ARAL 66
Nagturo si Ezra ng Kautusan ng Diyos
Mga 70 taon na mula nang makabalik sa Jerusalem ang karamihan sa mga Israelita, pero may ilan pa ring naninirahan sa iba’t ibang bahagi ng Imperyo ng Persia. Isa na dito ang saserdoteng si Ezra, na nagturo ng Kautusan ni Jehova. Nalaman ni Ezra na hindi sumusunod sa Kautusan ang mga taga-Jerusalem, at gusto niyang pumunta doon para tulungan sila. Sinabi ni Haring Artajerjes ng Persia kay Ezra: ‘Ginawa kang marunong ni Jehova para maituro mo ang kaniyang Kautusan. Pumunta ka sa Jerusalem at isama mo ang lahat ng gustong sumama.’ Nakipag-usap si Ezra sa lahat ng gustong bumalik sa Jerusalem. Nanalangin muna sila kay Jehova na ingatan sila sa paglalakbay, at saka sila umalis.
Makalipas ang apat na buwan, nakarating sila sa Jerusalem. Sinabi kay Ezra ng mga prinsipeng nandoon: ‘Sinuway ng mga Israelita si Jehova at nag-asawa ng mga babaeng sumasamba sa mga diyos-diyusan.’ Ano ang ginawa ni Ezra? Sa harap ng mga Judio, lumuhod siya at nanalangin: ‘Diyos na Jehova, napakarami n’yo na pong nagawa para sa amin, pero nagkakasala pa rin kami sa inyo.’ Nagsisi ang mga Judio, pero may ginagawa pa rin silang hindi tama. Pumili si Ezra ng matatandang lalaki at mga hukom para asikasuhin iyon. Nang sumunod na tatlong buwan, ang mga hindi sumasamba kay Jehova ay pinaalis.
Lumipas ang 12 taon. Naitayo na ang pader ng Jerusalem. Kaya pinapunta ni Ezra sa plasa ang mga Judio para basahin sa kanila ang Kautusan ni Jehova. Nang buksan ni Ezra ang aklat, tumayo ang lahat. Pinuri niya si Jehova, at itinaas ng mga Judio ang mga kamay nila para ipakitang sang-ayon sila. ’Tapos, binasa at ipinaliwanag ni Ezra ang Kautusan, at nakinig silang mabuti. Inamin nilang sinuway na naman nila si Jehova, at napaiyak sila. Kinabukasan, ipinagpatuloy ni Ezra ang pagbasa sa kanila ng Kautusan. Nalaman nilang malapit na ang pagdiriwang ng Kapistahan ng mga Kubol. Naghanda agad sila para dito.
Sa loob ng pitong araw ng kapistahan, nagsaya ang bayan at nagpasalamat kay Jehova dahil sa magandang ani. Noon lang ulit nagkaroon ng ganoong Kapistahan ng mga Kubol mula noong panahon ni Josue. Pagkatapos ng kapistahan, nagtipon ang mga tao at nanalangin: ‘Diyos na Jehova, iniligtas n’yo po kami sa pagkaalipin, pinakain noong nasa disyerto, at binigyan ng magandang lupain. Pero paulit-ulit namin kayong sinusuway. Nagpadala kayo ng mga propeta para magbabala, pero hindi kami nakinig. Lagi pa rin kayong nagpapasensiya sa amin. Tinupad n’yo ang inyong pangako kay Abraham. Nangangako kami ngayon na susundin namin kayo.’ Isinulat nila ang kanilang pangako, at tinatakan iyon ng mga prinsipe, Levita, at mga saserdote.
“Maligaya ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”—Lucas 11:28