KABANATA 96
Ang Sagot ni Jesus sa Isang Mayamang Tagapamahala
MATEO 19:16-30 MARCOS 10:17-31 LUCAS 18:18-30
ISANG MAYAMANG LALAKI ANG NAGTANONG TUNGKOL SA BUHAY NA WALANG HANGGAN
Naglalakbay pa rin si Jesus sa Perea papunta sa Jerusalem. Isang mayamang lalaki ang humabol sa kaniya at lumuhod sa harap niya. Ang lalaking ito ay “isang tagapamahala,” marahil isang punong opisyal sa sinagoga o miyembro ng Sanedrin. “Mabuting Guro,” tanong ng lalaki, “ano ang dapat kong gawin para tumanggap ng buhay na walang hanggan?”—Lucas 8:41; 18:18; 24:20.
“Bakit mo ako tinatawag na mabuti?” ang sagot ni Jesus. “Isa lang ang mabuti, ang Diyos.” (Lucas 18:19) Malamang na ginamit ng lalaki ang salitang “mabuti” bilang pormal na titulo, na ginagawa ng mga rabbi. Kahit na mahusay magturo si Jesus, ipinaalam niya sa lalaki na ang titulong “Mabuti” ay para lang sa Diyos.
“Pero kung gusto mong tumanggap ng buhay, patuloy mong sundin ang mga utos,” ang payo ni Jesus sa kaniya. Kaya sinabi ng lalaki: “Aling mga utos?” Sinabi ni Jesus ang lima sa Sampung Utos—tungkol sa pagpatay, pangangalunya, pagnanakaw, pagtestigo nang may kasinungalingan, at pagpaparangal sa magulang. At idinagdag niya ang mas mahalagang utos: “Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”—Mateo 19:17-19.
“Sinusunod ko ang lahat ng iyan,” sagot ng lalaki. “Ano pa ang kailangan kong gawin?” (Mateo 19:20) Pakiramdam niya marahil ay may hindi pa siya nagagawa, isang gawang kapuri-puri para maging kuwalipikado sa buhay na walang hanggan. Nakita ni Jesus na taimtim ang lalaki kaya “nakadama ng pagmamahal sa kaniya” si Jesus. (Marcos 10:21) Pero may nakahahadlang sa lalaki.
Hindi nito maiwan ang kayamanan niya, kaya sinabi ni Jesus: “May isa ka pang kailangang gawin: Ipagbili mo ang mga pag-aari mo at ibigay mo sa mahihirap ang napagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit; pagkatapos, sumama ka sa akin, at maging tagasunod kita.” Oo, puwedeng ipamigay ng lalaki ang pera niya sa mahihirap, na walang maigaganti sa kaniya, at maging alagad ni Jesus. Naawa si Jesus sa lalaki nang tumayo ito at malungkot na umalis. Dahil hindi nito maiwan ang kayamanan niya at “marami siyang pag-aari,” hindi niya nakita ang tunay na kayamanan. (Marcos 10:21, 22) Sinabi ni Jesus: “Napakahirap para sa mayayaman na makapasok sa Kaharian ng Diyos!”—Lucas 18:24.
Nagulat ang mga alagad sa salitang ito ni Jesus pati na sa sumunod niyang sinabi: “Sa katunayan, mas madali pang makakapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa makapasok ang isang mayaman sa Kaharian ng Diyos.” Naitanong tuloy ng mga alagad: “Kung gayon, sino pa ang makaliligtas?” Ganoon ba talaga kahirap maligtas? Tiningnan sila ni Jesus at sinabi: “Ang mga bagay na imposible sa mga tao ay posible sa Diyos.”—Lucas 18:25-27.
Ipinakita ni Pedro na ang pasiya nila ay iba sa ipinasiya ng mayamang lalaki, na sinasabi: “Iniwan na namin ang lahat at sumunod kami sa iyo; ano ang tatanggapin namin?” Sinabi ni Jesus ang magiging resulta ng tamang pasiya nila: “Sa panahong gagawin nang bago ang lahat ng bagay, kapag ang Anak ng tao ay umupo sa kaniyang maluwalhating trono, kayo na sumunod sa akin ay uupo rin sa 12 trono para humatol sa 12 tribo ng Israel.”—Mateo 19:27, 28.
Maliwanag, nasa isip ni Jesus ang panahon kung kailan ibabalik ang lupa sa kalagayan nito gaya noon sa hardin ng Eden. Si Pedro at ang iba pang alagad ay makakasama ni Jesus para pamahalaan ang Paraisong lupa, isang gantimpalang sulit na sulit sa anumang sakripisyo nila!
Pero hindi lang panghinaharap ang mga gantimpala. Ngayon pa lang, may gantimpala na ang mga alagad. Sinabi ni Jesus: “Ang lahat ng umiwan sa kanilang bahay, asawang babae, mga kapatid, mga magulang, o mga anak alang-alang sa Kaharian ng Diyos ay tatanggap ng mas marami pa sa panahong ito, at sa darating na sistema ay ng buhay na walang hanggan.”—Lucas 18:29, 30.
Oo, saanman pumunta ang mga alagad niya, masisiyahan sila sa pakikisama sa mga kapananampalataya na mas malapít pa sa ugnayan sa kapamilya. Sayang at tila hindi mararanasan ng mayamang tagapamahala ang pagpapalang ito pati na ang gantimpalang buhay sa Kaharian ng Diyos sa langit.
Idinagdag ni Jesus: “Pero maraming nauuna ang mahuhuli at maraming nahuhuli ang mauuna.” (Mateo 19:30) Ano ang ibig niyang sabihin?
Ang mayamang tagapamahala ay kabilang sa mga “nauuna” dahil isa siyang lider ng mga Judio. Bilang tagatupad ng mga utos ng Diyos, may potensiyal siya at malaki ang inaasahan sa kaniya. Pero inuna niya ang kayamanan at mga ari-arian. Sa kabaligtaran, nakikita ng ordinaryong mga tao sa mga turo ni Jesus ang katotohanan at daan patungo sa buhay. “Nahuhuli” sila, wika nga, pero ngayon ay “mauuna.” Makaaasa silang uupo sila sa mga trono sa langit kasama ni Jesus at pamamahalaan nila ang Paraisong lupa.