KABANATA 127
Nilitis ng Sanedrin, Pagkatapos ay ni Pilato
MATEO 27:1-11 MARCOS 15:1 LUCAS 22:66–23:3 JUAN 18:28-35
NILITIS NANG UMAGA SA HARAP NG SANEDRIN
TINANGKANG MAGBIGTI NI HUDAS ISCARIOTE
DINALA SI JESUS KAY PILATO PARA HATULAN
Matatapos na ang gabi nang ikaila ni Pedro si Jesus sa ikatlong pagkakataon. Katatapos lang ng ilegal na paglilitis ng Sanedrin at nag-uwian na ang mga miyembro nito. Madaling-araw ng Biyernes, nagtipon uli sila para magmukhang legal ang ilegal na paglilitis nila nang nagdaang gabi. Dinala si Jesus sa harap nila.
Sinabi uli nila: “Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo sa amin.” Sumagot si Jesus: “Kahit sabihin ko sa inyo, hindi kayo maniniwala. At kung tatanungin ko kayo, hindi rin naman kayo sasagot.” Pero buong-tapang na ipinakita ni Jesus na sa kaniya tumutukoy ang Anak ng tao na inihula sa Daniel 7:13. Sinabi niya: “Mula ngayon, ang Anak ng tao ay uupo sa kanan ng makapangyarihang Diyos.”—Lucas 22:67-69; Mateo 26:63.
Kaya sinabi nila: “Kung gayon, ikaw ba ang Anak ng Diyos?” Sumagot si Jesus: “Kayo mismo ang nagsasabi niyan.” Mukhang lumakas ang kasong pamumusong laban kay Jesus at mas tumibay ang dahilan nila para patayin siya. “Bakit kakailanganin pa natin ng mga testigo?” ang tanong nila. (Lucas 22:70, 71; Marcos 14:64) Kaya tinalian nila si Jesus at dinala sa Romanong si Gobernador Poncio Pilato.
Maaaring nakita ni Hudas Iscariote si Jesus habang dinadala kay Pilato. Nang mapag-isip-isip ni Hudas na nahatulan si Jesus, nabagabag siya at nalungkot. Pero imbes na magsumamo sa Diyos para ipakitang nagsisisi siya, nagpunta siya sa mga punong saserdote at ibinalik ang 30 pirasong pilak. Sinabi ni Hudas sa kanila: “Nagkasala ako. Nagtraidor ako sa isang taong matuwid.” Pero walang-awa nilang sinabi: “Ano ngayon sa amin? Problema mo na iyan!”—Mateo 27:4.
Itinapon ni Hudas sa templo ang 30 pirasong pilak. At dinagdagan pa niya ang kaniyang kasalanan nang tangkain niyang magpakamatay. Habang nagbibigti si Hudas, lumilitaw na nabali ang sanga na pinagtalian niya ng lubid. Nahulog siya sa batuhan at nagkalasog-lasog ang katawan niya.—Gawa 1:17, 18.
Umaga pa rin nang dalhin si Jesus sa palasyo ni Poncio Pilato. Pero ayaw pumasok ng mga Judiong nagdala sa kaniya. Iniisip nila na magiging marumi sila kung papasok sila sa bahay ng isang Gentil. Kung magiging marumi sila, hindi sila makakakain ng hapunan sa Nisan 15, ang unang araw ng Kapistahan ng Tinapay na Walang Lebadura, na para sa kanila ay bahagi ng Paskuwa.
Lumabas si Pilato at nagtanong: “Ano ang akusasyon ninyo sa taong ito?” Sumagot sila: “Kung hindi gumawa ng masama ang taong ito, hindi namin siya dadalhin sa iyo.” Naramdaman siguro ni Pilato na gusto nilang gipitin siya, kaya sinabi niya: “Kung gayon, kunin ninyo siya at hatulan ninyo ayon sa inyong kautusan.” Lumitaw ngayon ang kaitiman ng budhi ng mga Judio nang sabihin nila: “Wala kaming awtoridad na pumatay ng sinuman.”—Juan 18:29-31.
Ang totoo, kung papatayin nila si Jesus sa kapistahan ng Paskuwa, magkakagulo ang mga tao. Pero kung magagawa nilang ipapatay sa mga Romano si Jesus dahil sa krimen laban sa gobyerno ng Roma, na awtorisadong gawin ng mga Romano, maaabsuwelto ang mga Judiong ito.
Hindi sinabi ng mga lider ng relihiyon kay Pilato na hinatulan nila ng pamumusong si Jesus. Gumawa sila ng ibang paratang: “[1] Sinusulsulan ng taong ito ang mga kababayan namin na maghimagsik, [2] ipinagbabawal ang pagbabayad ng buwis kay Cesar, at [3] sinasabing siya ang Kristo na hari.”—Lucas 23:2.
Bilang kinatawan ng Roma, dapat lang na mabahala si Pilato sa paratang na inaangkin ni Jesus na isa siyang hari. Kaya pumasok uli sa palasyo si Pilato, ipinatawag si Jesus, at tinanong: “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sa ibang pananalita, ‘Nilabag mo ba ang batas ng imperyo sa pagsasabing ikaw ay isang hari na laban kay Cesar?’ Marahil para malaman kung ano na ang nabalitaan ni Pilato tungkol sa kaniya, sinabi ni Jesus: “Tinatanong mo ba iyan dahil iyan ang iniisip mo, o may mga nagsabi sa iyo tungkol sa akin?”—Juan 18:33, 34.
Aminado si Pilato na wala siyang alam tungkol kay Jesus pero gusto niyang makilala ito, kaya sinabi niya: “Hindi naman ako Judio.” Sinabi pa niya: “Sarili mong bansa at ang mga punong saserdote ang nagdala sa iyo sa akin. Ano ba ang ginawa mo?”—Juan 18:35.
Hindi iniwasan ni Jesus ang pangunahing isyu—kung siya ba ay isang hari. Tiyak na nagulat si Gobernador Pilato sa sagot ni Jesus.