ARAL 95
Walang Makapigil sa Kanila
Isang lalaking lumpo ang umuupo at namamalimos araw-araw sa may pintuan ng templo. Isang araw, nakita niya sina Pedro at Juan na papunta sa templo. Sinabi niya: ‘Palimos po.’ Sinabi ni Pedro: ‘May ibibigay ako sa iyo na mas mahalaga kaysa sa pera. Sa pangalan ni Jesus, tumayo ka at lumakad!’ Tinulungan ni Pedro na tumayo ang lalaki, at nagsimula itong maglakad! Tuwang-tuwa ang mga tao sa himalang ito kaya marami pa ang nanampalataya.
Pero nagalit ang mga saserdote at mga Saduceo. Hinuli nila ang mga apostol, dinala sa hukuman, at tinanong: ‘Sino ang nagbigay sa inyo ng kapangyarihang pagalingin ang lalaking ito?’ Sinabi ni Pedro: ‘Tumanggap kami ng kapangyarihan mula kay Jesu-Kristo, ang lalaking pinatay ninyo.’ Sumigaw ang mga lider ng relihiyon: ‘Huwag na kayong magturo tungkol kay Jesus!’ Pero sinabi ng mga apostol: ‘Dapat kaming magturo tungkol sa kaniya. Hindi kami titigil.’
Nang makalaya sina Pedro at Juan, pumunta sila sa ibang alagad at ikinuwento ang nangyari. Nanalangin sila kay Jehova: ‘Tulungan n’yo po kaming maging matapang para maipagpatuloy namin ang inyong gawain.’ Binigyan sila ni Jehova ng banal na espiritu, at patuloy silang nangaral at nagpagaling. Dumami pa ang naging Kristiyano. Inggit na inggit ang mga Saduceo kaya ipinahuli nila ang mga apostol at ipinabilanggo. Pero nang gabing iyon, inutusan ni Jehova ang isang anghel na buksan ang pinto ng kulungan at sabihin sa mga apostol: ‘Bumalik kayo sa templo at magturo doon.’
Kinabukasan, ganito ang iniulat sa Sanedrin, o hukuman ng mga lider ng relihiyon: ‘Nakakandado ang kulungan, pero wala na ang mga lalaking ipinakulong n’yo! Nasa templo sila ngayon at nagtuturo sa mga tao!’ Inaresto na naman ang mga apostol at dinala sa Sanedrin. Sinabi ng mataas na saserdote: ‘Hindi ba sinabi na namin sa inyong huwag na kayong magturo tungkol kay Jesus?’ Pero sumagot si Pedro: ‘Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala, hindi ang mga tao.’
Sa sobrang galit ng mga lider ng relihiyon, gusto nilang patayin ang mga apostol. Pero nagsalita ang Pariseong si Gamaliel: ‘Mag-ingat kayo! Baka kakampi ng mga lalaking ito ang Diyos. Talaga bang gusto n’yong lumaban sa Diyos?’ Nakinig sila sa kaniya. Pinagpapalo nila ang mga apostol at inutusan ulit na huwag nang mangaral. Pagkatapos ay pinalaya sila. Pero hindi tumigil ang mga apostol. Patuloy nilang ipinangaral ang mabuting balita, sa templo at sa bahay-bahay.
“Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”—Gawa 5:29