ARAL 50
Ipinagtanggol ni Jehova si Jehosapat
Si Jehosapat, hari ng Juda, ay kumilos para sirain ang mga altar ni Baal at ang mga diyos-diyusan sa lupain. Gusto niyang malaman ng bayan ang kautusan ni Jehova. Kaya nagpadala siya ng mga prinsipe at mga Levita sa lahat ng lunsod ng Juda para ituro sa mga tao ang kautusan ni Jehova.
Hindi sinasalakay ng kalapit na mga bansa ang Juda kasi alam nilang ipagtatanggol ni Jehova ang kaniyang bayan. Nagdala pa nga sila ng mga regalo kay Haring Jehosapat. Pero ang mga Moabita, Ammonita, at ang mga nasa rehiyon ng Seir ay dumating para makipaglaban sa Juda. Alam ni Jehosapat na kailangan niya ang tulong ni Jehova. Pinapunta niya sa Jerusalem ang lahat ng lalaki, babae, at bata. Sa harap nilang lahat, nanalangin siya: ‘Diyos na Jehova, kung wala kayo, hindi kami mananalo. Pakisuyong sabihin n’yo sa amin kung ano’ng gagawin namin.’
Sinagot ni Jehova ang panalangin: ‘Huwag kayong matakot. Tutulungan ko kayo. Pumunta kayo sa inyong puwesto, manatiling nakatayo, at tingnan kung paano ko kayo ililigtas.’ Paano sila iniligtas ni Jehova?
Kinaumagahan, pumili si Jehosapat ng mga mang-aawit at sinabi sa kanilang magmartsa sa unahan ng hukbo. Nagmartsa sila mula sa Jerusalem papunta sa lugar ng labanan na tinatawag na Tekoa.
Habang masayang pinupuri ng mga mang-aawit si Jehova, nakipaglaban si Jehova para sa kaniyang bayan. Nilito niya ang mga Ammonita at mga Moabita kaya sila-sila ang nagpatayan, at walang natirang buháy. Pero ipinagtanggol ni Jehova ang mamamayan ng Juda, ang mga sundalo, at mga saserdote. Nabalitaan ng lahat ng tao sa kalapit na mga bansa ang ginawa ni Jehova, at nalaman nilang ipinagtatanggol pa rin ni Jehova ang kaniyang bayan. Paano inililigtas ni Jehova ang kaniyang bayan? Sa maraming paraan. Hindi niya kailangan ang tulong ng mga tao para magawa iyon.
“Hindi ninyo kailangang lumaban sa digmaang ito. Pumunta kayo sa inyong mga puwesto, manatili kayong nakatayo, at tingnan ninyo ang pagliligtas ni Jehova sa inyo.”—2 Cronica 20:17