ARAL 52
Ang Maapoy na Hukbo ni Jehova
Ang Israel ay patuloy na sinasalakay ni Haring Ben-hadad ng Sirya. Pero dahil laging binababalaan ni propeta Eliseo ang hari ng Israel, nakakatakas ito. Kaya naisip ni Ben-hadad na kidnapin si Eliseo. Nang malaman niyang nasa lunsod ng Dotan si Eliseo, nagpadala siya doon ng isang hukbong Siryano para hulihin siya.
Gabi noong dumating sa Dotan ang mga Siryano. Kinaumagahan, lumabas ang lingkod ni Eliseo at nakita niyang napapalibutan ng malaking hukbo ang buong lunsod. Takót na takót siya at napasigaw: ‘Eliseo, ano’ng gagawin natin?’ Sumagot si Eliseo: ‘Mas marami tayo kaysa sa kanila.’ Agad na ipinakita ni Jehova sa lingkod ni Eliseo ang mga kabayo at maaapoy na karwaheng pandigma na nasa mga bundok sa palibot ng lunsod.
Nang huhulihin na ng mga sundalong Siryano si Eliseo, nanalangin siya: ‘Diyos na Jehova, bulagin n’yo po sila.’ Biglang-bigla, hindi na alam ng mga sundalo kung nasaan sila, kahit nakakakita sila. Sinabi ni Eliseo sa mga sundalo: ‘Mali ang lunsod na pinuntahan n’yo. Sundan n’yo ako at ihahatid ko kayo sa taong hinahanap n’yo.’ Sinundan nila si Eliseo papunta sa Samaria, ang lugar na tinitirhan ng hari ng Israel.
Hindi na makaatras ang mga Siryano nang mapansin nilang nasa Samaria sila. Tinanong ng hari ng Israel si Eliseo: ‘Papatayin ko ba sila?’ Inisip ba ni Eliseo na iyon na ang pagkakataon para makaganti sa mga taong gustong manakit sa kaniya? Hindi. Sinabi ni Eliseo: ‘Huwag mo silang patayin. Pakainin mo sila at pauwiin pagkatapos.’ Kaya nagpahanda ang hari ng maraming pagkain, at pagkakain nila, pinauwi na sila.
“Nagtitiwala tayo sa kaniya na anuman ang hingin natin ayon sa kalooban niya ay ibibigay niya.”—1 Juan 5:14