na nais ng Diyos na gampanan ng bawat isa. Kapag ginagampanan ng mga miyembro ng pamilya ang kani-kanilang papel alinsunod sa payo ng Diyos, talagang kasiya-siya ang mga resulta. Sinabi ni Jesus: “Maligaya yaong mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”—Lucas 11:28.
2. Sa pagkilala natin sa ano nakasalalay ang kaligayahan ng pamilya?
2 Ang kaligayahan ng pamilya ay pangunahin nang nakasalalay sa pagkilala natin na ang pamilya ay nagmula kay Jehova, ang isa na tinawag ni Jesus na “Ama [Natin].” (Mateo 6:9) Umiiral ang bawat pamilya sa lupa dahil sa ating makalangit na Ama—at tiyak na alam niya kung ano ang makapagpapaligaya sa mga pamilya. (Efeso 3:14, 15) Kaya, ano ba ang itinuturo ng Bibliya hinggil sa papel ng bawat miyembro ng pamilya?
NAGMULA SA DIYOS ANG KAAYUSAN NG PAMILYA
3. Paano inilalarawan ng Bibliya ang pasimula ng pamilya ng tao, at bakit natin alam na totoo ang sinasabi nito?
3 Nilalang ni Jehova ang unang mga tao, sina Adan at Eva, at pinagsama sila bilang mag-asawa. Inilagay niya sila sa isang magandang paraisong tahanan dito sa lupa—ang hardin ng Eden—at sinabi sa kanila na magluwal ng mga anak. “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa,” ang sabi ni Jehova. (Genesis 1:26-28; 2:18, 21-24) Hindi ito isang kuwento o alamat lamang, sapagkat ipinakita ni Jesus na totoo ang sinasabi ng Genesis tungkol sa pasimula ng buhay pampamilya. (Mateo 19:4, 5) Bagaman napapaharap tayo sa maraming problema at ang buhay ngayon ay hindi kagaya ng nilayon ng Diyos, tingnan natin kung bakit posible ang kaligayahan sa loob ng pamilya.
4. (a) Paano makatutulong ang bawat miyembro ng pamilya upang maging maligaya ang pamilya? (b) Bakit napakahalagang pag-aralan ang buhay ni Jesus upang maging maligaya ang pamilya?
4 Makatutulong ang bawat miyembro ng pamilya upang maging maligaya ang buhay pampamilya sa pamamagitan ng pagtulad sa Diyos sa pagpapakita ng pag-ibig. (Efeso 5:1, 2) Subalit paano natin matutularan ang Diyos yamang hindi naman natin siya nakikita? Maaari nating malaman kung paano kumikilos si Jehova sapagkat isinugo niya sa lupa ang kaniyang panganay na Anak mula sa langit. (Juan 1:14, 18) Noong siya ay nasa lupa, gayon na lamang kahusay ang pagtulad ng Anak na ito, si Jesu-Kristo, sa kaniyang makalangit na Ama anupat kapag nakita o narinig mo si Jesus, para mo na ring nakasama at narinig si Jehova. (Juan 14:9) Kaya kung pag-aaralan natin ang hinggil sa pag-ibig na ipinakita ni Jesus at susundan ang kaniyang halimbawa, ang bawat isa sa atin ay makatutulong upang maging mas maligaya ang buhay pampamilya.
ISANG HUWARAN PARA SA MGA ASAWANG LALAKI
5, 6. (a) Paano nagsisilbing halimbawa para sa mga asawang lalaki ang paraan ng pakikitungo ni Jesus sa kongregasyon? (b) Ano ang dapat gawin upang matamo ang kapatawaran sa mga kasalanan?
5 Sinasabi ng Bibliya na dapat pakitunguhan ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae katulad ng pakikitungo ni Jesus sa kaniyang mga alagad. Isaalang-alang ang tagubiling ito ng Bibliya: “Mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae, kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito . . . Sa ganitong paraan dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan. Siya na umiibig sa kaniyang asawang babae ay umiibig sa kaniyang sarili, sapagkat walang taong napoot kailanman sa kaniyang sariling laman; kundi pinakakain at inaaruga niya ito, gaya ng ginagawa rin ng Kristo sa kongregasyon.”—Efeso 5:23, 25-29.
