KABANATA 17
Sinasanay ang mga Ministro ng Kaharian
1-3. Paano pinalawak ni Jesus ang gawaing pangangaral? Anong mga tanong ang bumabangon?
DALAWANG taóng nangaral si Jesus sa buong Galilea. (Basahin ang Mateo 9:35-38.) Dumalaw siya sa maraming lunsod at nayon, na nagtuturo sa mga sinagoga at nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Saanman siya mangaral, dinudumog siya ng mga tao. “Ang aanihin ay marami,” ang sinabi ni Jesus, at kailangan ng mas maraming manggagawa.
2 Gumawa ng kaayusan si Jesus para mapalawak ang gawaing pangangaral. Paano? Isinugo niya ang kaniyang 12 apostol “upang ipangaral ang kaharian ng Diyos.” (Luc. 9:1, 2) Malamang na may mga tanong ang mga apostol kung paano nila ito gagawin. Kaya bago sila isugo, binigyan sila ni Jesus ng isang bagay na ibinigay din sa kaniya ng Ama—pagsasanay.
3 Bumabangon ngayon ang maraming tanong: Paano sinanay ng Ama si Jesus? Paano sinanay ni Jesus ang kaniyang mga apostol? Sa ngayon, sinasanay din ba ng Mesiyanikong Hari ang kaniyang mga tagasunod sa paggawa ng kanilang ministeryo? Kung oo, paano?
“Kung Ano ang Itinuro sa Akin ng Ama, . . . Sinasalita Ko”
4. Kailan at saan tinuruan ng Ama si Jesus?
4 Kinilala ni Jesus na tinuruan siya ng kaniyang Ama. Noong kaniyang ministeryo, sinabi niya: “Kung ano ang itinuro sa akin ng Ama, ito ang mga bagay na sinasalita ko.” (Juan 8:28) Kailan at saan tinuruan si Jesus? Maliwanag na tumanggap ng pagsasanay si Jesus mula pa nang lalangin siya bilang panganay na Anak ng Diyos. (Col. 1:15) Sa loob ng napakahabang panahon, sa piling ng kaniyang Ama sa langit, ang Anak ay nakikinig at nagmamasid sa “Dakilang Tagapagturo.” (Isa. 30:20) Bilang resulta, tumanggap ang Anak ng walang-kapantay na edukasyon tungkol sa mga katangian, gawain, at mga layunin ng kaniyang Ama.
5. Ano ang itinuro ng Ama sa kaniyang Anak hinggil sa ministeryong isasagawa niya sa lupa?
5 Nang dumating ang tamang panahon, tinuruan ni Jehova ang kaniyang Anak hinggil sa ministeryong isasagawa niya sa lupa. Pansinin ang hula tungkol sa kaugnayan ng Dakilang Tagapagturo at ng panganay niyang Anak. (Basahin ang Isaias 50:4, 5.) Sa hula, ginigising ni Jehova ang kaniyang Anak “uma-umaga.” Mailalarawan natin sa isip ang isang guro na maagang nanggigising sa kaniyang estudyante para turuan ito. Sinabi ng isang reperensiya sa Bibliya: “Parang dinadala siya [ni Jehova] sa paaralan na gaya ng isang estudyante at tinuturuan kung ano ang ipangangaral at kung paano niya ito gagawin.” Sa “paaralan” na iyon sa langit, itinuro ni Jehova sa kaniyang Anak “kung ano ang sasabihin at kung ano ang sasalitain.” (Juan 12:49) Tinuruan din siya ng Ama kung paano magturo.a Habang nasa lupa, hindi sinayang ni Jesus ang pagsasanay sa kaniya—ginamit niya ito sa kaniyang ministeryo at sinanay rin ang mga tagasunod niya para maisagawa ang kanilang ministeryo.
6, 7. (a) Paano sinanay ni Jesus ang kaniyang mga apostol, at sa anong gawain sila naihanda nito? (b) Anong pagsasanay ang tinitiyak ni Jesus na natatanggap ng mga tagasunod niya sa ngayon?
