ARAL 35
Nanalangin si Hana na Magkaroon Siya ng Anak
May isang lalaking Israelita na ang pangalan ay Elkana. May dalawa siyang asawa, sina Hana at Penina, pero mas mahal niya si Hana. Maraming anak si Penina at lagi niyang inaasar si Hana kasi walang anak si Hana. Taon-taon, isinasama ni Elkana sa Shilo ang pamilya niya para sumamba sa tabernakulo. Nang minsang pumunta sila doon, napansin ni Elkana na ang lungkot-lungkot ni Hana. Sinabi niya: ‘Huwag ka nang umiyak, Hana. Nandito naman ako. Mahal na mahal kita.’
Mayamaya, bumukod si Hana para manalangin. Iyak siya nang iyak habang nagmamakaawa kay Jehova na tulungan siya. Nangako siya: ‘Diyos na Jehova, kung bibigyan n’yo po ako ng anak na lalaki, ibibigay ko siya sa inyo, at habambuhay siyang maglilingkod sa inyo.’
Nakita ng mataas na saserdoteng si Eli na humihikbi si Hana, kaya akala niya, lasing ito. Sinabi ni Hana: ‘Hindi po ako lasing, panginoon ko. May problema po ako, at iyon po ang sinasabi ko kay Jehova.’ Napag-isip-isip ni Eli na nagkamali siya, kaya sinabi niya: ‘Sana, ibigay ng Diyos ang hinihingi mo.’ Gumaan ang pakiramdam ni Hana. At wala pang isang taon pag-uwi nila, nagkaanak nga siya. Samuel ang ipinangalan niya dito. Naiisip mo ba kung gaano kasaya si Hana noon?
Hindi nalimutan ni Hana ang pangako niya kay Jehova. Nang awatin na ni Hana sa pagdede si Samuel, dinala niya ito sa tabernakulo para maglingkod doon. Sinabi niya kay Eli: ‘Ito po ang batang hiniling ko sa panalangin. Ipinapahiram ko siya kay Jehova habambuhay.’ Taon-taon, dinadalaw nina Elkana at Hana si Samuel at dinadalhan siya ng bagong damit na walang manggas. Binigyan ni Jehova si Hana ng tatlo pang anak na lalaki at dalawang anak na babae.
“Patuloy kayong humingi at bibigyan kayo, patuloy kayong maghanap at makakakita kayo.”—Mateo 7:7