6 Ang pag-ibig ni Jesus para sa kaniyang kongregasyon ng mga alagad ay nagsisilbing sakdal na halimbawa para sa mga asawang lalaki. ‘Inibig sila ni Jesus hanggang sa wakas,’ anupat inihandog ang kaniyang buhay para sa kanila, bagaman hindi sila sakdal. (Juan 13:1; 15:13) Sa katulad na paraan, hinihimok ang mga asawang lalaki: “Patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae at huwag kayong magalit sa kanila nang may kapaitan.” (Colosas 3:19) Ano ang makatutulong sa asawang lalaki na ikapit ang gayong payo, lalo na kung paminsan-minsan ay kumikilos ang kaniyang asawa nang padalus-dalos? Dapat niyang alalahanin ang kaniyang sariling mga pagkakamali at kung ano ang dapat niyang gawin upang matamo niya ang kapatawaran ng Diyos. Ano nga ba ang dapat niyang gawin? Dapat niyang patawarin ang mga nagkakasala sa kaniya, at kasama na riyan ang kaniyang asawa. Siyempre pa, ganoon din naman ang dapat gawin ng asawang babae. (Mateo 6:12, 14, 15) Nakikita mo ba kung bakit sinasabi ng ilan na ang isang matagumpay na pag-aasawa ay pagsasama ng dalawang mahusay magpatawad?
7. Ano ang isinaalang-alang ni Jesus, na nagbibigay ng anong halimbawa para sa mga asawang lalaki?
7 Dapat ding pansinin ng mga asawang lalaki na si Jesus ay laging nagpapakita ng konsiderasyon sa kaniyang mga alagad. Isinaalang-alang niya ang kanilang mga limitasyon at pisikal na mga pangangailangan. Halimbawa, nang mapagod sila, sinabi niya: “Halikayo, kayo mismo, nang sarilinan sa isang liblib na dako at magpahinga nang kaunti.” (Marcos 6:30-32) Karapat-dapat din ang mga asawang babae sa maalalahaning konsiderasyon. Inilalarawan sila ng Bibliya bilang “mas mahinang sisidlan” at ang mga asawang lalaki ay inuutusan na pag-ukulan sila ng ‘karangalan.’ Bakit? Sapagkat ang asawang lalaki at asawang babae ay parehong may bahagi sa “di-sana-nararapat na biyaya ng buhay.” (1 Pedro 3:7) Dapat tandaan ng mga asawang lalaki na nagiging mahalaga sa Diyos ang isang tao, hindi dahil sa lalaki o babae siya, kundi dahil sa katapatan ng isa.—Awit 101:6.
8. (a) Paanong ang asawang lalaki “na umiibig sa kaniyang asawang babae ay umiibig sa kaniyang sarili”? (b) Ano ang kahulugan ng pagiging “isang laman” para sa asawang lalaki at sa kaniyang asawa?
8 Sinasabi ng Bibliya na ang asawang lalaki “na umiibig sa kaniyang asawang babae ay umiibig sa kaniyang sarili.” Ito ay dahil sa ang mag-asawa ay ‘hindi na dalawa, kundi isang laman,’ gaya ng binanggit ni Jesus. (Mateo 19:6) Kaya ang kanilang seksuwal na interes ay dapat na limitado lamang sa isa’t isa. (Kawikaan 5:15-21; Hebreo 13:4) Magagawa nila ito kung magpapakita sila ng walang pag-iimbot na pagmamalasakit sa mga pangangailangan ng isa’t isa. (1 Corinto 7:3-5) Kapansin-pansin ang paalaalang ito: “Walang taong napoot kailanman sa kaniyang sariling laman; kundi pinakakain at inaaruga niya ito.” Kailangang ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawa gaya ng pag-ibig nila sa kanilang sarili, na isinasaisip na magsusulit sila sa kanilang sariling ulo, si Jesu-Kristo.—Efeso 5:29; 1 Corinto 11:3.
9. Anong katangian ni Jesus ang binanggit sa Filipos 1:8, at bakit dapat ipakita ng mga asawang lalaki ang katangiang ito sa kani-kanilang asawa?
9 Binanggit ni apostol Pablo ang ‘magiliw na pagmamahal na taglay ni Kristo Jesus.’ (Filipos 1:8) Ang pagiging magiliw ni Jesus ay isang nakagiginhawang katangian, isa na kinawiwilihan ng mga babae na naging mga alagad niya. (Juan 20:1, 11-13, 16) At minimithi ng mga asawang babae ang magiliw na pagmamahal ng kani-kanilang asawang lalaki.