6 Paano sinanay ni Jesus ang kaniyang mga apostol, gaya ng binanggit sa pasimula? Ayon sa Mateo kabanata 10, nagbigay siya ng espesipikong mga tagubilin sa ministeryo, gaya ng: saan mangangaral (talata 5, 6), ano ang mensahe (talata 7), pangangailangang magtiwala kay Jehova (talata 9, 10), paano lalapit sa may-bahay (talata 11-13), ang gagawin kapag tinanggihan (talata 14, 15), at paano tutugon sa pag-uusig (talata 16-23).b Dahil sa pagsasanay ni Jesus sa kaniyang mga apostol, naihanda sila para pangunahan ang pangangaral ng mabuting balita noong unang siglo C.E.
7 Kumusta sa ngayon? Ibinigay ng Hari ng Kaharian ng Diyos na si Jesus sa kaniyang mga tagasunod ang pinakamahalagang atas—ipangaral ang “mabuting balitang ito ng kaharian . . . sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.” (Mat. 24:14) Sinasanay ba tayo ng Hari para sa napakahalagang gawaing ito? Oo naman! Mula sa langit, tinitiyak ng Hari na ang mga tagasunod niya ay nakatatanggap ng tuloy-tuloy na pagsasanay kung paano mangangaral at kung paano gagampanan ang mabibigat na pananagutan sa kongregasyon.
Sinasanay ang mga Ministro Para Maging Ebanghelisador
8, 9. (a) Ano ang pangunahing layunin ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo? (b) Paano nakatulong ang pulong sa gitnang sanlinggo para maging mas epektibo ka sa ministeryo?
8 Noon pa man, ginagamit na ng organisasyon ni Jehova ang mga asamblea, kombensiyon, at mga pulong sa kongregasyon—gaya ng Pulong sa Paglilingkod—para sanayin ang bayan ng Diyos sa ministeryo. Pero mula dekada ng 1940, ang mga nangungunang brother sa punong-tanggapan ay nagsaayos ng iba’t ibang paaralan para sa higit pang pagsasanay.
9 Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Sa Kabanata 16, natutuhan natin na nagsimula ang paaralang ito noong 1943. Inorganisa ba ang paaralang ito para lang sanayin ang mga estudyante na maging mahusay sa pagganap ng mga bahagi sa pulong? Hindi. Ang pangunahing layunin ng paaralang ito ay sanayin ang bayan ng Diyos na gamitin ang kanilang kakayahang magsalita para purihin si Jehova sa ministeryo. (Awit 150:6) Tinutulungan ng paaralan ang lahat ng kapatid na nakatala rito na maging mas epektibong mga ministro ng Kaharian. Sa ngayon, ang pagsasanay na ito ay ginagawa sa pulong sa gitnang sanlinggo.
10, 11. Sino sa ngayon ang maaaring imbitahan sa Paaralang Gilead? Ano ang tunguhin ng kurikulum nito?
10 Watchtower Bible School of Gilead. Ang tinatawag ngayong Watchtower Bible School of Gilead ay nagsimula noong Pebrero 1, 1943, araw ng Lunes. Sa umpisa, dinisenyo ito para sanayin ang mga payunir at iba pang buong-panahong lingkod na maging misyonero sa iba’t ibang panig ng mundo. Pero mula Oktubre 2011, ang mga iniimbitahan na lang sa paaralan ay mga dati nang nasa pantanging buong-panahong paglilingkod—mga misyonerong hindi pa nakapag-aral dito, mga special pioneer, naglalakbay na tagapangasiwa at kanilang asawa, at Bethelite.
11 Ano ang tunguhin ng kurikulum ng Paaralang Gilead? Sinabi ng isang matagal nang instruktor ng paaralan: “Para patibayin ang pananampalataya ng mga estudyante sa pamamagitan ng puspusang pag-aaral ng Salita ng Diyos at tulungan silang maglinang ng espirituwal na mga katangiang kailangan para maharap ang mga hamon sa kanilang atas. Pangunahing tunguhin din ng kurikulum na itanim sa puso ng mga estudyante ang mas matinding pagnanais na makibahagi sa gawaing pag-eebanghelyo.”—Efe. 4:11.
12, 13. Ano ang epekto ng Paaralang Gilead sa gawaing pangangaral sa buong daigdig? Magbigay ng halimbawa.
