ARAL 24
Hindi Sila Tumupad sa Pangako
Sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Umakyat ka dito sa bundok. Isusulat ko sa mga tapyas na bato ang mga utos ko at ibibigay sa iyo.’ Umakyat si Moises sa bundok at 40 araw at gabi siyang nanatili doon. Habang nandoon siya, isinulat ni Jehova sa dalawang tapyas na bato ang Sampung Utos at ibinigay ang mga iyon kay Moises.
Nang magtagal-tagal, inakala ng mga Israelita na iniwan na sila ni Moises. Sinabi nila kay Aaron: ‘Gusto namin ng isang mangunguna sa amin. Igawa mo kami ng isang diyos!’ Sinabi ni Aaron: ‘Ibigay n’yo sa akin ang inyong mga ginto.’ Tinunaw niya ang mga ginto at ginawang isang estatuwang guya, o batang baka. Sinabi ng mga Israelita: ‘Ang guyang ito ang Diyos na naglabas sa atin mula sa Ehipto!’ Sumamba sila sa gintong guya at nagdiwang. Mali ba iyon? Oo, kasi nangako silang si Jehova lang ang sasambahin nila. Pero ngayon, hindi nila tinutupad ang pangakong iyon.
Nakikita ni Jehova ang nangyayari. Sinabi niya kay Moises: ‘Bumaba ka. Sinusuway ako ng bayan at sumasamba sila sa diyos-diyusan.’ Bumaba si Moises sa bundok dala ang dalawang tapyas na bato.
Habang papalapit si Moises sa kampo, narinig niyang nagkakantahan ang mga Israelita. ’Tapos, nakita niya silang nagsasayawan at yumuyukod sa estatuwa. Galít na galít si Moises. Inihagis niya ang dalawang tapyas na bato at nabasag ang mga ito. Sinira niya agad ang estatuwa. Pagkatapos, tinanong niya si Aaron: ‘Paano ka nila nakumbinsing gawin ang napakasamang bagay na ito?’ Sinabi ni Aaron: ‘Huwag kang magalit. Kilala mo naman ang mga taong ito. Gusto nila ng isang diyos, kaya inihagis ko sa apoy ang mga ginto nila at lumabas ang guyang ito!’ Hindi iyon dapat ginawa ni Aaron. Umakyat ulit si Moises sa bundok at nakiusap kay Jehova na patawarin ang bayan.
Pinatawad ni Jehova ang mga gustong sumunod sa kaniya. Napakahalagang sundin ng mga Israelita ang pangunguna ni Moises, ’di ba?
“Kapag nanata ka sa Diyos, huwag mong ipagpaliban ang pagtupad dito, dahil hindi siya nalulugod sa mga mangmang. Tuparin mo ang ipinanata mo.”—Eclesiastes 5:4