ISANG HALIMBAWA PARA SA MGA ASAWANG BABAE
10. Paano nagpakita ng halimbawa si Jesus para sa mga asawang babae?
10 Ang pamilya ay isang organisasyon, at upang gumana nang maayos, kailangan nito ang isang ulo. Kahit si Jesus ay may Isa na pinagpapasakupan bilang kaniyang Ulo. “Ang ulo . . . ng Kristo ay ang Diyos,” kung paanong “ang ulo naman ng babae ay ang lalaki.” (1 Corinto 11:3) Ang pagpapasakop ni Jesus sa pagkaulo ng Diyos ay isang mainam na halimbawa, yamang tayong lahat ay may ulo na dapat nating pagpasakupan.
11. Ano ang dapat maging saloobin ng asawang babae sa kaniyang asawa, at ano ang maaaring maging epekto ng kaniyang paggawi?
11 Nagkakamali ang di-sakdal na mga lalaki at madalas na hindi nakaaabot sa pamantayan ng pagiging huwarang mga ulo ng pamilya. Kung gayon, ano ang dapat gawin ng asawang babae? Hindi niya dapat maliitin ang ginagawa ng kaniyang asawa o sikaping agawin ang pagkaulo nito. Makabubuting tandaan ng asawang babae na sa pangmalas ng Diyos, ang tahimik at mahinahong espiritu ay napakahalaga. (1 Pedro 3:4) Sa pagpapakita ng gayong espiritu, masusumpungan ng asawang babae na mas madaling magpakita ng makadiyos na pagpapasakop, maging sa ilalim ng mapanubok na mga kalagayan. Karagdagan pa, sinasabi ng Bibliya: “Ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” (Efeso 5:33) Pero paano kung hindi kinikilala ng asawang lalaki si Kristo bilang kaniyang Ulo? Hinihimok ng Bibliya ang mga asawang babae: “Magpasakop kayo sa inyu-inyong asawang lalaki, upang, kung ang sinuman ay hindi masunurin sa salita, mawagi sila nang walang salita sa pamamagitan ng paggawi ng kani-kanilang asawang babae, dahil sa pagiging mga saksi sa inyong malinis na paggawi na may kalakip na matinding paggalang.”—1 Pedro 3:1, 2.
12. Bakit hindi mali para sa asawang babae na ipahayag ang kaniyang mga opinyon sa magalang na paraan?
12 Ang asawa man niya ay kapananampalataya o hindi, ang asawang babae ay hindi naman nagpapakita ng kawalang-galang kung mataktika siyang magpapahayag ng opinyon na naiiba sa opinyon ng kaniyang asawa. Maaaring tama ang pangmalas ng asawang babae, at maaaring makinabang ang buong pamilya kung makikinig ang asawang lalaki sa kaniya. Bagaman hindi sang-ayon si Abraham nang irekomenda ng kaniyang asawang si Sara ang isang praktikal na solusyon sa isang partikular na problema ng sambahayan, sinabi ng Diyos kay Abraham: “Pakinggan mo ang kaniyang tinig.” (Genesis 21:9-12) Sabihin pa, kapag gumawa ng panghuling pasiya ang asawang lalaki na hindi naman salungat sa kautusan ng Diyos, ipinakikita ng asawang babae ang kaniyang pagpapasakop sa pamamagitan ng pagsuporta rito.—Gawa 5:29; Efeso 5:24.
13. (a) Ano ang hinihimok ng Tito 2:4, 5 na gawin ng mga babaing may asawa? (b) Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paghihiwalay at diborsiyo?
13 Sa pagtupad sa kaniyang papel, malaki ang magagawa ng asawang babae sa pangangalaga sa pamilya. Halimbawa, ipinakikita ng Bibliya na dapat “ibigin [ng mga babaing may asawa] ang kani-kanilang asawa, na ibigin ang kanilang mga anak, na maging matino ang pag-iisip, malinis, mga manggagawa sa tahanan, mabuti, nagpapasakop sa kani-kanilang asawa.” (Tito 2:4, 5) Ang asawang babae at ina na gumagawi sa ganitong paraan ay magtatamo ng namamalaging pag-ibig at paggalang ng kaniyang pamilya. (Kawikaan 31:10, 28) Gayunman, yamang ang pag-aasawa ay pagsasama ng di-sakdal na mga indibiduwal, ang ilang sukdulang kalagayan ay maaaring humantong sa paghihiwalay o diborsiyo. Ipinahihintulot ng Bibliya ang paghihiwalay sa ilalim ng ilang partikular na kalagayan. Subalit ang paghihiwalay ay isang seryosong bagay, sapagkat nagpapayo ang Bibliya: “Ang asawang babae ay hindi dapat humiwalay sa kaniyang asawa; . . . at hindi dapat iwan ng asawang lalaki ang kaniyang asawa.” (1 Corinto 7:10, 11) At tanging ang pakikiapid ng isa sa kanila ang maka-Kasulatang saligan para sa diborsiyo.—Mateo 19:9.
