KABANATA 6
Saan Tayo Napupunta Kapag Namatay Tayo?
1-3. Ano ang itinatanong ng mga tao tungkol sa kamatayan, at ano ang sagot dito ng ilang relihiyon?
NANGANGAKO ang Bibliya na darating ang panahon na “mawawala na ang kamatayan.” (Apocalipsis 21:4) Sa Kabanata 5, natutuhan natin na dahil sa pantubos, posible na tayong mabuhay magpakailanman. Pero namamatay pa rin ang mga tao. (Eclesiastes 9:5) Kaya ang isang mahalagang tanong ay, Ano ang nangyayari sa atin kapag namatay tayo?
2 Mahalaga ang sagot sa tanong na iyan lalo na kapag namatayan tayo ng mahal sa buhay. Baka maisip natin: ‘Nasaan na kaya siya? Binabantayan kaya niya tayo? Matutulungan kaya niya tayo? Makikita pa kaya natin siya uli?’
3 Iba-iba ang sagot diyan ng mga relihiyon. May mga nagtuturo na kung mabait ka, pupunta ka sa langit, at kung masama ka, masusunog ka sa impiyerno. Sinasabi naman ng iba na kapag namatay ka, nagiging espiritu ka at nabubuhay kasama ng mga namatay mong kapamilya. At may mga nagsasabi na kapag namatay ka at nahatulan, puwede kang ipanganak-muli, o mabuhay-muli sa ibang katawan, puwedeng sa tao o hayop pa nga.
4. Ano ang karaniwang ideya na itinuturo ng mga relihiyon tungkol sa kamatayan?
4 Parang magkakaiba ang turo ng mga relihiyon. Pero ang totoo, halos iisa lang ang ideya ng mga turo nila. Itinuturo nila na kapag namatay ang isang tao, may bahagi ito na patuloy na nabubuhay. Totoo ba iyan?
SAAN TAYO NAPUPUNTA KAPAG NAMATAY TAYO?
5, 6. Ano ang nangyayari sa atin kapag namatay tayo?
5 Alam ni Jehova ang nangyayari sa atin kapag namatay tayo, at sinasabi niya na kapag namatay ang isang tao, tapós na rin ang buhay niya. Ang kamatayan ang kabaligtaran ng buhay. Kaya kapag namatay ang isang tao, wala na rin siyang damdamin at alaala na patuloy na nabubuhay sa ibang lugar.a Pagkamatay natin, hindi na tayo nakakakita, nakakarinig, at nakakapag-isip.
6 Isinulat ni Haring Solomon na “walang alam ang mga patay.” Hindi na puwedeng magmahal o magalit ang mga patay, at “wala nang gawain, pagpaplano, kaalaman, o karunungan sa Libingan.” (Basahin ang Eclesiastes 9:5, 6, 10.) At sinasabi sa Awit 146:4 na kapag namatay ang isang tao, “naglalaho ang pag-iisip niya.”
ANG SINABI NI JESUS TUNGKOL SA KAMATAYAN
7. Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa kamatayan?
7 Nang mamatay ang kaibigan niyang si Lazaro, sinabi ni Jesus sa mga alagad niya: “Ang kaibigan nating si Lazaro ay natutulog.” Pero hindi sinasabi ni Jesus na nagpapahinga lang ito. Sinabi pa niya: “Patay na si Lazaro.” (Juan 11:11-14) Dito, ikinumpara ni Jesus ang kamatayan sa pagtulog. Hindi niya sinabing nasa langit si Lazaro o kasama ng mga namatay niyang kapamilya. Hindi rin niya sinabing pinahihirapan si Lazaro sa impiyerno o ipinanganak-muli bilang tao o hayop. Sinasabi ni Jesus na parang natutulog lang nang mahimbing si Lazaro. Ikinukumpara ng ibang teksto ang kamatayan sa mahimbing na pagtulog. Nang buhayin ni Jesus ang anak ni Jairo, sinabi niya: “Hindi siya namatay. Natutulog lang siya.”—Lucas 8:52, 53.
8. Paano natin nalaman na hindi nilalang ng Diyos ang tao para mamatay?
8 Nilalang ba ng Diyos sina Adan at Eva para mamatay? Hindi! Nilalang sila ni Jehova para mabuhay magpakailanman. Nang gawin ni Jehova ang mga tao, inilagay niya sa puso nila ang kagustuhang mabuhay magpakailanman. (Eclesiastes 3:11) Ayaw ng mga magulang na makitang tumatanda at namamatay ang mga anak nila, at ganiyan din si Jehova. Pero kung nilalang tayo ng Diyos para mabuhay magpakailanman, bakit tayo namamatay?
