KABANATA 15
Ang Pagsambang Sinasang-ayunan ng Diyos
Kalugud-lugod ba sa Diyos ang lahat ng relihiyon?
Paano natin makikilala ang tunay na relihiyon?
Sinu-sino ang tunay na mga mananamba ng Diyos sa lupa sa ngayon?
1. Paano tayo makikinabang kung sasambahin natin ang Diyos sa tamang paraan?
LUBHANG nagmamalasakit sa atin ang Diyos na Jehova at nais niyang makinabang tayo mula sa kaniyang maibiging patnubay. Kung sasambahin natin siya sa tamang paraan, magiging maligaya tayo at maiiwasan ang maraming problema sa buhay. Matatamo rin natin ang kaniyang pagpapala at tulong. (Isaias 48:17) Gayunman, daan-daang relihiyon ang nag-aangking itinuturo nila ang katotohanan tungkol sa Diyos. Subalit malaki ang pagkakaiba ng kani-kanilang mga turo hinggil sa kung sino ang Diyos at kung ano ang inaasahan niya sa atin.
2. Paano natin matututuhan ang tamang paraan ng pagsamba kay Jehova, at anong ilustrasyon ang tumutulong sa atin na maunawaan ito?
2 Paano mo malalaman ang tamang paraan ng pagsamba kay Jehova? Hindi mo na kailangang pag-aralan at paghambi-hambingin ang mga turo ng lahat ng relihiyon. Ang kailangan mo lamang alamin ay kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa tunay na pagsamba. Bilang paglalarawan: Sa maraming lupain, problema ang pekeng salapi. Kung ibinigay sa iyo ang trabaho na kilalanin ang gayong pekeng salapi, paano mo gagawin ito? Sa pamamagitan ba ng pagsasaulo sa hitsura ng bawat uri ng pekeng salapi? Hindi. Mas mabuti pang gugulin mo ang iyong panahon para pag-aralan ang tunay na salapi. Kapag alam mo na kung ano ang hitsura ng tunay na salapi, makikilala mo na kung ano ang peke. Sa katulad na paraan, kapag natutuhan natin kung paano makikilala ang tunay na relihiyon, malalaman na natin kung anong mga relihiyon ang huwad.
3. Ayon kay Jesus, ano ang dapat nating gawin kung nais nating matamo ang pagsang-ayon ng Diyos?
3 Mahalaga na sambahin natin si Jehova sa paraang sinasang-ayunan niya. Naniniwala ang maraming tao na lahat ng relihiyon ay kalugud-lugod sa Diyos, ngunit hindi iyan ang itinuturo ng Bibliya. Ni hindi nga sapat ang basta sabihin ng isang tao na siya ay isang Kristiyano. Sinabi ni Jesus: “Hindi ang bawat nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang isa na gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.” Kung gayon, para matamo ang pagsang-ayon ng Diyos, kailangan nating matutuhan kung ano ang hinihiling ng Diyos sa atin at gawin ito. Tinawag ni Jesus ang mga hindi gumagawa ng kalooban ng Diyos na “mga manggagawa ng katampalasanan.” (Mateo 7:21-23) Tulad ng pekeng salapi, wala talagang halaga ang huwad na relihiyon. Masaklap pa nito, totoong nakapipinsala ang gayong relihiyon.
4. Ano ang kahulugan ng mga salita ni Jesus hinggil sa dalawang daan, at saan umaakay ang bawat isa sa mga daang ito?
4 Binibigyan ni Jehova ng pagkakataon ang lahat ng nasa lupa na magtamo ng buhay na walang hanggan. Ngunit upang mabuhay magpakailanman sa Paraiso, kailangan nating sambahin ang Diyos sa wastong paraan at mamuhay ngayon sa paraang kaayaaya sa kaniya. Nakalulungkot, marami ang tumatangging gawin ito. Iyan ang dahilan kung kaya sinabi ni Jesus: “Pumasok kayo sa makipot na pintuang-daan; sapagkat malapad at maluwang ang daan na umaakay patungo sa pagkapuksa, at marami ang mga pumapasok dito; samantalang makipot ang pintuang-daan at masikip ang daan na umaakay patungo sa buhay, at kakaunti ang mga nakasusumpong nito.” (Mateo 7:13, 14) Ang tunay na relihiyon ay umaakay sa buhay na walang hanggan. Ang huwad na relihiyon ay umaakay sa pagkapuksa. Ayaw ni Jehova na mapuksa ang sinumang tao, at iyan ang dahilan kung bakit binibigyan niya ang mga tao sa lahat ng dako ng pagkakataong matuto tungkol sa kaniya. (2 Pedro 3:9) Kung gayon, ang paraan ng ating pagsamba sa Diyos ay nangangahulugan ng ating buhay o kamatayan.
