ARALIN 01
Paano Ka Matutulungan ng Bibliya?
Marami sa atin ang may tanong tungkol sa buhay, pagdurusa, kamatayan, at sa mangyayari sa hinaharap. Nag-aalala naman ang ilan kung paano makakaraos sa buhay o kung paano magiging masaya ang pamilya nila. Maraming tao ang nagsasabi na natulungan sila ng Bibliya na masagot ang mahahalagang tanong nila sa buhay. At nabigyan din sila nito ng mga payo na nagagamit nila ngayon. Sa tingin mo, makakatulong kaya ang Bibliya sa mga tao?
1. Anong mga tanong ang sinasagot ng Bibliya?
Sinasagot ng Bibliya ang mahahalagang tanong na ito: Paano nagsimula ang buhay? Ano ang layunin ng buhay? Bakit nagdurusa ang mga tao? Ano ang nangyayari sa atin kapag namatay tayo? Kung gusto ng mga tao ng kapayapaan, bakit may mga digmaan? Ano ang mangyayari sa lupa sa hinaharap? Marami ang naghahanap ng sagot sa mga tanong na iyan. At nakita ng milyon-milyong tao ang nakakakumbinsing sagot ng Bibliya.
2. Paano tayo matutulungan ng Bibliya na maging masaya sa buhay?
May magagandang payo ang Bibliya. Halimbawa, itinuturo nito kung paano magiging masaya ang mga pamilya. May mga payo rin ito kung paano mahaharap ang stress at magiging masaya sa trabaho. Malalaman mo ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa mga impormasyong ito at sa iba pa habang pinag-aaralan natin ang publikasyong ito. Makukumbinsi ka na ang “buong Kasulatan [ang lahat ng nasa Bibliya] ay . . . kapaki-pakinabang.”—2 Timoteo 3:16.
Ang publikasyong ito ay hindi pamalit sa Bibliya. Pero ang totoo, mapapakilos ka nito na pag-aralan ang Bibliya. Kaya pinapasigla ka namin na basahin ang mga teksto sa bawat aralin at ikumpara ito sa mga natututuhan mo.
PAG-ARALAN
Alamin kung paano natulungan ng Bibliya ang mga tao, kung paano ka mag-e-enjoy sa pagbabasa nito, at kung bakit maganda na magpatulong sa iba para maintindihan ito.
3. Magagabayan tayo ng Bibliya
Ang Bibliya ay parang flashlight. Magagamit natin ito para makagawa ng tamang desisyon at malaman ang mangyayari sa hinaharap.
Basahin ang Awit 119:105. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano ang Bibliya para sa manunulat ng awit na ito?
Ano ang Bibliya para sa iyo?
4. Masasagot ng Bibliya ang mga tanong natin
May mga tanong ang isang babae na matagal na niyang pinag-iisipan. Paano ito nasagot ng Bibliya? Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Sa video, anong mga tanong ang pinag-iisipan ng babae?
Paano siya natulungan ng pag-aaral ng Bibliya?
Pinapasigla tayo ng Bibliya na patuloy na magtanong. Basahin ang Mateo 7:7. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
May mga tanong ka ba sa buhay na masasagot ng Bibliya?
5. Mag-e-enjoy ka sa pagbabasa ng Bibliya
Maraming tao ang nag-e-enjoy sa pagbabasa ng Bibliya at nakakatulong ito sa kanila. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Sa video, ano ang nararamdaman ng mga kabataan kapag nagbabasa sila?
Kahit hindi sila mahilig magbasa, bakit nila na-e-enjoy ang pagbabasa ng Bibliya?
Sinasabi ng Bibliya na mayroon itong mensahe na tutulong sa atin para makapagtiis tayo at magkaroon ng pag-asa. Basahin ang Roma 15:4. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Interesado ka bang malaman kung anong mga pangako ang tinutukoy sa tekstong ito?
6. Matutulungan tayo ng iba na maintindihan ang Bibliya
Marami ang nagbabasa ng Bibliya. Pero nakita ng iba na malaking tulong kung may kasama sila sa pag-aaral nito. Basahin ang Gawa 8:26-31. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano natin maiintindihan ang Bibliya?—Tingnan ang talata 30 at 31.
MAY NAGSASABI: “Sayang lang ang panahon mo sa pag-aaral ng Bibliya.”
Ano ang isasagot mo? Bakit iyan ang sagot mo?
SUMARYO
May mga payo ang Bibliya na magagamit mo sa buhay. Nasasagot din nito ang mahahalagang tanong. At natutulungan nito ang mga tao na magtiis at magkaroon ng pag-asa.
Ano ang Natutuhan Mo?
Anong mga payo ang makikita sa Bibliya?
Anong mga tanong ang sinasagot ng Bibliya?
Ano ang gusto mong matutuhan sa Bibliya?
TINGNAN DIN
Tingnan kung bakit magagamit pa rin ngayon ang mga payo sa Bibliya.
“Mga Turo ng Bibliya—Hindi Kumukupas na Karunungan” (Ang Bantayan Blg. 1 2018)
Tingnan kung paano nakatulong ang Bibliya sa isang lalaki na nag-iisip na walang halaga ang buhay niya.
Alamin ang mga payo ng Bibliya kung paano magiging masaya ang pamilya.
“12 Sekreto ng Matagumpay na Pamilya” (Gumising! Blg. 2 2018)
Alamin kung paano nililinaw ng Bibliya ang maling akala ng mga tao tungkol sa namamahala sa mundo.