SEKSIYON 1
Umasa sa Diyos Para sa Masayang Pag-aasawa
“Siya na lumalang sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae.”—Mateo 19:4
Ang Diyos na Jehovaa ang nagkasal sa unang mag-asawa. Sinasabi ng Bibliya na ginawa niya ang unang babae at ‘dinala ito sa lalaki.’ Sa sobrang saya, nasabi ni Adan: “Ito sa wakas ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman.” (Genesis 2:22, 23) Gusto pa rin ni Jehova na maging masaya ang mga mag-asawa.
Baka iniisip mo na kapag nag-asawa ka, lahat ay magiging maayos. Pero kahit ang mag-asawang totoong nagmamahalan ay magkakaproblema. (1 Corinto 7:28) Sa brosyur na ito, may mga simulain sa Bibliya na kapag sinunod ay makatutulong para maging masaya ang mag-asawa at ang pamilya.—Awit 19:8-11.
1 GAMPANAN ANG PAPEL NA IBINIGAY SA IYO NI JEHOVA
ANG SABI NG BIBLIYA: Ang asawang lalaki ang ulo ng pamilya.—Efeso 5:23.
Kung isa kang asawang lalaki, inaasahan ni Jehova na maibigin mong aalagaan ang iyong asawa. (1 Pedro 3:7) Ginawa siya ni Jehova bilang kapupunan mo, at gusto Niyang mahalin mo siya at igalang. (Genesis 2:18) Dapat na mahal na mahal mo ang iyong misis at handa mong unahin ang kaniyang kapakanan.—Efeso 5:25-29.
Kung ikaw ay asawang babae, inaasahan ni Jehova na talagang irerespeto mo ang iyong asawa at tutulungan mo siyang gampanan ang kaniyang papel. (1 Corinto 11:3; Efeso 5:33) Suportahan ang mga desisyon niya at lubos na makipagtulungan sa kaniya. (Colosas 3:18) Kapag ginawa mo iyan, magiging maganda ka sa paningin ng mister mo at ni Jehova.—1 Pedro 3:1-6.
ANG PUWEDE MONG GAWIN:
Tanungin ang iyong kabiyak kung paano ka magiging mas mabuting asawa. Makinig na mabuti, at sikaping magbago
Maging matiyaga. Kailangan ng panahon para matutuhan kung paano ninyo mapasasaya ang isa’t isa
2 ISIPIN ANG MADARAMA NG IYONG ASAWA
ANG SABI NG BIBLIYA: Isipin ang kapakanan ng iyong asawa. (Filipos 2:3, 4) Ipadama sa kaniya na mahalaga siya. Tandaan na hinihiling ni Jehova sa kaniyang mga lingkod na “maging banayad sa lahat.” (2 Timoteo 2:24) Ang mga salitang “di-pinag-iisipan [ay] gaya ng mga saksak ng tabak, ngunit ang dila ng marurunong ay kagalingan.” Kaya maging maingat sa pagsasalita. (Kawikaan 12:18) Tutulungan ka ng banal na espiritu ni Jehova na magsalita nang may kabaitan at pagmamahal.—Galacia 5:22, 23; Colosas 4:6.
ANG PUWEDE MONG GAWIN:
Bago ipakipag-usap sa iyong asawa ang isang seryosong bagay, manalangin para matulungan kang maging mahinahon at bukás ang isip
Pag-isipang mabuti kung ano ang iyong sasabihin at kung paano ito sasabihin
3 LAGING MAGTULUNGAN
ANG SABI NG BIBLIYA: Nang magpakasal ka, kayong mag-asawa ay naging “isang laman.” (Mateo 19:5) Pero dalawa pa rin kayong indibiduwal na may magkaibang opinyon. Kaya kailangan ninyong matutuhang magkaisa sa isip at damdamin. (Filipos 2:2) Mahalaga na nagkakaisa kayo kapag nagdedesisyon. Kailangan dito ang pag-uusap. Magpagabay sa mga simulain ng Bibliya kapag gumagawa ng mahahalagang desisyon.—Kawikaan 8:32, 33.
ANG PUWEDE MONG GAWIN:
Sabihin sa iyong asawa ang niloloob mo, hindi lang basta ang mga impormasyon o opinyon mo
Makipag-usap muna sa iyong asawa bago gumawa ng commitment
a Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.