ISANG SAKDAL NA HALIMBAWA PARA SA MGA MAGULANG
14. Paano pinakitunguhan ni Jesus ang mga bata, at ano ang kailangan ng mga bata mula sa kanilang mga magulang?
14 Nagpakita si Jesus ng sakdal na halimbawa para sa mga magulang sa paraan ng pakikitungo niya sa mga bata. Nang sikapin ng ilan na hadlangan ang maliliit na bata sa paglapit kay Jesus, sinabi niya: “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata; huwag ninyo silang tangkaing pigilan.” Sinasabi ng Bibliya na pagkatapos nito ay “kinuha niya sa kaniyang mga bisig ang mga bata at pinasimulan silang pagpalain, na ipinapatong sa kanila ang kaniyang mga kamay.” (Marcos 10:13-16) Yamang naglaan ng panahon si Jesus para sa maliliit na bata, hindi ba’t gayundin ang dapat mong gawin para sa iyong mga anak? Kailangan nila ang malaking panahon mo at hindi ang tira-tira lamang. Kailangan mong maglaan ng panahon para turuan sila, yamang iyan ang itinagubilin ni Jehova na dapat gawin ng mga magulang.—Deuteronomio 6:4-9.
15. Ano ang magagawa ng mga magulang upang ipagsanggalang ang kanilang mga anak?
15 Habang lalong sumasamâ ang daigdig na ito, kailangan ng mga anak ang mga magulang na magsasanggalang sa kanila mula sa mga taong nagsisikap na saktan sila, gaya ng mga seksuwal na nang-aabuso ng mga bata. Isaalang-alang kung paano ipinagsanggalang ni Jesus ang kaniyang mga alagad, na magiliw niyang tinawag na “mumunting mga anak.” Nang siya ay arestuhin at malapit nang patayin, gumawa ng paraan si Jesus para makatakas sila. (Juan 13:33; 18:7-9) Bilang magulang, kailangan mong maging alisto sa mga pagtatangka ng Diyablo na pinsalain ang iyong maliliit na anak. Kailangan mo silang bigyan ng patiunang babala.a (1 Pedro 5:8) Nanganganib ang kanilang pisikal, espirituwal, at moral na kaligtasan higit kailanman.
16. Ano ang matututuhan ng mga magulang sa paraan ng pakikitungo ni Jesus sa di-kasakdalan ng kaniyang mga alagad?
16 Noong gabi bago mamatay si Jesus, nagtalo ang kaniyang mga alagad kung sino sa kanila ang mas dakila. Sa halip na magalit sa kanila, patuloy na namanhik sa kanila si Jesus sa maibiging paraan sa pamamagitan ng salita at halimbawa. (Lucas 22:24-27; Juan 13:3-8) Kung ikaw ay isang magulang, nakikita mo ba kung paano mo matutularan ang halimbawa ni Jesus sa iyong paraan ng pagtutuwid sa iyong mga anak? Totoo, kailangan nila ang disiplina, ngunit dapat itong gawin sa “wastong antas” at hindi kailanman sa galit. Hindi mo gugustuhing magsalita nang padalus-dalos na “gaya ng mga saksak ng tabak.” (Jeremias 30:11; Kawikaan 12:18) Ang disiplina ay dapat ilapat sa paraang makikita ng iyong anak sa dakong huli na angkop ito.—Efeso 6:4; Hebreo 12:9-11.
ISANG HUWARAN PARA SA MGA BATA
17. Sa anu-anong paraan nagpakita si Jesus ng sakdal na halimbawa para sa mga bata?
17 May matututuhan ba ang mga bata kay Jesus? Oo! Sa pamamagitan ng kaniyang sariling halimbawa, ipinakita ni Jesus kung paano dapat sumunod ang mga anak sa kanilang mga magulang. “Kung ano ang itinuro sa akin ng Ama,” ang sabi niya, “ito ang . . . sinasalita ko.” Idinagdag pa niya: “Lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniya.” (Juan 8:28, 29) Si Jesus ay masunurin sa kaniyang makalangit na Ama, at sinasabi ng Bibliya sa mga anak na sundin ang kanilang mga magulang. (Efeso 6:1-3) Bagaman isang sakdal na bata si Jesus, sinunod niya ang kaniyang mga magulang na tao, sina Jose at Maria, na mga di-sakdal. Tiyak na nakapagdulot ito ng kaligayahan sa bawat miyembro ng pamilya ni Jesus!—Lucas 2:4, 5, 51, 52.
