KABANATA 12
Ano’ng Masama sa Tsismis?
“Nagpunta ako minsan sa isang parti, pero kinabukasan ay may kumalat nang tsismis na nakipag-sex daw ako sa isang lalaki roon. Aba, hindi totoo ’yon!”—Linda.
“Kung minsan may kumakalat na tsismis na may idine-date daw akong babae—ni hindi ko nga kilala kung sino ’yung sinasabi nila! Walang pakialam ang mga tsismoso’t tsismosa kung ano talaga ang totoo.”—Mike.
KAPAG pinagtsismisan ka, daig mo pa ang artista sa dami ng intriga. Sang-ayon diyan ang 19-anyos na si Amber. Sinabi niya: “Lagi na lang akong biktima. Natsismis na buntis ako. Nagpapalaglag daw ako. May nagsabi pa ngang nagtutulak daw ako, bumibili, at gumagamit ng droga. Bakit kaya nila ako pinag-iinitan? Hindi ko talaga alam kung bakit!”
Kung gusto ka talagang siraan ng isang tao, hindi na niya kailangang magsalita—puwede niya itong daanin sa e-mail at text. Ilang pindot lang, maipadadala na niya ang nakapipinsalang tsismis sa mga gustung-gustong makaalam nito! May ilang Web site pa nga na ginawa para lamang hiyain ang isang tao. Ang mga blog—mga Web site na naglalaman ng personal na impormasyon—ay karaniwan nang punung-puno ng tsismis na hindi kayang sabihin nang harapan.
Masama Bang Pag-usapan ang Ibang Tao?
Sagutin kung tama o mali.
Masamang pag-usapan ang ibang tao. □ Tama □ Mali
Ano ang tamang sagot? Depende. Kung karaniwang usapan lamang ito, may mga pagkakataong hindi naman ito masama. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na dapat tayong “maging interesado sa buhay ng iba.” (Filipos 2:4, New Century Version) Hindi naman ibig sabihin nito na makikialam tayo sa buhay ng may buhay. (1 Pedro 4:15) Gayunman, kadalasan nang may makukuha kang kapaki-pakinabang na impormasyon sa pakikipagkuwentuhan. Halimbawa, malalaman mo kung sino ang ikakasal o kung sino ang nanganak kamakailan. Ang totoo, napag-uusapan natin ang iba dahil interesado tayo at nagmamalasakit sa kanila.
Gayunman, ang karaniwang kuwentuhan ay puwedeng mauwi sa tsismisan. Halimbawa, ang simpleng komento na “Bagay sina Jeff at Marie” ay baka kumalat sa iba na “Magkasintahan sina Jeff at Marie”—gayong walang kaalam-alam sina Jeff at Marie sa sinasabing relasyon nila. Baka para sa iyo, hindi naman problema iyon—hindi kasi ikaw si Jeff o si Marie!
Nasaktan ang 18-anyos na si Julie nang maging biktima siya ng ganitong uri ng tsismis. Sinabi niya: “Nagalit ako at ayoko nang magtiwala sa iba.” Ganiyan din ang nangyari sa 19-anyos na si Jane. “Iniwasan ko tuloy ang kaibigan kong sinasabi nilang boyfriend ko raw,” ang sabi niya. “Nakakainis talaga. Magkaibigan kami, kaya hindi nila kami dapat pagtsismisan kung nag-uusap kami!”
Maingat na Kontrolin ang Usapan
Paano mo makokontrol ang iyong sarili kapag nangangati ang dila mo na magkalat ng tsismis? Para masagot iyan, ipagpalagay mong nagmamaneho ka sa isang haywey na maraming dumaraang sasakyan. Baka biglang may mangyari at kailangan mong lumipat ng linya, magmenor, o huminto. Kung alisto ka, alam mo kung ano ang dapat mong gawin.
Ganoon din sa kuwentuhan. Mahahalata mo naman kung ang usapan ay nauuwi na sa tsismisan. Kapag ganoon na ang nangyayari, kaya mo bang lumipat ng linya, wika nga? Kung hindi, tandaan mong nakapipinsala ang tsismis. “May sinabi akong hindi maganda tungkol sa isang babae—na naghahabol siya sa lalaki—at nakarating ito sa kaniya,” ang sabi ni Mike. “Hinding-hindi ko malilimutan ang tono ng boses niya nang harapin niya ako. Talagang nasaktan siya sa sinabi ko. Nagkaayos naman kami, pero nakokonsensiya pa rin ako dahil alam kong nakasakit ako!”