KUNG PAANO MAKIKILALA ANG TUNAY NA RELIHIYON
5. Paano natin makikilala ang mga nagsasagawa ng tunay na relihiyon?
5 Paano ba masusumpungan ang ‘daan patungo sa buhay’? Sinabi ni Jesus na ang tunay na relihiyon ay makikita sa buhay ng mga tao na nagsasagawa nito. “Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila,” ang sabi niya. “Bawat mabuting punungkahoy ay nagluluwal ng mainam na bunga.” (Mateo 7:16, 17) Sa ibang pananalita, makikilala ang mga nagsasagawa ng tunay na relihiyon sa kanilang mga paniniwala at paggawi. Bagaman hindi sila sakdal at nakagagawa ng mga pagkakamali, ang tunay na mga mananamba bilang isang grupo ay nagsisikap na gawin ang kalooban ng Diyos. Isaalang-alang natin ang anim na aspekto na nagpapakilala sa mga nagsasagawa ng tunay na relihiyon.
6, 7. Paano itinuturing ng mga lingkod ng Diyos ang Bibliya, at paano nagpakita ng halimbawa si Jesus hinggil sa bagay na ito?
6 Ibinabatay ng mga lingkod ng Diyos sa Bibliya ang kanilang mga turo. Sinasabi mismo ng Bibliya: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” (2 Timoteo 3:16, 17) Sumulat si apostol Pablo sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Nang tanggapin ninyo ang salita ng Diyos, na inyong narinig mula sa amin, tinanggap ninyo ito, hindi bilang salita ng mga tao, kundi, gaya ng kung ano nga ito sa totoo, bilang ang salita ng Diyos.” (1 Tesalonica 2:13) Kaya naman, ang mga paniniwala at mga gawain ng tunay na relihiyon ay hindi batay sa mga pangmalas o tradisyon ng tao. Nagmumula ang mga ito sa kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya.
7 Nagpakita si Jesu-Kristo ng wastong halimbawa sa pamamagitan ng pagtuturo niya batay sa Salita ng Diyos. Sa panalangin sa kaniyang makalangit na Ama, sinabi niya: “Ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) Naniniwala si Jesus sa Salita ng Diyos, at ang lahat ng kaniyang itinuro ay alinsunod sa Kasulatan. Madalas sabihin ni Jesus: “Nasusulat.” (Mateo 4:4, 7, 10) Pagkatapos ay sisipiin ni Jesus ang isang kasulatan. Sa katulad na paraan, ang bayan ng Diyos sa ngayon ay hindi nagtuturo ng kanilang sariling mga ideya. Naniniwala sila na ang Bibliya ay Salita ng Diyos, at matatag nilang ibinabatay ang kanilang mga turo sa sinasabi nito.
8. Ano ang nasasangkot sa pagsamba kay Jehova?
8 Si Jehova lamang ang sinasamba ng mga nagsasagawa ng tunay na relihiyon at ipinakikilala nila ang kaniyang pangalan. Ipinahayag ni Jesus: “Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.” (Mateo 4:10) Kaya naman, si Jehova lamang ang sinasamba ng mga lingkod ng Diyos. Bahagi ng pagsambang ito ang pagsasabi sa mga tao kung ano ang pangalan ng tunay na Diyos at kung anong uri siya ng Diyos. Sinasabi ng Awit 83:18: “Ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” Nagpakita si Jesus ng parisan sa pagtulong sa iba na makilala ang Diyos, gaya ng sinabi niya sa panalangin: “Inihayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan.” (Juan 17:6) Sa katulad na paraan, itinuturo sa iba ng tunay na mga mananamba sa ngayon ang tungkol sa pangalan ng Diyos, sa kaniyang layunin, at sa kaniyang mga katangian.
