KABANATA 117
Ang Hapunan ng Panginoon
MATEO 26:21-29 MARCOS 14:18-25 LUCAS 22:19-23 JUAN 13:18-30
NABUNYAG NA TRAIDOR SI HUDAS
PINASIMULAN NI JESUS ANG MEMORYAL
Maaga nang gabing ito, hinugasan ni Jesus ang paa ng mga apostol para turuan sila ng kapakumbabaan. Ngayon, lumilitaw na pagkatapos ng hapunan ng Paskuwa, sinipi niya ang salitang inihula ni David: “Ang taong may pakikipagpayapaan sa akin, na pinagtiwalaan ko, na kumakain ng aking tinapay, ay nag-angat ng kaniyang sakong laban sa akin.” Pagkatapos, ipinaliwanag niya: “Isa sa inyo ang magtatraidor sa akin.”—Awit 41:9; Juan 13:18, 21.
Nagtinginan sa isa’t isa ang mga apostol, at bawat isa ay nagtanong: “Panginoon, hindi ako iyon, hindi ba?” Nagtanong din pati si Hudas Iscariote. Sinabihan ni Pedro si Juan, na katabi ni Jesus sa mesa, na itanong kung sino iyon. Kaya umusog si Juan palapit kay Jesus at nagtanong: “Panginoon, sino iyon?”—Mateo 26:22; Juan 13:25.
Sumagot si Jesus: “Siya ang bibigyan ko ng tinapay na isasawsaw ko.” Pagkasawsaw sa tinapay, ibinigay ito ni Jesus kay Hudas, at sinabi: “Ang Anak ng tao ay aalis, gaya ng nasusulat tungkol sa kaniya, pero kaawa-awa ang taong iyon na magtatraidor sa Anak ng tao! Mas mabuti pa para sa taong iyon kung hindi siya ipinanganak.” (Juan 13:26; Mateo 26:24) Pinasok ni Satanas si Hudas. Ang lalaking ito, na dati nang masama, ay nagpadala sa Diyablo kung kaya siya naging “anak ng pagkapuksa.”—Juan 6:64, 70; 12:4; 17:12.
Sinabi ni Jesus kay Hudas: “Tapusin mo na agad ang ginagawa mo.” Akala ng ibang apostol, ang sinabi kay Hudas na may hawak ng kahon ng pera ay: “‘Bumili ka ng mga kailangan natin para sa kapistahan,’ o na magbigay siya ng anuman sa mahihirap.” (Juan 13:27-30) Pero umalis si Hudas para traidurin si Jesus.
Noong gabi ring ganapin ang hapunan ng Paskuwa, pinasimulan ni Jesus ang isang bagong uri ng hapunan. Kumuha siya ng tinapay, nagpasalamat sa Diyos, pinagputol-putol ito, at ibinigay sa mga apostol. Sinabi niya: “Sumasagisag ito sa aking katawan na ibibigay ko alang-alang sa inyo. Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” (Lucas 22:19) Ipinasa ang tinapay, at kinain ito ng mga apostol.
Kumuha ngayon si Jesus ng kopa ng alak, nanalangin para magpasalamat, at ipinasa ito sa kanila. Bawat isa ay uminom, na tungkol dito ay sinabi ni Jesus: “Ang kopang ito ay sumasagisag sa bagong tipan na magkakabisa sa pamamagitan ng aking dugo, na ibubuhos alang-alang sa inyo.”—Lucas 22:20.
Kaya isinaayos ni Jesus na ipagdiwang ng mga tagasunod niya ang memoryal ng kaniyang kamatayan taon-taon tuwing Nisan 14. Maipapaalaala nito ang ginawa ni Jesus at ng kaniyang Ama para iligtas mula sa kasalanan at kamatayan ang mga tapat. Higit pa kaysa sa nagawa ng Paskuwa para sa mga Judio ang nagawa nito—tunay na kalayaan para sa lahat ng nananampalataya.
Sinabi ni Jesus na ang dugo niya ay “ibubuhos para mapatawad ang mga kasalanan ng marami.” Kabilang sa mga ito ang tapat na mga apostol at ang iba pang gaya nila. Sila ang makakasama niya sa Kaharian ng kaniyang Ama.—Mateo 26:28, 29.