18. Bakit laging sinusunod ni Jesus ang kaniyang makalangit na Ama, at sino ang maligaya kapag sinusunod ng mga anak ang kanilang mga magulang sa ngayon?
18 Maaari bang humanap ng mga paraan ang mga anak upang higit nilang matularan si Jesus at sa gayo’y mapaligaya ang kanilang mga magulang? Totoo, maaaring nahihirapan kung minsan ang mga kabataan na sundin ang kanilang mga magulang, ngunit iyan ang nais ng Diyos na gawin ng mga anak. (Kawikaan 1:8; 6:20) Laging sinusunod ni Jesus ang kaniyang makalangit na Ama, maging sa ilalim ng mahihirap na kalagayan. Minsan, nang kalooban ng Diyos na gawin ni Jesus ang isang bagay na talagang mahirap, sinabi ni Jesus: “Alisin mo sa akin ang kopang ito [isang partikular na kahilingan].” Magkagayunman, ginawa ni Jesus ang hiniling ng Diyos, dahil naunawaan niya na alam ng kaniyang Ama kung ano ang pinakamabuti para sa kaniya. (Lucas 22:42) Kapag natutong sumunod ang mga anak, mapaliligaya nila nang husto ang kanilang mga magulang at ang kanilang makalangit na Ama.b—Kawikaan 23:22-25.
19. (a) Paano tinutukso ni Satanas ang mga bata? (b) Ano ang maaaring maging epekto sa mga magulang ng masamang paggawi ng mga anak?
19 Tinukso ng Diyablo si Jesus, at makatitiyak tayo na tutuksuhin din niya ang mga kabataan na gumawa ng mali. (Mateo 4:1-10) Ginagamit ni Satanas na Diyablo ang panggigipit ng mga kasamahan, na maaaring mahirap labanan. Kung gayon, napakahalaga nga na huwag makisama ang mga bata sa mga gumagawa ng masama! (1 Corinto 15:33) Nakisama ang anak na babae ni Jacob na si Dina sa mga hindi mananamba ni Jehova, at humantong ito sa maraming problema. (Genesis 34:1, 2) Isipin kung paano maaaring masaktan ang pamilya kung ang isa sa mga miyembro nito ay masangkot sa seksuwal na imoralidad!—Kawikaan 17:21, 25.
ANG SUSI NG KALIGAYAHAN SA PAMILYA
20. Upang matamasa ang maligayang buhay pampamilya, ano ang dapat gawin ng bawat miyembro ng pamilya?
20 Mas madaling harapin ang mga problema sa pamilya kapag ikinakapit ang payo ng Bibliya. Sa katunayan, ang pagkakapit ng gayong payo ang susi ng kaligayahan sa pamilya. Kaya mga asawang lalaki, ibigin ninyo ang inyong asawa, at pakitunguhan siya gaya ng pakikitungo ni Jesus sa kongregasyon. Mga asawang babae, magpasakop sa pagkaulo ng inyong asawa, at tularan ang halimbawa ng may-kakayahang asawang babae na inilarawan sa Kawikaan 31:10-31. Mga magulang, sanayin ang inyong mga anak. (Kawikaan 22:6) Mga ama, ‘mamuno kayo sa inyong sariling sambahayan sa mahusay na paraan.’ (1 Timoteo 3:4, 5; 5:8) At mga anak, sundin ang inyong mga magulang. (Colosas 3:20) Walang sinuman sa pamilya ang sakdal, dahil lahat ay nagkakamali. Kaya maging mapagpakumbaba, anupat humihingi ng kapatawaran sa isa’t isa.
21. Anong kamangha-manghang pag-asa ang naghihintay, at paano tayo makapagtatamasa ng maligayang buhay pampamilya ngayon?
21 Tunay na naglalaman ang Bibliya ng saganang kapaki-pakinabang na payo at tagubilin hinggil sa buhay pampamilya. Bukod diyan, itinuturo nito sa atin ang tungkol sa bagong sanlibutan ng Diyos at isang makalupang paraiso na punô ng maliligayang tao na sumasamba kay Jehova. (Apocalipsis 21:3, 4) Talaga ngang kamangha-manghang pag-asa ang naghihintay! Kahit ngayon, matatamasa natin ang maligayang buhay pampamilya kung ating ikakapit ang mga tagubilin ng Diyos na makikita sa kaniyang Salita, ang Bibliya.
a Masusumpungan ang tulong sa pagsasanggalang sa mga bata sa kabanata 32 ng aklat na Matuto Mula sa Dakilang Guro, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.