9, 10. Sa anu-anong paraan nagpapakita ng pag-ibig sa isa’t isa ang tunay na mga Kristiyano?
9 Ang bayan ng Diyos ay nagpapakita ng tunay at di-mapag-imbot na pag-ibig sa isa’t isa. Sinabi ni Jesus: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) May gayong pag-ibig ang sinaunang mga Kristiyano para sa isa’t isa. Napagtatagumpayan ng makadiyos na pag-ibig ang mga hadlang dahil sa lahi, katayuan sa lipunan, at hangganan ng mga bansa at pinagbubuklod ang mga tao sa isang di-napapatid na bigkis ng tunay na kapatiran. (Colosas 3:14) Walang gayong maibiging kapatiran ang mga miyembro ng huwad na relihiyon. Paano natin nalaman iyan? Pinapatay nila ang isa’t isa dahil sa pambansa o pang-etnikong mga di-pagkakaunawaan. Ang tunay na mga Kristiyano ay hindi humahawak ng sandata para patayin ang kanilang mga kapatid na Kristiyano o ang iba pa. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo ay makikilala dahil sa bagay na ito: Ang bawat isa na hindi nagpapatuloy sa paggawa ng katuwiran ay hindi nagmumula sa Diyos, ni siya man na hindi umiibig sa kaniyang kapatid. . . . Dapat tayong magkaroon ng pag-ibig sa isa’t isa; hindi tulad ni Cain, na nagmula sa isa na balakyot at pumatay sa kaniyang kapatid.”—1 Juan 3:10-12; 4:20, 21.
10 Siyempre pa, ang tunay na pag-ibig ay nangangahulugan ng higit pa kaysa sa basta hindi pagpatay sa iba. Walang pag-iimbot na ginagamit ng tunay na mga Kristiyano ang kanilang panahon, lakas, at ari-arian para tulungan at patibayin ang isa’t isa. (Hebreo 10:24, 25) Tinutulungan nila ang isa’t isa sa panahon ng kapighatian, at tapat silang makitungo sa iba. Sa katunayan, ikinakapit nila sa kanilang buhay ang payo ng Bibliya na ‘gumawa ng mabuti sa lahat.’—Galacia 6:10.
11. Bakit mahalaga na tanggapin si Jesu-Kristo bilang ang paraan ng Diyos para sa kaligtasan?
11 Tinatanggap ng tunay na mga Kristiyano si Jesu-Kristo bilang ang paraan ng Diyos para sa kaligtasan. Sinasabi ng Bibliya: “Walang kaligtasan sa kanino pa man, sapagkat walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao na siya nating dapat ikaligtas.” (Gawa 4:12) Gaya ng nakita natin sa Kabanata 5, ibinigay ni Jesus ang kaniyang buhay bilang pantubos sa masunuring mga tao. (Mateo 20:28) Bukod diyan, si Jesus ang hinirang ng Diyos upang maging Hari sa makalangit na Kaharian na mamamahala sa buong lupa. At hinihiling ng Diyos na sundin natin si Jesus at ikapit ang kaniyang mga turo kung nais natin ng buhay na walang hanggan. Kaya sinasabi ng Bibliya: “Siya na nananampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; siya na sumusuway sa Anak ay hindi makakakita ng buhay.”—Juan 3:36.