BAKIT TAYO NAMAMATAY?
9. Bakit makatuwiran ang utos na ibinigay ni Jehova kina Adan at Eva?
9 Sa hardin ng Eden, sinabi ni Jehova kay Adan: “Makakakain ka ng bunga mula sa bawat puno sa hardin hanggang sa masiyahan ka. Pero huwag kang kakain ng bunga mula sa puno ng pagkaalam ng mabuti at masama, dahil sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:9, 16, 17) Hindi mahirap sundin ang malinaw na utos na iyon, at may karapatan si Jehova na sabihin kina Adan at Eva kung ano ang mabuti at masama. Kung susundin nila si Jehova, maipapakita nilang iginagalang nila ang awtoridad niya at nagpapasalamat sila sa lahat ng ibinigay niya.
10, 11. (a) Ano ang ginawa ni Satanas para sumuway sa Diyos sina Adan at Eva? (b) Bakit hindi mapapatawad sina Adan at Eva?
10 Nakakalungkot, pinili nina Adan at Eva na suwayin si Jehova. Sinabi ni Satanas kay Eva: “Talaga bang sinabi ng Diyos na hindi kayo puwedeng kumain ng bunga mula sa lahat ng puno sa hardin?” Sumagot si Eva: “Puwede kaming kumain ng bunga ng mga puno sa hardin. Pero kung tungkol sa bunga ng puno na nasa gitna ng hardin, sinabi ng Diyos: ‘Huwag kayong kakain ng bunga mula sa punong iyon at huwag ninyong hihipuin iyon para hindi kayo mamatay.’”—Genesis 3:1-3.
11 Pagkatapos, sinabi ni Satanas: “Tiyak na hindi kayo mamamatay. Dahil alam ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo ng bunga mula sa punong iyon, mabubuksan ang mga mata ninyo at magiging tulad kayo ng Diyos, na nakaaalam ng mabuti at masama.” (Genesis 3:4-6) Gusto ni Satanas na isipin ni Eva na puwede siyang magdesisyon kung ano ang mabuti at masama. Nagsinungaling din siya tungkol sa mangyayari kay Eva kapag sumuway ito. Sinabi ni Satanas na hindi mamamatay si Eva, kaya kumain si Eva ng bunga at binigyan din ang asawa niya. Alam nina Adan at Eva na sinabi ni Jehova na huwag silang kakain ng bunga. Nang kainin nila ito, pinili nilang suwayin ang isang malinaw at makatuwirang utos. Ipinakita rin nilang hindi nila iginagalang ang kanilang mapagmahal na Ama sa langit. Hindi mapapatawad ang ginawa nila!
12. Bakit napakasakit para kay Jehova ang pagsuway nina Adan at Eva?
12 Talagang napakasakit sa Maylalang ang kawalang-galang ng unang mga magulang natin! Ano ang mararamdaman mo kung matapos mong palakihin ang mga anak mo ay magrebelde sila sa iyo at suwayin ang utos mo? Hindi ba’t masasaktan ka?
13. Ano ang ibig sabihin ni Jehova nang sabihin niyang “sa alabok ka babalik”?
13 Nang sumuway sina Adan at Eva, naiwala nila ang pagkakataong mabuhay magpakailanman. Sinabi ni Jehova kay Adan: “Ikaw ay alabok, kaya sa alabok ka babalik.” (Basahin ang Genesis 3:19.) Ibig sabihin, magiging alabok ulit si Adan, na para bang hindi siya ginawa. (Genesis 2:7) Matapos magkasala ni Adan, namatay siya at hindi na umiral.
14. Bakit tayo namamatay?
14 Kung sumunod lang sina Adan at Eva sa Diyos, buháy pa sana sila ngayon. Pero nang sumuway sila, nagkasala sila at di-nagtagal ay namatay. Ang kasalanan ay parang isang malubhang sakit na namana natin sa unang mga magulang natin. Ipinanganak tayong makasalanan, kaya namamatay tayo. (Roma 5:12) Pero hindi iyan ang layunin ng Diyos para sa tao. Hindi niya kailanman gustong mamatay ang tao, kaya tinatawag ng Bibliya ang kamatayan na “kaaway.”—1 Corinto 15:26.