12 Ano ang epekto ng Paaralang Gilead sa gawaing pangangaral sa buong daigdig? Mula 1943, mahigit 8,500 na ang sinanay sa paaralan,c at mahigit 170 lupain na ang napadalhan ng mga nagtapos dito. Hindi sinasayang ng mga misyonero ang tinanggap nilang pagsasanay. Nagpapakita sila ng halimbawa sa kasigasigan sa ministeryo at sinasanay nila ang iba na gayon din ang gawin. Kadalasan nang sila ang nangunguna sa gawain sa mga lugar na kakaunti o wala pa ngang mamamahayag ng Kaharian.
13 Kuning halimbawa ang Japan. Noong Digmaang Pandaigdig II, halos wala nang nakikibahagi sa pangangaral doon. Wala pang 10 ang mamamahayag sa Japan noong Agosto 1949. Pero sa pagtatapos ng taóng iyon, masigasig na nangaral doon ang 13 misyonerong sinanay sa Gilead. Mas marami pang misyonero ang ipinadala. Sa simula, nagpokus sila sa malalaking lunsod; pero lumipat din sila sa iba pang mga lunsod. Pinasigla ng mga misyonero ang kanilang mga estudyante sa Bibliya at iba pa na magpayunir. Napakaganda ng resulta ng sigasig ng mga misyonerong ito. Sa ngayon, mahigit nang 216,000 ang tagapaghayag ng Kaharian sa Japan, at halos 40 porsiyento rito ay mga payunir!d
14. Ano ang pinatutunayan ng mga teokratikong paaralan? (Tingnan din ang kahong “Mga Paaralang Nagsasanay sa mga Ministro ng Kaharian.”)
14 Iba pang teokratikong paaralan. Ang Pioneer Service School, Bible School for Christian Couples, at Bible School for Single Brothers ay nakatulong sa mga nag-aral dito na sumulong sa espirituwal at maging halimbawa ng kasigasigan sa gawaing pag-eebanghelyo.e Ang lahat ng teokratikong paaralang ito ay patunay na talagang inihahanda ng ating Hari ang kaniyang mga tagasunod sa pagganap ng kanilang ministeryo.—2 Tim. 4:5.
Sinasanay ang mga Brother Para sa Mabibigat na Pananagutan
15. Ano ang gustong tularan kay Jesus ng mga brother na may pananagutan sa kongregasyon?
15 Alalahanin ang hula ni Isaias tungkol sa pagtuturo ng Diyos kay Jesus. Sa “paaralan” na iyon sa langit, natutuhan ng Anak “kung paano sasagutin ng salita ang pagód.” (Isa. 50:4) Ginamit ni Jesus ang natutuhan niya; habang nasa lupa, pinaginhawa niya ang mga “nagpapagal at nabibigatan.” (Mat. 11:28-30) Bilang pagtulad kay Jesus, gusto rin ng mga brother na may pananagutan sa kongregasyon na mapaginhawa ang kanilang mga kapatid. Dahil diyan, inorganisa ang iba’t ibang paaralan para tulungan ang kuwalipikadong mga brother na maging mas epektibo sa paglilingkod sa kanilang mga kapananampalataya.
16, 17. Ano ang tunguhin ng Kingdom Ministry School? (Tingnan din ang talababa.)
16 Kingdom Ministry School. Ang unang klase ng paaralang ito ay idinaos noong Marso 9, 1959, sa South Lansing, New York. Mga naglalakbay na tagapangasiwa at mga congregation servant ang iniimbitahang dumalo sa isang-buwang kursong ito. Ang kurso sa Ingles ay isinalin nang maglaon sa iba pang wika, kaya unti-unti, tumanggap na rin ng pagsasanay ang mga brother sa ibang panig ng daigdig.f
17 Ganito ang sinabi ng 1962 Yearbook of Jehovah’s Witnesses tungkol sa tunguhin ng Kingdom Ministry School: “Sa napakaabalang daigdig na ito, ang tagapangasiwa sa kongregasyon ng mga saksi ni Jehova ay dapat na isang lalaking organisado sa buhay, sa gayo’y mabibigyan niya ng sapat na atensiyon ang lahat sa kongregasyon at maging pagpapala sa kanila. Pero hindi rin niya dapat pabayaan ang kaniyang pamilya dahil sa kongregasyon; dapat na may katinuan siya ng pag-iisip. Isa ngang napakagandang pagkakataon para sa mga congregation servant sa buong mundo na makapag-aral sa Kingdom Ministry School para tumanggap ng pagsasanay na tutulong sa kanila na magampanan ang sinasabi ng Bibliya na mga pananagutan ng isang tagapangasiwa!”—1 Tim. 3:1-7; Tito 1:5-9.