12. Ano ang nasasangkot sa pagiging hindi bahagi ng sanlibutan?
12 Ang tunay na mga mananamba ay hindi bahagi ng sanlibutan. Nang litisin sa harap ng Romanong tagapamahala na si Pilato, sinabi ni Jesus: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.” (Juan 18:36) Saanmang bansa sila nakatira, ang tunay na mga tagasunod ni Jesus ay mga sakop ng kaniyang makalangit na Kaharian kung kaya mahigpit silang nananatiling neutral sa pulitikal na mga gawain ng sanlibutan. Hindi sila nakikibahagi sa mga alitan nito. Gayunman, ang mga mananamba ni Jehova ay hindi nakikialam kung piliin man ng iba na sumali sa isang partido pulitikal, kumandidato, o bumoto. At bagaman neutral ang tunay na mga mananamba ng Diyos pagdating sa pulitika, sila naman ay masunurin sa batas. Bakit? Dahil inuutusan sila ng Salita ng Diyos na “magpasakop” sa “nakatataas na mga awtoridad” ng gobyerno. (Roma 13:1) Kapag may pagkakasalungatan sa hinihiling ng Diyos at hinihiling ng pulitikal na sistema, tinutularan ng tunay na mga mananamba ang mga apostol, na nagsabi: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”—Gawa 5:29; Marcos 12:17.
13. Ano ang pangmalas ng tunay na mga tagasunod ni Jesus sa Kaharian ng Diyos, at ano ang ginagawa nila dahil dito?
13 Ipinangangaral ng tunay na mga tagasunod ni Jesus na ang Kaharian ng Diyos ang tanging pag-asa ng sangkatauhan. Inihula ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Sa halip na himukin ang mga tao na umasa sa mga tagapamahalang tao para lutasin ang kanilang mga problema, inihahayag ng tunay na mga tagasunod ni Jesu-Kristo ang makalangit na Kaharian ng Diyos bilang ang tanging pag-asa ng sangkatauhan. (Awit 146:3) Tinuruan tayo ni Jesus na idalangin ang sakdal na pamahalaang iyan nang sabihin niya: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Inihula ng Salita ng Diyos na “dudurugin [ng makalangit na Kahariang ito] at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito [na umiiral ngayon], at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”—Daniel 2:44.
14. Sa palagay mo, anong relihiyosong grupo ang nakatutugon sa mga kahilingan ng tunay na pagsamba?
14 Salig sa tinalakay natin, tanungin ang iyong sarili: ‘Anong relihiyosong grupo ang gumagamit ng Bibliya bilang batayan ng lahat ng kanilang turo at nagpapakilala sa pangalan ni Jehova? Anong grupo ang nagpapakita ng makadiyos na pag-ibig, nananampalataya kay Jesus, hindi bahagi ng sanlibutan, at naghahayag na ang Kaharian ng Diyos ang tanging pag-asa ng sangkatauhan? Sa lahat ng relihiyosong grupo sa lupa, alin ang nakatutugon sa lahat ng kahilingang ito?’ Maliwanag na ipinakikita ng katotohanan na ang grupong ito ay ang mga Saksi ni Jehova.—Isaias 43:10-12.
ANO ANG GAGAWIN MO?
15. Ano pa ang hinihiling ng Diyos bukod sa basta paniniwalang umiiral siya?
15 Ang basta paniniwala sa Diyos ay hindi sapat para mapalugdan siya. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na maging ang mga demonyo ay naniniwala na umiiral ang Diyos. (Santiago 2:19) Gayunman, maliwanag na hindi nila ginagawa ang kalooban ng Diyos at hindi niya sila sinasang-ayunan. Upang sang-ayunan ng Diyos, hindi lamang tayo dapat maniwala na umiiral siya kundi kailangan din nating gawin ang kaniyang kalooban. Kailangan din nating humiwalay sa huwad na pagsamba at malugod na tanggapin ang tunay na pagsamba.
16. Kung tungkol sa pakikibahagi sa huwad na relihiyon, ano ang dapat gawin?
16 Ipinakita ni apostol Pablo na hindi tayo dapat makibahagi sa huwad na pagsamba. Sumulat siya: “ ‘Lumabas kayo mula sa kanila, at humiwalay kayo,’ sabi ni Jehova, ‘at tigilan na ninyo ang paghipo sa maruming bagay’; ‘at tatanggapin ko kayo.’ ” (2 Corinto 6:17; Isaias 52:11) Kaya iniiwasan ng tunay na mga Kristiyano ang anumang may kaugnayan sa huwad na pagsamba.
17, 18. Ano ang “Babilonyang Dakila,” at bakit apurahan na “lumabas . . . sa kaniya”?