PINAPALAYA TAYO NG KATOTOHANAN
15. Paano tayo napapalaya ng katotohanan tungkol sa kamatayan?
15 Ang katotohanan tungkol sa kamatayan ay nagpapalaya sa atin sa maraming maling ideya. Itinuturo ng Bibliya na ang mga patay ay hindi na nasasaktan o nalulungkot. Hindi natin sila puwedeng makausap, at hindi rin nila tayo kayang kausapin. Hindi natin sila matutulungan, at hindi rin nila tayo matutulungan. Hindi nila tayo kayang saktan, kaya hindi tayo dapat matakot sa kanila. Pero itinuturo ng maraming relihiyon na nabubuhay sila sa ibang lugar at na matutulungan natin sila kung magbabayad tayo sa mga pari o lider ng relihiyon para magpadasal o magpamisa para sa kanila. Pero kung alam natin ang katotohanan tungkol sa kamatayan, hindi tayo madadaya ng mga kasinungalingang iyon.
16. Anong kasinungalingan ang itinuturo ng maraming relihiyon tungkol sa mga patay?
16 Ginagamit ni Satanas ang huwad na relihiyon para magsinungaling sa atin at ipaisip na buháy pa ang mga patay. Halimbawa, itinuturo ng ilang relihiyon na kapag namatay tayo, may bahagi sa atin na patuloy na nabubuhay sa ibang lugar. Iyan ba ang itinuturo ng relihiyon mo, o itinuturo nito ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga patay? Gumagamit si Satanas ng kasinungalingan para ilayo ang mga tao kay Jehova.
17. Bakit isang insulto kay Jehova ang ideya na sinusunog ang mga tao sa impiyerno?
17 Nakakapangilabot ang itinuturo ng maraming relihiyon. Halimbawa, itinuturo ng ilan na ang masasama ay masusunog sa impiyerno magpakailanman. Isang insulto kay Jehova ang kasinungalingang iyan. Hinding-hindi niya hahayaang maghirap ang mga tao sa ganoong paraan! (Basahin ang 1 Juan 4:8.) Ano ang mararamdaman mo sa isang tao na sinusunog ang kamay ng anak niya bilang parusa? Tiyak na iisipin mong napakalupit niya, at hindi mo siya gugustuhing makilala. Ganiyan mismo ang gusto ni Satanas na maramdaman natin kay Jehova!
18. Bakit hindi tayo dapat matakot sa mga patay?
18 Sinasabi ng ilang relihiyon na kapag namatay ang mga tao, nagiging espiritu sila. Itinuturo ng mga relihiyong ito na dapat nating igalang at katakutan ang mga espiritung iyon dahil puwede silang maging makapangyarihang kaibigan o malupit na kaaway. Marami ang naniniwala sa kasinungalingang iyan. Natatakot sila sa mga patay, kaya sinasamba nila ang mga ito sa halip na si Jehova. Tandaan, wala nang nararamdaman ang mga patay, kaya hindi tayo dapat matakot sa kanila. Si Jehova ang ating Maylalang. Siya ang tunay na Diyos, kaya siya lang ang dapat nating sambahin.—Apocalipsis 4:11.
19. Ano ang naitulong sa atin ng pagkaalam ng katotohanan tungkol sa kamatayan?
19 Kapag alam natin ang katotohanan tungkol sa kamatayan, napapalaya tayo mula sa kasinungalingan ng mga relihiyon. At natutulungan tayo ng katotohanang ito na maintindihan ang magagandang pangako ni Jehova para sa atin at sa kinabukasan natin.
20. Ano ang matututuhan natin sa susunod na kabanata?
20 Noon, nagtanong ang lingkod ng Diyos na si Job: “Kung mamatay ang isang tao, mabubuhay pa ba siyang muli?” (Job 14:14) Puwede ba talagang mabuhay-muli ang isang namatay? Napakaganda ng sagot diyan ng Bibliya. Malalaman natin iyan sa susunod na kabanata.
a Naniniwala ang ilan na may kaluluwa o espiritu na patuloy na nabubuhay pagkamatay ng isang tao. Para sa iba pang detalye, tingnan ang Karagdagang Impormasyon 17 at 18.