ARAL 62
Isang Kahariang Gaya ng Malaking Puno
Isang gabi, nanaginip si Nabucodonosor ng isang nakakatakot na panaginip. Ipinatawag niya ang marurunong na lalaki para ipaliwanag sa kaniya ang ibig sabihin nito. Pero walang makapagpaliwanag ng kaniyang panaginip. Bandang huli, kinausap ng hari si Daniel.
Sinabi ni Nabucodonosor kay Daniel: ‘Sa panaginip ko, may nakita akong isang puno. Tumaas ito nang tumaas hanggang langit. Kitang-kita ito kahit saang lugar sa lupa. Magaganda ang dahon nito at napakarami nitong bunga. Sa lilim nito nagpapahinga ang mga hayop, at sa mga sanga nito gumagawa ng pugad ang mga ibon. Pagkatapos, may bumabang anghel mula sa langit. Sinabi nito: “Putulin n’yo ang puno at alisin ang mga sanga nito. Pero huwag n’yong bunutin ang tuod at ang mga ugat nito, at talian ito ng bakal at tanso. Ang puso ng puno ay magbabago mula sa pagiging puso ng tao tungo sa pagiging puso ng hayop, at lilipas ang pitong panahon. Malalaman ng lahat ng tao na ang Diyos ang Tagapamahala at na kaya niyang bigyan ng kaharian ang sinumang piliin niya.”’
Sinabi ni Jehova kay Daniel ang ibig sabihin ng panaginip. Nang maintindihan ni Daniel ang panaginip, natakot siya. Sinabi niya: ‘O mahal na hari, sana’y tungkol na lang sa iyong mga kaaway ang panaginip na iyon, pero tungkol ’yon sa iyo. Ang malaking punong pinutol ay ikaw. Mawawala sa iyo ang kaharian mo, at kakain ka ng damo sa gubat na parang mailap na hayop. Pero dahil sinabi ng anghel na huwag bunutin ang tuod at ang mga ugat nito, magiging hari ka ulit.’
Pagkalipas ng isang taon, habang naglalakad si Nabucodonosor sa patag na bubong ng palasyo niya at tinitingnan ang Babilonya, sinabi niya: ‘Ang ganda ng lunsod na ito na itinayo ko. Napakagaling ko talaga!’ Habang sinasabi niya ito, may nagsalita mula sa langit: ‘Nabucodonosor! Mawawalan ka ngayon ng kaharian.’
Nang sandaling iyon, nawala sa sarili si Nabucodonosor at naging parang mailap na hayop. Pinaalis siya sa palasyo, kaya sa gubat siya tumira kasama ng maiilap na hayop. Ang buhok ni Nabucodonosor ay humabang gaya ng balahibo ng agila, at ang mga kuko niya ay naging gaya ng mga kuko ng ibon.
Pagkaraan ng pitong taon, naging normal ulit si Nabucodonosor at ibinalik siya ni Jehova bilang hari ng Babilonya. Pagkatapos, sinabi ni Nabucodonosor: ‘Purihin si Jehova, ang Hari ng langit. Ngayon, alam ko nang si Jehova ang Tagapamahala. Tinuturuan niyang magpakumbaba ang mayayabang na tao, at kaya niyang bigyan ng kaharian ang sinumang gustuhin niya.’
“Ang pagmamataas ay humahantong sa pagbagsak, at ang kayabangan ay humahantong sa pagkadapa.”—Kawikaan 16:18