17 Ipinakikita ng Bibliya na lahat ng anyo ng huwad na relihiyon ay bahagi ng “Babilonyang Dakila.”a (Apocalipsis 17:5) Ang pangalang iyan ay nagpapaalaala sa atin hinggil sa sinaunang lunsod ng Babilonya, kung saan nagsimula ang huwad na relihiyon pagkatapos ng Baha noong panahon ni Noe. Maraming turo at kaugalian na karaniwan ngayon sa huwad na relihiyon ang nagsimula noon pa man sa Babilonya. Halimbawa, sinasamba ng mga Babilonyo ang trinidad, o tatluhang diyos. Sa ngayon, ang pangunahing doktrina ng maraming relihiyon ay ang Trinidad. Ngunit maliwanag na itinuturo ng Bibliya na mayroon lamang iisang tunay na Diyos, si Jehova, at na si Jesu-Kristo ang kaniyang Anak. (Juan 17:3) Naniniwala rin ang mga Babilonyo na ang mga tao ay may imortal na kaluluwa na nananatiling buhay pagkamatay ng katawan at maaaring magdusa ang kaluluwang ito sa isang dako ng pagpapahirap. Sa ngayon, itinuturo ng karamihan sa mga relihiyon ang paniniwala sa imortal na kaluluwa o espiritu na maaaring magdusa sa apoy ng impiyerno.
18 Yamang lumaganap sa buong lupa ang sinaunang pagsamba ng mga Babilonyo, ang makabagong Babilonyang Dakila ay maaaring angkop na ipakilala bilang ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. At inihula ng Diyos na ang imperyong ito ng huwad na relihiyon ay biglang magwawakas. (Apocalipsis 18:8) Nakikita mo ba kung bakit napakahalaga na ihiwalay mo ang iyong sarili sa lahat ng pitak ng Babilonyang Dakila? Nais ng Diyos na Jehova na “lumabas [ka agad] sa kaniya” habang may panahon pa.—Apocalipsis 18:4.
19. Ano ang makakamit mo sa paglilingkod kay Jehova?
19 Dahil sa iyong desisyon na tumigil sa pagsasagawa ng huwad na relihiyon, baka ipasiya ng ilan na huwag nang makisama sa iyo. Gayunman, sa paglilingkod kay Jehova kasama ng kaniyang bayan, di-hamak na mas malaki ang makakamit mo kaysa sa maaaring mawala sa iyo. Gaya ng sinaunang mga alagad ni Jesus na iniwan ang ibang bagay para sumunod sa kaniya, magkakaroon ka ng maraming espirituwal na kapatid. Magiging bahagi ka ng isang malaki at pandaigdig na pamilya ng milyun-milyong tunay na Kristiyano, na nagpapakita ng tunay na pag-ibig sa iyo. At magkakaroon ka ng kapana-panabik na pag-asang mabuhay magpakailanman “sa darating na sistema ng mga bagay.” (Marcos 10:28-30) Marahil sa kalaunan, ang mga tumalikod sa iyo dahil sa mga paniniwala mo ay magbigay-pansin din sa itinuturo ng Bibliya at maging mga mananamba ni Jehova.
20. Anong kinabukasan ang naghihintay sa mga nagsasagawa ng tunay na relihiyon?
20 Itinuturo ng Bibliya na malapit nang wakasan ng Diyos ang masamang sistemang ito ng mga bagay at hahalinhan ito ng isang matuwid na bagong sanlibutan sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Kaharian. (2 Pedro 3:9, 13) Tunay ngang magiging isang kamangha-manghang sanlibutan iyon! At sa matuwid na bagong sanlibutang iyon, magkakaroon na lamang ng iisang relihiyon, isang tunay na anyo ng pagsamba. Hindi ba’t katalinuhan para sa iyo na gumawa na ngayon ng kinakailangang mga hakbang upang makisama sa tunay na mga mananamba?
a Para sa higit na impormasyon kung bakit kumakatawan ang Babilonyang Dakila sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, tingnan ang Apendise, sa artikulong “Pagkilala sa ‘Babilonyang Dakila.’”