Totoo namang maaaring makasakit ang mga salita. Sinasabi pa nga ng Bibliya na “may isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak.” (Kawikaan 12:18) Kaya dapat ka munang mag-isip nang mabuti bago ka magsalita! Totoo, mahirap magpreno kapag napapasarap na ang usapan tungkol sa ibang tao. Gayunpaman, gaya ng sinabi ng 17-anyos na si Carolyn: “Kailangang mag-ingat ka sa sinasabi mo. Kung hindi mapagkakatiwalaan ang pinanggalingan ng balita, baka nagkakalat ka na ng kasinungalingan.” Kaya kung sa tingin mo’y nauuwi na sa tsismisan ang usapan, sundin ang payo ni apostol Pablo na ‘gawing tunguhin ang mamuhay nang tahimik at asikasuhin ang sariling gawain.’—1 Tesalonica 4:11.
Paano mo maipakikitang nagmamalasakit ka sa iba nang hindi naman nanghihimasok sa kanilang buhay? Bago ka magkuwento tungkol sa iba, tanungin ang iyong sarili: ‘Alam ko ba talaga ang buong pangyayari? Bakit ko ba gustong ikuwento ito sa iba? Ano ang magiging tingin ng iba sa akin kapag ikinuwento ko ito?’ Mahalaga ang huling tanong, dahil kung makikilala kang tsismoso o tsismosa, mas masisira ang reputasyon mo kaysa sa taong itsinismis mo.
Paano Kung Ikaw ang Biktima?
Paano kung ikaw ang naging biktima ng tsismis? “Huwag kang magmadaling maghinanakit sa iyong espiritu,” ang babala ng Eclesiastes 7:9. Sa halip, manatiling kalmado at huwag magpadalus-dalos. Sinasabi ng Bibliya: “Huwag mong ilagak ang iyong puso sa lahat ng salita na sinasalita ng mga tao, . . . sapagkat nalalamang lubos ng iyong puso na marami pang ulit na ikaw mismo ay sumumpa sa iba.”—Eclesiastes 7:21, 22.
Siyempre, talagang walang mabuti sa tsismis. Pero kung magpapadalus-dalos ka at papatulan ang tsismis, baka lalo lamang masira ang reputasyon mo! Kaya bakit hindi mo subukang tularan ang pananaw ni Renee? “Siyempre masakit kapag may nagsasabi ng hindi maganda tungkol sa akin, pero hindi ko na lang ito gaanong sineseryoso,” ang sabi niya. “Kasi sa susunod na linggo, siguradong ibang tao o ibang bagay naman ang pag-uusapan nila.”a
Kaya isang katalinuhan na baguhin ang usapan kapag nauuwi na ito sa tsismisan. At kapag ikaw ang pinagtsitsismisan, ipakita mong hindi ka padalus-dalos na parang isang bata. Ipakita mo sa kilos mo na mali ang sinasabi nila tungkol sa iyo. (1 Pedro 2:12) Kung gagawin mo ito, magiging maganda ang relasyon mo sa iba at magkakaroon ka ng mabuting kaugnayan sa Diyos.
[Talababa]
a Kung minsan, baka kailangang kausapin mo sa mahinahong paraan ang nagkalat ng tsismis tungkol sa iyo. Pero kadalasan, hindi na kailangan ito dahil “ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.”—1 Pedro 4:8.
TEMANG TEKSTO
“Ang nagbabantay ng kaniyang bibig ay nag-iingat ng kaniyang kaluluwa. Ang nagbubukang maluwang ng kaniyang mga labi—magkakaroon siya ng kapahamakan.”—Kawikaan 13:3.
TIP
Kung may maghatid sa iyo ng tsismis, puwede mong sabihin: “Huwag natin siyang pag-usapan. Wala siya rito para ipagtanggol ang kaniyang sarili.”
ALAM MO BA . . . ?
Kahit nakikinig ka lang sa tsismis, responsable ka rin sa pinsalang idudulot nito. Kung hahayaan mo ang isa na patuloy na magtsismis sa iyo, hinahayaan mong kumalat na parang apoy ang tsismis sa iba pa!
ANG PLANO KONG GAWIN!
Kapag natutukso akong magkalat ng tsismis, ang gagawin ko ay ․․․․․
Kung may magkalat ng tsismis tungkol sa akin, ang gagawin ko ay ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Anong mga pagkakataon angkop na pag-usapan ang ibang tao?
● Naging biktima ka na ba ng tsismis? Kung oo, anong aral ang natutuhan mo?
● Paano maaaring masira ang reputasyon mo kapag nagkakalat ka ng tsismis?
[Blurb sa pahina 107]
“Nadalâ talaga ako nang komprontahin ako ng taong itsinismis ko. Hindi ako nakalusot! Natutunan kong mas mabuting sabihin nang harapan ang gusto kong sabihin sa isang tao, kaysa magsalita nang talikuran!”—Paula
[Larawan sa pahina 108]
Ang tsismis ay isang nakamamatay na sandata. Puwede itong makasira sa reputasyon ng iba