18. Paano nakikinabang sa Kingdom Ministry School ang lahat sa bayan ng Diyos?
18 Ang lahat sa bayan ng Diyos ay nakikinabang sa Kingdom Ministry School. Paano? Kapag ikinakapit ng mga elder at ministeryal na lingkod ang natutuhan nila sa paaralan, napagiginhawa nila, gaya ni Jesus, ang kanilang mga kapananampalataya. Hindi ba’t napahahalagahan natin ang mabait na pananalita, madamaying pakikinig, o nakapagpapatibay na pagdalaw ng mapagmalasakit na elder o ministeryal na lingkod? (1 Tes. 5:11) Talagang pagpapala sa mga kongregasyon ang mga kuwalipikadong brother na ito!
19. Ano ang iba pang paaralan na pinangangasiwaan ng Teaching Committee, at para saan ang mga paaralang ito?
19 Iba pang teokratikong paaralan. Pinangangasiwaan ng Teaching Committee ng Lupong Tagapamahala ang iba pang paaralan na nagsasanay sa mga brother na may pananagutan sa loob ng organisasyon. Ang mga paaralang iyon ay dinisenyo para tulungan ang mga elder sa kongregasyon, naglalakbay na tagapangasiwa, at mga miyembro ng Komite ng Sangay na maging mas epektibo sa pagganap ng kanilang mga atas. Pinasisigla ng mga salig-Bibliyang kurso ang mga brother na panatilihing matatag ang kanilang espirituwalidad at ikapit ang mga simulain sa Kasulatan sa kanilang pakikitungo sa mahahalagang tupa na ipinagkatiwala sa kanila ni Jehova.—1 Ped. 5:1-3.
20. Bakit masasabi ni Jesus na lahat tayo ay “naturuan ni Jehova”? Ano ang determinado mong gawin?
20 Maliwanag, tinitiyak ng Mesiyanikong Hari na ang kaniyang mga tagasunod ay sinasanay na mabuti. Ang lahat ng pagsasanay na ito ay mula kay Jehova. Sinanay niya ang kaniyang Anak at sinanay naman ng Anak ang kaniyang mga tagasunod. Kaya masasabi ni Jesus na lahat tayo ay “naturuan ni Jehova.” (Juan 6:45; Isa. 54:13) Maging determinado nawa tayong samantalahin ang lahat ng pagsasanay na inilalaan ng ating Hari. At tandaan natin na ang pangunahing layunin ng lahat ng pagsasanay na ito ay tulungan tayong manatiling malakas sa espirituwal para lubusan nating maganap ang ating ministeryo.
a Paano natin nalaman na tinuruan ng Ama ang Anak kung paano magturo? Isipin ito: Daan-daang taon bago pa isilang si Jesus, inihula nang gagamit siya ng maraming ilustrasyon sa kaniyang pagtuturo. (Awit 78:2; Mat. 13:34, 35) Maliwanag na sa simula pa lang, nilayon na ni Jehova, ang Awtor ng hulang ito, na magturo ang kaniyang Anak sa pamamagitan ng mga ilustrasyon, o talinghaga.—2 Tim. 3:16, 17.
b Makalipas ang ilang buwan, si Jesus ay “nag-atas ng pitumpung iba pa at isinugo sila nang dala-dalawa” para mangaral. Sinanay rin sila ni Jesus.—Luc. 10:1-16.
c May ilan na nakapag-aral sa Gilead nang higit sa isang beses.
d Para sa higit pang detalye hinggil sa naitulong ng mga misyonerong nagtapos sa Gilead sa gawaing pang-Kaharian sa buong daigdig, tingnan ang kabanata 23 ng aklat na Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos.
e Ang huling dalawang nabanggit ay pinalitan na ng School for Kingdom Evangelizers.
f Sa ngayon, ang lahat ng elder ay nakikinabang sa Kingdom Ministry School. Idinaraos ito kada ilang taon at iba-iba ang haba ng mga sesyon nito. Mula 1984, sinasanay na rin sa paaralang ito ang mga ministeryal na lingkod.